Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 12/15 p. 4-7
  • Pasko—Ito ba’y Tunay na Maka-Kristiyano?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pasko—Ito ba’y Tunay na Maka-Kristiyano?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paganong Pinagmulan ng “Pasko”
  • Isang Masayang Pangyayari
  • Pamaskong Mga Regalo
  • Parangalan si Kristo Bilang Hari!
  • Pasko—Ito Ba’y Maka-Kristiyano?
    Gumising!—1988
  • Makatuwiran ba ang Pag-aaginaldo?
    Gumising!—1992
  • Para Ba sa mga Kristiyano ang Pasko?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Sinasang-ayunan Ba ni Kristo ang Pasko?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 12/15 p. 4-7

Pasko​—Ito ba’y Tunay na Maka-Kristiyano?

AYON sa The World Book Encyclopedia, “Ang Pasko ang siyang araw kung kailan ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang kaarawan ni Jesu-Kristo.” Gayunpaman, sinasabi rin ng ensayklopidiya: “Hindi ipinagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano ang kapanganakan [ni Jesus] sapagkat itinuturing nila na ang selebrasyon ng kapanganakan ninuman ay isang kaugaliang pagano.”

Sumasang-ayon ang The Making of the Modern Christmas, ni Golby at Purdue: “Hindi ipinagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano ang kapanganakan ni Kristo. Ang mga kaarawan mismo ay iniuugnay sa paganong mga gawain; walang sinasabi ang Mga Ebanghelyo tungkol sa aktuwal na petsa ng kapanganakan ni Kristo.”

Kung ang pagdiriwang ng kaarawan ay walang Kristiyanong pinagmulan, papaano naging isang prominenteng kapistahang “Kristiyano” ang kaarawan ni Kristo?

Ang Paganong Pinagmulan ng “Pasko”

“Lahat ay nagdiwang at nagsaya, lubusang itinigil ang trabaho at negosyo sa loob ng isang panahon, ang mga bahay ay napalalamutian ng laurel at ng evergreen, nagdadalawan at nagpapalitan ng mga regalo ang magkakaibigan, at nagreregalo ang mga kliyente sa kanilang mga tagatangkilik. Ang buong panahon ay isang pagsasaya at kabutihang-loob, at nagpapakasawa ang mga tao sa lahat ng uri ng aliwan.”​—Paganism in Christian Festivals, ni J. M. Wheeler.

Ang paglalarawan bang ito ay katugma sa mga pagdiriwang ng Pasko na alam ninyo? Nakapagtataka na ito ay hindi Pasko! Sa halip, iyan ay paglalarawan ng Saturnalia​—isang sanlinggong paganong kapistahang Romano na kaugnay ng winter solstice (inilarawan sa kabilang pahina). Ang kaarawan ng di-magaping araw ay ipinagdiriwang kung Disyembre 25, isang pangunahing kapistahan sa pagsamba kay Mitra sa Roma.

Ayon sa The New Encyclopædia Britannica, “ang Disyembre 25, kaarawan ni Mitra, ang taga-Iran na diyos ng liwanag at . . . ang araw na itinalaga sa di-malupig na araw, gayundin ang araw pagkatapos ng Saturnalia, ay tinanggap ng iglesya bilang Pasko, ang kapanganakan ni Kristo, upang hadlangan ang mga epekto ng mga kapistahang ito.” Kaya ang paganong pagdiriwang ng kaarawan ay nagpatuloy taglay ang simpleng pagbabago sa pangalan, mula kay Mitra tungo kay Kristo!

Gayunman, maaaring madama ninyo na ang kapanganakan ng Anak ng Diyos, si Jesus, ay isang natatanging bagay, na nararapat alalahanin. Ang pagsusuri sa sinasabi ng Bibliya tungkol dito ay mapatutunayang totoong nagbibigay-liwanag.

Isang Masayang Pangyayari

Inilalarawan ng ika-2 kabanata ng Ebanghelyo ni Lucas 2 ang eksena. Sinasabi ni Lucas kung papaano tumugon ang makalangit na mga anghel, mapakumbabang mga pastol, taimtim na mga lingkod ng Diyos, at si Maria mismo sa mahalagang pangyayaring ito.

Isaalang-alang muna ang ‘mga pastol na naninirahan sa labas’ na “nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan,” na hindi nila magagawa sa kalagitnaan ng taglamig. Nang ang “anghel ni Jehova” ay nagpakita at ang kaluwalhatian ni Jehova ay suminag sa palibot nila, ang mga pastol ay natakot sa pasimula. Napanatag sila nang ipaliwanag ng anghel: “Huwag kayong matakot, sapagkat, narito! ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita ng malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao, sapagkat isinilang sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” Nang biglang lumitaw “ang isang karamihan ng makalangit na hukbo” ng mga anghel, batid ng mga pastol na ang kapanganakang ito ay naiiba sa lahat. Kapansin-pansin, hindi nagdala ng anumang regalo ang mga anghel para sa bagong-silang na sanggol. Sa halip, si Jehova ay pinuri ng mga anghel, na nagsasabi: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”​—Lucas 2:8-14.

Likas lamang, nais ng mga pastol na makita mismo ang sanggol na ito, sapagkat si Jehova ang nagpatalastas ng masayang pangyayari. Nang masumpungan nila ang sanggol na nakahiga sa sabsaban, inilahad nila sa mga magulang kung ano ang sinabi ng mga anghel. Pagkatapos ay lumisan na ang mga pastol, “na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos,” hindi ang sanggol.​—Lucas 2:15-18, 20.

Tiyak na si Maria, ang ina ni Jesus, ay nagsaya sa matagumpay na pagsisilang ng kaniyang panganay. Subalit siya rin ay bumuo ng “mga palagay sa kaniyang puso.” Nang magkagayon, siya’y naglakbay sa Jerusalem kasama ng kaniyang asawang si Jose bilang pagsunod sa Batas Mosaiko. Hindi ito isang pagdiriwang ng kaarawan. Sa halip, iyon ay panahon upang iharap ang sanggol sa Diyos, “gaya ng nasusulat sa batas ni Jehova: ‘Bawat lalaki na nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal kay Jehova.’”​—Lucas 2:19, 22-24.

Sa templo sa Jerusalem, nasalubong nina Maria at Jose si Simeon, na inilalarawan ni Lucas bilang “matuwid at mapagpitagan, na naghihintay sa kaaliwan ng Israel.” Palibhasa’y kinasihan, isiniwalat sa kaniya na hindi siya mamamatay hanggang sa makita muna niya “ang Kristo ni Jehova.” Ang sumunod na nangyari ay “sa ilalim [pa rin] ng kapangyarihan ng espiritu [ng Diyos].” Kinalong ni Simeon ang sanggol, hindi, hindi upang bigyan siya ng kaloob, subalit, sa halip, ay pagpalain ang Diyos, sa pagsasabi: “Ngayon, Soberanong Panginoon, pinayayaon mong malaya ang iyong alipin na nasa kapayapaan alinsunod sa iyong kapahayagan; sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong paraan ng pagliligtas na iyong inihanda sa paningin ng lahat ng mga tao.”​—Lucas 2:25-32.

Sumunod, lumapit naman ang may edad nang propetisang si Ana. Siya man ay “nagpasimulang mag-ukol ng pasasalamat sa Diyos at magsalita tungkol sa bata sa lahat niyaong naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.”​—Lucas 2:36-38.

Sina Maria, Simeon, Ana, ang mga pastol, gayundin ang makalangit na mga anghel, ay pawang nagsaya sa pagsilang ni Jesus. Gayunman, pakisuyong pansinin na hindi sila nagpakasasa sa isang maingay na pagdiriwang ng kaarawan, ni sila man ay nagbigayan ng mga regalo. Sa halip, kanilang niluwalhati si Jehova, ang makalangit na Tagapaglaan ng paraan ng kanilang kaligtasan.

Gayunman, maaaring ikatuwiran ng ilan, ‘Tiyak na hindi naman mali ang pagbibigayan ng regalo kung Pasko, sapagkat hindi ba pinarangalan si Jesus ng “tatlong pantas na mga lalaki” sa pamamagitan ng mga regalo?’

Pamaskong Mga Regalo

Muli nating suriin ang ulat ng Bibliya. Masusumpungan mong nakaulat iyon sa Ebanghelyo ni Mateo, kabanata 2. Walang binanggit na anumang pagdiriwang ng kaarawan, ni nagbigay ng anumang espesipikong panahon, bagaman maliwanag na iyon ay di pa natatagalan pagkatapos isilang si Jesus. Sa Mat 2 talatang 1, tinawag ni Mateo ang mga panauhin bilang “mga astrologo [Griego, maʹgoi] mula sa mga silanganing bahagi,” at sa gayo’y mga paganong walang kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova. Sinundan ng mga lalaking ito ang bituin na umakay sa kanila, hindi nang tuwiran sa lugar na sinilangan ni Jesus sa Betlehem, kundi sa Jerusalem, kung saan namamahala si Haring Herodes.

Nang mabalitaan ng balakyot na haring ito na sila’y nagtatanong tungkol sa “isa na isinilang na hari ng mga Judio,” siya’y sumangguni sa mga saserdote upang talagang malaman “kung saan ipanganganak ang Kristo” upang maipapatay niya ang bata. Sumagot ang mga saserdote sa pamamagitan ng pag-ulit sa hula ni Mikas na nagtuturo sa Betlehem bilang siyang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. (Mikas 5:2) Mapagpaimbabaw na nagtagubilin si Herodes sa mga panauhin: “Humayo kayo at gumawa ng maingat na paghahanap sa bata, at kapag nasumpungan ninyo siya ay mag-ulat kayo pagbalik sa akin, upang ako rin ay makaparoon at mangayupapa sa kaniya.” Lumakad na ang mga astrologo, at ang bituin ay “nagpauna sa kanila, hanggang sa ito ay huminto sa itaas ng kinaroroonan ng bata.” Pansinin na siya ay inilarawan bilang isang “bata,” hindi bilang isang bagong-silang na sanggol.​—Mateo 2:1-10.

Tulad ng naaangkop sa maimpluwensiyang mga taga-Silangan na dumadalaw sa isang tagapamahala, ang paganong mga astrologo ay sumubsob at ‘naghandog [sa bata] ng mga kaloob, ginto at olibano at mira.’ Idinagdag pa ni Mateo: “Gayunpaman, dahil sa binigyan sila ng mula-sa-Diyos na babala sa panaginip na huwag bumalik kay Herodes, sila ay umalis patungo sa kanilang bayan sa pamamagitan ng ibang daan.”​—Mateo 2:11, 12.

Buhat sa maikling ulat na ito mula sa Kasulatan, maaaring magtangka ang ilan na humanap ng suporta para sa kanilang pagbibigayan ng regalo kung Pasko. Gayunpaman, ipinaliliwanag ng Discovering Christmas Customs and Folklore na ang kasalukuyang kaugalian ng pagbibigayan ng regalo ay nag-uugat sa mga regalo kung Saturnalia na ibinibigay ng mga Romano sa kanilang mga dukhang kapuwa-tao. “Ang sinaunang iglesya . . . ay tusong naglipat ng kahalagahan nito sa ritwal na paggunita sa mga kaloob ng mga Mago.” Anong laking kaibahan nito sa tunay na mga mananamba​—tulad ng mapakumbabang mga pastol​—​na pinuri lamang ang Diyos nang isilang si Jesus!

Parangalan si Kristo Bilang Hari!

Si Jesus ngayon ay hindi na sanggol. Siya ay isang makapangyarihang Tagapamahala, Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, at siya’y dapat parangalan bilang gayon.​—1 Timoteo 6:15, 16.

Kung ikaw ngayon ay isang adulto, napahiya ka na ba nang, sa iyong harapan, ipinakita ng mga tao ang mga larawan mo bilang isang sanggol? Totoo, ang mga larawang iyon ay nagpapaalaala sa iyong mga magulang ng kanilang kagalakan nang ikaw ay isilang. Ngunit ngayon na may sarili ka nang pagkakakilanlan, hindi ba karaniwan nang nais mong makita ka ng iba kung ano ka ngayon? Gayundin naman, isipin kung gaano kawalang-galang kay Jesus kapag yaong nag-aangking kaniyang mga tagasunod ay lubhang abalang-abala taun-taon sa paganong mga tradisyon ng Pasko at sa pagpaparangal sa sanggol na hindi nila pinararangalan bilang Hari. Aba, kahit noong unang siglo, nangatuwiran si apostol Pablo sa pagiging angkop na isipin ang Kristo kung ano siya ngayon​—isang Hari sa langit. Sumulat si Pablo: “Kung nakilala man namin si Kristo ayon sa laman, tiyak ngang hindi na namin siya kilala ngayon nang gayon”!​—2 Corinto 5:16.

Malapit nang tuparin ni Kristo, bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, ang makahulang pangako na aalisin ang kirot, pagdurusa, sakit, at kamatayan. Siya ang Isa na maglalaan ng sapat na tirahan at kasiya-siyang gawain para sa lahat sa ilalim ng Paraisong mga kalagayan dito sa lupa. (Isaias 65:21-23; Lucas 23:43; 2 Corinto 1:20; Apocalipsis 21:3, 4) Tunay, ang mga ito ay sapat nang mga dahilan upang iwasan na bigyang-kahihiyan si Jesus!

Bilang pagsunod sa sariling halimbawa ni Kristo, sinisikap ng tunay na mga Kristiyano na ibigay sa kanilang kapuwa ang isa sa pinakadakilang mga kaloob na maihahandog ng sinuman​—ang pagkaunawa sa layunin ng Diyos, na maaaring umakay sa buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3) Ang uring ito ng pagreregalo ay nagdudulot sa kanila ng malaking kagalakan, gaya ng sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35; Lucas 11:27, 28.

Ang mga Kristiyano na may tunay na interes sa isa’t isa ay hindi nahihirapang kusang magpahayag ng kanilang pag-ibig anumang panahon sa loob ng isang taon. (Filipos 2:3, 4) Bilang isang payak na halimbawa, talaga namang nakatutuwa na makatanggap ng isang larawan buhat sa kabataang Kristiyano na, matapos makinig sa isang pahayag sa Bibliya, iginuhit iyon bilang kapahayagan ng pasasalamat! Nakapagpapatibay-loob din naman ang isang di-inaasahang handog buhat sa isang kamag-anak bilang sagisag ng pagmamahal ng isang iyon. Gayundin, lubhang nagagalak ang mga magulang na Kristiyano kapag pumipili sila ng angkop na mga okasyon sa buong taon upang magregalo sa kanilang mga anak. Ang ganitong uri ng Kristiyanong pagkabukas-palad ay di-nababahiran ng inaakalang obligasyon sa mga araw ng pagdiriwang o ng paganong tradisyon.

Kaya naman, mahigit na apat at kalahating milyong Kristiyano sa ngayon mula sa lahat ng bansa ang hindi nagdiriwang ng Pasko. Sila ang mga Saksi ni Jehova, na palagiang abala sa pagbibigay sa kanilang kapuwa ng isang patotoo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Malamang na makilala mo sila kapag dinalaw nila ang iyong tahanan, marahil di na magtatagal. Harinawang ang iyong may pananabik na pagtanggap sa kanilang dadalhin sa iyo ay magdulot sa iyong pamilya ng malaking kagalakan, habang natututo ka kung papaano pupurihin ang Diyos na Jehova sa bawat araw ng taon.​—Awit 145:1, 2.

[Larawan sa pahina 7]

Binibigyan ng mga Kristiyano ang kanilang kapuwa ng isa sa mga pinakadakilang kaloob​—ang pagkaunawa sa layunin ng Diyos na umaakay sa buhay na walang-hanggan

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Mga larawan ng Culver

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share