Sa Silangan at sa Kanluran, Pinalalakas ni Jehova ang Kaniyang Bayan
SA MGA teritoryong ibinabawal ang pangangaral, sa mga lupain na pinagwawatak-watak ng karahasan, at sa mga bansa na inalis na kamakailan ang pagbabawal—oo, sa larangan sa buong daigdig—patuloy na binibigyan ni Jehova ang kaniyang mga Saksi ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Corinto 4:7.
Ang Kaunlaran sa Panahon ng Pagbabawal
Sa isang kapuluan ng Dulong Silangan, ang pangangaral ay ipinagbabawal sa loob ng 17 taon na ngayon. Nasisiraan ba ng loob ang mga Saksi? Hindi nga! Nitong nakaraang Mayo, naabot nila ang bagong peak na 10,756 na mamamahayag, na 1,297 sa mga ito ang naglilingkod bilang buong-panahong mga ministro. Habang patuloy na sumásamâ ang mga kalagayan sa daigdig, ang mga tao sa kapuluan ay lalong nakahilig na makinig sa katotohanan. Kaya sila ay nag-ulat ng 15,654 na mga pag-aaral ng Bibliya sa mga tahanan ng mga taong interesado. Una pa rito, 25,397 ang dumalo sa mga pulong na idinaos nang tahimik upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus.
Nang ganapin ang “Banal na Pagtuturo” na Pandistritong mga Kombensiyon—muli nang buong pag-iingat ayon sa lokal na mga kalagayan—ang mga kapatid ay nasiyahang tanggapin, sa sariling wika, ang kanilang mga sipi ng ganoon ding mga aklat na ginawa sa Estados Unidos. Ang mga tagapagsalin, mga proofreader, at iba pa ay nagboluntaryong mag-overtime upang kanilang maihanda sa panahong takda ang ilalabas na pangunahing aklat, na may daan-daang pahina. At isang palimbagan sa labas na handang makipagtulungan ang natuwa noon na gawin ang isang nakalulugod na paglilimbag at pagpapabalat. Nagalak ang mga dumalo sa kombensiyon na tanggapin ang publikasyon, na may kaakit-akit na pagtatanghal ng mahigit na isang libong larawan. Maraming opisyal ng pamahalaan ang may paggalang sa mga Saksi ni Jehova, at ang pananalansang ay nanggagaling pangunahin na sa mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan. Inaasahan na malapit nang alisin ang pagbabawal.
Kumusta Naman ang Amerika?
Ang mga Saksi ni Jehova sa mga bansang ito sa Kanluran ay kaisa ng kanilang mga kapatid sa Silangan sa lakasloob na pagharap sa kanilang mga suliranin, at ang banal na espiritu ni Jehova ay tumutulong sa kanila na madaig ang mahihirap na kalagayan. Halimbawa, nariyan ang sumusunod na pag-uulat buhat sa isang lupain sa Latin Amerika na kung saan ang mga grupong kumukontrol sa produksiyon at pagbibili ng ipinagbabawal na gamot ay regular na tumatawid sa mga kagubatan.
Isang grupo ng mga Saksi ang sumakay sa isang bus patungo sa isang iláng na teritoryo. Samantalang pababa sa bus, napansin nila ang isang maliit na daang palabas buhat sa nayon. Kaya ang limang kapatid na lalaki ay yumaon upang tingnan kung saan patungo ang daang iyon, anupat ang mga kapatid na babae at mga bata ay inatasang gumawa sa nayon. Isa sa mga kapatid ang naglalahad:
“Sa dalawang oras na paglalakad sa daan ay mapapansin na totoong kakaunti ang mga bahay. Pagkatapos, walong armadong lalaki na may takip ang mga ulo ang biglang lumabas sa gubat. Ang ilan ay may mga machine gun, at ang ilan ay may mga matsete. Ano kaya itong nakatagpo namin? Itinanong namin kung ano ang gusto nila, ngunit sinabihan kami na tumahimik at huwag magsalita—basta magpauna kami. Gayon nga ang ginawa namin! Dalawang oras pa ng paglalakad sa masalimuot na kagubatan at kakahuyan at kami ay nakarating sa isang lugar na mahahalatang isang kampo ng mga armado. Mga guwardiyang may mga baril ang nasa lahat ng dako. Sa gitna ay may isang bahay na maayos ang pagkayari at doon kami dinala.
“Nang kami’y nakaupo na kinausap kami ng isa na halatang siyang lider ng kampo. Malinis ang kaniyang kasuutan, edukado, at totoong kagalang-galang. Itinuro niya ang isa sa mga kasama namin sa grupo ng mga kapatid na lalaki at pinatayo siya. Pagkatapos ay tinanong siya: ‘Ano ang masasabi mo tungkol sa [aming] grupo?’ Ngayong alam na kung saan kami naroroon, ang kapatid ay tumugon: ‘Buweno, kilala namin ang inyong grupo, subalit hindi kami interesado dito o sa anumang iba pang grupo sa pulitika. Ang tanging dahilan kung bakit kami naririto ay upang ipangaral ang Kaharian ng Diyos na Jehova sa ilalim ni Kristo Jesus. Napakalapit nang lipulin nito ang lahat ng makapulitikang mga pamahalaan ng sistemang ito ng mga bagay at magdulot ng kahanga-hangang mga pagpapala sa mga tao sa lupang ito sa ilalim ng malaparaisong mga kalagayan—na hindi magagawa ng sinumang tao o grupo ng mga tao.’
“Nagbago ang saloobin ng tao. Siya’y nagsimulang magtanong. ‘Saan ba ninyo natutunan ang lahat ng ito? Papaano kayo inihandang magsalita nang ganiyan?’ Sa loob ng isang oras at kalahati, kami’y nakapagbigay ng isang mainam na patotoo tungkol sa mga kalagayan sa daigdig at naipakita na ipinakikilala ng Bibliya ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan. Ipinaliwanag din namin ang Roma kabanata 13—na kami’y sumusunod sa mga nasa kapangyarihan, subalit kung may pagkakasalungatan sa pagitan ng Salita ni Jehova at ng sa kanila, sinusunod muna namin ang aming Diyos, si Jehova. Sa wakas, inalok namin sa kaniya ang dala naming mga aklat. Siya’y kumuha ng tatlo sa mga ito at ng isang Bibliya at, sa laki ng aming pagtataka, binigyan niya kami ng abuloy para doon. Sinabi niya na babasahin niya ang mga iyon.
“Pagkatapos, sinenyasan ng lider ang isa sa mga lalaki upang samahan kami sa paglabas sa kampo. Mga ilang sandali pa at kami’y pauwi na, anupat si Jehova ang pinasasalamatan sa aming tagumpay sa isa pang larangan ng pagpapatotoo.”
Sa Magulong Aprika
Sa pagitan ng Dulong Silangan at ng malayong Kanluran ay naroon ang kontinente ng Aprika. Dahilan sa paglalaban-laban ng mga tribo ang mga bansa roon ay mistulang alimpuyo ng karahasan. Sa Liberia, ang bayan ni Jehova ay lubhang naapektuhan ng pagsiklab ng giyera sibil. Nagkaroon muna ng paglalabanan sa kabiserang lunsod at sa palibot noong Oktubre at Nobyembre 1992. Pagkatapos, samantalang lumalaganap ang digmaan sa mga lalawigan, buong mga kongregasyon ang nagkawatak-watak samantalang ang mga kapatid ay tumatakas patungo sa mga gubat kasama ng iba pa. Gayunman, ang kanilang sigasig ay hindi nagbabago. Sa kanilang pagtakas, sila’y nangangaral, at ang resulta nito ay isang napakalawak na pagpapatotoo sa kadulu-duluhang bahagi ng interyor.
Isang kongregasyon ng mga kapatid na napilitang lumikas sa kanilang mga tahanan ang nagtayo ng isang pansamantalang Kingdom Hall sa gitna ng isang plantasyon ng goma. Sa isang bayan na malapit sa lugar ng labanan, kung araw ang mga sibilyan ay tumatakas tungo sa nakapalibot na plantasyon ng goma upang makaiwas sa mga bombang inihuhulog buhat sa himpapawid. Ang lokal na mga kapatid (kasali ang maraming nagsilikas na mga mamamahayag buhat sa kabisera, ang Monrovia) ay nag-organisa ng ministeryo sa larangan at regular na makikitang nangangaral sa libu-libong nakasilong sa lilim ng mga puno ng goma! Kailanma’t may dumarating na eroplano, ang mga kapatid ay lulundag sa isang karatig na bambang at pagkatapos, kung wala nang panganib, ay magpapatuloy sa kanilang pagpapatotoo.
Kagila-gilalas, ang isang libo at higit pang mga mamamahayag ng kongregasyon ay nakapagpahatid ng mga ulat sa Samahan na may aberids, sa kabila ng mga kalagayang ito ng giyera sibil, na 18.1 oras sa ministeryo sa larangan at nagdaraos ng 3,111 pag-aaral sa Bibliya buwan-buwan.
Sa Aprika noong nakalipas na apat na taon, ang mga paghihigpit sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay inalis sa 18 bansa. Anong laking kagalakan! Noong Agosto 12, ang pagbabawal sa mga Saksi sa Malawi na pinairal noong Oktubre, 1967, ay inalis. Sa tuwina’y masulong ang patagong pangangaral ng mabuting balita, subalit ngayon ay malaya nilang maipagpapatuloy ang pagsulong, bagaman kakailanganin nilang hintayin ang panahong bubuhayin muli at sasalubungin ang maraming mahal na mga kasamahan na pinatay ng mga mapang-api.
Sa Mozambique ay nagkabisa noong Oktubre 4, 1992 ang isang kasunduang pangkapayapaan. Ang mga teritoryong dati’y hindi napupuntahan dahil sa mapaminsalang digmaan ng nakalipas na 16 na taon ay napupuntahan na. Sa lugar ng Carioco, muling nagkaroon ng pakikipagtalastasan sa 375 kapatid na lubusang nawalan ng pakikipagtalastasan sa organisasyon sa lumipas na pitong taon. Isang pantanging isang-araw na asamblea ang idinaos sa Milange, kabisera ng distritong dati’y kilala bilang kinatatayuan ng isang kampong piitan at sentro para sa “reeducation” ng mga Saksi ni Jehova, na marami sa kanila ay mga takas na nanggaling sa Malawi. Isang kamangha-manghang kabuuang bilang na 2,915 katao ang dumalo, kasali na ang administrador ng bayan, na tumanggap sa mga Saksi ni Jehova. Kaya ang dating sentro ng “reeducation” ay naging isang sentro para sa banal na pagtuturo para sa araw na iyon.
Isang misyonero ang sumulat: “Tungkol sa ating mga kapatid na nasa mga refugee camp sa Tete Province, isang kawili-wiling obserbasyon ang ginawa ng isang kinatawan ng UNHCR (United Nations High Commissioner for Refugees.) Sinabi niya na ang mga Saksi ni Jehova ay nag-organisa ng kanilang sariling mga kampo, na hiwalay sa iba pang grupo. ‘Ang kanilang kampo,’ aniya, ‘ang tanging pinangangasiwaan sa nararapat na paraan,’ na isinusog pa, ‘ang mga Saksi ni Jehova ay malilinis, organisado, at edukado.’ Pagkatapos ay inalok niya ako na isasama sakay ng eroplano papunta sa kabilang panig ng kagubatan upang iyon ay makita ko mismo. Nang kami’y nasa himpapawid na, ang piloto ay may itinurong dalawang kampo. Ang isa ay hindi maayos at marumi, at ang mga bahay na putik ay dikit-dikit at walang plano. Ang isa namang kampo ay mainam ang pagkaplano, ang mga bahay ay magkakahiwalay at nakahanay nang bukud-bukod sa tabing daan. Ang mga bahay ay masisinop, malilinis ang mga looban. Ang ilan ay pinintahan pa nga ng pinturang gawang-bahay. ‘Hulaan ninyo kung alin diyan ang sa inyo?’ ang sabi ng piloto. Isang malaking kagalakan para sa akin na makilala ang mga kapatid sa kampong ito. Mayroon na ngayong walong kongregasyon sa nayong ito ng mga Saksi.”
Sa “Lupain ng Agila”
Hindi, hindi ito ang agila ng E.U.! Sa pagitan ng Silangan at Kanluran ay may isang bansa sa Europa, ang Albania, na ang pangalan nito sa opisyal na wika, Shqipëria, ay nangangahulugang “Ang Lupain ng Agila.” Kamakailan, inalis na ang isang malupit na 50-taóng pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa lupaing ito, at sila’y maaari nang makisama sa kanilang mga kapatid buhat sa Silangan at buhat sa Kanluran sa kanilang pagtatamasa ng kalayaan ng pagsamba. Tunay na kanilang “binibili ang naaangkop na panahon.” (Efeso 5:16) Ang unang asamblea sa kasaysayan ng Albania, na isang-araw na asamblea, ay ginanap sa National Theater, sa kabisera, ang Tiranë, noong Linggo, Marso 21. Noong Sabado ng hapon may 75 mga boluntaryong Saksi na gumawa roon at ang sira-sira nang dakong pinagtitipunan ay kinumpuni hanggang sa maging isang maaliwalas, malinis na assembly hall. Ang pangasiwaan ay nanggilalas. At mapapansin na sa 75 boluntaryo, 20 lamang ang bautisado!
Ang lagay ng panahon ay napakainam. Samantalang nagsisidating ang mga delegado mula sa ibayong-dagat, ang mga pagbati—na halos mga pagsesenyasan at pagyayakapan—ang nagpangyari na ang special assembly day na iyon ay maging totoong natatangi. Samantalang nakaunat sa langit ang mga kamay, si Brother Nasho Dori ang nanguna sa pambungad na panalangin. Siya’y nabautismuhan noong 1930 at ngayon ay halos bulag na. Ang programa ay ginanap sa wikang Albaniano, ang kalakhang bahagi ay ginampanan ng mga special pioneer na dayuhan. Inawit ng 585 na dumalo ang awiting “Kristiyanong Pag-aalay”—isa sa anim na awit na isinalin sa wikang Albaniano para sa asamblea—habang 41 bagong mga kapatid ang patungo sa isang pool na may kagandahang-loob na inilagay ng dumadalaw na mga kapatid na Griego sa lokal na Kingdom Hall. Anong laking pagbabago! Dati, ang pagkakaroon lamang ng isang Bibliya ay nangangahulugan ng pagkabilanggo sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho, at ang mga pulong ay limitado sa mga grupo ng dalawa o tatlong katao.
Kinabukasan pagkatapos ng asamblea, ang tanggapan ng Watch Tower ay tumanggap ng isang tawag sa telepono buhat sa direktor ng teatro. Karaniwan nang hindi siya gaanong interesado sa kung sinuman ang gumagamit ng teatro. Iyan ay trabaho ng katulong na direktor. Subalit sinabi niya: “Sadyang tinawagan ko kayo upang pasalamatan. Ngayon ko lamang nakitang gayong kalinis ang dakong ito. Kung ako ang maglalarawan nito, sasabihin ko na isang simoy ng hangin mula sa langit ang nanaog sa aming teatro kahapon. Anumang oras na ibig ninyong gamitin ang aming mga pasilidad, pakisuyong bumalik kayo, at kayo ang una naming bibigyan ng pagkakataong gumamit. Alam ninyo, dapat ay pabalikin namin kayo tuwing tatlong buwan na libre ang inyong paggamit dito.”
Ang mga Saksi ay nagsibalik sa kani-kanilang bayan na taglay ang sigla at pasasalamat at nagsimulang maghanda para sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Pagkaraan lamang ng 15 araw, noong Martes, Abril 6, ang unang hayagang Memoryal ay ginanap sa pitong lugar.
Sa bayan ng Berat, ang dumadalo sa mga pulong ay umaabot sa 170, at galít na galít ang lokal na pari. Sa 33 mamamahayag ng Kaharian sa Berat, 21 ang nabautismuhan sa asamblea. Ang Berat ay nag-ulat ng 472 dumalo sa Memoryal. Ang bilang ng mga dumalo sa iba pang Memoryal ay mataas din, pangunahin nang bunga ng mahusay na pangunguna ng mga special pioneer.
Sa pinaka-Katolikong bayan ng Albania, ang Shkodër, na kung saan may isang basilica, ang simbahan ay nagsimulang maglimbag ng isang buwanang newsletter, at bawat labas ay tumalakay sa “Kung Papaano Maiiwasan ang mga Saksi ni Jehova.” Ang huling labas ay nagsabi: “Ang mga Saksi ni Jehova ay lumusob na sa Shkodër”! Ang malaking hukbo ng dalawang Saksi roon ay nakatipon ng 74 na mabubuti at taimtim na mga tao sa Memoryal. Pagkatapos mapakinggan ang pahayag sa Memoryal, 15 pamilya ang humiling ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Sa isa pang bayan, ang Durres, na kung saan may isang hukbo ng apat na Saksi, ang dumalo ay umabot sa napakainam na bilang na 79.
Dahilan sa pananalansang ng mga kabataang Katoliko, na nagbantang paaalisin ang mga Saksi sa pamamagitan ng pambabato, ang pulong sa Memoryal sa nayon ng Kalmeti i Vogel sa bundok ay inilipat sa tahanan ng isang kapatid na tagaroon, at 22 ang mapayapang nakadalo. May limang mamamahayag sa grupong ito, na ang tatlo sa kanila ay nabautismuhan sa asamblea sa Tiranë.
Sa Vlorë dalawang kabataang lalaki ang tumanggap ng isang sipi ng Ang Bantayan, binasa iyon, at sumulat sa Samahan: “Ngayon ay mga Saksi ni Jehova ang tawag namin sa aming sarili dahilan sa katotohanan na aming natutuhan sa Ang Bantayan. Pakisuyong tulungan kami.” Dalawang special pioneer ang idinistino roon, at isa sa mga kabataang lalaking ito ang agad naging kuwalipikado bilang isang mamamahayag. Siya ay natutuwang makabilang sa 64 na dumalo sa Memoryal sa Vlorë.
Isang kapatid na taga-Albania na natuto ng katotohanan sa Estados Unidos ang bumalik noong mga taon ng 1950 sa kaniyang tinubuang bayan ng Gjirokastër, na kung saan siya ay naglingkod nang abot kaya niya hanggang sa kaniyang kamatayan. Siya’y naghasik ng mga binhi ng katotohanan sa puso ng kaniyang anak na lalaki. Nang alisin na ang pagbabawal, ang anak na ito ay humingi ng tulong sa Samahang Watch Tower. Isa pang taong interesado na naninirahan sa isang nayon sa gawing hilaga ang sumulat din at humingi ng tulong, kaya nagpadala roon ng apat na special pioneer. Noong Miyerkules ng umaga pagkatapos ng Memoryal, isa sa kanila ang tumawag sa tanggapan ng Samahan sa Tiranë na ang sabi: “Hindi ko mapigil ang aking sarili sa pagsasabi sa inyo kung gaano ang nagawa ng espiritu ni Jehova. Kami ay maligayang-maligaya. Ang Memoryal ay isang tagumpay.” Ang bilang ng dumalo ay 106, kasali na ang kanilang grupo ng pitong mamamahayag ng Kaharian.
Ano ba ang kabuuang bilang ng dumalo sa Memoryal? Noong 1992, nang mayroon lamang 30 mamamahayag ng Kaharian, ang dumalo ay 325. Noong 1993, ang 131 mamamahayag ay nagkapagtipon ng 1,318 nagsidalo. Sa kapuwa mga taóng iyan, ang bilang ng dumalo ay makasampung beses ang dami kaysa bilang ng mga mamamahayag. Anong laking kagalakan na makitang “ang munti . . . ay naging isang libo” sa gayong kaikling yugto ng panahon!—Isaias 60:22.
“Habaan Mo ang Iyong mga Lubid”
Habang ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay lumalaganap sa lahat ng sulok ng globo, ganito ang panawagan: “Iyong palakihin ang dako ng iyong tolda. At hayaang iladlad nila ang tabing ng tolda ng iyong dakilang tabernakulo. Huwag kang umurong. Habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang mga sulok ng iyong tolda. Sapagkat lalago ka sa kanan at sa kaliwa.” (Isaias 54:2, 3) Ang paglagong ito sa “dakilang tabernakulo” ng Diyos—na kinakatawan ng pambuong-daigdig na kongregasyon ng mga sumasamba sa kaniya—ay tunay na nahahalata sa Silangang Europa, lalo na sa mga lupain ng dating Unyong Sobyet. Matapos alalayan ang kaniyang mga lingkod sa panahon ng maraming taon ng pagkapigil, ngayon ay binibigyan ni Jehova ang kaniyang mga Saksi ng dinamikong lakas na kailangan upang palawakin at patibayin ang organisasyon.
Sa Moscow, Russia, sa Locomotive Stadium, noong Hulyo 22-25, isang peak na 23,743 ang dumalo sa isang di-malilimutang internasyonal na kombensiyon noong nakaraang taóng serye ng “Banal na Pagtuturo.” Sino ang mag-aakala noon na mangyayari ito, maging noong dalawang taóng lumipas? Subalit hayan sila! Mahigit na 1,000 ang nanggaling sa Hapón at Korea, halos 4,000 ang dumating buhat sa Estados Unidos at Canada, at libu-libong iba pa ang nanggaling sa mahigit na 30 lupain sa South Pacific, Aprika, Europa, at sa iba pang lugar—tunay na isang pagtatagpo ng Silangan at Kanluran. Anong laking pampatibay-loob para sa lahat ng ito ang malayang makihalubilo sa mahigit na 15,000 kapatid nilang taga-Russia! Walang kahulilip ang kagalakan.
Isang kagila-gilalas na kabuuang 1,489 na bagong mga Saksi ang nabautismuhan. Ang bautismo ay binigyan ng malaking publisidad ng media sa buong daigdig, kasali na ang isang magandang larawan sa unang pahina ng The New York Times. Bagaman naghuhumugong ang palakpakan sa panahon ng bautismo, iyon ay nadaig ng pangwakas na pahayag nang, pagkatapos pasalamatan ng tagapagsalita ang 4,752 boluntaryo at ang mga opisyal na tumulong upang maging tagumpay ang kombensiyon, sinabi niya: “Higit sa lahat, ating pinasasalamatan si Jehova!” Oo, ang espiritu ni Jehova ang pumigil sa matinding pananalansang buhat sa Ortodoksong mga relihiyonista at nagbigay ng kailangang kalakasan na nagpangyaring ang kombensiyon ay maging isang nakagagalak na katunayan.
Gayunman, higit pa ang nakatakdang dumating sa lunsod ng Kiev sa Ukraine, noong Agosto 5-8. Muli, kusang-loob na mga boluntaryo ang nag-ayos sa istadyum, at ang pagkalaki-laking Kingdom Hall na ito ay nagamit ng 64,714 na siyang pinakamataas na bilang ng dumalo. Minsan pa, ang mga Saksi ay nanggaling sa Silangan at sa Kanluran at sa lahat ng panig ng daigdig. Ang pangunahing mga pahayag ay isinalin sa 12 wika. Mga 53,000 delegado, na sakay ng eroplano, tren, o bus, ang kinailangang salubungin sa mga istasyon at airport at ihatid sa kani-kanilang tuluyan sa mga otel, paaralan, at pribadong mga tahanan, gayundin sa mga barko. Lahat ng ito ay naisagawa sa maliit na gastos taglay ang mabilis at mahusay na organisasyon na pumukaw sa paghanga at papuri buhat sa pulisya ng lunsod.
Ang tugatog ng lubhang nakagagalak na programa ng kombensiyon ay ang pagbabautismo na gumugol ng dalawa at kalahating oras. Isang kabuuang bilang na 7,402 bagong mga kapatid ang sinagisagan ang kanilang pag-aalay kay Jehova, habang ang palakpakan ay muli’t muling umalingawngaw sa palibot ng napakalaking istadyum. Ito’y higit pa kaysa naunang peak sa bautismo ng 7,136 na napaulat nang 253,922 kombensiyonista ang nagtipon sa New York City noong 1958.
Samantalang ang panahong ito ng paghuhukom ay patapos na, ang tulad-tupang mga tao buhat sa Silangan, Kanluran, at maging sa “pinakamalayong bahagi ng lupa” ay tinitipon sa pagkakaisang wala pang katulad sa buong kasaysayan ng tao. Oo, isang “malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang sumasama sa espirituwal na Israel sa paghahayag ng kanilang pananampalataya sa mahalagang haing pantubos ni Jesus, ang saligan ng lahat ng nagaganap bilang pagbabangong-puri sa soberanong pamamahala ni Jehova.—Gawa 1:8; Apocalipsis 7:4, 9, 10.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Nagtagpo ang Silangan at Kanluran sa Moscow at Kiev