Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 1/1 p. 24-28
  • Hindi Kami Kailanman Pinabayaan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi Kami Kailanman Pinabayaan ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Natutuhan ang Katotohanan ng Bibliya
  • Pangangaral sa Kabila ng Pagsalansang
  • Kahirapan Noong Digmaang Pandaigdig II
  • Sinubok sa Isyu ng Neutralidad
  • Pagbabalik sa Aming Tinubuang Nayon
  • Naputol ang Suplay ng Literatura
  • Naragdagan ang mga Suliranin
  • Malalaking Pagbabago
  • Para sa Kaharian ng Diyos Lamang
  • Naglaan si Jehova ng “Lakas na Higit sa Karaniwan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Albania at Kosovo
    Mga Karanasan ng mga Saksi ni Jehova
  • Kung Paano Nasapatan ang Aking Espirituwal na Pagkauhaw
    Gumising!—2003
  • Sa Silangan at sa Kanluran, Pinalalakas ni Jehova ang Kaniyang Bayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 1/1 p. 24-28

Hindi Kami Kailanman Pinabayaan ni Jehova

AYON SA PAGKALAHAD NI NASHO DORI

Ang Mbreshtan ay isang munting nayon sa bundok sa gawing timugan ng Albania, malapit sa Gresya. Ako’y isinilang doon noong 1907. Nang ako’y limang taóng gulang, pumasok ako sa isang Griegong paaralan, ngunit nahinto ang aking pag-aaral nang sumalakay ang mga puwersang Italyano sa Albania noong Digmaang Pandaigdig I. Pagkatapos ng digmaan, ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral ngunit ngayon ay sa wikang Albaniano naman.

BAGAMAN hindi gaanong relihiyoso ang aking mga magulang, sinusunod nila ang mga tradisyon ng Simbahang Ortodokso ng Albania. Ang aking lolo ay isang pari sa Mbreshtan, kaya ako’y nagtrabaho sa simbahan at tuwirang nakasaksi sa mga gawain doon. Ang mga ritwal ay waring walang-saysay, at ang pagpapaimbabaw ay nakabahala sa akin.

Bilang pagsunod sa lokal na kaugalian, ang aking mga magulang ay pumili ng isang dalaga na pakakasalan ko. Si Argjiro ay buhat sa kalapit na nayon ng Grabova, at ikinasal kami noong 1928, nang siya ay nasa edad na 18.

Natutuhan ang Katotohanan ng Bibliya

Nang panahong iyon ay inireklamo ko ang Simbahang Ortodokso sa isang pinsan na dumadalaw buhat sa Estados Unidos. “Sa Amerika, malapit sa aking tahanan,” sagot niya, “may isang grupo ng mga tao na walang simbahan, ngunit nag-aaral sila ng Bibliya.” Ang idea ng pag-aaral sa Bibliya nang walang simbahan ay nakaakit sa akin. Kaya hiniling ko na padalhan niya ako ng ilang literatura sa Bibliya.

Lubusan ko nang nalimutan ang aming pinag-usapan hanggang sa makaraan ang isang taon nang makatanggap ako ng isang parsela buhat sa Milwaukee, Wisconsin. Nasa loob nito ang aklat na The Harp of God sa wikang Albaniano at Ang Bantayan sa Griego. Pahapyaw kong binasa ang aklat at napansin ko ang pagtukoy sa tunay na simbahan. Ikinainis ko iyon. ‘Ayaw ko ng anumang bagay na may kinalaman sa simbahan,’ ang sabi ko sa sarili ko. Kaya hindi ko lubusang binasa ang aklat.

Noong 1929, pumasok ako sa hukbo at ipinadala sa lunsod ng Tiranë, ang kabisera ng Albania. Doon ay nakilala ko si Stathi Muçi, na bumabasa ng isang Griegong Bibliya. “Nagsisimba ka ba?” ang tanong ko. “Hindi,” ang kaniyang tugon. “Iniwan ko na ang simbahan. Isa ako sa mga International Bible Student.” Ako at ang isa pang sundalo ay dumalo sa pulong kasama ni Stathi nang kinalingguhan. Doon ay napag-alaman ko na ang tunay na simbahan ay hindi isang gusali o relihiyon, kundi iyon ay binubuo ng pinahirang mga lingkod ni Kristo. Ngayon ay naunawaan ko na ang sinasabi ng The Harp of God.

Sina Nasho Idrizi at Spiro Vruho ay bumalik sa Albania buhat sa Estados Unidos noong mga kalagitnaan ng dekada 1920 at kanilang pinalalaganap ang mga katotohanan sa Bibliya na natutuhan nila roon. Ako’y nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Tiranë, kasama ng ilang Estudyante ng Bibliya. Di-nagtagal ay naging maliwanag sa akin na nasumpungan ko ang organisasyon ni Jehova. Kaya noong Agosto 4, 1930, ako’y nagpabautismo sa kalapit na ilog.

Pagkatapos ay bumalik ako sa Mbreshtan upang ipagpatuloy ang aking trabaho bilang manggagawa ng sapatos. Ngunit higit sa lahat, sinimulan ko ring ibahagi sa iba ang katotohanan sa Bibliya na aking natutuhan. Sinasabi ko sa kanila: “Si Jesu-Kristo ay hindi katulad ng mga imahen sa simbahan. Siya ay buháy!”

Pangangaral sa Kabila ng Pagsalansang

Nang-agaw ng kapangyarihan si Ahmed Bey Zogu noong 1925, at ginawa ang kaniyang sarili na Haring Zog I noong 1928, at siya’y namahala hanggang noong 1939. Sinang-ayunan ng kaniyang ministro sa mga karapatang pantao ang aming Kristiyanong gawain. Gayunpaman, nagkaroon kami ng mga suliranin. Ito ay sapagkat si Musa Juka, ang ministrong panloob, ay malapit na kaalyado ng papa sa Roma. Ipinag-utos ni Juka na tanging tatlong relihiyon lamang ang kikilalanin​—Muslim, Ortodokso, at Romano Katoliko. Tinangka ng pulisya na kumpiskahin ang aming mga aklat at pahintuin ang aming pangangaral, ngunit sila’y nabigo.

Noong dekada ng 1930, madalas kong dalawin ang Berat, isang mas malaking lunsod sa Albania na mula roo’y pinangangasiwaan ni Mihal Sveci ang aming gawaing pangangaral. Nagsaayos kami ng naglilibot na pangangaral sa buong bansa. Minsan ako ay ipinadala sa bayan ng Shkodër sa loob ng dalawang linggo, at nakapaglagay ako ng maraming literatura. Noong 1935 isang grupo kami na nag-arkila ng isang bus upang makapangaral sa bayan ng Këlcyrë. Pagkatapos ay isinaayos ang mas malawak na paglilibot sa Albania para sa mga bayan ng Përmet, Leskovik, Ersekë, Korçë, Pogradec, at Elbasan. Tamang-tamang natapos namin ang paglilibot sa Tiranë upang ganapin ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

Ang suplay ng espirituwal na pagkain ay nakatulong upang kami’y manatiling malakas sa espirituwal, kaya hindi namin nadama kailanman na kami’y pinabayaan. Mula 1930 hanggang 1939, regular kong tinatanggap ang Griegong Bantayan. Tunguhin ko rin na mabasa ang Bibliya nang di-kukulangin sa isang oras bawat araw, na ginawa ko naman sa loob ng mga 60 taon bago lumabo ang aking paningin. Kamakailan lamang nagkaroon ng buong Bibliya sa wikang Albaniano, kaya nagagalak ako na aking natutuhan ang Griego nang ako’y bata pa. Ang ibang Albanianong mga Saksi noong mga panahong iyon ay nag-aral din ng Griego upang mabasa rin naman nila ang buong Bibliya.

Noong 1938, si Argjiro ay nabautismuhan. Pagsapit ng 1939 ay naisilang na ang pito sa sampu naming anak. Nakalulungkot, tatlo sa aming unang pitong anak ang namatay nang sila’y musmos pa.

Kahirapan Noong Digmaang Pandaigdig II

Noong Abril 1939, sandaling panahon bago magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, ang Albania ay sinalakay ng mga tropang Italyanong Pasista. Di-nagtagal at ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, subalit patuloy na nangaral ang aming maliit na grupo ng mga 50 tagapaghayag ng Kaharian. Mga 15,000 sa aming mga aklat at buklet ang kinumpiska at sinira noong Digmaang Pandaigdig II.

Sa tahanan ni Jani Komino ay may nakadugtong na isang malaking bodega para sa mga literatura. Nang matuklasan ng mga puwersang Italyano na ang mga aklat ay inilimbag sa Estados Unidos, nagalit sila. “Kayo ay mga propagandista! Ang Estados Unidos ay laban sa Italya!” sabi nila. Inaresto ang masisigasig na kabataang magkapatid na sina Thomai at Vasili Cama, at nang mapag-alaman na ang mga aklat na ipinamamahagi nila ay nanggaling kay Komino, siya ay inaresto rin. Di-nagtagal at ako’y ipinatawag ng pulisya upang pagtatanungin.

“Kilala mo ba ang mga taong ito?” ang tanong nila.

“Oo,” sabi ko.

“Gumagawa ka bang kasama nila?”

“Oo,” ang sagot ko. “Kami ay mga Saksi ni Jehova. Hindi kami laban sa mga pamahalaan. Kami’y neutral.”

“Namamahagi ka ba ng literaturang ito?”

Nang ako’y sumagot ng oo, ako’y pinosasan nila, at ibinilanggo ako noong Hulyo 6, 1940. Doon ay nakasama ko ang lima pa buhat sa aking nayon​—sina Josef Kaci, Llukan Barko, Jani Komino, at ang magkapatid na Cama. Habang nasa bilangguan ay nakilala namin ang tatlo pang Saksi​—sina Gori Naçi, Nikodhim Shyti, at Leonidas Pope. Kaming siyam ay isiniksik sa isang 1.8 por 3.7 metrong selda!

Pagkaraan ng ilang araw, kami’y ikinadenang magkakasama at dinala sa lunsod ng Përmet. Pagkaraan ng tatlong buwan kami ay inilipat sa bilangguan sa Tiranë at ikinulong nang walong buwan pa na walang paglilitis.

Sa wakas, humarap kami sa isang hukumang militar. Kami ni Brother Shyti ay sinentensiyahan ng 27 buwan, si Brother Komino ng 24 na buwan, at ang iba pa ay pinalaya pagkaraan ng 10 buwan. Inilipat kami sa bilangguan sa Gjirokastër, kung saan tumulong si Brother Gole Flloko na lakarin ang aming paglaya noong 1943. Pagkatapos ay nanirahan ang aming pamilya sa lunsod ng Përmet, kung saan ako ay naging tagapangasiwa ng maliit na kongregasyon.

Bagaman ang aming gawain ay ipinagbawal at nag-aalab ang Digmaang Pandaigdig II sa mga bansang nakapalibot sa amin, patuloy naming ginawa ang aming makakaya upang tuparin ang aming atas na ipangaral ang mensahe ng Kaharian. (Mateo 24:14) Noong 1944 ay may kabuuang bilang na 15 Saksi ang nasa bilangguan. Gayunpaman, sa mahihirap na panahong iyon, hindi namin nadama kailanman na kami’y pinabayaan ni Jehova.

Sinubok sa Isyu ng Neutralidad

Bagaman natapos ang digmaan noong 1945, nagpatuloy ang aming mga suliranin at lumala pa nga. Ipinatupad ang sapilitang pagboto sa eleksiyon noong Disyembre 2, 1946. Sinumang magtangkang di-lumahok ay itinuturing na kaaway ng Estado. Yaong kabilang sa aming kongregasyon sa Përmet ay nagsipagtanong, “Ano ang dapat naming gawin?”

“Kung nagtitiwala kayo kay Jehova,” ang sagot ko, “hindi na ninyo kailangan pang tanungin ako kung ano ang gagawin. Alam na ninyo na ang bayan ni Jehova ay neutral. Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:16.

Sumapit ang araw ng eleksiyon, at dumating sa aming bahay ang mga delegado ng pamahalaan. Mahinahon sila sa simula, “Ah, magkape muna tayo at mag-usap. Alam mo ba kung anong araw ngayon?”

“Oo, ginaganap ngayon ang eleksiyon,” ang sagot ko naman.

“Mabuti pa’y magmadali ka, kung hindi ay baka maantala ka,” sabi ng isang opisyal.

“Hindi, wala akong balak na pumunta. Ang aming boto ay para kay Jehova,” ang sagot ko.

“Buweno, kung gayon ay pumunta ka at bumoto para sa oposisyon.”

Ipinaliwanag ko na ang mga Saksi ni Jehova ay totoong neutral. Nang mabalitaan ang aming paninindigan, naging mas matindi ang panggigipit sa amin. Kami’y inutusang huminto ng pagdaraos ng mga pulong, kaya kami’y nagsimulang magpulong nang palihim.

Pagbabalik sa Aming Tinubuang Nayon

Noong 1947 ako at ang aking pamilya ay bumalik sa Mbreshtan. Di-nagtagal pagkaraan, sa isang maginaw na hapon ng Disyembre, ipinatawag ako sa tanggapan ng Sigurimi (secret police). “Alam mo ba kung bakit kita ipinatawag?” ang tanong ng opisyal.

“Naiisip ko na iyon ay dahil sa mga akusasyong narinig ninyo tungkol sa akin,” ang sagot ko. “Subalit sinasabi ng Bibliya na kami’y kapopootan ng sanlibutan, kaya hindi ko na ipinagtataka ang mga akusasyon.”​—Juan 15:18, 19.

“Huwag mong banggitin sa akin ang Bibliya,” ang bulyaw niya. “Bubugbugin kita.”

Umalis ang opisyal at ang kaniyang mga tauhan ngunit sinabihan ako na tumayo sa labas na doo’y maginaw. Pagkaraan ay pinabalik niya ako sa kaniyang tanggapan at iniutos sa akin na huminto ng pagdaraos ng mga pulong sa aming tahanan. “Ilan ang nakatira sa inyong nayon?” ang tanong niya.

“Isang daan at dalawampu,” ang sabi ko.

“Ano ang relihiyon nila?”

“Ortodokso ng Albania.”

“At ikaw?”

“Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova.”

“Iba ang direksiyon ng isang daan at dalawampung tao at iba naman ang sa iyo?” Pagkatapos ay inutusan niya ako na magtirik ng kandila sa simbahan. Nang sabihin ko na hindi ko gagawin iyon, pinaghahambalos niya ako ng tungkod. Mga ala-una na ng umaga nang sa wakas ako ay palayain.

Naputol ang Suplay ng Literatura

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, kami’y nagsimula na namang tumanggap ng Ang Bantayan sa pamamagitan ng koreo, subalit nang dakong huli ay hindi na inihahatid ang mga magasin. Sumunod, isang gabi nang bandang alas diyes, ipinatawag ako ng secret police. “Isang magasin sa Griego ang dumating,” ang sabi sa akin, “at ibig naming ipaliwanag mo sa amin kung ano iyon.”

“Hindi ako gaanong bihasa sa Griego,” ang sabi ko. “Mas mahusay diyan ang aking kapitbahay. Marahil ay matutulungan niya kayo.”

“Hindi, ang gusto namin ay ipaliwanag mo ito,” sabi ng isang opisyal at inilabas ang ilang Griegong kopya ng Ang Bantayan.

“Ah, akin ang mga ito!” ang naibulalas ko. “Mangyari pa, maipaliliwanag ko ito. Alam ninyo, ang mga magasing ito ay galing sa Brooklyn, New York. Naroon ang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Isa ako sa mga Saksi ni Jehova. Pero mukhang nagkamali sila sa direksiyon. Dapat ay ipinadala sa akin ang mga magasing ito, hindi sa inyo.”

Ayaw nilang ibigay sa akin ang mga magasin, at mula noon hanggang 1991, makaraan ang mahigit na 40 taon, hindi kami nakatanggap ng anumang literatura sa Bibliya sa Albania. Sa loob ng mga taóng iyon, patuloy kaming nangaral, na ang aming mga Bibliya lamang ang ginagamit. Mga 20 Saksi ang nasa bilangguan noong 1949; ang ilan ay may limang-taóng sintensiya.

Naragdagan ang mga Suliranin

Noong dekada ng 1950, ang mga tao’y tinagubilinan na magdala ng mga dokumento na nagpapakitang sinusuportahan nila ang militar. Subalit tumanggi ang mga Saksi ni Jehova na magdala ng gayong dokumento. Dahil dito, kami ni Brother Komino ay nakulong nang karagdagan pang dalawang buwan.

Nang panahong pinahihintulutan ng Estado ang pag-iral ng ilang relihiyon, kami ay nagtatamasa ng isang antas ng kalayaan. Subalit, lahat ng relihiyon ay ipinagbawal noong 1967, anupat ang Albania ay opisyal na naging ganap na ateistikong bansa. Ang mga Saksi ay patuloy na nagdaos ng mga pulong, pero naging napakahirap. Ang ilan sa amin ay naglagay ng pantanging bulsa sa aporo ng aming jacket upang maitago namin ang isang maliit na Bibliya. Pagkatapos ay pumupunta kami sa isang bukid upang basahin iyon.

Nahuli ang mga Saksi sa Tiranë, at tatlo ang sinentensiyahan ng limang taon sa malalayong kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Bunga nito, nagdusa ang kanilang pamilya. Kaming mga galing sa maliliit at nabubukod na mga nayon ay hindi hinuli dahil kami ay hindi itinuturing na isang malaking panganib. Ngunit dahil sa aming neutralidad ay inalis ang aming pangalan sa listahan ng mga tumatanggap ng pagkain. Kaya naman, napakahirap ang buhay. At saka, dalawa pa sa aming mga anak ang namatay. Gayunma’y hindi namin nadama kailanman na kami’y pinabayaan ni Jehova.

Laganap ang takot sa Albania. Lahat ay minamanmanan, at inuulat ng secret police ang sinuman na nangahas magpahayag ng opinyon na iba sa opinyon ng namamahalang partido. Kaya nagpakaingat kami sa paggawa ng nasusulat na mga report tungkol sa aming gawain. Hindi kami makapagpulong sa mga grupong higit pa sa dalawa o tatlo para sa espirituwal na pagpapatibayan. Gayunpaman, hindi kami kailanman huminto ng pangangaral.

Sa pagsisikap na magbangon ng kalituhan sa gitna ng mga kapatid, ang secret police ay nagkalat ng balita na ang isang prominenteng Saksi sa Tiranë ay isang espiya. Ito ay nagpangyari na ang ilan ay mawalan ng tiwala at sa papaano man ay nakaapekto ito sa aming pagkakaisa. Dahil sa walang anumang kasalukuyang literatura sa Bibliya at walang pakikipag-ugnayan sa nakikitang organisasyon ni Jehova, may iilan na napadaig sa takot.

Bukod dito, ang mga awtoridad ay nagkalat ng balita na si Spiro Vruho, isang lubhang iginagalang na Kristiyanong matanda sa Albania, ay nagpatiwakal. “Tingnan ninyo,” sabi nila, “kahit si Vruho ay sumuko na.” Nang maglaon ay naging maliwanag na si Brother Vruho sa aktuwal ay pinaslang.

Noong 1975, kami ni Argjiro ay namalagi sa aming anak na lalaki sa Tiranë sa loob ng ilang buwan. Nang panahon ng eleksiyon, ginipit kami ng mga awtoridad sa lunsod sa pagbabanta na: “Kung hindi kayo boboto, tatanggalin namin sa trabaho ang inyong anak.”

“Dalawampu’t limang taon na sa kaniyang trabaho ang aming anak,” ang sagot ko. “Mayroon kayong detalyadong personal na rekord tungkol sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Hindi ako bumoboto sa nakalipas na 40 taon. Ang impormasyong ito ay karaniwan nang nasa rekord ng mga tauhan. Kung wala roon, kung gayon ay hindi tama ang inyong rekord. Kung iyon naman ay nasa inyong rekord, kung gayon ay hindi kayo naging tapat sa partido dahil pinayagan ninyo siyang magtrabaho nang maraming taon.” Nang marinig ito, sinabi ng mga awtoridad na kung babalik kami sa Mbreshtan, hindi na nila ipagpipilitan pa ang isyung iyon.

Malalaking Pagbabago

Noong 1983 ay lumipat kami buhat sa Mbreshtan tungo sa lunsod ng Laç. Di-nagtagal pagkaraan, noong 1985, namatay ang diktador. Namahala siya sapol nang unang sapilitang eleksiyon noong 1946. Dumating ang panahon na giniba ang kaniyang bantayog, na sumakop nang malaki sa pangunahing liwasan sa Tiranë, at yaong kay Stalin.

Sa mga dekada ng pagbabawal sa aming gawain, maraming Saksi ang pinagmalupitan, at ang ilan ay pinatay. Isang lalaki ang nagsabi ng ganito sa mga Saksi sa lansangan: “Noong panahon ng mga Komunista, kaming lahat ay tumalikod na sa Diyos. Tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nanatiling tapat sa kaniya sa kabila ng mga pagsubok at kahirapan.”

Habang lumalaking kalayaan ang natatamo, siyam ang nag-ulat ng gawain sa Kristiyanong ministeryo noong Hunyo 1991. Noong Hunyo 1992, isang buwan matapos alisin ang pagbabawal, 56 ang nakibahagi sa gawaing pangangaral. Maaga nang taóng iyon ay nag-umapaw ang aming kagalakan dahil 325 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Mula noon ang bilang ng nangangaral ay sumulong sa mahigit na 600, at isang kabuuang bilang na 3,491 ang dumalo sa Memoryal noong Abril 14, 1995! Sa nakalipas na mga taon ay isang di-mailarawang kagalakan para sa akin ang makitang pagkarami-raming kabataan ang nadaragdag sa aming mga kongregasyon.

Si Argjiro ay nanatiling tapat kay Jehova at sa akin sa loob ng maraming taon. Nang ako ay nasa bilangguan o naglalakbay sa gawaing pangangaral, siya’y matiyagang nag-asikaso sa pangangailangan ng aming pamilya nang hindi nagrereklamo. Isa sa aming mga anak na lalaki at ang kaniyang kabiyak ay nabautismuhan noong 1993. Lubhang ikinaligaya namin iyon.

Para sa Kaharian ng Diyos Lamang

Tuwang-tuwa akong makita na gayon na lamang ang pagkakaisa at pagtatamasa ng espirituwal na kasaganaan ng organisasyon ni Jehova sa Albania. Nadama ko ang gaya ng nadama ng matanda nang si Simeon sa Jerusalem na bago mamatay ay pinagkalooban ng napakahalagang pribilehiyo na makita ang matagal-nang-ipinangakong Mesiyas. (Lucas 2:30, 31) Ngayon kapag ako ay tinatanong kung aling anyo ng pamahalaan ang mas gusto ko, sinasabi ko: “Hindi ko gusto ang Komunismo ni ang kapitalismo. Hindi mahalaga kung ang mga tao o ang Estado man ang nagmamay-ari ng lupa. Ang mga pamahalaan ang gumagawa ng mga daan, nagdadala ng koryente sa malalayong nayon, at naglalaan ng isang antas ng kaayusan. Gayunman, ang pamahalaan ni Jehova, ang makalangit na Kaharian, ang siyang tanging lunas sa mahihirap na suliranin na napapaharap sa Albania gayundin sa iba pang bahagi ng daigdig.”

Ang ginagawa ng mga lingkod ng Diyos sa buong lupa na pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos ay hindi gawain ng sinumang tao. Ito ay gawain ng Diyos. Tayo ay mga lingkod niya. Bagaman marami kaming naging suliranin sa Albania at matagal na naputol ang aming pakikipag-ugnayan sa nakikitang organisasyon ni Jehova, hindi niya kami kailanman pinabayaan. Laging narito ang kaniyang espiritu. Ginabayan niya kami sa lahat ng hakbang. Nakita ko ito sa aking buong buhay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share