Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 2/1 p. 4-7
  • Mga Ahente ng Kasamaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Ahente ng Kasamaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Unang Rebelde
  • Nagrebelde ang Iba Pang mga Anghel
  • Mga Kaaway ng Sangkatauhan
  • Hanggang Kailan Sila Papayagang Umiral?
  • Paghihimagsik sa Dako ng mga Espiritu
    Espiritu ng mga Patay—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga Bang Umiiral Sila?
  • Mga Tagapamahala sa Dako ng mga Espiritu
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Ating Matalik na Kaibigan ay Nasa Dako ng mga Espiritu
    Gumising!—1996
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 2/1 p. 4-7

Mga Ahente ng Kasamaan

ANG paliwanag ng Bibliya tungkol sa papel ng mga demonyo sa pamumuhay ng tao ay sumasagot sa saligang mga katanungan tungkol sa kasamaan na hindi masasagot kundi sa gayong paraan. Halimbawa, isaalang-alang ang pangungusap na ito buhat sa International Herald Tribune tungkol sa patuloy na digmaan sa Balkan: “Isang grupo ng mga imbestigador ng European Community ang nanghinuha na ang [mga kawal] ay humalay ng hanggang 20,000 babae at mga batang babaing Muslim . . . bilang bahagi ng isang sistematikong patakarang magpairal ng kakilabutan upang takutin, sirain ang loob at palayasin sila sa kani-kanilang mga tahanan.”

Ang isang sanaysay sa magasing Time ay may di-nakakukumbinsing paliwanag tungkol sa situwasyon: “Kung minsan, ang mga kabataang lalaki sa digmaan ay maaaring nanghahalay upang palugdan ang kanilang mga matatanda, ang kanilang mga opisyal, at kamtin ang isang uri ng pagsang-ayon ng ama sa anak. Ang panghahalay ay patotoo ng isang panata ukol sa kabagsikan ng kaniyang yunit sa hukbo. Ang isang lalaking kabataan na pumapayag gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay ay ipinasakop sa iba ang kaniyang budhi upang makaisa ng matitibay na layunin ng grupo. Pinagtitibay ng isang tao ang kaniyang pagkamatapat sa pamamagitan ng paggawa ng kabuktutan.”

Subalit bakit ang “matitibay na layunin ng grupo” ay lalong masama kaysa budhi ng bawat miyembro? Bilang isang indibiduwal, halos bawat isa ay nagnanasang mamuhay nang payapa kasama ng kaniyang kapuwa. Kaya bakit, sa panahon ng digmaan, nagagawa ng mga tao na manghalay, magpahirap, at magpatayan? Ang isang pangunahing dahilan ay sapagkat kumikilos ang mga puwersa ng mga demonyo.

Ang pagkaunawa sa papel na ginagampanan ng mga demonyo ay isang kalutasan din ng tinatawag ng ilan na isang “suliranin ng teologo.” Ang suliranin ay kung papaano mapagkakasundo ang tatlong idea: (1) ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; (2) ang Diyos ay maibigin at mabuti; at (3) nangyayari ang kakila-kilabot na mga bagay. Ang ilan ay may paniwala na posibleng pagkasunduin ang alinmang dalawa sa mga ideang ito, subalit kailanman ay hindi mapagkakasundo ang tatlo. Ang Salita ng Diyos mismo ang nagbibigay ng sagot, at kasangkot sa sagot na iyan ang di-nakikitang mga espiritu, ang mga ahente ng kasamaan.

Ang Unang Rebelde

Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang Diyos mismo ay isang espiritu. (Juan 4:24) Nang sumapit ang panahon siya ay naging Manlilikha ng angaw-angaw na iba pang espiritung nilalang, mga anak na anghel. Sa pangitain, ang lingkod ng Diyos na si Daniel ay nakakita ng sandaang angaw na anghel. Lahat ng espiritung persona na nilalang ni Jehova ay matuwid at kasuwato ng kaniyang kalooban.​—Daniel 7:10; Hebreo 1:7.

Nang malaunan, nang “ilagay [ng Diyos] ang mga patibayan ng lupa,” ang mga anghel na ito na mga anak ng Diyos ay “umawit na magkakasama” at “nagsimulang maghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:4-7) Subalit isa sa kanila ang tinubuan ng pagnanasang agawin para sa kaniyang sarili ang pagsambang matuwid na nauukol sa Maylikha. Sa paghihimagsik laban sa Diyos, ginawa ng anghel na ito ang kaniyang sarili na isang satanas (ibig sabihin ay “mananalansang”) at isang diyablo (ibig sabihin ay “maninirang-puri”).​—Ihambing ang Ezekiel 28:13-15.

Sa pamamagitan ng paggamit sa isang serpiyente sa Eden upang magsalita sa unang babae, si Eva, siya ay hinikayat ni Satanas upang sumuway sa tuwirang utos ng Diyos na huwag kumain ng bunga ng isang punungkahoy sa halamanan. Pagkatapos, ang kaniyang asawang lalaki ay kumain din. Sa gayon, nakisama ang unang mag-asawa sa anghel sa paghihimagsik laban kay Jehova.​—Genesis 2:17; 3:1-6.

Samantalang ang mga pangyayari sa Eden ay waring isang tuwirang aralin tungkol sa pagsunod, dalawang mahalagang moral na mga isyu ang ibinangon doon ni Satanas. Una, nagbangon si Satanas ng pag-aalinlangan kung ang pamamahala ni Jehova sa kaniyang mga nilalang ay ginagampanan nang matuwid at ukol sa kanilang pinakamagaling na kapakanan. Marahil ang mga tao ay makapamamahala nang mas mabuti sa kanilang sarili. Ikalawa, tinutulan ni Satanas ang bagay na mayroong matatalinong nilalang na mananatiling taimtim at tapat sa Diyos pagka ang pagsunod ay waring walang naidudulot na materyal na mga pakinabang.a

Ang malinaw na pagkaunawa sa mga isyung ibinangon sa Eden, kasama ang pagkaalam sa mga katangian ni Jehova, ay tumutulong sa atin na maunawaan ang solusyon sa “suliranin ng teologo,” samakatuwid nga ang pagkasunduin ang pag-iral ng kasamaan at ang mga katangian ng Diyos na kapangyarihan at pag-ibig. Bagaman totoo na walang-hanggan ang kapangyarihan ni Jehova at siya ang mismong uliran ng pag-ibig, siya rin naman ay marunong at makatarungan. Ginagamit niya ang apat na katangiang ito nang may kasakdalan sa pagkakatimbang. Sa gayon, hindi niya ginamit ang kaniyang di-malalabanang kapangyarihan upang puksain karaka-raka ang tatlong rebelde. Iyan ay maaaring makatarungan ngunit hindi naman isang gawang karunungan o mapagmahal. Isa pa, siya’y hindi basta na lamang nagpatawad at lumimot, na inaakala ng iba na siyang maibiging hakbang. Ang paggawa niyaon ay hindi isang karunungan ni makatarungan.

Panahon ang kinailangan upang malutas ang mga suliranin na ibinangon ni Satanas. Mangangailangan ng panahon upang patunayan kung ang mga tao ay angkop na makapamamahala sa kanilang sarili nang hiwalay sa Diyos. Sa pagpapahintulot na patuloy na mabuhay ang tatlong rebelde, pinangyari rin naman ni Jehova na makibahagi ang mga nilalang sa pagpapabulaan sa pag-aangkin ni Satanas sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos nang may katapatan sa ilalim ng mahihirap na kalagayan.b

Maliwanag na sinabi ni Jehova kina Adan at Eva na kung sila’y kakain ng ibinawal na prutas, mamamatay sila. At namatay nga sila, bagaman tiniyak ni Satanas kay Eva na siya’y hindi mamamatay. Si Satanas man ay nasa ilalim ng hatol na kamatayan; samantala patuloy niyang dinadaya ang sangkatauhan. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”​—1 Juan 5:19; Genesis 2:16, 17; 3:4; 5:5.

Nagrebelde ang Iba Pang mga Anghel

Hindi nagtagal pagkatapos ng mga pangyayari sa Eden, sumali ang ibang mga anghel sa paghihimagsik laban sa pagkasoberano ni Jehova. Sinasabi ng Bibliya: “At nangyari, nang magpasimulang dumami ang mga tao sa balat ng lupa at nagkaanak ng mga anak na babae, nang magkagayo’y nakita ng mga anak na lalaki ng tunay na Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao; at sila’y nagsikuha ng kani-kaniyang asawa, samakatuwid baga, lahat ng kanilang pinili.” Sa ibang pananalita, ang mga anghel na ito ay “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan [sa langit]” at naparito sa lupa, nagkatawang-tao, at nagtamasa ng makalamang kaluguran kasama ng mga babae.​—Genesis 6:1, 2; Judas 6.

Ang paglalahad ay nagpapatuloy sa Genesis 6:4: “Ang mga Nefilim ay nasa lupa noong mga araw na iyon, at pagkatapos din niyan, nang ang mga anak na lalaki ng tunay na Diyos ay nagpatuloy ng pagsiping sa mga anak na babae ng mga tao at sila’y nagkaanak sa kanila, sila ang mga makapangyarihan noong unang panahon, ang mga lalaking bantog.” Ang mestisong mga anak na ito na isinilang ng mga babae at ang ama’y mga anghel ay pambihira ang lakas, “mga makapangyarihan.” Sila’y mga lalaking mararahas, o Nephi·limʹ, isang salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “yaong mga nagpapangyaring mabuwal ang iba.”

Kapansin-pansin na ang mga pangyayaring ito nang malaunan ay ginamit sa mga alamat ng sinaunang mga kabihasnan. Halimbawa, isang 4,000-taóng-gulang na alamat ng mga taga-Babilonya ay naglalarawan sa pambihirang mga tagumpay ni Gilgamesh, isang makapangyarihan, marahas na uri ng diyos na sa “sobrang kahalayan ng laman ay wala na siyang [pinatawad] na birhen kahit ito’y may katipan na.” Ang isa pang halimbawa, buhat sa alamat na Griego, ay ang nakatataas-sa-taong si Hercules (o si Heracles). Ipinanganak ni Alcmene, isang tao, at ang ama ay ang diyos na si Zeus, si Hercules ay humayo upang magsagawa ng sunud-sunod na mararahas na pakikipagsapalaran pagkatapos patayin ang kaniyang asawa at mga anak sa isang sandali ng kabaliwan. Bagaman ang gayong mga alamat ay lubhang pilipit na sa pagsasalin-salin ng lahi, ang mga iyon ay may kaugnayan sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga Nefilim at sa kanilang mapaghimagsik na mga amang anghel.

Dahilan sa impluwensiya ng masasamang anghel at ng kanilang nakatataas-sa-taong mga anak, ang lupa ay lubhang napunô ng karahasan kung kaya ipinasiya ni Jehova na puksain ang sanlibutan sa pamamagitan ng isang malaking baha. Ang mga Nefilim ay napuksa kasama ng masasamang tao; ang matuwid na si Noe at ang kaniyang sambahayan lamang ang nakaligtas.​—Genesis 6:11; 7:23.

Gayunman, hindi namatay ang masasamang anghel. Sa halip, iniwan nila ang kanilang mga katawang-tao at bumalik sa dako ng mga espiritu. Dahilan sa kanilang pagsuway, sila’y hindi pinayagang bumalik sa sambahayan ng Diyos ng matuwid na mga anghel; ni pinahintulutan man silang muling magkatawang-tao gaya ng ginawa nila noong kaarawan ni Noe. Gayunpaman, sila’y patuloy na nagkaroon ng kapaha-pahamak na impluwensiya sa pamumuhay ng sangkatauhan, sa ilalim ng kapangyarihan ng “tagapamahala ng mga demonyo,” si Satanas na Diyablo.​—Mateo 9:34; 2 Pedro 2:4; Judas 6.

Mga Kaaway ng Sangkatauhan

Si Satanas at ang mga demonyo sa tuwina ay handang pumatay at malulupit. Sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, kinuha ni Satanas ang mga alagang hayop ni Job at pinatay ang karamihan sa kaniyang mga utusan. Pagkatapos, pinatay niya ang sampung anak ni Job nang kaniyang pangyarihin “ang isang malakas na hangin” upang magiba ang bahay na kinaroroonan nila. Pagkatapos niyan, pinasibulan ni Satanas si Job ng “isang masamang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa kaniyang puyo.”​—Job 1:7-19; 2:3, 7.

Ang mga demonyo ay nagpapakita ng isang nakakatulad na masamang kalooban. Noong kaarawan ni Jesus, sa kanilang kagagawan ay nagiging pipi at bulag ang sinumang nais nilang maging gayon. Pinapangyari nilang sugatan ng isang tao ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga bato. Ibinalibag nila sa lupa ang isang batang lalaki at “matinding pinangisay siya.”​—Lucas 9:42; Mateo 9:32, 33; 12:22; Marcos 5:5.

Ang mga pag-uulat sa buong daigdig ay nagpapakita na si Satanas at ang mga demonyo ay wala pang nakakatulad ngayon sa kasamaan. Dinudulutan nila ng sakit ang ilang tao. Ang iba ay pinahihirapan nila sa pagpapangyaring sila’y huwag makatulog o binibigyan sila ng kakila-kilabot na mga panaginip o sa pamamagitan ng seksuwal na pang-aabuso sa kanila. At ang iba pa ay pinupukaw nila upang masiraan ng isip, pumatay, o magpatiwakal.

Hanggang Kailan Sila Papayagang Umiral?

Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay hindi papayagang umiral nang walang-hanggan. May mabuting dahilan si Jehova sa kaniyang pagpapahintulot sa kanila na umiral hanggang sa ating kaarawan, subalit ngayon ang panahon nila ay maikli na. Maaga sa siglong ito, isang pangunahing hakbang ang ginawa upang malagyan ng hangganan ang kanilang larangang kinikilusan. Ipinaliliwanag ng aklat ng Apocalipsis: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [ang binuhay-muling si Jesu-Kristo] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon [si Satanas], at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni wala rin namang nasumpungan pang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”​—Apocalipsis 12:7-9.

Ano ba ang naging resulta? Nagpapatuloy ang ulat: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan sa mga iyon!” Ang matuwid na mga anghel ay makapagsasaya sapagkat si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay wala na sa langit. Subalit kumusta naman ang mga tao sa lupa? Sinasabi ng Bibliya: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.”​—Apocalipsis 12:12.

Sa kanilang galit si Satanas at ang kaniyang mga nasasakupan ay desididong gumawa ng pinakamalaking kaabahan hangga’t maaari bago sumapit ang kanilang napipintong kawakasan. Sa siglong ito ay nagkaroon ng dalawang digmaang pandaigdig at mahigit na 150 maliliit na digmaan magbuhat nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Naparagdag sa ating talasalitaan ang mga pananalitang nagbabadya ng karahasan ng salinlahing ito: “germ warfare,” “the Holocaust,” “killing fields,” “rape camps,” “serial killers,” at “the bomb.” Ang mga balita ay punung-puno ng mga istorya ng mga droga, pagpatay, pambobomba, baliw na kumakain ng kapuwa tao, mga lansakang pagpatay, taggutom, at pagpapahirap.

Ang mabuting balita ay na pansamantala lamang ang mga bagay na ito. Sa malapit na hinaharap, kikilos muli ang Diyos laban kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. Sa paglalarawan sa isang pangitaing buhat sa Diyos, sinabi ni apostol Juan: “At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon.”​—Apocalipsis 20:1-3.

Pagkatapos niyan, ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay ‘pakakawalan nang kaunting panahon,’ at pagkatapos sila ay pupuksain na magpakailanman. (Apocalipsis 20:3, 10) Anong kahanga-hangang panahon iyan! Samantalang wala na magpakailanman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, si Jehova ay magiging “ang lahat ng bagay sa bawat isa.” At bawat isa ay tunay ngang “lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—1 Corinto 15:28; Awit 37:11.

[Mga talababa]

a Ito ay niliwanag sa bandang huli nang sabihin ni Satanas tungkol sa lingkod ng Diyos na si Job: “Balat kung balat, ibibigay ng tao ang lahat niyang tinatangkilik alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Para sa pagbabago, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya itatakwil nang mukhaan.”​—Job 2:4, 5.

b Para sa isang detalyadong pagtalakay kung bakit pinapayagan ng Diyos ang kasamaan, tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 7]

Ang tao lamang ba ang may kagagawan ng gayong mga bagay, o kasamang masisisi ang isang masama, di-nakikitang puwersa?

[Credit Line]

Nag-aalab na mga balon ng langis sa Kuwait, 1991:Chamussy/Sipa Press

[Larawan sa pahina 7]

Anong kahanga-hangang panahon ang sasapit pagka ang mga demonyo ay hindi na nakapanliligalig sa sangkatauhan!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share