Aming Hinanap Muna ang Kaharian
AYON SA PAGLALAHAD NI OLIVE SPRINGATE
Kapapatay lamang ni Inay ng kandila na tumatanglaw sa silid at siya’y lumisan matapos pakinggan ang aming panalangin. Agad akong tinanong ng aking nakababatang kapatid na lalaki: “Olive, papaano tayo makikita at maririnig ng Diyos sa kabila ng mga pader na ladrilyo?”
“ANG sabi ni Inay ay nakakakita Siya anumang bagay ang namamagitan,” ang tugon ko naman, “kahit na ang nasa ating mga puso.” Si Inay ay isang babaing may takot sa Diyos at masugid na mambabasa ng Bibliya, at ikinintal niya sa amin ang matinding paggalang sa Diyos at sa mga simulain ng Bibliya.
Ang aming mga magulang ay mga miyembro ng Iglesya Anglikano sa munting bayan ng Chatham, Kent County, Inglatera. Bagaman si Inay ay palagiang nagsisimba, siya’y naniwala na ang pagiging isang Kristiyano ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pakikinig lamang ng isang sermon samantalang ang isa ay nakaupo sa simbahan minsan isang linggo. Natitiyak din niya na ang Diyos ay may iisa lamang tunay na iglesya.
Pagpapahalaga sa Katotohanan ng Bibliya
Noong 1918, nang ako’y mga limang taon lamang, bumili si Inay ng mga aklat na may pamagat na Studies in the Scriptures, isinulat ni Charles T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society. Makalipas ang ilang taon, samantalang naninirahan sa isang munting lugar na tinatawag na Wigmore, si Inay ay nakausap ng isa sa mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Tinanggap niya ang pantulong na aklat sa pag-aaral ng Bibliya na The Harp of God, at doo’y nagsimula siyang makakita ng mga kasagutan sa marami sa kaniyang mga katanungan sa Bibliya. Bawat linggo isang kulay rosas na kard na may nakalimbag na mga tanong sa bawat kabanata ang dumarating sa pamamagitan ng koreo. Ipinakikita rin ng kard kung saan sa aklat masusumpungan ang mga kasagutan.
Noong 1926 ang aking mga magulang, kapatid na babae na si Beryl, at ako ay huminto sa pagiging miyembro ng Iglesya Anglikano dahil sa ikinayamot namin ang pakikialam ng simbahan sa pulitika, at sa maraming di-makatuwirang mga turo nito. Ang isang litaw na turo ay yaong nagsasabing walang-hanggang parurusahan ng Diyos ang mga tao sa isang impiyerno ng apoy. Ang aking ina, na talaga namang humahanap ng katotohanan ng Bibliya, ay kumbinsido na ang Iglesya Anglikano ay hindi siyang tunay.
Hindi nagtagal pagkatapos, bilang sagot sa taimtim na mga panalangin ni Inay, dumalaw sa amin si Mrs. Jackson, isang Estudyante ng Bibliya. Sa loob ng halos dalawang oras, kinausap niya kami ni Inay, anupat sinasagot buhat sa Bibliya ang aming mga katanungan. Gayon na lamang ang kagalakan naming matuto, bukod sa iba pang bagay, na ang aming mga panalangin ay dapat ipahatid sa Diyos na Jehova, ang Ama ni Jesu-Kristo, at hindi sa isang mahiwagang Trinidad. (Awit 83:18; Juan 20:17) Subalit para sa akin ang hindi ko malilimot na katanungan ni Inay ay ito: “Ano ba ang ibig sabihin ng hanapin muna ang Kaharian?”—Mateo 6:33.
Ang salig-Bibliyang kasagutan ay may matinding epekto sa aming buhay. Sa mismong linggong iyon, kami’y nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya at namahagi sa iba ng mga bagay na aming natutuhan. Kami’y kumbinsido na nasumpungan namin ang katotohanan. Makalipas ang ilang buwan, noong 1927, si Inay ay nabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay upang maglingkod kay Jehova, at noong 1930, ako ay nabautismuhan din.
Ang Pagpapayunir
Ang aming pamilya ay dumadalo noon sa Gillingham Congregation, na binubuo ng mga 25 katao. Ang marami sa kanila ay buong-panahong mga ministro, tinatawag na mga payunir, at lahat ay may makalangit na pag-asa. (Filipos 3:14, 20) Ang kanilang sigasig bilang mga Kristiyano ay nakahahawa. Nang ako’y tin-edyer pa, nagpayunir ako nang sandali sa Belgium maaga ng mga taon ng 1930. Ito’y nagpaningas ng aking hangaring mapasulong ang paglilingkuran ko sa Kaharian. Noon ay nakibahagi kami ng pamamahagi sa bawat klerigo ng isang kopya ng buklet na The Kingdom, the Hope of the World.
Dumating ang panahon na ang aking ama ay naging totoong salansang sa aming gawaing Kristiyano, at ito ang isang dahilan kung bakit ako lumipat sa London noong 1932 upang mag-aral sa kolehiyo. Nang malaunan ay nagturo ako sa paaralan nang may apat na taon at sa panahong iyon ay nakiugnay sa Blackheath Congregation, isa sa aapat na kongregasyon noon sa London. Noon kami nagsimulang makabalita tungkol sa pagkabilanggo at paghihirap ng ating mga kapatid na Kristiyano sa Alemanya ni Hitler dahil sila’y tumangging sumuporta sa mga pagsisikap ni Hitler sa digmaan.
Noong 1938, nang mismong buwan na matapos ko ang pagbabayad sa utang para sa mga aklat na binili ko, iniwan ko na ang aking trabaho upang tupdin ang aking naisin na maging isang payunir. Ang kapatid kong si Beryl ay nagsimulang magpayunir sa London nang panahon ding iyon, ngunit siya’y nanirahan sa ibang tahanang pioneer. Ang aking unang kasama sa pagpapayunir ay si Mildred Willett, na noong bandang huli ay napakasal kay John Barr, na ngayon ay isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Kasama ng mga iba pa na nasa aming grupo, kami’y namimisikleta sa pagpunta sa teritoryo at gumagawa kami roon nang maghapon, kadalasan kahit umuulan.
Ang mga ulap ng digmaan ay nagbabanta na sa Europa. Idinaraos ang mga pagsasanay sa paggamit ng mga gas-mask para sa mga mamamayan, at nagsimula na ang mga paghahanda para ilikas ang mga bata patungo sa mga lugar na malalayo sa siyudad o sa maliliit na bayan sakaling magkadigma. Sapat lamang ang perang naipon ko upang makabili ng isang pares ng sapatos, at malayong mangyari na ako’y makatanggap ng pera mula sa aking mga magulang bilang tulong. Subalit hindi ba sinabi ni Jesus, ‘Lahat ng iba pang bagay na ito ay idaragdag kung hahanapin muna ang Kaharian’? (Mateo 6:33) Lubusan ang aking pananampalataya na tutustusan ni Jehova ang lahat ng aking mga pangangailangan, at gayon nga ang ginawa niya nang saganang-sagana sa lahat ng mga taóng ito. Nang panahon ng digmaan kung minsan ay dinaragdagan ko ang aking maliit na rasyon sa pamamagitan ng pamumulot ng mga gulay sa daan na nahuhulog buhat sa mga trak. At kadalasan ay nagkakaroon ako ng pagkain sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga literatura sa Bibliya para sa mga prutas at gulay.
Ang aking nakababatang kapatid na babae na si Sonia ay isinilang noong 1928. Siya’y pitong taóng gulang lamang nang mag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova. Sinabi ni Sonia na kahit na sa gayong kabatang edad, ang pagpapayunir ang kaniyang naging tunguhin. Noong 1941, pagkatapos na sagisagan ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, natupad ang kaniyang tunguhing iyon nang siya at si Inay ay naatasang maging mga payunir sa Caerphilly, South Wales.
Ang Aming Ministeryo Nang mga Taon ng Digmaan
Noong Setyembre 1939, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at ang ating Kristiyanong mga kapatid na babae at lalaki sa Britanya ay ibinilanggo sa kaparehong dahilan ng pagkabilanggo ng kanilang mga kapananampalataya sa Alemanyang Nazi—ang kanilang walang-kinikilingang paninindigan tungkol sa pakikibahagi sa digmaan. Ang mga pambobomba sa Inglatera ay nagsimula nang kalagitnaan ng 1940. Gabi-gabi, ang biglaang pag-atake ay nakatutulig, ngunit sa tulong ni Jehova ay nakakatulog din kami nang kaunti at nagkakaroon ng ibayong lakas para sa kinabukasan.
Kung minsan kami ay nagpupunta sa aming teritoryo upang makita lamang na karamihan sa mga bahay doon ay giba na. Noong Nobyembre isang bomba ang ibinagsak mga ilang yarda lamang ang layo sa tahanan ng tinitirhan ng ilan sa amin, anupat durog na durog ang mga bintana. Ang matibay na pinto sa harap ay bumagsak, at gumuho ang tsimnea. Pagkatapos ng magdamag na pagtatago sa isang air-raid shelter, kami’y naghiwa-hiwalay at humayo upang makitira sa mga tahanan ng iba’t ibang Saksi.
Hindi nagtagal pagkatapos ako’y naatasan sa Croydon, sa Kalakhang London. Ang kasama kong payunir ay si Ann Parkin, na ang nakababatang kapatid na si Ron Parkin nang malaunan ay naging Branch Committee coordinator sa Puerto Rico. Pagkatapos ay lumipat ako sa Bridgend, South Wales, na kung saan ipinagpatuloy ko ang pagpapayunir, habang anim na buwan na nakatira ako sa isang sasakyang hinihila ng kabayo. Mula roon kami ay namimisikleta ng layong anim na kilometro hanggang sa pinakamalapit na malaking kongregasyon, sa Port Talbot.
Sa panahong ito ang publiko ay galit na galit na sa amin, anupat tinatawag kami na mga conchies (conscientious objectors). Dahil dito ay naging mahirap para sa amin na makasumpong ng matutuluyan, subalit inalagaan kami ni Jehova gaya ng kaniyang ipinangako.
Nang magtagal, walo kaming naatasan bilang mga special pioneer sa Swansea, isang daungang bayan sa South Wales. Habang tumitindi ang digmaan, tumitindi rin ang maling akala tungkol sa amin. Ang mga salitang “mga dagâ” at “mga duwag” ay ipininta sa dingding ng aming tahanang pioneer. Ang ganitong pagkayamot ay likha sa kalakhang bahagi ng mga balita sa pahayagan na tumutuligsa sa aming pagkawalang-kinikilingan. Sa wakas, isa-isa, pito sa amin ang ikinulong. Isang buwan ang ginugol ko sa kulungan sa Cardiff noong 1942, at nang malaunan ay nakulong din doon ang kapatid kong si Beryl. Bagaman wala kaming gaanong materyal na ari-arian at dumanas ng panlilibak at pag-upasala, kami naman ay mayaman sa espirituwal.
Samantala, si Inay at si Sonia ay nagpapayunir sa Caerphilly at may gayunding mga karanasan. Ang unang-unang pag-aaral sa Bibliya na idinaos ni Sonia ay sa isang babaing kaniyang isinaayos na dalawin sa Biyernes ng gabi. Si Sonia ay may tiwala na sasamahan siya ni Inay, ngunit ang sabi ni Inay: “Mayroon akong ibang pupuntahan. Ikaw ang nagsaayos niyan, kaya kailangang pumunta ka nang mag-isa.” Bagaman si Sonia ay 13 anyos lamang, siya’y pumaroong mag-isa, at ang babae ay mabilis na sumulong sa espirituwal at nang malaunan ay naging isang nag-alay na Saksi.
Gawain Pagkatapos ng Digmaan—Saka ang Gilead
Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II noong 1945, ako’y gumagawa sa nakabukod na teritoryo sa Whaley Bridge, Derbyshire. Nang umagang ipatalastas ang tigil-putukan, dinalaw namin at inaliw ang mga taong noon ay lubusang suya na sa digmaan—na dahil dito ay may mga ulila, mga biyuda, at luray-luray na mga katawan.
Mga ilang buwan ang nakalipas, nanawagan ang Samahan para sa mga boluntaryo upang mangaral sa Ireland, ang Emerald Isle. Noon ay mayroon lamang 140 Saksi ni Jehova sa islang iyon, kaya itinuring iyon na teritoryong pangmisyonero. Sa loob ng ilang buwan, mga 40 special pioneer ang naatasan doon, at ako ay isa sa kanila.
Pagkatapos maglingkod ng ilang panahon sa Coleraine at Cookstown sa hilaga, ako’y naatasan, kasama ng tatlong iba pa, sa Drogheda sa baybaying silangan. Bagaman ang mga taga-Ireland ay likas na masigla at mapágpatulóy, matindi naman ang pagtatangi dahilan sa relihiyon. Sa gayon, sa buong santaon, iilan lamang na mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ang naipamahagi namin (sa aktuwal ay isa lamang aklat at ilang mga buklet).
Nang kami’y nasa Drogheda, ako’y namimisikleta patungo sa isang bukid nang isang kabataang magsasaka ang biglang lumabas mula sa mabababang pananim sa tabi ng daan. Siya’y luminga-linga sa daan, at saka nagtanong nang may mahinang tinig: “Kayo ba ay isa sa mga Saksi ni Jehova?” Nang tumugon ako ng oo, siya’y nagpatuloy: “Kagabi ay nakipagtalo ako sa aking kasintahan tungkol sa inyo na mga dalaga, at tinapos namin ang aming kasunduan bilang magkasintahan. Iginiit niya na kayo ay mga Komunista, gaya ng sinasabi ng mga paring Katoliko at ng mga pahayagan, ngunit nangatuwiran ako na hindi maaaring magkatotoo iyan, yamang kayo ay hayagang nagpupunta sa bahay-bahay.”
Binigyan ko siya ng isang buklet upang mabasa, na kaniyang itinago sa kaniyang bulsa, at nagsaayos kami na muling magkikita at mag-uusap pagkagat ng dilim, yamang sinabi niya: “Pagka ako’y nakitang nakikipag-usap sa iyo, ako’y mawawalan ng trabaho.” Nang gabing iyon, dalawa kaming nakipag-usap sa kaniya at sinagot ang kaniyang maraming katanungan. Waring kumbinsido siya na ito na nga ang katotohanan, at siya’y nangakong pupunta sa aming bahay sa ibang gabi upang matuto pa ng higit. Hindi na siya dumating, kaya naisip namin na tiyak na siya’y nakilala ng mga namimisikleta na nagdaan noong unang gabi at marahil ay pinaalis na siya sa kaniyang trabaho. Kadalasan ay naiisip namin kung siya kaya’y naging isang Saksi.
Pagkatapos dumalo sa pandistritong kombensiyon sa Brighton sa timog baybayin ng Inglatera noong 1949, ang ilan sa amin ay tumanggap ng mga paanyaya na mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead sa New York State. Sa kabuuan ay 26 na galing sa Britanya ang dumalo sa ika-15 klase, na nagtapos noong July 30, 1950, sa panahon ng internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium.
Ang Aming Ministeryo sa Brazil
Nang sumunod na taon ay idinestino ako sa São Paulo, Brazil, isa sa pinakamabilis lumagong siyudad sa daigdig. Noon ay mayroon lamang limang kongregasyon doon ng mga Saksi ni Jehova, subalit ngayon ay mayroong halos 600 ng mga ito! Anong laking kaibahan kung ihahambing sa gawain sa Ireland! Marami sa mga tahanan sa teritoryo namin sa São Paulo ay mga palasyo, napaliligiran ng matataas na bakod na bakal na may artistikong mga trangkahang bakal. Tinatawag namin ang may-ari ng tahanan o ang katulong sa pamamagitan ng pagpalakpak ng aming mga kamay.
Sa paglakad ng mga taon, binigyan kami ng bagong mga atas. Ako’y nagkapribilehiyong tumulong sa pagtatatag ng mga bagong kongregasyon sa iba’t ibang lugar sa interyor ng estado ng São Paulo, kasali na ang isa sa Jundiaí noong 1955 at isa pa sa Piracicaba noong 1958. Nang malaunan, noong 1960, naging kasama kong misyonera ang aking kapatid na si Sonia, at kami ay naatasan sa Pôrto Alegre, ang kabisera ng estado ng Rio Grande do Sul. Marahil itatanong mo, kung papaano siya napunta sa Brazil?
Si Sonia at si Inay ay nagpatuloy na magkasamang nagpayunir sa Inglatera pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Subalit maaga noong mga taon ng 1950, si Inay ay inoperahan dahil sa kanser anupat siya’y naging lubhang mahina para makapagbahay-bahay, bagaman siya’y nakapagdaraos pa rin ng mga pag-aaral sa Bibliya at nakasusulat ng mga liham. Si Sonia ay nagpatuloy sa pagpapayunir, at kasabay niyaon siya ay tumulong sa pag-aalaga kay Inay. Noong 1959, si Sonia ay nagkapribilehiyong mag-aral sa ika-33 klase ng Gilead at naatasang gumawa sa Brazil. Samantala, si Beryl ang nag-alaga kay Inay hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1962. Noon si Beryl ay may asawa na, at siya at ang kaniyang pamilya ay tapat na naglilingkod kay Jehova.
Sa Brazil, kami ni Sonia ay tumulong sa ilang katao upang mag-alay at pabautismo. Gayunman, ang isa sa mga suliranin ng maraming taga-Brazil ay ang pagpapakasal upang maging legal ang kanilang pag-aasawa. Dahilan sa kahirapan ng pagkuha ng diborsiyo sa Brazil, karaniwan nang ang mga mag-asawa ay nagsasama na lamang nang di-kasal. Ganito ang lalo nang nangyayari pagka ang isa sa mag-asawa ay humiwalay sa isang dating legal na asawa.
Isang babae, na nagngangalang Eva, ang nasa gayong kalagayan nang matagpuan ko siya. Ang kaniyang legal na asawa ay basta na lamang nawala, kaya upang matagpuan siya, ipinaanunsiyo namin iyon sa radyo. Nang matagpuan ang kaniyang asawa, sinamahan ko siya sa isang siyudad upang magpapirma sa kaniyang asawa ng isang dokumento na magbibigay-laya sa kaniya upang kaniyang magawang legal ang pakikisama sa isang lalaking di-kasal sa kaniya. Sa pagdinig sa harap ng hukom, hiniling niya na ipaliwanag namin ni Eva kung bakit nais nito na ituwid ang kaniyang kalagayan sa pag-aasawa. Ang hukom ay nagtaka at gayundin nasiyahan nang ito ay ipaliwanag sa kaniya.
Sa isa pang okasyon, ako’y sumama sa isa sa mga inaaralan ng Bibliya upang magsaayos na isang abugado ang humawak ng kaniyang kaso. Muli na namang nagkaroon ng pagkakataong magbigay ng mabuting patotoo tungkol sa pag-aasawa at sa mga pamantayang moral ng Diyos. Sa kasong ito ang gastos sa diborsiyo ay napakalaki kung kaya ang dalawang magpapakasal ay kinailangang magtrabaho upang mabayaran ang gastos na iyon. Subalit sa mga bagong estudyanteng ito ng Bibliya, sulit naman ang pagsisikap. Kami ni Sonia ay nagkapribilehiyong maging mga saksi sa kanilang kasal, at pagkatapos, kasama ang kanilang tatlong anak na tin-edyer, nakinig kami sa isang maikling pahayag sa Bibliya sa kanilang tahanan.
Isang Mayaman, Kasiya-siyang Buhay
Nang kami ni Sonia ay mag-alay ng aming buhay kay Jehova at naging mga payunir, ang layunin, kung maaari, ay maging panghabang-buhay na karera namin ang buong-panahong ministeryo. Hindi kami gaanong nag-isip kung ano ang mangyayari sa bandang huli o sakaling magkasakit o dumanas kami ng mga suliranin sa pananalapi. Subalit, gaya ng ipinangako ni Jehova, kami’y hindi kailanman pinabayaan.—Hebreo 13:6.
Siyanga pala, ang kakapusan sa salapi ay kung minsan nagiging isang problema. Minsan, kami ng aking kasama ay kumain ng sandwich na kintsay bilang tanghalian sa loob ng isang taon, ngunit kami’y hindi kailanman nagutom, ni nagkulang ng mga pangunahing pangangailangan.
Sa paglipas ng mga taon, ang aming lakas ay unti-unting humina. Sa kalagitnaan ng mga taon ng 1980, kapuwa kami nagkaroon ng maselang na operasyon na nagsilbing isang mahigpit na pagsubok sa amin, yamang ang pangangaral namin ay napahinto nang matagal. Noong Enero 1987, kami ay inanyayahang mapabilang sa mga manggagawa sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil.
Ang aming malaking pamilya na mahigit na isang libong ministro ay naroroon sa layong mga 140 kilometro sa labas ng São Paulo sa isang magandang complex ng mga gusali, na doon kami ay naglilimbag ng literatura sa Bibliya para sa Brazil at sa iba pang panig ng Timog Amerika. Dito kami ay maibiging inaalagaan ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Nang una akong dumating sa Brazil noong 1951, mayroon lamang mga 4,000 mangangaral ng mensahe ng Kaharian, ngunit ngayon ay may mahigit na 366,000! Ang ating mahabaging Ama sa langit ay tunay ngang nagdagdag sa amin ng ‘lahat ng iba pang mga bagay’ sapagkat aming hinanap muna ang kaniyang Kaharian.—Mateo 6:33.
[Larawan sa pahina 22]
Si Olive kasama si Mildred Willett sa tabi ng isang kariton ng impormasyon, 1939
[Larawan sa pahina 25]
Sina Olive at Sonia Springate