Ang Parlamento ng mga Relihiyon sa Daigdig—Iyon ba ay Magtatagumpay?
DAAN-DAANG lider ng relihiyon ang nagtipon sa ikalawang Parlamento ng mga Relihiyon sa Daigdig na ginanap sa Chicago, Illinois, E.U.A., noong tag-init ng 1993. Ang Budismo, Sangkakristiyanuhan, Hinduismo, Judaismo, at Islam ay pawang may mga kinatawan. Naroon din ang mga mangkukulam at mga mananamba sa mga diyosa. Tinalakay nila ang gagampanan nilang papel sa pagsisikap na wakasan ang digmaan. Ang chairman ng parlamento ay umamin na sa “dalawang-katlo ng pangunahing mga digmaan sa daigdig ngayon ay kasangkot ang relihiyon.”
May Isang Daang Taon na ang Lumipas
Nagtagumpay ba ang parlamento? Magmasid sa nangyari may isang daang taon na ngayon ang lumipas sa unang Parlamento ng mga Relihiyon sa Daigdig. Iyon ay ginanap din sa Chicago, nang tag-init ng 1893, at mahigit na 40 relihiyon ang may mga kinatawan. Ang Konseho para sa isang Parlamento ng mga Relihiyon sa Daigdig ay umamin na yaong mga dumalo noong 1893 ay “may paniwala na iyon ang magiging una sa isang serye ng internasyonal na mga pagtitipon ng pinagsama-samang iba’t ibang relihiyon na makatutulong sa pagkakaunawaan, kapayapaan at kaunlaran. Hindi gayon ang nangyari. Ang pagkapanatiko sa relihiyon at karahasan ay bahagi ng mga digmaan noong nakalipas na 100 taon, at nagpapatuloy hanggang ngayon.” Bakit nabigo? Sapagkat ang buong idea ng pagsasama-sama ng iba’t ibang relihiyon ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.”—2 Corinto 6:14-17.
Angkop na angkop, ang Setyembre 1893 labas ng Zion’s Watch Tower ay nagtampok ng kawalan ng patotoo ng Kasulatan sa Parlamento ng mga Relihiyon ng Daigdig nang sabihin niyaon, nang may pag-uyam: “Sila ay nakahukay ng maraming kagila-gilalas na silindrong yari sa pinatigas na putik buhat sa mga kaguhuan ng Babilonya at iba pang sinaunang mga siyudad, ngunit mayroon pang ilan na hindi natutuklasan. . . . Sila’y walang nakuhang anuman na tumutukoy kay Moises at kay Josue na tumawag ng isang ‘Parlamento ng mga Relihiyon,’ ng mga Moabita at Ammonita, at mga Edomita . . . Sila’y walang natagpuang anuman na doo’y binabanggit na ang matipunong matandang si Samuel ay sinugo sa Gath at Ekron upang tipunin ang mga saserdote ni Dagon upang umahon sa Silo at magdaos ng isang pulong kasama ng mga saserdote ni Jehova . . . Sila’y walang natuklasang anuman na bumabanggit na ang nakasinturon-ng-balat na matandang si Elias ay nagmungkahi ng isang ‘kongreso’ kasama ang mga saserdote ni Baal at ni Moloch para sa isang sanlinggong pagtalakay sa mga paniwala ng kani-kanilang pananampalataya, sa layuning itaguyod ang paggalang sa relihiyon ng bawat isa.”
Kaharian ng Diyos—Ang Tanging Pag-asa
Ang Parlamento ng mga Relihiyon sa Daigdig ay hindi magtatagumpay. Ang mga pahayagan at mga delegado ay gumamit ng mga termino na gaya ng “kaguluhan,” “kaligaligan,” at “labis na kalituhan” may kaugnayan sa parlamento. Sang-ayon sa isang ulat, maging ang mga pulis ay napasangkot sa pagsugpo sa dalawang kaligaligan na ang sanhi ay hidwaan sa pulitika. Sa isang dokumento noong 1952, ganito ang itinala ng parlamento bilang isa sa mga layunin niyaon: “Upang magtatag ng isang permanenteng Pandaigdig na Parlamento ng mga Relihiyon upang gumawang kasama ng NAGKAKAISANG MGA BANSA sa pagkakamit ng pandaigdig na kapayapaan at pagkakaunawaan sa gitna ng lahat ng bayan.” Sa kabaligtaran, sinabi ni Jesus na ang kaniyang Kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Itinuturo ng Bibliya ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan.—Daniel 2:44; Juan 18:36.