Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 2/15 p. 5-7
  • Isa Bang Kulto ang mga Saksi ni Jehova?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isa Bang Kulto ang mga Saksi ni Jehova?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Ipinakikita ng Katibayan
  • Isang Kilaláng Relihiyon
  • “Totoong Abala sa Pagtulong sa Sangkatauhan”
  • Mahigpit na Pagsunod sa Bibliya
  • Sino ang Kanilang Lider?
  • Mga Saksi ni Jehova
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Isang Kulto Ba ang mga Saksi ni Jehova?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Mga Kulto—Ano ba ang mga Iyan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Ang mga Kristiyano at ang Lipunan ng Tao Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 2/15 p. 5-7

Isa Bang Kulto ang mga Saksi ni Jehova?

SI Jesu-Kristo ay inakusahan ng pagiging isang lasenggo, matakaw, manlalabag ng Sabbath, bulaang saksi, mamumusong sa Diyos, at isang sugo ni Satanas. Siya’y inakusahan din ng pagiging subersibo.​—Mateo 9:34; 11:19; 12:24; 26:65; Juan 8:13; 9:16; 19:12.

Pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus, naging tudlaan din ng malulubhang paratang ang kaniyang mga alagad. Isang grupo ng mga Kristiyano noong unang siglo ang kinaladkad at dinala sa mga pinuno ng lunsod ng mga taong sumisigaw: ‘Ang mga taong ito ay nagtiwarik sa tinatahanang lupa.’ (Gawa 17:6) Minsan si apostol Pablo at ang kasamahan niyang si Silas ay dinala sa mga maykapangyarihan at pinaratangan na lubhang nanggugulo sa lunsod ng Filipos.​—Gawa 16:20.

Nang malaunan si Pablo ay inakusahan ng pagiging isang “taong mapangsalot at nagsusulsol ng sedisyon sa gitna ng lahat ng mga Judio sa lahat ng dako ng tinatahanang lupa” at nagtatangkang “lumapastangan sa templo.” (Gawa 24:5, 6) Wastong inilarawan ng mga pinunong lalaki ng mga Judio sa Roma ang kalagayan ng mga tagasunod ni Jesus nang kanilang kilalanin: “Sapagkat totoong kung tungkol sa sektang ito nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.”​—Gawa 28:22.

Maliwanag, ang bagong grupong ito na itinatag ni Kristo ay itinuring ng ilan bilang isang grupong relihiyoso na may radikal na paniniwala at gawain na salungat sa tinatanggap noong mga kaarawang iyon bilang normal na paggawi sa lipunan. Walang alinlangan, marami sa ngayon ang nagtuturing na isang nakapipinsalang kulto ang mga Kristiyano. Ang mga nag-aakusa ay kalimitan prominente at iginagalang na mga miyembro ng komunidad, at ito’y waring nagdaragdag ng bigat sa mga paratang. Marami ang naniwala sa mga paratang laban kay Jesus at sa kaniyang mga alagad. Gayunman, gaya ng marahil ay alam mo, bawat isa sa mga paratang na ito ay walang katotohanan! Ang bagay na sinabi ito ng mga tao ay hindi dahilan upang ang mga ito ay maging totoo.

Kumusta naman sa ngayon? Magiging tumpak ba na tukuyin ang mga Saksi ni Jehova bilang isang grupong relihiyoso na may radikal na mga paniniwala at mga gawain na salungat sa tinatanggap bilang normal na paggawi sa lipunan? Isa bang kulto ang mga Saksi ni Jehova?

Kung Ano ang Ipinakikita ng Katibayan

Ganito ang paliwanag ng isang opisyal ng pamahalaan sa lunsod ng St. Petersburg, Russia: “Ang mga Saksi ni Jehova ay ipinakilala sa amin bilang isang uri ng lihim na sektang nasa kadiliman at namamaslang ng mga bata at nagpapatiwakal.” Gayunman, ang mga mamamayan ng Russia ay nagkaroon kamakailan ng higit na kabatiran sa tunay na pagkatao at mga katangian ng mga Saksi. Pagkatapos na gumawang kasama ng mga Saksi ni Jehova may kaugnayan sa isang internasyonal na kombensiyon, ang opisyal ding iyon ay may ganitong puna: “Ngayon ang nakikita ko ay normal na mga taong nakangiti, mas mainam pa kaysa maraming taong nakikilala ko. Sila ay mapayapa at tahimik, at mahal nila ang isa’t isa.” Kaniyang isinusog: “Talagang hindi ko maintindihan kung bakit nagsasabi ang mga tao ng gayong kalaking kasinungalingan tungkol sa kanila.”

Hindi nagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng mga pulong na may kasamang ritwal, ni lihim man ang kanilang pagsamba. Ganito ang iniulat ng di-Saksing awtor na si Julia Mitchell Corbett: “Pagka sila’y nagpupulong, kadalasan hindi lamang minsan sa isang linggo, sa mga Kingdom Hall (ang kanilang mga dakong pinagtitipunan ay hindi tinatawag na mga simbahan), karamihan ng kanilang panahon ay ginugugol sa pag-aaral at pagtalakay ng Bibliya.” Ang kanilang mga dakong pinagtitipunan ay malinaw na tinandaan ng isang karatula. Ang mga pulong ay hayagan, at ang publiko ay inaanyayahang dumalo. Malugod na tinatanggap din ang di-inaasahang mga panauhin.

Ang “mga Saksi ay kilalá sa pagiging tapat, magagalang, at masisipag,” isinusog ni Corbett sa kaniyang aklat na Religion in America. Agad aaminin ng maraming hindi Saksi na walang anumang kakaiba o kakatwa tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang paggawi ay hindi salungat sa tinatanggap bilang normal na paggawi sa lipunan. Wastong sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica na ang mga Saksi ay “sumusunod sa isang mataas na tuntuning moral sa personal na paggawi.”

Sumulat sa mga Saksi ni Jehova ang direktor ng balita at pantanging mga proyekto para sa isang istasyon ng telebisyon sa Estados Unidos bilang tugon sa isang may-kinikilingang pag-uulat tungkol sa mga Saksi sa isang programa ng pagbabalita sa TV na 60 Minutes. Sinabi niya: “Kung marami pang mga tao ang mamumuhay sa paraang sinusunod ng inyong pananampalataya, hindi mangyayari sa bansang ito ang kalagayan nito ngayon. Ako’y isang reporter na nakababatid na nakasalig ang inyong organisasyon sa pag-ibig at sa isang matibay na pananampalataya sa Maylikha. Ibig kong malaman ninyo na hindi lahat ng mga reporter ay may kinikilingan.”

Isang Kilaláng Relihiyon

Makatuwiran bang sabihin na ang mga Saksi ni Jehova ay isang maliit na panatikong grupong relihiyoso? Sa isang diwa, ang mga Saksi ni Jehova ay kakaunti sa bilang kung ihahambing sa ilang relihiyon. Gayunpaman, alalahanin ang sinabi ni Jesus: “Makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”​—Mateo 7:13, 14.

Sa papaanuman, ang mga Saksi ay malayo sa pagiging isang munting panatikong kulto. Noong tagsibol ng 1993, mahigit na 11 milyong katao ang dumalo sa Memoryal ng mga Saksi sa kamatayan ni Kristo. Subalit lalong mahalaga kaysa kanilang bilang ay ang kanilang moral na karakter at ulirang paggawi, na nagdala sa kanila ng pambuong-daigdig na komendasyon. Tiyak na ito ay naging isang salik sa mga bansa na opisyal na kumilala sa kanila bilang isang kilalá, totoong relihiyon.

Kapuna-puna ang isang kamakailang desisyon ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao. Ipinahayag niyaon na ang mga Saksi ay dapat magtamasa ng kalayaan ng kaisipan, budhi, at relihiyon at sila’y may karapatang magsalita tungkol sa kanilang pananampalataya at ituro iyon sa iba. Hindi sana ganito ang naging pahayag kung ang mga Saksi ni Jehova ay kilalá sa paggamit ng mapandaya at walang-etikang mga paraan upang mangalap ng mga miyembro o kung sila’y gumamit ng mapanlinlang na pamamaraan upang masupil ang isip ng kanilang mga tagasunod.

Marami sa buong daigdig ang nakakakilalang mabuti sa mga Saksi ni Jehova. Sa milyun-milyong hindi Saksi na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi o nakipag-aral sa kanila noong nakaraan, ang tanong namin ay, Nagkaroon ba ng anumang pagtatangka na kayo’y ma-brainwash? Gumamit ba sa inyo ang mga Saksi ng sumusupil-sa-isip na mga paraan? “Hindi” ang tiyak na magiging tahasang tugon ninyo. Maliwanag, kung ang mga pamamaraang ito ay ginamit, magkakaroon ng sukdulang dami ng mga biktima na magiging laban sa anumang argumento na pabor sa mga Saksi ni Jehova.

“Totoong Abala sa Pagtulong sa Sangkatauhan”

Ang mga miyembro ng kulto ay kalimitan nagbubukod ng kanilang sarili buhat sa pamilya, mga kaibigan, at maging sa lipunan sa pangkalahatan. Gayon ba ang mga Saksi ni Jehova? “Hindi ako isa sa mga Saksi ni Jehova,” isinulat ng isang peryodista sa Republikang Czech. Gayunman isinusog niya: “Maliwanag na sila [mga Saksi ni Jehova] ay may matibay na moral na kalakasan. . . . Kinikilala nila ang mga awtoridad sa pamahalaan ngunit naniniwala na ang Kaharian ng Diyos lamang ang makalulutas sa lahat ng suliranin ng tao. Subalit pansinin​—sila’y hindi mga panatiko. Sila ay mga taong totoong abala sa pagtulong sa sangkatauhan.”

At sila’y hindi namumuhay sa mga commune, na nagbubukod ng kanilang sarili sa mga kamag-anak at sa iba pa. Kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang maka-Kasulatang pananagutan na ibigin at asikasuhin ang kani-kanilang pamilya. Sila’y namumuhay at gumagawang kasama ng mga tao ng lahat ng lahi at relihiyon. Pagka sumasapit ang mga kapahamakan, sila’y mabilis na tumutugon taglay ang mga panustos at iba pang pagkakawanggawang tulong.

Lalong mahalaga, nagsasagawa sila ng isang programa sa pagtuturo na wala pang nakakatulad. Ilang relihiyon ang may organisadong sistema upang gumawa ng personal na mga pagdalaw sa bawat isa na nasa kanilang pamayanan? Ginagawa ito ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 200 lupain at sa mahigit na 200 wika! Maliwanag, ang mga Saksi ni Jehova ay “totoong abala sa pagtulong sa sangkatauhan.”

Mahigpit na Pagsunod sa Bibliya

Aaminin, ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova ay naiiba sa mga turo ng mga iglesya. Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na si Jehova ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at si Jesus ay kaniyang Anak, hindi isang diyos na bahagi ng isang trinidad. Ang kanilang pananampalataya ay matatag na kaugnay ng paniniwala na tanging ang Kaharian ng Diyos ang maaaring makapagdulot ng kaginhawahan sa nagdurusang sangkatauhan. Nagbibigay-babala sila sa mga tao tungkol sa napipintong pagkapuksa ng likong sistemang ito ng mga bagay. Nangangaral sila tungkol sa pangako ng Diyos ng isang makalupang paraiso para sa masunuring sangkatauhan. Hindi nila sinasamba ang krus. Hindi sila nagdiriwang ng Pasko. Sila’y naniniwala na ang kaluluwa ay may kamatayan at walang apoy sa impiyerno. Sila’y hindi kakain, ni magpapasalin man ng dugo. Iniiwasan nilang mapasangkot sa pulitika at mapasali sa digmaan. Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung bakit lubhang naiiba ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova?

Isang pahayagan sa Massachusetts, ang Daily Hampshire Gazette, ang nagpapaliwanag na ang “mahigpit na interpretasyon [ng mga Saksi ni Jehova] sa Bibliya ang nagbabawal ng maraming gawain na ipinagwawalang-bahala ng iba . . . , pawang sa pagsisikap na sundin ang halimbawa ng mga Kristiyano noong unang siglo at ang salita ng Bibliya.” Sumasang-ayon ang The Encyclopedia of Religion na “lahat ng kanilang paniniwala ay nakasalig sa Bibliya. Sila’y nagbibigay ng ‘patotoong teksto’ (samakatuwid nga, gumagamit ng isang talata sa Bibliya upang sumuhay) sa halos bawat pangungusap ng pananampalataya, tinatanggap nang walang pag-aalinlangan ang awtoridad ng Bibliya, na lubusang inihahalili sa tradisyon.” Ang aklat na Religion in America ay nagsasabi: “Ang grupo ay hindi kailanman nagbago mula sa pagtututok nito ng pansin sa pag-aaral ng Bibliya, at ang mga turo niyaon ay sinusuportahan ng saganang reperensiya sa kasulatan.”

Sino ang Kanilang Lider?

Tunay na dahilan sa mahigpit na pagkapit na ito sa mga turo ng Bibliya kung kaya ang pagdakila at pagsamba sa mga lider na tao na palasak ngayon sa mga kulto ay hindi masusumpungan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Tinatanggihan nila ang idea ng pagkakaiba ng klero at lego. Angkop ang pagkakasabi ng The Encyclopedia of Religion tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Ang uring klero at mga titulong nagtatangi ay ibinabawal.”

Sinusunod nila si Jesu-Kristo bilang kanilang Lider at bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano. Si Jesus ang nagsabi: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawagin ang sinuman na inyong ama sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.”​—Mateo 23:8-12.

Maliwanag na ang mga Saksi ni Jehova ay malayung-malayo sa pagiging isang kulto kung papaanong si Jesus ay malayo sa pagiging isang matakaw at isang lasenggo. Aaminin, hindi lahat ng naimpluwensiyahan ng maling pagbabalita tungkol kay Jesus at sa kaniyang mga alagad ay nahulog sa patibong na manira sa kaniya. Ang ilan ay maaaring nakasagap lamang ng maling balita. Kung ikaw ay may mga katanungan tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mga paniniwala, bakit hindi sikaping makilala sila nang higit? Bukás ang mga pinto ng kanilang mga Kingdom Hall para sa lahat ng humahanap ng katotohanan.

Kayo rin ay makikinabang sa kanilang maingat na pananaliksik ukol sa tumpak na kaalaman sa Bibliya at matututong sumamba sa Diyos kasuwato ng mga salita ni Jesus: “Gayunpaman, ang oras ay dumarating, at ito ay ngayon na, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.”​—Juan 4:23.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share