Lumayo Ka Pagka May Nagbabantang Panganib
KAKAUNTING tao ang lalong madaling makadama ng panganib kaysa mga magdaragat. Sila’y kailangang laging alisto ng pagmamasid sa lagay ng panahon, sa paglaki at pagliit ng tubig sa dagat, at sa distansiya ng kanilang barko sa baybay-dagat. Pagka naghalo kapuwa ang paglaki at pagliit ng tubig at ang hangin upang itaboy ang barko sa gawi ng dalampasigan, nakaharap ang mga magdaragat sa mabigat na trabaho at panganib.
Sa ilalim ng mga kalagayang ito—na kilala sa tawag na isang lee shore—pinananatili ng isang magdaragat ang malaking distansiya sa pagitan ng kaniyang bangka at ng baybay-dagat, lalo na kung ang bangka ay pinatatakbo lamang ng mga layag. Isang manwal sa paglalayag ang nagpapaliwanag na ‘ang mahuli ka ng isang unos sa isang lee shore ang marahil pinakamalubhang kalagayan’ na masusumpungan ng isang magdaragat ang kaniyang sarili. Ang inirerekomendang solusyon? ‘Huwag pahintulutan na mapalagay sa gayong kalagayan ang iyong sasakyan.’ Ang ligtas na paraan upang maiwasan na mapasalpok sa isang bunton ng buhangin o sa isang mabatong dalampasigan ay ang manatiling malayo sa panganib.
Ang mga Kristiyano ay kailangang may matalas na pakiramdam sa mga panganib na maaaring magwasak ng kanilang pananampalataya. (1 Timoteo 1:19) Sa mga araw na ito, ang mga kalagayan ay hindi nakatutulong upang ang isa’y makapanatiling may matatag na landasin. Kung papaano maaaring ipadpad sa malayo ng mga hangin at daluyong sa dagat ang isang barko, ang atin mang inialay na buhay ay maaaring maligaw ng direksiyon dahilan sa paghila ng ating di-sakdal na laman at ang walang-lubay na paghampas dito ng espiritu ng sanlibutan—ngayon ay halos isang unos na sa tindi.
Isang Taong Namuhay sa Mapanganib na Paraan
Anong dali nga na maglakbay nang walang kamalay-malay sa mapanganib na espirituwal na tubig!
Isaalang-alang ang isang halimbawa na naganap malapit sa isang karagatang napalilibutan ng lupain, ang Dagat na Patay. Ang tinutukoy natin ay ang halimbawa ni Lot. Ang kaniyang pasiya na manirahan sa Sodoma ay nagbigay sa kaniya ng maraming suliranin at hindi kakaunting kalumbayan. Pagkatapos ng isang alitan sa pagitan ng kani-kanilang mga pastol, nagkasundo sina Abraham at Lot na mamuhay nang hiwalay sa iba’t ibang lugar. Pinili ni Lot, ayon sa pagkasabi sa atin, ang Distrito ng Jordan at itinayo ang kaniyang tolda sa gitna ng mga lunsod ng Distrito. Nang maglaon, ipinasiya niya na manirahan sa Sodoma, kahit na siya’y pinipighati ng istilo ng pamumuhay ng mga taga-Sodoma.—Genesis 13:5-13; 2 Pedro 2:8.
Bakit nagpatuloy si Lot na mamuhay sa isang kilalang mahalay na lunsod na lubhang nakasakit kay Jehova at naging sanhi pa nga ng pangmadlang paghiyaw buhat sa mga taong naninirahan sa karatig na lugar? Ang Sodoma ay maunlad, at tiyak na ang asawa ni Lot ay nagtatamasa ng materyal na mga kapakinabangan ng buhay sa lunsod. (Ezekiel 16:49, 50) Marahil maging si Lot ay naakit ng masiglang ekonomiya ng Sodoma. Anuman ang kaniyang dahilan sa paninirahan doon, dapat sana’y lumisan siya nang mas maaga kaysa ginawa niya. Tanging sa apurahang pamimilit ng mga anghel ni Jehova kung kaya sa wakas ay umalis sa mapanganib na lugar na iyon ang pamilya ni Lot.
Sinasabi ng ulat sa Genesis: “Nang nagbubukang-liwayway, kung magkagayon ay pinapagmadali ng mga anghel si Lot, sa pagsasabi: ‘Magbangon ka! Ipagsama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa pagpaparusa sa lunsod!’” Subalit kahit na pagkatapos ng mahigpit na babalang iyon, si Lot ay “patuloy na nagluluwat.” Sa wakas, “hinila [ng mga anghel] ang kaniyang kamay at ang kamay ng kaniyang asawa at ang kamay ng kaniyang dalawang anak na babae at kanilang sinimulang ilabas siya at ilagay sa labas ng lunsod.”—Genesis 19:15, 16.
Sa mga karatig pook ng lunsod, binigyan ng mga anghel ang pamilya ni Lot ng ilang panghuling habilin: “Itakas mo ang iyong kaluluwa! Huwag kang lumingon o huminto man sa buong Distrito! Tumakas ka hanggang sa mga kabundukan upang huwag kang mamatay!” (Genesis 19:17) Gayunman, nakiusap si Lot na siya’y pahintulutang pumaroon sa karatig na lunsod ng Zoar sa halip na lubusang iwan ang lugar na iyon. (Genesis 19:18-22) Maliwanag, si Lot ay nag-atubili na ilayo ang kaniyang sarili sa panganib hangga’t maaari.
Sa daan patungo sa Zoar, lumingon sa Sodoma ang asawa ni Lot, marahil pinanghihinayangan ang mga bagay na iniwan niya. Dahilan sa di-pagsunod sa mga tagubilin ng mga anghel, siya’y napahamak. Si Lot—isang lalaking matuwid—kasama ng kaniyang dalawang anak na babae ay nakaligtas mula sa pagkapuksa ng lunsod. Subalit anong laking halaga ang kaniyang ibinayad nang kaniyang piliing manirahan sa malapit sa panganib!—Genesis 19:18-26; 2 Pedro 2:7.
Paglayo sa Panganib
Ang mapait na karanasan ni Lot ay nagpapakita kung ano ang maaaring mangyari kung tayo’y nagpapakalapit o nagmamakupad ng pag-alis sa isang mapanganib na kapaligiran. Ang karunungan ay magdidikta sa atin, tulad ng mabubuting magdaragat, na huwag payagan ang ating sarili na mahulog sa gayong kalagayan. Ano ang ilan sa mapanganib na mga larangan na dapat nating layuan? Naligaw ang ilang Kristiyano dahil sa lubhang pagkasangkot sa negosyo, matalik na pakikipagkaibigan sa makasanlibutang mga kasamahan, o pagiging napakalapit ang loob sa isang hindi niya kasekso samantalang sila ay hindi malayang magpakasal.
Ang matalinong landasin, sa bawat kaso, ay lumayo tayo buhat sa panganib. Halimbawa, tayo ba’y listo sa espirituwal na mga panganib na maidudulot ng umano’y mainam na pagkakataon sa negosyo? Ang ilang kapatid na lalaki ay nagbuhos ng kanilang sarili sa pangangalakal anupat napabayaan ang kani-kanilang pamilya, ang kanilang kalusugan, at ang kanilang teokratikong mga pananagutan. Kung minsan ang pang-akit ay ang mas maginhawang istilo ng pamumuhay na maidudulot ng salapi. Kung minsan naman ito ay ang hamon na patunayan ang kanilang kahusayan sa pagnenegosyo. Maaaring ikatuwiran ng ilan na ang kanilang motibo ay ang bigyan ng hanapbuhay ang ibang kapatid o ang makapag-abuloy ng malaki sa kapakanan ng pandaigdig na gawain. Marahil iniisip nila na pagka maganda ang takbo ng negosyo, magkakaroon sila ng higit na panahon na maiuukol sa mga kapakanang pang-Kaharian.
Ano ang ilan sa mga patibong nito? Ang walang kasiguruhang mga salik sa ekonomiya at ang “di-inaasahang pangyayari” ay maaaring makahadlang sa pinakamainam ang pagkaplanong negosyo. (Eclesiastes 9:11) Ang pagsisikap na mabayaran ang isang malaking pagkakautang ay maaaring magdulot ng kahirapan at makapinsala sa espirituwal na mga bagay. At kahit na kung ang isang negosyo ay maunlad, malamang na ito’y kumuha ng malaking panahon at lakas ng pag-iisip, at maaaring kailanganin nito ang malimit na pakikisalamuha sa mga makasanlibutan.
Isang Kristiyanong matanda sa Espanya ang may matitinding suliranin sa pananalapi nang magharap sa kaniya ng isang nakagaganyak na alok ang isang kompanya sa seguro. Bagaman maaasahan ang malaking kita bilang isang nagsasariling ahente ng seguro, sa bandang huli ay tinanggihan niya ang alok. “Iyon ay hindi madaling pasiya, subalit natutuwa ako at iyon ay aking tinanggihan,” ang paliwanag niya. “Unang-una, ako’y atubiling kumita ng salapi—kahit na sa di-tuwirang paraan—sa pamamagitan ng aking teokratikong mga kaugnayan. At bagaman ibig ko ang idea ng pagtatrabaho nang walang amo, kinakailangan naman ang malimit na paglalakbay at paggugol ng maraming oras sa gayong trabaho. Ito ay mangangahulugan na mapapabayaan ko ang aking pamilya at ang kongregasyon. Higit sa lahat, kumbinsido ako na kung tinanggap ko ang alok na iyon, hindi ko na kontrolado ang aking buhay.”
Hindi maaatim ng isang Kristiyano na hindi niya maging kontrolado ang kaniyang buhay. Ipinakita ni Jesus ang malungkot na kasasapitan ng gayong hakbangin sa pamamagitan ng paglalahad ng ilustrasyon ng isang tao na patuloy na nagtipon ng kayamanan upang makapagretiro at magpakaginhawa na lamang sa buhay. Subalit nang gabing naipasiya niya na sapat na ang natipon niyang salapi, siya ay binawian ng buhay. “Gayon ang nangyayari sa isang tao na nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos,” ang babala ni Jesus.—Lucas 12:16-21; ihambing ang Santiago 4:13-17.
Tayo’y kailangan ding mag-ingat laban sa pakikisalamuha sa mga taong makasanlibutan. Maaaring iyon ay isang kapitbahay, isang kamag-aral na kaibigan, isang kasamahan sa trabaho, o isang kasosyo sa negosyo. Baka ikatuwiran natin, ‘Iginagalang niya ang mga Saksi, siya’y may malinis na pamumuhay, at pinag-uusapan namin ang tungkol sa katotohanan paminsan-minsan.’ Subalit, pinatutunayan ng karanasan ng iba na pagdating ng panahon ay baka mas piliin pa natin ang pakikisama sa gayong taong makasanlibutan kaysa sa isang espirituwal na kapatid. Ano ang ilan sa mga panganib ng gayong pakikipagkaibigan?
Baka simulan nating ipagwalang-bahala ang pagkaapurahan ng ating kinabubuhayang panahon o mapahilig sa materyal imbes na sa espirituwal na mga bagay. Marahil, dahilan sa pangambang hindi tayo kalugdan ng ating makasanlibutang kaibigan, hahangarin pa nga natin na tanggapin tayo ng sanlibutan. (Ihambing ang 1 Pedro 4:3-7.) Sa kabilang panig, mas gusto ng salmistang si David na makihalubilo sa mga taong umiibig kay Jehova. “Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita,” isinulat niya. (Awit 22:22) Tayo’y maiingatan kung tutularan natin ang halimbawa ni David, na hinahanap ang mga kaibigan na makapagpapatibay sa atin sa espirituwal.
Ang isa pang panganib ay ang pagiging malapít ng loob sa isang tao na hindi niya kasekso kung siya’y hindi malaya na mag-asawa. Maaaring bumangon ang panganib pagka ang isa ay napapalapít sa isang taong kaakit-akit, kawili-wiling kausap, at isa na may kaparehong pangmalas o hilig na magpatawa. Maaaring masiyahan ang isa pagka kasama ang gayong tao, anupat nangangatuwiran, ‘Alam ko ang hangganan. Magkaibigan lamang kami.’ Gayunpaman, minsang mapukaw ang damdamin hindi ito madaling masupil.
Si Mary, isang kabataang sister na may-asawa, ay nawiwiling sumama kay Michael.a Siya ay isang mahusay na kapatid ngunit nahihirapang makipagkaibigan. Maraming bagay ang kapuwa nila pinagkakasunduan, at natuklasan nilang maaari silang magkabiruan. Ipinagparangalan pa ni Mary na isang kapatid na binata ang ibig na siya’y makapalagayang-loob. Hindi nagtagal, ang isang tila walang malay na pagkakaibigan ay naging isang matalik na ugnayan. Palaki nang palaki ang panahon na ginugugol nila na magkasama at nang bandang huli ay nakagawa sila ng imoralidad. “Sana’y natanto ko ang panganib sa pasimula pa lamang,” ang hinagpis ni Mary. “Minsang namukadkad na ang pagkakaibigan, iyon ay mistulang kumunoy na patuloy na humihila sa amin upang mapasakailaliman.”
Huwag nating kalilimutan ang babala ng Bibliya: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makaaalám nito?” (Jeremias 17:9) Ang ating magdarayang puso, tulad ng agos na nagtataboy sa bangkang de layag upang sumalpok sa mga batuhan, ay maaaring magtaboy sa atin sa kapaha-pahamak na ugnayan. Ang lunas? Kung ikaw ay hindi malayang pakasal, sadyang lumayo ka sa sinuman na nakaaakit sa iyo.—Kawikaan 10:23.
Pag-alpas at Patuloy na Paglayo sa Panganib
Ano kung masumpungan natin ang ating sarili na nasa espirituwal na panganib? Ang mga magdaragat, pagka itinaboy ng hangin at agos tungo sa isang mabatong dalampasigan, ay buong pagsisikap na pinaaandar ang kanilang barko patungo sa laot, o iniaayon sa direksiyon ng hangin, hanggang sa makarating sila sa ligtas na bahagi ng tubig. Sa katulad na paraan, dapat tayong makipagpunyagi upang palayain ang ating sarili. Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Kasulatan, pananalangin nang buong taimtim upang tulungan ni Jehova, at paghingi ng tulong sa maygulang na mga kapatid na Kristiyano, makababalik tayo sa isang ligtas na landasin. Tayo’y muling pagpapalain taglay ang kapayapaan ng isip at puso.—1 Tesalonica 5:17.
Anuman ang ating kalagayan, isang katalinuhan ang lumayo sa mga “bagay na nauukol sa sanlibutan.” (Galacia 4:3) Di-tulad ni Lot, namuhay si Abraham nang hiwalay sa makasanlibutang mga Cananeo, kahit na iyon ay nangahulugan ng paninirahan sa mga tolda sa loob ng maraming taon. Marahil siya ay wala ng ilang materyal na mga kaginhawahan, subalit ang kaniyang simpleng istilo ng pamumuhay ang nagbigay sa kaniya ng proteksiyon sa espirituwal. Sa halip na dumanas ng pagkawasak ng kaniyang pananampalataya, siya ay naging ‘ang ama ng lahat niyaong may pananampalataya.’—Roma 4:11.
Palibhasa’y napalilibutan tayo ng isang mapagpalayaw-sa-sariling sanlibutan na ang “espiritu” ay patuloy ngayong tumitindi, kailangang tularan natin ang halimbawa ni Abraham. (Efeso 2:2) Kung tatanggapin natin ang patnubay ni Jehova sa lahat ng bagay, pagpapalain tayo sa pamamagitan ng tuwirang pagtatamasa ng kaniyang maibiging proteksiyon. Madarama natin ang gaya ng nadama ni David: “Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinapananariwa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan. Tunay na ang kabutihan at maibiging-kabaitan ay susunod sa akin sa lahat ng kaarawan ng aking buhay; at ako’y tatahan sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.” Tiyak iyan, ang paglakad sa “mga landas ng katuwiran,” sa halip na lumihis tungo sa mga landas ng panganib, ay magdudulot ng walang-hanggang mga pagpapala.—Awit 23:3, 6.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan ay binago.
[Larawan sa pahina 24]
Kung ikaw ay hindi malayang pakasal, iwasang mapalapít ang loob sa sinuman na nakaaakit sa iyo