Kapayapaan ng Isip sa Isang Lipunang may Kompetensiya
“KUNG ang sinuman ay nagnanais na maging una,” pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga apostol, “siya ay dapat na maging huli sa lahat at ministro ng lahat.” Ang mga apostol ay nagtatalu-talo kung sino nga ba ang pinakadakila sa kanila. Alam nila na kinamumuhian ni Jesus ang gayong espiritu. Hindi niya kailanman pinaglaban-laban ang kaniyang mga alagad bilang paraan upang itaguyod ang espirituwal na pagsulong.—Marcos 9:33-37.
Bago pumarito sa lupa, si Jesu-Kristo ay nakibahagi sa paglalang sa unang mag-asawa at alam niya kung papaano sila ginawa. (Colosas 1:15, 16) Ang unang mga tao ay nilalang na may kakayahang sumulong nang hindi nakikipagkumpetensiya sa iba. Ang mga tao ay hindi kailangang maglabanan upang makilala kung sino ang kanilang ulo, ni hindi rin sila nakipagpaligsahan sa mga hayop sa pagpupunyaging makaligtas.—Genesis 1:26; 2:20-24; 1 Corinto 11:3.
Ang Pinagmulan ng Espiritu ng Pakikipagkompetensiya
Papaano, kung gayon, naging isang nananaig na puwersa ang walang-awang espiritu ng pakikipagkompetensiya sa lipunan ng mga tao? Ang unang kaso ng pagpaslang sa kasaysayan ng tao ay may ipinahihiwatig. Ang isang espiritu ng pakikipagkompetensiya sa panig ni Cain, ang pinakamatandang anak na lalaki ng unang mag-asawa, ang nagbunsod sa trahedya. Pinaslang ni Cain ang kaniyang kapatid na si Abel sapagkat ang hain ni Abel ay nakalugod sa Diyos, samantalang ang kay Cain ay hindi. At sinasabi ng Bibliya na si Cain ay “nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid.”—1 Juan 3:12; Genesis 4:4-8.
Oo, ang balakyot na isa, si Satanas na Diyablo, ang pinagmulan at promotor ng espiritu ng pakikipagkompetensiya. Bagaman siya ay isang anghel na anak ng Diyos na may matataas na pribilehiyo, higit pa ang gusto niya. (Ihambing ang Ezekiel 28:14, 15.) Nang tuksuhin niya si Eva, pinatunayan niya ang kaniyang sariling pagnanasa. Sinabi niya na sa pagkain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy, siya’y “magiging kagaya ng Diyos.” (Genesis 3:4, 5) Ang totoo, si Satanas ang may gustong maging kagaya ng Diyos, anupat nakikipagpaligsahan kay Jehova. Ang espiritu ng pakikipagkompetensiya sa Diyos ay nag-udyok sa kaniya upang maghimagsik.—Santiago 1:14, 15.
Ang espiritung ito ay nakahahawa. Sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, ang bigay-Diyos na kapayapaan ng orihinal na kaayusan ng pamilya ay naglaho. (Genesis 3:6, 16) Mula nang siya’y maghimagsik laban sa Diyos, pinamahalaan na ni Satanas na Diyablo ang sangkatauhan, na pinauunlad ang espiritu ng kompetisyon, anupat nililinlang ang mga lalaki at babae sa paniniwalang ang walang-awang kompetisyon ang susi sa tagumpay. Gayunman, nagpapaliwanag ang Bibliya: “Sapagkat kung saan may paninibugho at hilig na makipagtalo, naroon ang kaguluhan at bawat buktot na bagay.” (Santiago 3:14-16) Sa gayon ay ninakawan ni Satanas ang tao ng kaniyang kaligayahan at kapayapaan ng isip.
Tagumpay na Walang Kompetisyon
Bilang kabaligtaran ng panghihikayat ni Satanas, ang Bibliya ay nagbigay ng mga halimbawa ng tagumpay na walang kompetisyon. Ang pangunahin ay yaong kay Jesu-Kristo. Bagaman umiiral sa anyo ng Diyos, hindi niya kailanman inisip na maging kapantay ng Diyos kundi nag-anyong alipin at bumaba sa lupa. Higit pa riyan, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang sa kamatayan sa pahirapang tulos. Ang masunuring saloobing ito, na walang anumang espiritu ng pakikipagpaligsahan, ay umakay sa pagtatamo niya ng maka-Diyos na pagsang-ayon. “Sa mismong dahilan ding ito ay itinaas siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan.” (Filipos 2:5-9) Ano pang nakahihigit na tagumpay ang maaaring matamo ng sinumang nilalang? Pinaluguran niya ang kaniyang Ama sa lawak na hindi magagawa ng ibang nilalang, at ito’y ginawa niya na walang taglay na espiritu ng pagpapaligsahan o kompetisyon.—Kawikaan 27:11.
Ang napakaraming tapat na mga anghel sa langit ay nagpapakita ng gayunding saloobin. Bagaman si Jesus, na siyang ulo ng mga anghel, ay naging mas mababa nang kaunti sa kanila nang siya’y pumarito sa lupa, sila’y handang magsilbi sa kaniyang mga pangangailangan. Maliwanag, hindi nila inisip man lamang na samantalahin ang pagkakataon at subuking halinhan siya bilang Arkanghel.—Mateo 4:11; 1 Tesalonica 4:16; Hebreo 2:7.
Ang kanilang pag-ayaw sa saloobin ng pakikipagkompetensiya ay naging mas maliwanag pa nga kung isasaalang-alang natin ang kanilang pagtugon sa layunin ng Diyos na itaas ang ilang di-sakdal na mga tao tungo sa walang-kamatayang buhay-espiritu, na sa kalagayang ito sila’y ‘hahatol sa mga anghel’ (1 Corinto 6:3) Ang mga anghel ay may saganang karanasan sa paglilingkod kay Jehova at may nakahihigit na kakayahan na gumawa ng mabuti kaysa sa di-sakdal na mga tao. Gayunman, maligaya pa ring naglilingkod ang mga anghel sa mga pinahiran sa lupa, anupat hindi naninibugho sa tatanggapin ng mga ito. (Hebreo 1:14) Ang kanilang mainam, walang-kompetensiyang saloobin ang nagpangyari sa kanila upang patuloy na maglingkod sa harapan ng trono ng Soberanong Panginoong Jehova.
Saka, alalahanin ang sinaunang tapat na mga lingkod ng Diyos na bubuhaying-muli sa lupa. Si Abraham ay isang litaw na halimbawa ng pananampalataya at tinawag na ‘ang ama ng lahat niyaong may pananampalataya.’ (Roma 4:9, 11) Si Job ay nagpakita ng isang napakahusay na halimbawa ng pagbabatá. (Santiago 5:11) Si Moises, “na totoong maamong-loob na higit kaysa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa,” ang umakay sa bansang Israel sa pagiging malaya. (Bilang 12:3) Sino sa gitna ng di-sakdal na mga tao ang nakapagpakita na ng mas mabuting halimbawa ng pananampalataya, pagbabatá, at kaamuan kaysa sa mga lalaking ito? Gayunman, sila’y nakahanay na magmana bilang makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 25:34; Hebreo 11:13-16) Sila, gaya ni Juan na Tagapagbautismo, ay ihahanay sa ilalim ng “isa na nakabababa sa kaharian ng mga langit.” (Mateo 11:11) Sila kaya’y magrereklamo, anupat iginigiit na ang kanilang pananampalataya, pagbabatá, o kaamuan ay katulad o sa ilang pagkakataon ay mas nakahihigit pa nga sa mga binigyan ng buhay sa langit? Tiyak na hindi! Sila’y magiging maliligayang makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos.
Maging sa ngayon, ang mga taong walang mapagkompetensiyang saloobin ay kawili-wiling kasama. Si Yasuo, na binanggit sa unang artikulo, ay nabaon sa utang dahil sa pagbabaka-sakali sa ginto at naubos na lahat ang kaniyang ari-arian. Iniwan siya ng kaniyang “mga kaibigan.” Yamang ang kaniyang asawa ay nagpasimula na ng pag-aaral sa Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova, siya’y dumalo sa kanilang mga pulong dahil sa taos na pagsisisi sa idinulot niya sa kaniyang pamilya. Sa wakas, kinalimutan na niya ang pagiging mapagkompetensiya at naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon siya’y maligaya kapiling ng Kristiyanong mga kaibigan, ang uri na handang tumulong sa kaniya sa panahon ng kagipitan.
Kung Papaano Mapananatili ang Kapayapaan ng Isip
Hindi laging madali ang pagpapanatili ng kapayapaan ng isip sa isang walang-awa, mapagkompetensiyang lipunan. Alam na alam natin na hinahatulan ng Bibliya ang “mga awayan, alitan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan” bilang “mga gawa ng laman” na humahadlang sa mga tao upang manahin ang Kaharian ng Diyos. Lahat ng mga gawang ito ay kaagapay ng isang mapagkompetensiyang espiritu. Di-kataka-taka na si apostol Pablo ay humimok sa mga taga-Galacia: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.”—Galacia 5:19-21, 26.
sa konteksto, ipinakita ng liham ni Pablo ang susi upang makayanan ang malasariling kompetisyon. Sabi niya: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa gayong mga bagay ay walang batas.” (Galacia 5:22, 23) Ang bunga ng espiritu ay tumutulong sa atin upang linisin ang ating isip mula sa pakikipagpaligsahan. Tingnan, halimbawa, ang katangian ng pag-ibig. “Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin,” paliwanag ni Pablo. “Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito, hindi napupukaw sa galit.” (1 Corinto 13:4-7) Sa paglinang ng pag-ibig, maaalis natin ang paninibugho, ang puwersang nagsusulsol sa espiritu ng kompetisyon. Ang iba pang bunga ng espiritu ay tumutulong din sa atin upang linisin ang ating mga puso at isip mula sa anumang natitirang mga bakas ng walang-awang espiritu ng pakikipagkompetensiya. Aba, taglay ang pagpipigil-sa-sarili anumang bumabangong pagnanasa na makipagkompetensiya sa iba upang manalo sa anumang paraan ay agad-agad na masasawata!—Kawikaan 17:27.
Gayunman, upang malinang ang mga katangiang ito, dapat nating hayaang pakilusin tayo ng espiritu ng Diyos. Mapasisigla natin ang nakapagpapalusog na pagkilos na ito ng banal na espiritu sa pamamagitan ng pagmamatiyaga sa panalangin at paghiling na tulungan tayo ng espiritu ng Diyos. (Lucas 11:13) Bilang tugon sa ating panalangin, ano ang ipagkakaloob sa atin ng Diyos? Ang Bibliya ay sumasagot: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
Ito’y naging maliwanag sa halimbawa ng mga apostol ni Jesus. Kahit noong matapos na ni Jesus ang pagpapasinaya ng Hapunan ng Panginoon sa kaniyang huling gabing kasama ng mga apostol, sila’y nagtatalu-talo pa rin hinggil sa kung sino nga ba ang waring pinakadakila sa kanila. (Lucas 22:24-27) Ilang ulit ding sinubok ni Jesus na ituwid ang kanilang pag-iisip, ngunit ang mapagkompetensiyang saloobing ito ay nakatanim na sa kanila. (Marcos 9:34-37; 10:35-45; Juan 13:12-17) Gayunman, nang tanggapin nila ang banal na espiritu mga 50 araw pagkaraan ng pagtatalong iyon, nagbago ang kanilang saloobin. Walang naging pagtatalo hinggil sa kung sino ang kakatawan sa kanila sa pagsasalita sa nag-uusyosong mga tao na natipon noong araw na iyon ng Pentecostes.—Gawa 2:14-21.
Walang dako para sa sinuman na mangibabaw sa kongregasyong Kristiyano. Nang kinailangang lutasin nila ang isang suliranin hinggil sa pagtutuli, si Santiago, na ni hindi man lamang isang alagad noong panahong mamatay si Jesus, ang nanguna sa mahalagang pulong na iyon. Walang palatandaan ng pagtatalo hinggil sa kung sino ang mangunguna sa pulong na iyon ng lupong tagapamahala ng Kristiyanong kongregasyon. Anong laking pagbabago mula noong panahon na ang mga apostol ay may bahid pa ng mapagkompetensiyang espiritu! Sa tulong ng banal na espiritu, naalaala nila ang mga turo ni Jesus at nagsimulang maunawaan ang kahulugan ng kaniyang mga aral.—Juan 14:26.
Maaari ring magkatotoo ito sa atin. Sa tulong ng banal na espiritu, mapagtatagumpayan natin ang anumang natitirang pagnanasa na makipagpaligsahan sa iba kahit makapinsala umasenso lamang. Sa halip, matatamo natin ang kapayapaan ng isip na nakahihigit sa lahat ng kaisipan. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang pinagmumulan ng walang-awang kompetisyon, si Satanas na Diyablo, ay malapit nang ihagis sa kalaliman, hindi na makakikilos. (Apocalipsis 20:1-3) Ang pagpapaligsahan sa gitna ng magkakapitbahay ay mawawala na. Ang magiging resulta ba’y isang lipunang walang pag-unlad? Hinding-hindi! Ang mga tao ay susulong sa kasakdalan, hindi sa pamamagitan ng pakikipagkompetensiya, kundi sa pagkakapit nila ng haing pantubos ni Jesus.—1 Juan 2:1, 2.
Si Keinosuke, nabanggit sa pasimula, na minsang nakaranas ng kabantugan ng makasanlibutang tagumpay dahil sa pagbebenta ng pinakamaraming kotse, ay patang-pata kapuwa sa mental at pisikal, ngunit sa wakas ay umalis na siya sa trabaho. “Ngayon, ang buhay ko’y tigib ng tunay na kaligayahan,” sabi niya. Naunawaan niya kung bakit ang tunay na tagumpay ay may tatak ng buhay ni Jesus. Natatagpuan niya ngayon ang kaginhawahan sa anumang kaniyang ginagawa sa loob ng pandaigdig na kongregasyon ng Diyos. Siya sa gayon ay inihahanda na para sa bagong sanlibutan, na wala nang kompetisyon. Ikaw man ay makapanonood ng isang pakita ng bagong sanlibutang lipunan kung dadalaw ka sa isa sa mga Kingdom Hall sa iyong lugar at makikisama sa mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 7]
Ang kapayapaan at pagtutulungan ay tatamasahin ng lipunan ng mga tao sa bagong sanlibutan ng Diyos