Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 3/15 p. 15-20
  • Magtiwala kay Jehova na Tutuparin ang Kaniyang Layunin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magtiwala kay Jehova na Tutuparin ang Kaniyang Layunin
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Nagkaganyan?
  • Hindi Nagbago ang Layunin ng Diyos
  • Sila’y Nagtiwala kay Jehova
  • Nagtitiwala sa Diyos ang Kristiyanong mga Saksi
  • Tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako sa mga Tapat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Sino si Abraham?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Isang Pagsubok sa Pananampalataya
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Tinawag Siya ni Jehova na “Aking Kaibigan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 3/15 p. 15-20

Magtiwala kay Jehova na Tutuparin ang Kaniyang Layunin

“Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”​—AWIT 37:29.

1. Ano ang layunin ni Jehova para sa mga tao at para sa lupang ito?

NANG lalangin ni Jehova ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, kaniyang ginawa sila na sakdal. At kaniyang nilalang sila upang sila’y mabuhay magpakailanman sa lupang ito​—kung kanilang sinunod ang kaniyang mga batas. (Genesis 1:26, 27; 2:17) Gayundin, sila’y inilagay ng Diyos sa malaparaisong kapaligiran. (Genesis 2:8, 9) Sinabi sa kanila ni Jehova: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” (Genesis 1:28) Sa gayon, balang araw ang kanilang mga supling ay magsisipangalat sa buong lupa, at ang planetang ito ay magiging isang paraiso na punô ng isang sakdal, maligayang lahi ng mga tao. Anong inam na pasimula ang ibinigay sa sambahayan ng tao! “Nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang nilikha at, narito! napakabuti.”​—Genesis 1:31.

2. Anong mga katanungan ang bumabangon dahil sa kalagayan ng pamamalakad ng tao?

2 Subalit, ang kalagayan ng mga pamamalakad ng tao na umiral sa loob ng libu-libong taon ay hindi katulad ng orihinal na layunin ng Diyos. Ang sangkatauhan ay malayung-malayo sa kasakdalan at tiyak na hindi maligaya. Nakababahala ang mga kalagayan sa daigdig, at gaya ng inihula, ang mga ito ay lubhang lumálalâ sa panahon natin. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Kaya papaano tayo makapagtitiwala na ang layunin ng Diyos para sa mga tao ay matutupad sa malapit na hinaharap? Higit pa bang mahahabang yugto ng panahon ang lilipas taglay ang patuloy na nakababahalang mga kalagayan?

Bakit Nagkaganyan?

3. Bakit hindi agad niwakasan ni Jehova ang paghihimagsik ng sangkatauhan?

3 Yaong mga may tumpak na kaalaman sa kinasihang Salita ng Diyos ay nakaaalam kung bakit pinahintulutan ni Jehova ang masasamang kalagayang ito sa lupa. Alam din nila kung ano ang gagawin niya sa mga ito. Buhat sa salaysay ng Bibliya, napag-alaman nila na ginamit sa maling paraan ng ating unang mga magulang ang kahanga-hangang kaloob na kalayaang magpasiya na ibinigay ng Diyos sa mga tao. (Ihambing ang 1 Pedro 2:16.) May kamaliang pinili nila ang landas na hiwalay sa Diyos. (Genesis, kabanata 2 at 3) Ang kanilang paghihimagsik ay nagbangon ng pinakamalalaking isyu, tulad halimbawa ng: May karapatan ba ang Soberano ng Sansinukob upang magpunò sa mga tao? Ang kaniya bang pamamahala ang pinakamagaling para sa kanila? Magtatagumpay ba ang pamamahala ng tao kung wala ang pangangasiwa ng Diyos? Ang tiyak na paraan upang masumpungan ang mga sagot sa mga katanungang ito ay ang palipasin muna ang daan-daang taon ng pamamahala ng tao. Ang mga resulta ay magpapakita nang walang anumang alinlangan kung ang mga tao ay magtatagumpay nang hiwalay sa kanilang Maylikha.

4, 5. (a) Ano ang naging resulta ng pagtanggi ng tao sa pamamahala ng Diyos? (b) Ano ang walang-alinlangang ipinakita ng paglipas ng panahon?

4 Nang humiwalay sa Diyos sina Adan at Eva, sila’y hindi na niya tinangkilik para makapanatiling sakdal. Nang mawala ang kaniyang pagtangkilik, sila’y patuloy na nanghina. Ang resulta ay di-kasakdalan, katandaan, at sa wakas ay kamatayan. Sa pamamagitan ng mga batas ng pagmamana, ang mga kahinaang iyon ay naisalin ng ating unang mga magulang sa lahat ng kanilang mga inapo, kasali na tayo. (Roma 5:12) At kumusta naman ang resulta ng libu-libong taon ng pamamahala ng tao? Iyon ay naging kapaha-pahamak, gaya nang may katotohanang sinasabi ng Eclesiastes 8:9: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”

5 Ang paglipas ng panahon ay walang alinlangang nagpapakita na hindi kaya ng mga tao na matagumpay na ituwid ang kanilang mga lakad nang hiwalay sa kanilang Maylikha. Nagpahayag ang kinasihang manunulat ng Bibliya na si Jeremias: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23; Deuteronomio 32:4, 5; Eclesiastes 7:29.

Hindi Nagbago ang Layunin ng Diyos

6, 7. (a) Ang paglipas ba ng libu-libong taon ng kasaysayan ay bumago sa layunin ni Jehova? (b) Ano ang kasali sa layunin ni Jehova?

6 Ang paglipas ba ng libu-libong taon ng kasaysayan ng tao​—na punung-punô ng kabalakyutan at paghihirap​—ay bumago sa layunin ng Diyos? Ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “Ganito ang sabi ni Jehova, ang Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Maygawa nito, ang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi nilikha ito para sa walang-kabuluhan, na kaniyang ginawa ito upang tahanán.” (Isaias 45:18) Kung gayon ay nilikha ng Diyos ang lupa upang tahanan ng mga tao, at iyan pa rin ang kaniyang layunin.

7 Hindi lamang nilikha ni Jehova ang lupa upang tahanán kundi kaniya ring nilayon na ito’y maging isang paraiso na tatamasahin ng sakdal, maliligayang tao. Kaya naman ang Bibliya ay humula na magkakaroon ng “isang bagong lupa,” isang bagong lipunan ng tao, na “tatahanan ng katuwiran.” (2 Pedro 3:13) At sa Apocalipsis 21:4, sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na sa kaniyang bagong sanlibutan, “papahirin niya ang bawat luha sa mga mata [ng sangkatauhan], at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Sa ganiyang mga kadahilanan kung kaya maaaring tukuyin ni Jesus ang dumarating na bagong sanlibutang iyon sa lupa bilang “Paraiso.”​—Lucas 23:43.

8. Bakit tayo makatitiyak na tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin?

8 Yamang si Jehova ang makapangyarihan-sa-lahat at marunong-sa-lahat na Maylikha ng sansinukob, walang makahahadlang sa kaniyang layunin. “Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsasabi: ‘Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinayo, gayon ang matutupad.’” (Isaias 14:24) Sa gayon, pagka sinasabi ng Diyos na ang lupang ito ay gagawin niyang isang paraiso na tinatahanan ng sakdal na mga tao, iyan ang mangyayari. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang kanilang mamanahin ang lupa.” (Mateo 5:5; ihambing ang Awit 37:29.) Maaasahan natin ang katuparan ng pangakong iyan. Sa katunayan, maitataya natin ang ating buhay alang-alang diyan.

Sila’y Nagtiwala kay Jehova

9. Ano ang ginawa ni Abraham na nagpapakita ng kaniyang pagtitiwala kay Jehova?

9 Sa buong kasaysayan maraming taong may takot sa Diyos ang nagtaya ng kanilang buhay alang-alang sa layunin ng Diyos para sa lupa sapagkat sila’y kumbinsido na tutuparin niya iyon. Bagaman ang kanilang kaalaman ay marahil limitado, nagtiwala sila sa Diyos at isinentro ang kanilang buhay sa paggawa ng kaniyang kalooban. Halimbawa, nariyan si Abraham, na nabuhay mga 2,000 taon bago lumakad si Jesus sa lupa​—malaon na bago sinimulang isulat ang Bibliya. Siya’y nagtiwala kay Jehova na tutuparin ang Kaniyang mga pangako. Malamang, nalaman ni Abraham ang tungkol sa Maylikha buhat sa kaniyang tapat na ninunong si Shem, na tinuruan ni Noe. Kaya nang sabihan ng Diyos si Abraham na lisanin ang maunlad na Ur ng mga Caldeo at siya’y lumipat sa banyaga at mapanganib na lupain ng Canaan, batid ng patriyarkang iyan na siya’y makapagtitiwala kay Jehova, kaya siya ay naparoon. (Hebreo 11:8) Nang sumapit ang panahon, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Gagawin kitang isang dakilang bansa.”​—Genesis 12:2.

10, 11. Bakit handang ihandog ni Abraham ang kaniyang bugtong na anak, si Isaac?

10 Ano ang nangyari matapos isilang si Isaac at maging anak ni Abraham? Ipinaalam ni Jehova kay Abraham na sa pamamagitan ni Isaac ay darami ang kaniyang mga inapo hanggang sa maging isang dakilang bansa. (Genesis 21:12) Sa gayon, marahil ay waring isang malaking pagkakasalungatan nang sabihin ni Jehova kay Abraham, bilang pagsubok sa kaniyang pananampalataya, na ihain ang kaniyang anak na si Isaac. (Genesis 22:2) Gayunman, taglay ang lubos na pagtitiwala kay Jehova, kumilos si Abraham upang sumunod, aktuwal na kinuha ang kaniyang patalim upang paslangin si Isaac. Sa huling sandali, ang Diyos ay nagsugo ng isang anghel upang pigilin si Abraham.​—Genesis 22:9-14.

11 Bakit nga ba naging lubhang masunurin si Abraham? Isinisiwalat iyan ng Hebreo 11:17-19: “Sa pananampalataya si Abraham, nang subukin siya, ay para na ring inihandog si Isaac, at ang tao na may katuwaang tumanggap ng mga pangako ay nagtangkang ihandog ang kaniyang bugtong na anak, bagaman sinabi na ito sa kaniya: ‘Yaong tatawaging “iyong binhi” ay magiging sa pamamagitan ni Isaac.’ Ngunit ibinilang niya na magagawa ng Diyos na ibangon siya kahit mula sa mga patay; at mula roon ay tinanggap nga rin niya siya sa maka-ilustrasyong paraan.” Ang Roma 4:20, 21 ay nagsasabi rin: “Dahilan sa pangako ng Diyos [si Abraham] ay hindi nag-urung-sulong sa kawalan ng pananampalataya, . . . sa pagiging lubusang kumbinsido na ang ipinangako [ng Diyos] ay kaya rin niyang gawin.”

12. Papaano ginantimpalaan si Abraham dahil sa kaniyang pananampalataya?

12 Ginantimpalaan si Abraham dahil sa kaniyang pananampalataya hindi lamang sa pagliligtas kay Isaac at pagpapangyari na isang “dakilang bansa” ang manggaling sa kaniya kundi sa isa pa ring paraan. Sinabi ng Diyos kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.” (Genesis 22:18) Sa papaano? Ang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos ay manggagaling sa angkan ni Abraham. Ang Kahariang iyan ang dudurog sa masamang sanlibutang ito na nasa ilalim ni Satanas. (Daniel 2:44; Roma 16:20; Apocalipsis 19:11-21) Pagkatapos, sa isang nilinis na lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang Paraiso ay lalaganap sa buong globo, at buhat sa “lahat ng bansa” ang mga taong gumagawa ng kalooban ng Diyos ay magtatamasa ng sakdal na kalusugan at buhay na walang-hanggan. (1 Juan 2:15-17) At bagaman limitado lamang ang kaalaman ni Abraham tungkol sa Kaharian, siya’y nagtiwala sa Diyos at inasam-asam ang pagtatatag niyaon.​—Hebreo 11:10.

13, 14. Bakit nagtiwala sa Diyos si Job?

13 Mga daan-daang taon ang lumipas, nariyan si Job, na nabuhay sa pagitan ng ika-17 at ika-16 na mga siglo B.C.E. sa lugar na ngayon ay Arabia. Siya man ay nabuhay bago sinimulang isulat ang Bibliya. Si Job ay “nagpatunay na walang kapintasan at matuwid, at natatakot sa Diyos at humihiwalay sa masama.” (Job 1:1) Nang pangyarihin ni Satanas na dapuan si Job ng isang nakapandidiri, makirot na karamdaman, ang tapat na lalaking iyan ay “hindi bumigkas man lamang ng isang masamang salita” sa buong paghihirap niya. (Job 2:10, The New English Bible) Si Job ay nagtiwala sa Diyos. At bagaman hindi niya alam ang mga detalye kung bakit siya ay naghihirap nang gayon na lamang, itinaya niya ang kaniyang buhay alang-alang sa Diyos at sa Kaniyang mga pangako.

14 Batid ni Job na kahit siya’y mamatay, balang araw ay ibabalik sa kaniya ng Diyos ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Ipinakita niya ang pag-asang ito nang sabihin niya sa Diyos na Jehova: “Oh ikubli mo nawa ako sa Sheol [ang libingan], . . . na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon at iyong alalahanin ako! Kung ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya? . . . Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo.” (Job 14:13-15) Bagaman nasa kahirapan, nagpamalas si Job ng pananampalataya sa soberanya ni Jehova, sa pagsasabi: “Hanggang sa ako’y mamatay ay hindi ko aalisin sa aking sarili ang aking pagtatapat!”​—Job 27:5.

15. Papaano ipinahayag ni David ang kaniyang pagtitiwala sa layunin ni Jehova?

15 Mga anim na siglo pagkalipas ni Job at mga isang libong taon bago naparito si Jesus sa lupa, ipinahayag ni David ang kaniyang pagtitiwala sa isang bagong sanlibutan. Kaniyang sinabi sa mga awit: “Yaong nagsisipaghintay kay Jehova ang magmamana ng lupa. At sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupa, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” Dahilan sa kaniyang matatag na pag-asa, ipinayo ni David: “Magtiwala ka kay Jehova . . . Magpakaligaya ka rin kay Jehova, at kaniyang ibibigay sa iyo ang mga nasa ng iyong puso.”​—Awit 37:3, 4, 9-11, 29.

16. Anong pag-asa ang taglay ng ‘isang malaking ulap ng mga saksi’?

16 Sa paglakad ng daan-daang taon, tinaglay ng tapat na mga lalaki at mga babae ang pag-asa ring ito na mabuhay nang walang-hanggan sa lupa. Sa katunayan, sila’y bumuo ng ‘isang malaking ulap ng mga saksi’ na literal na nagtaya ng kanilang buhay alang-alang sa mga pangako ni Jehova. Marami sa sinaunang mga saksing iyon ni Jehova ang pinahirapan at pinatay dahil sa kanilang pananampalataya, “upang sila ay makapagkamit ng isang lalong mabuting pagkabuhay-muli.” Papaano? Sa bagong sanlibutan, gagantimpalaan sila ng Diyos ng isang lalong mabuting pagkabuhay-muli at ng pag-asang mabuhay nang walang-hanggan.​—Juan 5:28, 29; Hebreo 11:35; 12:1.

Nagtitiwala sa Diyos ang Kristiyanong mga Saksi

17. Gaano katatag ang pagtitiwala kay Jehova ng mga Kristiyano noong unang siglo?

17 Noong unang siglo C.E., isiniwalat ni Jehova sa bagong katatatag na kongregasyong Kristiyano ang higit pang detalye tungkol sa Kaharian at sa pamamahala nito sa lupa. Halimbawa, kinasihan ng kaniyang espiritu si apostol Juan upang isulat na ang bilang ng makakasama ni Jesu-Kristo sa Kaharian ng langit ay 144,000. Ang mga ito ay tapat na mga lingkod ng Diyos na “binili buhat sa sangkatauhan.” (Apocalipsis 7:4; 14:1-4) Pamamahalaan nila ang lupa “bilang mga hari” kasama ni Kristo sa langit. (Apocalipsis 20:4-6) Napakatibay ang pagtitiwala kay Jehova ng mga Kristiyanong iyon noong unang siglo na tutuparin niya ang kaniyang layunin para sa makalangit na kaharian at sa makalupang sakop nito kung kaya sila’y handang mamatay alang-alang sa kanilang pananampalataya. Marami sa kanila ang talagang gumawa ng ganiyan.

18. Papaano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang kanilang mga katulad noong una?

18 Sa ngayon, halos limang milyong Saksi ni Jehova ang may kaparehong pagtitiwala sa Diyos gaya ng kanilang mga katulad na nabuhay daan-daang taon bago sila. Ang mga Saksing ito sa kasalukuyang panahon ay nagtaya rin ng kanilang buhay alang-alang sa mga pangako ng Diyos. Inialay nila sa kaniya ang kanilang buhay at taglay nila ang buong Bibliya upang magpatibay ng kanilang pananampalataya. (2 Timoteo 3:14-17) Ang modernong-panahong mga Saksing ito ni Jehova ay tumutulad sa mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo na nagpahayag na kanilang ‘susundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.’ (Gawa 5:29) Sa siglong ito marami sa mga Kristiyanong Saksing ito ang buong-kalupitang pinag-usig. Ang ilan ay pinatay pa nga dahilan sa kanilang pananampalataya. Ang iba ay namatay nang dahil sa sakit, aksidente, o katandaan. Subalit, tulad ng tapat na mga saksi noong panahong lumipas, sila’y nagtiwala sa Diyos sapagkat batid nila na sila’y kaniyang ibabalik sa buhay sa kaniyang bagong sanlibutan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.​—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15; Apocalipsis 20:12, 13.

19, 20. Ano ang ating pagkaalam tungkol sa hula ng Bibliya para sa ating kaarawan?

19 Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang paglalabas sa kanila sa lahat ng bansa upang maging isang pangglobong kapatiran ay inihula na sa Bibliya noon pa mang una. (Isaias 2:2-4; Apocalipsis 7:4, 9-17) At pinangyayari ni Jehova na sila’y magsagawa ng isang pambuong-daigdig na pangangaral upang tipunin sa kaniyang pabor at proteksiyon ang iba pang tapat-pusong mga tao. (Kawikaan 18:10; Mateo 24:14; Roma 10:13) Lahat ng ito ay lubusang nagtitiwala kay Jehova, sa pagkaalam na di na magtatagal at pangyayarihin niya ang kaniyang kahanga-hangang bagong sanlibutan.​—Ihambing ang 1 Corinto 15:58; Hebreo 6:10.

20 Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na ang sanlibutan ni Satanas ay nasa kaniyang mga huling araw na sa loob ng halos 80 taon ngayon, simula nang mahalagang taon ng 1914. Kaylapit-lapit nang magwakas ang sanlibutang ito. (Roma 16:20; 2 Corinto 4:4; 2 Timoteo 3:1-5) Ang mga Saksi ni Jehova samakatuwid ay may tibay ng loob at determinasyon sapagkat kanilang natatanto na hindi na magtatagal at ang Kaharian ng Diyos ang lubusang hahawak ng pamamahala sa lahat ng pamamalakad sa lupa. Sa pagwawakas ng kasalukuyang masamang sanlibutan at pagpasok ng kaniyang matuwid na bagong sanlibutan, lubusang papawiin ng Diyos ang masamang kalagayan na umiiral sa lupa sa loob ng napakaraming siglo.​—Kawikaan 2:21, 22.

21. Bakit tayo maaaring magalak anuman ang ating kasalukuyang mga suliranin?

21 Kung magkagayon, sa panahong walang-hanggan, ipakikita ng Diyos ang kaniyang dakilang pangangalaga sa atin sa pamamagitan ng pagpapaulan ng mga pagpapala na hihigit pa sa mga pinsalang dinanas natin noong nakaraan. Napakaraming mabubuting bagay ang mangyayari sa atin sa bagong sanlibutan anupat ang ating dating mga suliranin ay mapaparam sa alaala. Anong laking kaaliwang maalaman na sa panahong iyon ay ‘bubuksan [ni Jehova] ang kaniyang kamay at ibibigay ang naisin ng bawat bagay na may buhay.’​—Awit 145:16; Isaias 65:17, 18.

22. Bakit dapat tayong magtiwala kay Jehova?

22 Sa bagong sanlibutan, ang tapat na sangkatauhan ay makasasaksi sa katuparan ng Roma 8:21: “Ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Masasaksihan nila ang katuparan ng panalanging ito na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Kaya lubusang ilagak ang iyong pagtitiwala kay Jehova dahil ang kaniyang walang-pagkabigong pangako ay: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Ano ang layunin ni Jehova para sa mga tao at para sa lupang ito?

◻ Bakit pinayagan ng Diyos na umiral ang masasamang kalagayan sa lupa?

◻ Papaano ipinakita ng sinaunang tapat na mga tao ang kanilang pagtitiwala kay Jehova?

◻ Bakit nagtitiwala kay Jehova ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon?

[Larawan sa pahina 16]

Nilalang ng Diyos ang mga tao upang mabuhay magpakailanman sa kaligayahan sa isang lupang paraiso

[Larawan sa pahina 18]

Inilagak ni Abraham ang kaniyang pagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na buhayin ang mga patay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share