Tinutupad ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako sa mga Tapat
“Siya na nangako ay tapat.”—HEBREO 10:23.
1, 2. Bakit tayo lubusang makapagtitiwala sa mga pangako ni Jehova?
HINIHILING ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay magkaroon at mag-ingat ng matibay na pananampalataya sa kaniya at sa kaniyang mga pangako. Sa pamamagitan ng gayong pananampalataya ay lubusang makapagtitiwala ang isa na gagawin ni Jehova kung ano ang ipinangako niya. Sinasabi ng kaniyang kinasihang Salita: “Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsasabi: ‘Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala, gayon matutupad.’ ”—Isaias 14:24.
2 Ang pangungusap na, “Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa,” ay nagpapakita na taimtim si Jehova sa kaniyang panata na tuparin ang kaniyang mga pangako. Kaya naman nakapagsabi ang kaniyang Salita: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang umasa sa iyong sariling unawa. Alalahanin mo siya sa lahat ng iyong daan, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Kapag nagtitiwala tayo kay Jehova at hinahayaang tayo’y patnubayan ng kaniyang karunungan, tiyak na hahantong sa buhay na walang hanggan ang ating landas, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay “punungkahoy ng buhay sa lahat ng nanghahawakan dito.”—Kawikaan 3:18; Juan 17:3.
Tunay na Pananampalataya Noong Unang Panahon
3. Paano nagpakita si Noe ng pananampalataya kay Jehova?
3 Ang ulat ng mga gawa ni Jehova alang-alang sa mga may tunay na pananampalataya ay nagpapatunay sa kaniyang pagiging maaasahan. Halimbawa, mahigit na 4,400 taon na ang nakalilipas, sinabi ng Diyos kay Noe na ang sanlibutan noong kaniyang kaarawan ay lilipulin sa isang pandaigdig na Baha. Inutusan niya si Noe na magtayo ng isang malaking daong para sa pagliligtas ng buhay ng mga tao’t hayop. Ano ang ginawa ni Noe? Sinasabi sa atin ng Hebreo 11:7: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng mula-sa-Diyos na babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng maka-Diyos na takot at nagtayo ng daong ukol sa pagliligtas ng kaniyang sambahayan.” Bakit nanampalataya si Noe sa isang bagay na hindi pa kailanman nangyayari, isang bagay na “hindi pa nakikita”? Sapagkat may sapat siyang kabatiran sa nakaraang mga pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan upang maunawaan na anumang sabihin ng Diyos ay nagkakatotoo. Kaya may tiwala si Noe na mangyayari rin ang Baha.—Genesis 6:9-22.
4, 5. Bakit lubusang nagtiwala si Abraham kay Jehova?
4 Si Abraham ay isa pang halimbawa ng tunay na pananampalataya. Halos 3,900 taon na ang nakalilipas, sinabihan siya ng Diyos na ihain ang kaniyang anak na si Isaac, ang kaniyang tanging anak sa kaniyang asawang si Sara. (Genesis 22:1-10) Paano tumugon si Abraham? Sinasabi sa Hebreo 11:17: “Sa pananampalataya si Abraham, nang subukin siya, ay para na ring inihandog si Isaac.” Gayunman, sa huling sandali, pinigil si Abraham ng anghel ni Jehova. (Genesis 22:11, 12) Ngunit, paano ngang maiisip man lamang ni Abraham na gawin ang gayong bagay? Sapagkat, gaya ng sinasabi ng Hebreo 11:19, “ibinilang niya na magagawa ng Diyos na ibangon [si Isaac] kahit mula sa mga patay.” Subalit paano maaaring sumampalataya si Abraham sa pagkabuhay-muli samantalang wala siyang nakitang gayon at walang dating rekord na may nabuhay-muli?
5 Tandaan, si Sara ay 89 nang pangakuan sila ng Diyos ng isang anak. Ang bahay-bata ni Sara ay hindi na maaaring magkaanak—patay na, wika nga. (Genesis 18:9-14) Binuhay-muli ng Diyos ang bahay-bata ni Sara, at isinilang niya si Isaac. (Genesis 21:1-3) Alam ni Abraham na yamang binuhay-muli ng Diyos ang patay na bahay-bata ni Sara, kung gayo’y magagawa rin niyang buhaying-muli si Isaac kung kakailanganin. Ganito ang sabi ng Roma 4:20, 21 tungkol kay Abraham: “Dahil sa pangako ng Diyos ay hindi siya nag-urung-sulong sa kawalan ng pananampalataya, kundi naging malakas sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya, na nagbibigay sa Diyos ng kaluwalhatian at sa pagiging lubusang kumbinsido na ang kaniyang ipinangako ay kaya rin niyang gawin.”
6. Paano nagpahayag si Josue ng pagtitiwala kay Jehova?
6 Mahigit na 3,400 taon ang nakalilipas nang si Josue ay mahigit nang isang daang taóng gulang at matapos ang habang-buhay na karanasan sa pagiging mapagkakatiwalaan ng Diyos, ganito ang ibinigay niyang dahilan ng kaniyang pagtitiwala: “Alam na alam ninyo ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.”—Josue 23:14.
7, 8. Anong nakapagliligtas na landasin ng pagkilos ang tinahak ng tapat na mga Kristiyano noong unang siglo, at bakit?
7 Mga 1,900 taon na ang nakaraan, maraming mapagpakumbabang mga tao ang nagpamalas ng tunay na pananampalataya. Napagtanto nila mula sa katuparan ng mga hula sa Bibliya na si Jesus nga ang Mesiyas at kanilang tinanggap ang kaniyang mga itinuro. Dahil sa matibay na batayang ito salig sa mga pangyayari at sa Hebreong Kasulatan, sinampalatayanan nila ang itinuro ni Jesus. Kaya, nang sabihin ni Jesus na ang masamang hatol ng Diyos ay sasapit sa Judea at Jerusalem dahil sa kataksilan nito, naniwala sila sa kaniya. At nang sila’y pagsabihan niya kung ano ang kailangan nilang gawin upang iligtas ang buhay nila, ginawa nila ito.
8 Sinabi ni Jesus sa mga mananampalataya na kapag napalilibutan na ng mga hukbo ang Jerusalem, kailangang tumakas na sila. Lumusob nga ang hukbong Romano sa Jerusalem noong taóng 66 C.E. Ngunit sa di-maipaliwanag na dahilan ay umurong ang mga Romano. Iyan ang nagsilbing hudyat sa mga Kristiyano upang iwan ang lunsod, sapagkat sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawigang dako ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:20, 21) Nilisan niyaong mga may tunay na pananampalataya ang Jerusalem at ang buong kapaligiran nito at tumakas tungo sa isang ligtas na dako.
Mga Ibinunga ng Kawalan ng Pananampalataya
9, 10. (a) Paano ipinakita ng mga relihiyosong lider ang kanilang kawalan ng pananampalataya kay Jesus? (b) Ano ang ibinunga ng gayong kawalan ng pananampalataya?
9 Ano naman ang ginawa niyaong mga walang tunay na pananampalataya? Hindi sila tumakas nang magkaroon sila ng pagkakataon. Inakala nilang maililigtas sila ng kanilang mga lider. Subalit taglay rin ng mga lider na iyon at ng kanilang mga tagasunod ang ebidensiya na si Jesus ang Mesiyas. Kaya bakit hindi sila naniwala sa sinabi niya? Dahil sa masamang kalagayan ng kanilang puso. Noon pa nahantad ito nang makita nilang dumaragsa kay Jesus ang marami sa mga taong-bayan pagkatapos na kaniyang buhaying-muli si Lazaro. Ganito ang paglalahad sa Juan 11:47, 48: “Tinipon ng mga punong saserdote at mga Fariseo ang Sanedrin [ang mataas na hukuman ng mga Judio] at nagpasimulang magsabi: ‘Ano ang ating gagawin, sapagkat ang taong ito [si Jesus] ay nagsasagawa ng maraming tanda? Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay maglalagak ng pananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.’ ” Sinasabi ng talatang 53: “Sa gayon mula nang araw na iyon ay nagsanggunian silang patayin siya.”
10 Tunay na isang kamangha-manghang himala ang ginawa ni Jesus—ang buhaying-muli si Lazaro! Ngunit nais ng mga relihiyosong lider na ipapatay si Jesus dahil dito. Napahantad pa ang kanilang karima-rimarim na kabalakyutan nang “ang mga punong saserdote . . . ay nagsanggunian na patayin din si Lazaro, sapagkat dahil sa kaniya marami sa mga Judio ang pumaparoon at naglalagak ng pananampalataya kay Jesus.” (Juan 12:10, 11) Katatapos pa lamang buhaying-muli si Lazaro, at ngayo’y gusto naman ng mga saserdoteng iyon na mamatay siyang muli! Hindi sila nababahala sa kalooban ng Diyos o sa kapakanan ng mga tao. Makasarili sila, anupat nababahala lamang sa kanilang posisyon at pakinabang. “Inibig nila ang kaluwalhatian ng tao nang higit pa kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Juan 12:43) Subalit pinagbayaran nila ang kanilang kawalan ng pananampalataya. Noong taóng 70 C.E., ang hukbong Romano ay bumalik at nilipol ang dako nila at ang kanilang bansa, gayundin ang marami sa kanila.
Pananampalatayang Ipinamalas sa Ating Panahon
11. Sa pagsisimula ng siglong ito, paano ipinamalas ang tunay na pananampalataya?
11 Sa siglong ito ay marami rin ang mga lalaki’t babae na may tunay na pananampalataya. Halimbawa, noon pa mang mga unang taon ng 1900, ang mga tao sa pangkalahatan ay umaasa sa isang mapayapa at maunlad na kinabukasan. Kasabay nito, yaong mga sumasampalataya kay Jehova ay nagbababala na ang sangkatauhan ay nasa bingit na ng pinakamaligalig na panahon sa buong kasaysayan. Iyan ang inihula ng Salita ng Diyos sa Mateo kabanata 24, 2 Timoteo kabanata 3, at sa iba pang teksto. Ang sinabi ng mga taong ito na may pananampalataya ay nagkatotoo, pasimula noong 1914 sa Digmaang Pandaigdig I. Ang sanlibutan ay pumasok na nga sa inihulang “mga huling araw” na may “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Bakit nalaman ng mga lingkod ni Jehova ang katotohanan hinggil sa mga kalagayan sa daigdig samantalang hindi ito nalaman ng iba? Sapagkat, tulad ni Josue, may pananampalataya sila na hindi mabibigo ang kahit isa sa mga salita ni Jehova.
12. Sa ngayon, anong pangako ni Jehova ang lubusang pinagtitiwalaan ng kaniyang mga lingkod?
12 Sa ngayon, ang mga lingkod ni Jehova, na nagtitiwala sa kaniya, ay halos anim na milyon na sa buong daigdig. Alam nila mula sa ebidensiya ng katuparan ng makahulang salita ng Diyos na malapit na niyang wakasan ang marahas at imoral na sistemang ito ng mga bagay. Kaya may tiwala sila na malapit na nilang makita ang katuparan ng 1 Juan 2:17, na nagsasabi: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Lubusang nagtitiwala ang kaniyang mga lingkod na tutuparin ni Jehova ang pangakong ito.
13. Hanggang saan ka makapagtitiwala kay Jehova?
13 Hanggang saan ka makapagtitiwala kay Jehova? Maaari mong itaya ang iyong buhay alang-alang sa kaniya! Kahit mawala ang iyong buhay ngayon dahil sa paglilingkod sa kaniya, maibabalik niya sa iyo ang higit na mabuting buhay sa pagkabuhay-muli. Tinitiyak sa atin ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan [alalaong baga’y, nasa alaala ng Diyos] ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Mayroon ka bang kilala na sinumang doktor, pulitiko, siyentipiko, negosyante, o iba pang tao na makagagawa nito? Ipinakikita ng nakaraan nilang rekord na hindi nila ito kaya. Kaya ito ni Jehova, at iyon ay gagawin niya!
Isang Napakagandang Kinabukasan Para sa mga Tapat
14. Anong napakagandang kinabukasan ang ipinangangako ng Salita ng Diyos sa mga taong tapat?
14 Tinukoy ni Jesus ang katiyakan ng isang bagong sanlibutan sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos nang kaniyang sabihin: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang kanilang mamanahin ang lupa.” (Mateo 5:5) Pinagtibay nito ang pangako ng Diyos na masusumpungan sa Awit 37:29: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” At nang magpahayag ng pananampalataya ang isang manlalabag-batas nang malapit nang mamatay si Jesus, sinabi ni Jesus sa lalaking iyon: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Oo, bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, titiyakin ni Jesus na ang taong ito ay mabubuhay-muli sa lupa na may pagkakataong manirahan magpakailanman sa Paraisong iyon. Sa ngayon, lahat ng sumasampalataya sa Kaharian ni Jehova ay makaaasa ring mabuhay sa Paraiso kapag “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
15, 16. Bakit magiging totoong mapayapa ang buhay sa bagong sanlibutan?
15 Ilarawan natin sa ating isipan ang bagong sanlibutang iyon. Gunigunihin natin na tayo’y naroroon na nga. Kaagad ay mapapansin natin sa lahat ng dako ang maliligayang tao na sama-samang namumuhay sa ganap na kapayapaan. Tinatamasa nila ang mga kalagayang katulad ng inilarawan sa Isaias 14:7: “Ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan, naging tahimik. Ang bayan ay nagsaya dahil sa mga hiyaw na may kagalakan.” Bakit ganiyan sila? Ang isang dahilan, mapapansin mo na wala nang kandado ang mga pintuan ng bahay. Hindi na kailangan ang mga ito, sapagkat wala nang krimen o karahasan. Ito’y katulad na katulad ng inihula sa Salita ng Diyos: “Sila’y uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang sinumang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4.
16 Wala na ring digmaan, sapagkat sa bagong sanlibutang ito, bawal ang digmaan. Ang lahat ng mga sandata ay ginawa nang mga kasangkapan ukol sa kapayapaan. Sa lubus-lubusang diwa, natupad na ang Isaias 2:4: “Kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Sabihin pa, ito na nga ang ating inaasahan! Bakit? Sapagkat marami sa mga naninirahan sa bagong sanlibutan ang natutong gumawa nito habang sila’y naglilingkod noon sa Diyos sa matandang sanlibutan.
17. Anong mga kalagayan sa buhay ang mamamayani sa ilalim ng Kaharian ng Diyos?
17 Ang isa pa sa mapapansin mo ay ang bagay na wala nang mga dukha. Wala nang nakatira sa isang hamak na barungbarong o nakasuot ng punit-punit na damit o walang matirahan. Lahat ay may maginhawang tahanan at masinop na kapaligiran na ginagayakan ng mga punungkahoy at mga bulaklak. (Isaias 35:1, 2; 65:21, 22; Ezekiel 34:27) At wala nang gutom sapagkat tinupad na ng Diyos ang kaniyang pangako na magkakaroon ng saganang pagkain sa lahat: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; aapaw kahit sa taluktok ng mga bundok.” (Awit 72:16) Oo, sa ilalim ng patnubay ng Kaharian ng Diyos, lalawak sa buong lupa ang isang maluwalhating paraiso, gaya ng nilayon ng Diyos noon sa Eden.—Genesis 2:8.
18. Sa bagong sanlibutan, anong mga bagay ang hindi na magsasapanganib sa mga tao ?
18 Mamamangha ka rin sa sigla at lakas na taglay ng bawat isa. Ito’y dahil sa mayroon na sila ngayong sakdal na katawan at isip. Wala nang sakit, kirot, o kamatayan man. Wala nang mga taong nasa silyang de-gulong o nakaratay sa kama sa ospital. Wala nang lahat ito magpakailanman. (Isaias 33:24; 35:5, 6) Aba, maging ang mga hayop man ay hindi magsasapanganib sa buhay ng tao, sapagkat pinaamo na sila ng kapangyarihan ng Diyos!—Isaias 11:6-8; 65:25; Ezekiel 34:25.
19. Bakit ang bawat araw sa bagong sanlibutan ay magiging isa na may “matinding kasiyahan”?
19 Anong kahanga-hangang sibilisasyon ang itinatayo ng mga tapat na mamamayan ng bagong sanlibutang ito! Ang kanilang lakas at kasanayan at ang kayamanan ng lupa ay ginagamit sa kapaki-pakinabang na mga layunin, hindi sa nakapipinsalang mga bagay; sa pakikipagtulungan sa iba, hindi sa pakikipagkompetensiya sa kanila. At ang bawat makakatagpo mo ay isang taong mapagkakatiwalaan mo sapagkat, gaya ng ipinangako ng Diyos, lahat ay “mga taong naturuan ni Jehova.” (Isaias 54:13) Yamang ang bawat isa ay ginagabayan ng mga batas ng Diyos, ang lupa ay ‘napupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.’ (Isaias 11:9) Siyang tunay, ang bawat araw sa bagong sanlibutang ito ay katulad nga ng sinabi ng Awit 37:11, isa na may “matinding kasiyahan.”
Tiniyak ang Isang Maligayang Kinabukasan
20. Ano ang dapat nating gawin upang magtamasa ng isang mapayapang kinabukasan?
20 Ano ang dapat nating gawin upang maging bahagi ng maligayang kinabukasang iyon? Ang Isaias 55:6 ay nagsasabi sa atin: “Inyong hanapin si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Tumawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit.” At habang tayo’y naghahanap, ang ating saloobin ay dapat maging tulad ng inilarawan sa Awit 143:10: “Turuan mo akong gumawa ng iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.” Yaong mga gumagawa nito ay makalalakad nang walang-kapintasan sa harap ni Jehova sa mga huling araw na ito at makaaasa sa isang magandang kinabukasan. “Bantayan ang isa na walang kapintasan at tingnan mo ang isa na matuwid, sapagkat ang kinabukasan ng taong iyon ay magiging payapa. Ngunit ang mga manlalabag ay tiyak na lilipuling magkakasama; ang kinabukasan ng mga taong balakyot ay tiyak na mahihiwalay.”—Awit 37:37, 38.
21, 22. Ano ang inoorganisa ng Diyos sa ngayon, at paano naisasagawa ang pagsasanay?
21 Ngayon pa lamang ay tinatawag na ni Jehova mula sa bawat bansa yaong mga nagnanais na gumawa ng kaniyang kalooban. Inoorganisa niya sila upang maging pundasyon ng kaniyang bagong lipunan sa lupa, gaya ng inihula sa Bibliya: “Sa huling bahagi ng mga araw [ang panahong kinabubuhayan natin] . . . maraming bayan ang magsisiyaon at magsasabi: ‘Halina kayo, at tayo’y umahon sa bundok ni Jehova [sa kaniyang dinakilang tunay na pagsamba] . . . Tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ ”—Isaias 2:2, 3.
22 Ang mga ito ay inilalarawan ng Apocalipsis 7:9 bilang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Sinasabi ng talatang 14: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian,” anupat nakaligtas sa katapusan ng kasalukuyang sanlibutan. Ang pundasyong ito ng bagong sanlibutan ay umaabot na ngayon sa halos anim na milyon, anupat daan-daang libong baguhan ang nagiging bahagi nito taun-taon. Ang lahat ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ay sinasanay na ngayon para sa buhay sa kaniyang bagong sanlibutan. Natututuhan nila ang espirituwal at iba pang mga kasanayan na kakailanganin upang gawing paraiso ang lupang ito. At lubusan silang nagtitiwala na magkakatotoo ang Paraisong iyon sapagkat “siya na nangako ay tapat.”—Hebreo 10:23.
Mga Punto sa Repaso
◻ Ano ang ibinunga ng kawalan ng pananampalataya noong unang siglo?
◻ Hanggang saan makapagtitiwala sa Diyos ang kaniyang mga lingkod?
◻ Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga tapat?
◻ Ano ang dapat nating gawin upang matiyak para sa ating sarili ang isang maligayang kinabukasan sa bagong sanlibutan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 18]
Ngayon mismo ay inoorganisa na ni Jehova ang pundasyon ng isang bagong lipunan sa lupa