“Pakanin ang Bibig, Hindi ang mga Paa”
Pagmamasid sa Kinagisnang mga Kaugalian sa Paglilibing sa Aprika
“SILA’Y hindi naglilibing ng kanilang mga patay!” Ito ay isang pangungusap na karaniwang ikinakapit sa mga Saksi ni Jehova sa Kanlurang Aprika. Subalit, alam na alam na ang mga Saksi, sa katunayan, ay naglilibing ng kanilang mga patay.
Bakit sinasabi ng mga tao na hindi inililibing ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga patay? Sinasabi nila iyon sapagkat hindi sumusunod ang mga Saksi sa marami sa popular na lokal na mga kaugalian sa paglilibing.
Kinagisnang mga Kaugalian sa Paglilibing
Si Aliu ay naninirahan sa isang munting nayon sa Central Nigeria. Nang mamatay ang kaniyang ina, ipinagbigay-alam niya ang kaniyang pagkamatay sa kaniyang mga kamag-anak at pagkatapos ay nagsaayos ng isang pahayag mula sa Kasulatan sa kaniyang tahanan. Palibhasa’y ipinahayag ng isang matanda sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang pahayag ay nagtutok ng pansin sa kalagayan ng mga patay at sa nakapagpapasiglang pag-asa sa pagkabuhay-muli na tinutukoy sa Bibliya. Pagkatapos ng pahayag, ang ina ni Aliu ay inilibing.
Labis na nagalit ang mga kamag-anak. Para sa kanila, kulang ang paglilibing kung walang lamayan, na karaniwan nang ginaganap sa gabi pagkamatay ng isang tao. Sa pamayanan ni Aliu ang lamayan ay isang panahon ng pagdiriwang, hindi ng pagdadalamhati. Ang bangkay ay pinaliliguan, dinaramtan ng puti, at inihihiga sa isang kama. Ang mga namatayan ay umuupa ng mga musikero, bumibili ng kahun-kahon ng serbesa at galun-galon ng tuba, at nagsasaayos ng paghahain ng isang toro o isang kambing. Pagkatapos ay nagdaratingan ang mga kamag-anak at mga kaibigan upang mag-awitan, magsayawan, magkainan, at mag-inuman hanggang sa madaling araw ng kinabukasan.
Sa mga kasayahang ito, naglalagay ng pagkain sa paanan ng bangkay. Ang mga bahagi ng buhok, mga kuko ng daliri sa kamay at sa paa ng bangkay ay pinuputol at itinatabi para sa “pangalawang paglilibing.” Iyon ay ginaganap makalipas ang mga araw, mga sanlinggo, o maging mga taon pa.
Sa araw na kasunod ng lamayan, ang bangkay ay inililibing, bagaman ang mga seremonya ng libing ay nagpapatuloy nang isang linggo o mas matagal. Sa bandang huli, ang pangalawang paglilibing ay ginaganap. Ang mga bahagi ng buhok, mga kuko ng mga daliri sa kamay at paa ay binabalot sa isang telang puti, na itinatali sa 1.5 hanggang 1.8 metrong tabla. Sa isang prusisyon ng pagkakantahan at pagsasayawan, ang tabla ay dinadala sa paglilibingan at ibinabaon malapit sa taong kinakatawan niyaon. Minsan pa, mayroong labis na tugtugan, inuman, at pagsasaya. Bilang pagtatapos ng paglilibing, isang baril ang pinapuputok nang minsanan paitaas.
Yamang hindi pinayagan ni Aliu ang alinman sa mga bagay na ito, siya’y inakusahan na walang galang sa namatay o sa mga tradisyon na nagpaparangal sa kanila. Subalit bakit si Aliu, na isang Saksi ni Jehova, ay tumangging sumunod sa tradisyon? Sapagkat hindi matanggap ng kaniyang budhi ang relihiyosong mga idea na saligan ng mga tradisyong ito.
Kinagisnang mga Paniwala sa Aprika
Sa buong Aprika, ang mga tao ay naniniwala na lahat ng tao ay nanggaling sa dako ng mga espiritu at sila’y magbabalik doon. Ang mga Yoruba ng Nigeria ay nagsasabi: “Ang lupa ay isang pamilihan, samantalang ang langit ay tahanan.” At ganito ang kasabihan ng mga Igbo: “Bawat isa na isinilang sa daigdig na ito ay babalik sa langit, gaano mang katagal siya tumitira rito sa lupa.”
Isaalang-alang ang mga kaugaliang binanggit sa bandang unahan. Ang layunin ng lamayan ay upang bigyan ang espiritu ng isang mabuting pamamaalam. Ang puting kasuutan ang itinuturing na angkop para sa dako ng mga espiritu. Ang paglalagay ng pagkain sa paanan ay iniuugnay sa idea na ang bangkay ay kumakain sa pamamagitan ng mga paa at kailangang pakanin upang huwag magutom samantalang patungo sa lupain ng mga ninuno.
Isa pa, karamihan ng mga tao ay naniniwala na pag-alis ng espiritu sa katawan, iyon ay nagtatagal pa malapit sa mga buháy at hindi bumabalik sa mga ninuno hanggang hindi pinalalaya iyon sa wakas ng pangalawang paglilibing. Hangga’t hindi ginaganap ang pangalawang paglilibing, nangangamba ang mga tao na ang espiritu ay magalit at pahatidan ang mga buháy ng salot na sakit at kamatayan. Ang pagpapaputok ng baril ay upang “ang espiritu’y papuntahin” sa langit.
Bagaman ang mga kaugalian sa paglilibing ay naiiba sa iba’t ibang lugar sa Aprika, ang pananatiling buháy ng espiritu pagkamatay ng katawan ang karaniwan nang pangunahing idea. Ang pangunahing layunin ng mga ritwal ay upang tulungan ang espiritu na tugunin ang “panawagan sa langit.”
Ang mga paniniwala at mga kaugaliang ito ay pinasigla ng doktrina ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao at ng kaniyang pagsamba sa “mga santo.” Ang isang halimbawa ay ang komento ng kapelyan sa hukbo sa Swaziland na nagsabing naparito si Jesus, hindi upang sirain ang kinagisnang mga paniniwala, kundi upang tuparin o pagtibayin ang mga iyon. Yamang ang mga klerigo ay karaniwan nang nangangasiwa sa mga seremonya sa paglilibing, maraming tao ang naniniwala na sinusuportahan ng Bibliya kapuwa ang kinagisnang mga paniniwala at ang mga kaugalian na ibinubunga ng mga iyon.
Ang Sinasabi ng Bibliya
Sinusuportahan ba ng Bibliya ang mga paniniwalang ito? Tungkol sa kalagayan ng mga patay, ang Eclesiastes 3:20 ay nagsasabi: “Lahat [kapuwa ang mga tao at mga hayop] ay patungo sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay babalik sa alabok.” Ang Kasulatan ay nagsasabi pa: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman . . . Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang pagkapoot at ang kanilang paninibugho ay naparam na . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang libingan], ang dako na iyong paroroonan.”—Eclesiastes 9:5, 6, 10.
Ang mga ito at ang iba pang teksto ay maliwanag na nagsasabing tayo’y hindi makikita o maririnig o matutulungan tayo o masasaktan tayo ng mga patay. Hindi ba ito kasuwato ng nasasaksihan mo? Baka may kilala kang isang mayaman at maimpluwensiya na namatay at ang pamilya ay naghirap pagkatapos, bagaman sila’y lubusang gumanap ng lahat ng kaugaliang seremonya sa paglilibing. Kung ang taong iyon ay buháy sa dako ng mga espiritu, bakit hindi niya tinutulungan ang kaniyang pamilya? Hindi niya magawa iyon sapagkat totoo ang sinasabi ng Bibliya—ang mga patay ay tunay na walang buhay, “walang nagagawa sa kamatayan,” at samakatuwid hindi nila matulungan ang sinuman.—Isaias 26:14.
Alam ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na totoo ito. Pag-isipan ang nangyari pagkamatay ni Lazaro. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sinabi niya [ni Jesus] sa kanila [ang kaniyang mga alagad]: ‘Si Lazaro na ating kaibigan ay namahinga, ngunit ako ay maglalakbay patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.’ Sa gayon ay sinabi ng mga alagad sa kaniya: ‘Panginoon, kung siya ay nagpahinga, siya ay gagaling.’ Gayunman, si Jesus ay nagsalita tungkol sa kaniyang kamatayan.”—Juan 11:11-13.
Pansinin na ang kamatayan ay inihalintulad ni Jesus sa pagkatulog, sa pahinga. Nang siya’y dumating sa Betania, inaliw niya ang mga kapatid ni Lazaro na sina Maria at Marta. Palibhasa’y napukaw ng pagkaawa, si Jesus ay nagbigay-daan sa pagluha. Gayunman, siya’y hindi nagsalita o gumawa ng anuman na nagpapahiwatig na si Lazaro ay may espiritu pang nabubuhay at nangangailangang tulungan upang makarating sa lupain ng kaniyang mga ninuno. Sa halip, ginawa ni Jesus ang kaniyang sinabing gagawin niya. Ginising niya si Lazaro buhat sa pagkatulog sa kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Ito’y patotoo na balang araw gagamitin ng Diyos si Jesus upang buhayin ang lahat ng nasa mga alaalang libingan.—Juan 11:17-44; 5:28, 29.
Bakit Kikilos sa Paraang Naiiba?
Mayroon bang masama sa pagsunod sa mga kaugalian sa paglilibing na nakasalig sa mga paniwalang wala sa Kasulatan? Si Aliu at ang milyun-milyon pang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na mayroon. Batid nilang mali—mapagpaimbabaw pa nga—ang suportahan nila ang anumang gawaing malinaw na nakasalig sa mga doktrinang di-totoo at nakapagliligaw. Ayaw nilang mapatulad sa mga eskriba at mga Fariseo, na hinatulan ni Jesus dahil sa relihiyosong pagpapaimbabaw.—Mateo 23:1-36.
Nagbabala si apostol Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo: “Ang kinasihang kapahayagan ay nagsasabi nang tiyakan na sa huling mga yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga kapahayagan at mga turo ng mga demonyo, sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsasalita ng mga kasinungalingan.” (1 Timoteo 4:1, 2) Ang idea ba na ang mga taong namatay ay nabubuhay sa dako ng mga espiritu ay isang turo ng mga demonyo?
Oo, gayon nga. Si Satanas na Diyablo, “ang ama ng kasinungalingan,” ang nagsabi kay Eva na hindi siya mamamatay, anupat ipinahihiwatig na siya’y patuloy na mabubuhay sa laman. (Juan 8:44; Genesis 3:3, 4) Iyan ay hindi kapareho ng pagsasabi na ang isang walang-kamatayang kaluluwa ay patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Gayunman, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay nagsisikap italikod ang mga tao buhat sa katotohanan ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagtataguyod ng idea na ang buhay ay nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan. Sapagkat sila’y naniniwala sa sinasabi ng Diyos sa Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay walang bahagi sa mga paniniwala at mga gawain na sumusuporta sa mga kasinungalingan ni Satanas.—2 Corinto 6:14-18.
Sa pamamagitan ng pag-iwas sa di-maka-Kasulatang mga kaugalian sa paglilibing, ang mga lingkod ni Jehova ay kinamuhian ng ilang tao na ang paniwala’y hindi katulad ng sa kanila. Ang ilang Saksi ay pinagkakaitan ng mana. Ang iba naman ay itinatakwil ng kani-kanilang pamilya. Gayunman, bilang tunay na mga Kristiyano, natatalos nila na ang tapat na pagsunod sa Diyos ay nagbubunga ng pagkapoot ng sanlibutan. Tulad ng tapat na mga apostol ni Jesu-Kristo, sila ay desididong “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29; Juan 17:14.
Samantalang pinahahalagahan ang alaala ng kanilang mga mahal sa buhay na natutulog sa kamatayan, nagsisikap ang tunay na mga Kristiyano na ipakita ang pag-ibig sa mga buháy. Halimbawa, pagkamatay ng kaniyang ama dinala ni Aliu ang kaniyang ina sa kaniyang tahanan upang makapiling at kaniyang pinakain at inalagaan siya sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay. Pagka sinasabi ng iba na hindi iniibig ni Aliu ang kaniyang ina dahil sa siya’y hindi niya inilibing ayon sa popular na kaugalian, tinutukoy niya ang karaniwang kasabihang ito ng kaniyang mga kababayan: “Pakanin mo ang aking bibig bago mo pakanin ang aking mga paa.” Ang pagpapakain sa bibig, o pag-aalaga sa isang tao samantalang siya ay buháy pa, ay higit na mahalaga kaysa pagpapakain sa mga paa, ang kaugalian na inilarawan sa bandang una at may kinalaman sa lamayan pagkamatay ng isang tao. Ang pagpapakain sa mga paa, sa katunayan, ay hindi pinakikinabangan ng namatay.
Ganito ang itinatanong ni Aliu sa mga pumupuna sa kaniya, ‘Alin ang ibig ninyo—na alagaan kayo ng inyong pamilya pagsapit ninyo sa katandaan o sila’y gumawa ng isang malaking pagdiriwang pagkamatay ninyo?’ Ang pinipili ng karamihan ay ang alagaan sila habang sila’y buháy pa. Pinahahalagahan din nila ang pagkaalam na kung sakaling sila’y mamatay, sila’y magkakaroon ng isang salig-Bibliyang marangal na pang-alaalang serbisyo at isang disenteng libing.
Iyan ang sinisikap gawin ng mga Saksi ni Jehova para sa kanilang mga mahal sa buhay. Kanilang pinakakain ang bibig, hindi ang mga paa.