Isang Lalong Mabuting Sanlibutan—Pangarap ba Lamang?
KUNG ikaw ay naging isang tagasunod ng Mazdaismo ayon sa ipinangaral ng propeta ng Iran na si Zoroaster, ikaw ay maaaring nakapaghintay ng araw na ibabalik ang lupa sa orihihal na kagandahan nito. Kung nakapanirahan ka sa sinaunang Gresya, marahil ay nangarap ka na makarating sa nakalulugod na Fortunate Isles o makita ang pagbabalik ng Ginintuang Panahon na inilarawan ng makatang si Hesiod noong ikawalong siglo B.C.E. Ang isang Guaraní Indian sa Timog Amerika ay baka naghahanap pa rin sa Lupaing Walang Kasamaan. Palibhasa’y nabubuhay sa panahon natin, marahil ay umaasa kang bubuti rin ang sanlibutan dahilan sa ilang pulitikal na ideolohiya o bilang resulta ng kaalaman sa ekolohiya sa modernong panahong ito.
Ang Ginintuang Panahon, ang Fortunate Isles, ang Lupaing Walang Kasamaan—ang mga ito ay kabilang sa maraming pangalang ginagamit upang ilarawan ang ganoon ding pananabik, ang pag-asa sa isang lalong mabuting sanlibutan.
Ang sanlibutang ito, ang ating daigdig, ay tiyak na hindi isang ulirang dako. Dumarami ang malulupit na krimen, mga digmaan ng magkakadugo na walang kaparis sa karahasan, paglipol sa isang buong pamayanan o lahi, hindi pakikiramay sa mga pagdurusa ng iba, karalitaan at gutom, kawalang hanapbuhay at di-pagkakaisa, mga suliranin sa ekolohiya, mga sakit ng angaw-angaw na di na gumagaling—ang talaan ng kasalukuyang mga kaabahan ay waring walang katapusan. Sa pag-iisip tungkol sa mga digmaan na kasalukuyang pinaglalabanan, ganito ang sabi ng isang peryodistang Italiano: “Ang tanong na natural na maihaharap ng isa ay kung ang pagkakapootan ang hindi siyang pinakamatinding damdamin sa panahon natin.” Sa pagsasaalang-alang ng situwasyon, sa palagay mo kaya’y makatotohanan na maghangad ng isang bagay na naiiba, isang bagay na lalong mainam? O ang gayon bang hangarin ay isa lamang paghahangad ng Utopia, isang pangarap na hindi magkakatotoo kailanman? Tayo ba’y namumuhay sa pinakamagaling sa lahat ng posibleng sanlibutan?
Ang mga ito ay hindi bago. Sa loob ng daan-daang taon nangarap ang mga tao ng isang sanlibutan na doo’y maghahari ang pagkakasundo, katarungan, kaunlaran, at pag-ibig. Sa paglakad ng panahon, ang ilang pilosopo ay lubusang nagpahayag ng kanilang mga paniniwala tungkol sa ulirang mga Estado, lalong mabubuting daigdig. Subalit, nakalulungkot, sila’y hindi kailanman nagkaroon ng kakayahan na ipaliwanag kung papaano nila matagumpay na mapaiiral iyon.
Ang ganito bang daan-daan-taon nang nakatalang mga pangarap, mga Utopia, at mga hangarin ng tao para sa isang lalong mabuting lipunan ay nagtuturo sa atin ng anuman?
[Larawan sa pahina 3]
Ito ba ang pinakamagaling sa lahat ng posibleng sanlibutan?