Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 4/15 p. 4-7
  • Saan Ka Makasusumpong ng Mapagkakatiwalaang Patnubay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Saan Ka Makasusumpong ng Mapagkakatiwalaang Patnubay?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dinisenyo Upang Tumanggap ng Banal na Patnubay
  • Ang Diyos ang Awtor ng Bibliya
  • Sa Tuwina’y Kapaki-pakinabang​—Hindi Nakapipinsala Kailanman
  • Isang Matatag na Kinabukasan Para sa mga Sumusunod sa Patnubay ng Diyos
  • Hilingin ang Patnubay ng Diyos sa Lahat ng Bagay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Paano Tayo Magkakaroon ng Magandang Kinabukasan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2021
  • Bakit Tayo Dapat Umasa sa Bibliya Para sa Patnubay?
    Gumising!—2006
  • “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”
    “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 4/15 p. 4-7

Saan Ka Makasusumpong ng Mapagkakatiwalaang Patnubay?

“TALASTAS ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, Oh Jehova.”​—Jeremias 10:23, 24.

Ang manunulat ng Bibliya na si Jeremias ang sumulat ng mga salitang iyan mga 25 siglo na ang lumipas. Ang nakalulungkot na kalagayan ng sangkatauhan pagkalipas ng libu-libong taon ng pagsunod sa patnubay ng tao ay nagpapatotoo sa di-matututulang katotohanan ng pangungusap na ito. Subalit, marahil ay maitatanong mo, ‘Saan makasusumpong ng mapagkakatiwalaang patnubay?’

Ang talatang sinipi sa itaas ay nagtuturo ng isang bukal ng mapanghahawakang patnubay at direksiyon na lubhang nakahihigit sa tao​—ang Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova. Tiyak na walang nakaáalam ng kayarian ng tao at ng kaniyang mga pangangailangan nang higit kaysa ating Maylikha. Gayunpaman, interesado ba ang Diyos sa pagbibigay sa atin ng gayong patnubay at direksiyon? Papaano niya ginagawa iyon? Iyon ba ay praktikal para sa ating mga panahon?

Dinisenyo Upang Tumanggap ng Banal na Patnubay

Alam na alam na ang isang pangunahing pagkakaiba ng tao sa mga hayop ay nakasentro sa kayarian, kakayahan, at mga nagagawa ng utak ng tao. Sa mga hayop halos lahat ng gawain ng utak ay nakaprograma na sa tinatawag na likas na talino. Hindi ganito sa mga tao.​—Kawikaan 30:24-28.

Di-tulad ng utak ng mga hayop, ang malaking bahagi ng utak ng tao ay walang permanenteng programa. Sinangkapan ng Diyos ang mga tao ng kakayahang magpasiya, anupat sila ay posibleng makagawa ng matatalinong pasiya at magpamalas ng nakahihigit na mga katangian, tulad ng pag-ibig, pagkabukas-palad, kawalang-pag-iimbot, katarungan, at karunungan.

Makatuwiran bang isipin na lilikhain ng Diyos ang tao na taglay ang gayong kakayahan ng isip nang hindi nagbibigay ng anumang uri ng patnubay tungkol sa kung papaano pinakamagaling na magagamit ito? Nagbigay ang Diyos ng tuwirang patnubay sa unang mga tao. (Genesis 2:15-17, 19; 3:8, 9) Kahit na pagkatapos magkasala ang tao, nagpatuloy si Jehova na akayin ang tapat na mga lalaki at mga babae, lalung-lalo na sa pamamagitan ng kaniyang sariling kinasihang Salita, ang Bibliya. (Awit 119:105) Ito’y nagpahintulot sa mga tao na haraping matagumpay ang araw-araw na mga suliranin sa buhay samantalang may karunungang ginagamit ang kanilang sariling pagpapasiya.

Ang Diyos ang Awtor ng Bibliya

Papaano isang mapagkakatiwalaang bukal ng patnubay ang Bibliya? Unang-una, naghaharap ito ng impormasyon na tanging ang Maylikha ang makapaglalaan. Binabalangkas nito ang kasaysayan ng mga pangyayari na naganap matagal na matagal pa bago nagsimula ang buhay ng tao. Halimbawa, isinasaysay nito kung papaano inihanda ang lupa sa sunud-sunod na yugto hanggang sa maaari na nitong sustinihan ang buhay ng tao. (Genesis, kabanata 1, 2) Bagaman ito ay naisulat sa Bibliya mahigit na 3,000 taon na ang lumipas, ito ay kasuwato ng modernong mga idea sa siyensiya.

Matagal pa bago ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay maniwala na ang lupa ay bilog, ipinahayag na ng Bibliya: “Iniuunat [ng Diyos] ang hilagaan sa pagitang walang laman, ibinibitin ang lupa sa wala.” (Job 26:7) Bukod diyan, isinisiwalat ng Bibliya na “may Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa, at ang mga nananahan doon ay parang mga balang.” (Isaias 40:22) Tanging ang Diyos, ang Maylikha, ang makapagbibigay ng ganitong detalye.

Ang kakayahan na mahulaan ang mga bagay na darating ay hindi isang kaloob na ibinigay sa tao. Bagkus, sinasabi ng Maylikha ang mangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya. Kinasihan ng Diyos ang propetang si Isaias upang sumulat tungkol sa Kaniya: “Ako ang Isang Banal at walang ibang Diyos, ni sinumang katulad ko; ang Isa na nagsasabi mula sa pasimula ng wakas, at mula nang mga unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari.”​—Isaias 46:9, 10.

Pinatunayan ng Bibliya na masasabi nito nang eksaktung-eksakto ang wakas buhat sa pasimula. Halimbawa, ito’y humula tungkol sa pagbangon, pagbagsak, at mga katangian ng pangunahing mga kapangyarihan sa daigdig sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan ng tao. Ang kahanga-hangang mga hulang ito ay isinulat daan-daang taon pa bago ng katuparan ng mga ito, sa ilang kaso ay libu-libong taon bago pa noon. Sa gayon ang Bibliya ay wastong humuhula ng mga pangyayari sa modernong panahon, gayundin ng pangwakas na kahihinatnan ng mga ito. Pambihira rin ang Bibliya sapagkat itinuturo nito ang daan ng kaligtasan sa panahon ng pagkapuksa ng di-sakdal na gawang-taong mga pamahalaan sa Armagedon, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang gaganap ng dakilang gawang iyan.​—Apocalipsis 16:14, 16; 17:9-18; Daniel, kabanata 2, 8.

Sa Tuwina’y Kapaki-pakinabang​—Hindi Nakapipinsala Kailanman

Ang hamak na karunungan ng tao ay di-sakdal; samakatuwid, ang payo ng tao ay hindi laging kapaki-pakinabang, bagaman iyon ay ibinibigay na taglay ang mabubuting hangarin. Hindi ganiyan kung tungkol sa payo ng Bibliya. Ang Diyos mismo ay nagsasabi: “Ako, si Jehova, . . . ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”​—Isaias 48:17, 18.

Ang banal na patnubay ay tumutulong sa atin upang magtakda ng mga dapat unahin at manghawakan sa nakatataas na mga pamantayan sa buhay. Samantalang ang modernong lipunan ay nagbibigay-diin sa materyal na tagumpay at mga tunguhin, idiniriin ng Bibliya kung gaano kahalaga para sa atin na ‘ituon ang ating mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang-hanggan.’ (2 Corinto 4:18) Sa ganitong paraan tayo ay napasisigla na magkaroon ng pinakamaiinam na tunguhin sa buhay, samakatuwid nga, ang espirituwal na mga tunguhin na may kaugnayan sa paggawa ng kalooban ng Diyos, na ang sukdulang tunguhin ay buhay na walang-hanggan sa isang makatuwirang bagong sistema.

Samantalang pinagsisikapan ng Kristiyano na itaguyod ang matataas na tunguhing ito, ang payo ng Bibliya ay nakatutulong sa kaniya upang magkaroon ng pinakamagaling na uri ng buhay na posibleng kamtin sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ang modernong karunungan ng tao ay nakahilig na pasiglahin ang pilosopiya ng pagtatrabaho nang kaunti at pagtanggap ng pinakamalaking kita. Sa kabilang banda, sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang isang gumagawa na taglay ang kamay na walang kasipagan ay magiging dukha, ngunit ang kamay ng masipag ay magpapayaman sa kaniya.” Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo: “Nagtitiwala kami na kami ay may matapat na budhi, yamang nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”​—Kawikaan 10:4; Hebreo 13:18.

Ang Bibliya ay nagbibigay rin ng praktikal na payo tungkol sa kaayusan ng pamilya. Pinatitibay nito ang bahaging ginagampanan kapuwa ng asawang lalaki at asawang babae sa kaayusan ng pag-aasawa, gayundin ang tamang paraan ng pagpapalaki at pagtuturo sa mga anak. Sinasabi nito: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. . . . Sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki. Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang . . . Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” Ang pagsunod sa nakatataas na payo ng Maylikha ay nakatutulong nang malaki sa ikatitibay at ikaliligaya ng mga pamilya.​—Efeso 5:21–6:4.

Isang Matatag na Kinabukasan Para sa mga Sumusunod sa Patnubay ng Diyos

Ang nasusulat na Salita ng Diyos ay nakaturo sa lunas na ibinibigay ng Diyos para sa lahat ng suliranin ng tao. Kaylapit-lapit nang aalisin ng Diyos na Jehova ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, kasama na ang lahat ng sakit, pang-aapi at mga paghihirap, at hahalinhan ito ng kaniyang matuwid na bagong sistema. Ito’y inilalarawan ng Bibliya sa 2 Pedro 3:7-10, na isinususog sa 2Pe 3 talatang 13: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” Ito hanggang sa ngayon ang pinakamagaling na mabuting balita na maibibigay sa sangkatauhan. Ito ang mismong mensahe na inihaharap ng Bibliya at ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 200 lupain at mga isla ng karagatan.

Pagka ginaganap na ang kalooban ng Diyos sa buong lupa, ang buong sangkatauhan ay makikinabang sa pagsunod sa napakagaling na patnubay ng Maylikha, si Jehova. Wala nang mga suliranin ng kahirapan, krimen, at droga. Ang sangkatauhan ay hindi na tatablan ng sakit, katandaan, at kamatayan. Ang sangkatauhan ay maitataas tungo sa kasakdalan na taglay ng ating unang mga magulang bago sila naghimagsik laban sa patnubay ng Diyos.

Anong inam ng pagkalarawan sa huling aklat ng Bibliya ng maligayang kalagayan niyaong mga nagtitiwala sa banal na patnubay! Ang Apocalipsis 21:4, 5 ay nagsasabi: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Iyan ay tinitiyak ng ating Maylikha, na nagsasabi: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Kaniyang isinususog: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”

Kung nais nating magtamo ng mga pagpapalang ito, ano ba ang inaasahan sa atin ng Diyos? Ipinaliliwanag ni apostol Pablo na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Malugod na inaanyayahan kayo ng mga Saksi ni Jehova na magtamo ng tumpak na kaalaman sa katotohanan sa pamamagitan ng lubusang pag-aaral ng Bibliya. Sa pamamagitan ng masikap na pagkatuto tungkol sa banal na kalooban, ikaw man ay makasusumpong sa pamamagitan ng karanasan na ang banal na karunungan ang tanging maaasahang patnubay sa mapanganib na mga panahong ito. Dahil sa pagkaapurahan ng panahon kung kaya ito’y kailangang sundin higit kailanman!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share