Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 4/15 p. 19-21
  • Talaga bang Pagnanakaw Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga bang Pagnanakaw Ito?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kanino bang Pera Iyon?
  • Panghihiram o Pagnanakaw?
  • Pagtitiwala sa Diyos
  • Huwag Maging Magnanakaw Kahit Kailan!
    Matuto Mula sa Dakilang Guro
  • Porcio Festo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Festo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Balanseng Pananaw sa Pera
    Gumising!—2015
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 4/15 p. 19-21

Talaga bang Pagnanakaw Ito?

SI Abiodun ay isang senior waiter sa isang malaking otel sa Nigeria. Samantalang isang gabi ay ikinakandado niya ang bulwagang pangbangkete, nakasumpong siya ng isang bag ng salapi na naglalaman ng katumbas ng $1,827, U.S. Walang pagpapalibang isinauli niya ang salapi, na nang bandang huli ay kinuha ng may-ari, na isang panauhin sa otel. Si Abiodun ay ginantimpalaan ng pangasiwaan ng otel ng dobleng promosyon at pinagkalooban siya ng titulong “pinakamahusay na manggagawa ng taon.” Ginantimpalaan din siya ng may-ari ng salapi.

Isang lokal na newsmagazine, ang Quality, ang naglathala ng istorya, anupat tinagurian si Abiodun na isang “Mabuting Samaritano.” Nang tanungin ng Quality kung siya’y natuksong itago ang salapi para sa kaniyang sarili, sinabi ni Abiodun: ‘Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Kaya kung makasumpong ako ng anuman na hindi akin, iyon ay ibinabalik ko sa may-ari.’

Nagtaka ang marami sa komunidad sa ipinakitang pagkamatapat ni Abiodun. Ang mga kapuwa Saksi ni Abiodun ay natuwa sa nangyari, ngunit sila’y hindi nagtaka. Sa buong lupa ang mga Saksi ni Jehova ay kilalá sa kanilang matataas na simulain. Kabilang sa mga ito ang pagiging tapat; iyon ang tuntunin, isang mahalagang bahagi ng pagka-Kristiyano.

Gayunman, manakanaka ang mga kalagayan ay waring nagpapangyaring maging mahirap makilala kung ano ang tapat at ano ang hindi. Isaalang-alang ang ganitong situwasyon. Si Festus, na nag-aasikaso ng mga abuloy at mga kuwenta sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Kanlurang Aprika, ay nasa mahigpit na pangangailangan.a Ang kaniyang kabiyak ay nangangailangan ng isang malubhang operasyon na ayon sa kaniyang mga doktor ay hindi na dapat ipagpaliban pa. Hiniling ng ospital na bayaran nang patiuna ang kalahati ng gastos.

Si Festus ay wala ng gayong halaga. Nang lapitan niya ang ilang tao para umutang, sila ay tumangging magpahiram. Nang magkagayon ay naisip niya ang perang ipinagkatiwala sa kaniya at nangatuwiran, ‘Tama ba para sa akin na hayaang manganib sa kamatayan ang aking kabiyak gayong may magagawa ako upang mapigil iyon? Bakit hindi “manghiram” mula sa pera ng kongregasyon? Maaari ko namang ibalik iyon pagka binayaran ako ng ilang tao na may utang sa akin.’

Ginamit nga ni Festus ang perang iyon na hindi kaniya upang bayaran ang ospital. Tama ba ang kaniyang pangangatuwiran? Makatuwiran ba ang ikinilos niya sa kabila ng gipit na kalagayang napaharap sa kaniya?

Kanino bang Pera Iyon?

Sa pagsusuri sa mga katanungang ito, sandaling repasuhin natin ang ilang punto tungkol sa pinanggalingan at layunin ng salapi na kinuha ni Festus. Ang pondo ay nanggaling sa kusang-loob na abuloy ng mga miyembro ng kongregasyon na nagnanais palawakin pa ang dalisay na pagsamba kay Jehova. (2 Corinto 9:7) Hindi ginagamit iyon upang ibayad sa mga suweldo, yamang walang sinumang binabayaran dahil sa kanilang ginagawa sa kongregasyon. Sa kabaligtaran, ang iniabuloy na salapi ay pangunahin nang ginagamit sa pagpapatayo at pangangalaga sa isang dakong pinagpupulungan, karaniwan nang isang Kingdom Hall. Ito’y nagsisilbing isang kombinyente at komportableng dako na kung saan ang mga tao​—bata at matanda, mayaman at dukha​—ay maaaring magtipon para tumanggap ng turo sa Bibliya.

Kanino bang pera iyon? Iyon ay sa kongregasyon sa kabuuan. Walang indibiduwal na miyembro ang nagpapasiya kung papaano gugugulin ang pera. Samantalang ang lupon ng matatanda ang nangangasiwa sa pagbabayad ng karaniwang mga gastusin ng kongregasyon, pagka kailangang magbayad ng isang malaking gastusin, inihaharap ng matatanda ang bagay na iyon sa buong kongregasyon upang sang-ayunan.

Panghihiram o Pagnanakaw?

Dahilan sa kaniyang planong ibalik ang salapi sa pinakamadaling panahon, minalas ni Festus ang kaniyang ginawa bilang isang panghihiram. Subalit, ang Webster’s New Dictionary of Synonyms ay gumagamit ng iba pang mga salita tungkol sa “pagkuha at pag-aalis ng pag-aari ng iba karaniwan nang palihim o nang wala siyang kamalayan at laging ginagawa iyon nang walang pahintulot niya.” Ang mga salita ay “pagnanakaw” at “magnanakaw.” Kinuha ni Festus ang salapi ng kongregasyon nang walang pahintulot o awtorisasyon. Kaya, oo, siya’y nagkasala ng pagnanakaw. Siya ay isang magnanakaw.

Mangyari pa, may mga antas ng pagkagrabe ng kasalanan ayon sa motibo ng pagnanakaw. Makikita natin iyan buhat sa halimbawa ni Judas Iscariote, na pinagkatiwalaang mag-ingat ng salaping taglay ni Jesus at ng tapat na mga apostol. Sinasabi ng Bibliya: “[Si Judas] ay isang magnanakaw at taglay niya ang kahon ng salapi at dati niyang kinukuha ang mga salaping inilalagay roon.” (Juan 12:6) Palibhasa’y naudyukan ng isang masamang puso at tahasang pagkagahaman, patuloy na sumamâ si Judas. Sa wakas siya ay nagpakasamâ hanggang sa ipagkanulo ang Anak ng Diyos​—sa halagang 30 piraso ng pilak.​—Mateo 26:14-16.

Subalit, si Festus ay inudyukan ng pagkabahala ukol sa kaniyang kabiyak na maysakit. Nangangahulugan ba ito na siya’y hindi mapararatangan ng anumang kasamaan? Tiyak na hindi. Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagnanakaw sa isa pang waring gipit na kalagayan: “Hindi hinahamak ng mga tao ang isang magnanakaw kung siya’y nagnanakaw upang busugin ang kaniyang kaluluwa pagka siya’y nagugutom. Ngunit, kung siya’y masumpungan, isasauli niya iyon ng makapito; ibibigay niya ang lahat ng mahalagang laman ng kaniyang bahay.” (Kawikaan 6:30, 31) Sa ibang pananalita, pagka nahuli, kailangang tumanggap ang magnanakaw ng ganap na parusang ilalapat ng batas. Ayon sa Batas Mosaico, dapat pagbayaran ng isang magnanakaw ang kaniyang krimen. Kaya sa halip na himukin o ipangatuwiran ang pagnanakaw, ang Bibliya ay nagbababala na maging sa gipit na mga kalagayan, ang pagnanakaw ay maaaring magbunga ng pagkawala ng kabuhayan, ng kahihiyan, at pinakamalubha, ng pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos.

Bilang mga Saksi ni Jehova, lahat ng tunay na Kristiyano, lalo na yaong mga pinagkatiwalaan ng mga pananagutan sa loob ng kongregasyon, ay kailangang maging uliran, “malaya mula sa akusasyon.” (1 Timoteo 3:10) Hindi natanggap ni Festus ang perang kaniyang inaasahan, kaya hindi niya naibalik ang perang kinuha niya. Natuklasan ang kaniyang ginawa. Ano ang nangyari sa kaniya? Kung siya’y naging isang di-nagsisising magnanakaw, siya’y ititiwalag buhat sa malinis na kongregasyong Kristiyano. (1 Pedro 4:15) Subalit nabagbag ang kaniyang puso at siya’y nagsisi. Sa gayon, siya’y pinayagang manatili sa kongregasyon, bagaman naiwala niya ang kaniyang mga pribilehiyo sa paglilingkod.

Pagtitiwala sa Diyos

Si apostol Pablo ay nagbabala na ang pagnanakaw ng isang tao na nag-aangking naglilingkod kay Jehova ay maaaring magdulot ng upasala sa pangalan ng Diyos at sa Kaniyang bayang may taglay ng kaniyang pangalan. Sumulat si Pablo: “Ikaw ba, . . . ang isa na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, ang isa na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba? Sapagkat ‘ang pangalan ng Diyos ay pinakikitunguhan nang may pamumusong sa gitna ng mga bansa dahil sa inyo.’”​—Roma 2:21, 24.

Si Agur, isang pantas na lalaki noong sinaunang panahon, ay bumanggit ng gayunding punto. Sa kaniyang panalangin hiniling niya na siya sana’y “huwag sumapit sa karalitaan at . . . aktuwal na magnakaw at malapastangan ang pangalan ng [kaniyang] Diyos.” (Kawikaan 30:9) Pansinin na kinilala ng taong pantas na ang karalitaan ay maaaring humantong sa mga kalagayan na makatutukso kahit na sa isang taong matuwid upang magnakaw. Oo, ang mahihirap na panahon ay maaaring sumubok sa pananampalataya ng isang Kristiyano sa kakayahan ni Jehova na pangalagaan ang mga pangangailangan ng kaniyang bayan.

Gayunman, ang tapat na mga Saksi ni Jehova, kasali na yaong mga dukha, ay sumasampalataya na ang Diyos ay “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Batid nila na ginagantimpalaan ni Jehova ang kaniyang mga tapat sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na pangalagaan ang kanilang mga pangangailangan. Iyan ay nilinaw ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, sa pagsasabi: “Huwag kayong mabalisa kailanman at sabihing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ . . . Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:31-33.

Papaano naglalaan ang Diyos para sa mga dukha sa Kristiyanong kongregasyon? Sa maraming paraan. Ang isa ay sa pamamagitan ng mga kapananampalataya. Ang bayan ng Diyos ay nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Kanilang dinidibdib ang payo ng Bibliya: “Sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan at gayunma’y ipinipinid ang pintuan ng kaniyang magiliw na pagkamadamayin sa kaniya, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos? Mumunting mga anak, tayo ay umibig, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”​—1 Juan 3:17, 18.

Sa buong daigdig, sa mahigit na 73,000 kongregasyon, ang mahigit sa apat at kalahating milyong Saksi ni Jehova ay nagsisikap na maglingkod sa Diyos ayon sa kaniyang matuwid na mga simulain. Batid nila na hindi kailanman pababayaan ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod. Yaong mga nakapaglingkod na kay Jehova nang maraming taon ay nagtataas ng kanilang mga tinig kasuwato ni Haring David, na sumulat: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, at gayunma’y hindi ko nakita na ang matuwid ay lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang mga supling man ay nagpapalimos ng tinapay.”​—Awit 37:25.

Mas mainam nga ang manampalataya sa Diyos na kumasi sa mga salitang iyan, sa halip na hayaan ng isa ang kaniyang sarili na matuksong magnakaw at malamang na maiwala magpakailanman ang pagsang-ayon ng Diyos!​—1 Corinto 6:9, 10.

[Talababa]

a Ang pangalan ay binago.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share