Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 5/1 p. 27-30
  • Inalalayan ng Diyos na Hindi Maaaring Magsinungaling

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inalalayan ng Diyos na Hindi Maaaring Magsinungaling
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pamanang Kristiyano
  • Maagang Hangarin na Maging Ebanghelisador
  • Ang Pagkilala sa “Malaking Pulutong”
  • Bagong Pamamaraan ng Pangangaral
  • Bumalik sa Kanluran
  • Pag-aasawa at Isang Pamilya
  • Ang Ministeryo sa Gitna ng mga Aborigine
  • Ang Di-nabibigong Tulong ni Jehova
  • Pinagpapala ang Tumutupad sa Hinihiling ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Maligaya sa “Paggawa Nang Higit Pa”
    Gumising!—2005
  • Nag-iisa Ngunit Hindi Pinabayaan Kailanman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 5/1 p. 27-30

Inalalayan ng Diyos na Hindi Maaaring Magsinungaling

AYON SA PAGKALAHAD NI MARY WILLIS

Ang mga epekto ng pandaigdig na krisis sa kabuhayan ay umabot na sa mga iláng na lugar ng Western Australia pagsapit ng 1932. Noong taon na iyan, nang ako’y 19 anyos, kami ni Ellen Davies ay tumanggap ng atas sa pangangaral na sumasaklaw ng mga 100,000 kilometro kuwadrado. Magsisimula kami sa munting bayan ng Wiluna, humigit kumulang 950 kilometro sa hilagang-silangan ng aming tahanan sa Perth, ang kabisera ng Western Australia.

SA AMING pagpunta roon, ang sinakyan namin ni Ellen ay ang bahagi na sinasakyan ng mga tauhan ng tren at kasama namin ang isang palakaibigang guwardiya roon. Sa paghinto ng tren sa bawat siding (isang maikling bahagi ng riles para sa paghinto), may kabaitang ipinaalám sa amin ng guwardiya kung gaano katagal ang pagtigil doon. Ito’y nagbigay sa amin ng pagkakataon upang bumaba muna at magpatotoo sa mga taong naninirahan sa iláng na mga lugar na iyon sa tabi ng riles. Sa wakas ay dumating din kami sa minahang bayan ng Wiluna sa kasagsagan ng isang ipuipo.

Gayunman, ang siding ng riles sa Wiluna ay halos tatlong kilometro ang layo sa bayan. Sinuman sa amin ay hindi gaanong malakas, at kami’y may dalang tatlong mabibigat na karton ng literatura gayundin ng dalawang maleta ng damit. Ano ang dapat naming gawin? Ibinitin namin ang isang karton sa isang pingga, at tangan ng bawat isa sa amin ang dulo ng pingga. Ganito namin dinala ang mga karton, isa-isa. Kami’y makapitong nagpabalik-balik upang madala ang tatlong karton at ang aming mga maleta tatlong kilometro ang distansiya papunta sa bayan. Madalas kaming huminto upang magpahinga sapagkat masakit na masakit na ang aming mga kamay.

Sa kabila ng alikabok, masasakit na kamay, at nahahapong mga binti, kami’y nasiyahan sa hamon at pakikipagsapalarang iyon. Kapuwa namin nadama na sumasaamin si Jehova, na kami’y inaalalayan niya upang mapagtagumpayan namin ang mapanghamong pagpapasimulang ito sa pangangaral sa malalayong lugar. Hindi nagtagal at nakita namin ang kaniyang pagpapala sa aming gawain, sapagkat ang aming pagsisikap sa paglalakbay na iyon ay nagbunga ng pagtanggap ng kabataang si Bob Horn sa katotohanan ng Bibliya. Ikinagagalak namin na si Bob ay nakagugol ng ilang taon sa paglilingkod sa Bethel at siya’y nagpatuloy ng paglilingkod kay Jehova nang may katapatan sa loob ng halos 50 taon hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1982.

Mula sa Wiluna kami’y nangaral sa mga pamayanan sa aming paglalakbay nang mahigit na 725 kilometro patungong Geraldton sa may baybayin. Mula roon ay naglakbay kami pabalik sa Perth. May ilang gabi na kami’y natulog sa bukás na mga silid-hintayan sa istasyon ng tren at minsan pa nga ay sa isang talaksan ng dayami sa may tabi ng riles ng tren.

Dala namin ang isang punda ng unan na pinaglagyan namin ng gawang-bahay na mga biskuwit. Ito ang aming pinakapagkain para sa unang kakalahatian ng aming paglalakbay. Kung minsan ay kumikita kami para panggastos sa aming pagkain sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga pinggan at pag-iiskoba ng mga sahig sa mga boardinghouse at mga silid-kainan. Sa ibang mga pagkakataon naman ay nagtatrabaho kami sa init ng araw habang namimitas ng gisantes o mga balatong. Ang mga abuloy buhat sa mga interesadong tumanggap ng mga literatura sa Bibliya ay tumulong din sa aming gastusin.

Ang nagpatibay sa akin upang manatiling may pananampalataya kay Jehova at maligayang mapagtagumpayan ang maraming mahihirap na kalagayan noong mga araw na iyon ay ang halimbawa at maagang pagsasanay na tinanggap ko mula sa aking ina.

Isang Pamanang Kristiyano

Ang aking ina ay may matibay na pananampalataya sa isang Maylikha, at sa abot ng natatandaan ko pa, kinakausap niya kaming mga bata tungkol sa kaniya. Gayunman, mahigpit na sinubok ang kaniyang pananampalataya nang mamatay ang aming pitong-taóng-gulang na kapatid na lalaki sa isang malungkot na aksidente sa paaralan. Subalit sa halip na masuklam sa Diyos, ang aking ina ay nagsimula ng taimtim na pag-aaral ng Bibliya. Ibig niyang malaman, hangga’t maaari, ang dahilan ng gayong mga trahedya. Ang paghahanap niya ng katotohanan ng Bibliya ay ginantimpalaan naman, at sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay sa tunay na Diyos, si Jehova, sa pamamagitan ng bautismo sa tubig nang may pasimula ng mga taon ng 1920.

Mula na noon, ang pakikipagtalakayan niya sa amin ay kalimitan nagdiriin ng katiyakan ng mga pangako ng Diyos. Kaniya laging hinihimok kami na isaisip na anuman ang mangyari, ‘ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling.’ (Tito 1:2) Kaya naman, kami ng aking kapatid na babae at dalawa sa aming kapatid na lalaki, pati na ang aming pami-pamilya at mga apo, ay mga tagapuri sa Diyos na Jehova ngayon. Dalawa sa aking mga pamangking lalaki, sina Alan at Paul Mason, ay naglilingkod bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa.

Maagang Hangarin na Maging Ebanghelisador

Ako ay hindi isang mahusay na estudyante at huminto ako ng pag-aaral noong 1926, nang ako’y 13 anyos. Gayunman, nagkaroon ako ng matinding hangarin na ibahagi sa iba ang natutuhan ko tungkol sa Bibliya. Inakala ni Itay na hindi sapat ang aking edukasyon upang makatulong kaninuman, subalit sinabi ni Inay: “Kahit na kung sabihin lamang niya sa mga tao ang tungkol sa napipintong digmaan ng Armagedon at mamanahin ng maaamo ang lupa, iyan ay mag-aanunsiyo sa Kaharian ng Diyos.” Kaya ako’y nagsimulang makibahagi sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay noong mga unang taon ng aking pagkatin-edyer, bagaman hindi ako nabautismuhan kundi noong 1930. Hindi nagtagal pagkatapos, nagsimula ako sa buong-panahong gawaing pag-eebanghelyo sa lugar na nasa palibot ng Perth.

Nang sumunod na taon, noong 1931, sinimulan namin ang paggamit ng ating bagong pangalang mga Saksi ni Jehova. Gayunman, maraming maybahay ang tumutol sa paggamit natin ng sagradong pangalan ng Diyos at tumugon nang may kabagsikan. Subalit ako’y nagpatuloy sa ministeryo sa kabila ng di-kanais-nais na mga pagtugon. Ako’y may tiwala na ang Diyos ay hindi nagsisinungaling nang kaniyang ipinangako na ang kaniyang mga lingkod ay maaaring ‘umasa sa lakas na inilalaan niya.’​—1 Pedro 4:11; Filipos 4:13.

Ang Pagkilala sa “Malaking Pulutong”

Noong 1935, tumanggap ako ng atas sa kabilang panig ng malawak na kontinente ng Australia. Sa gayon, makalipas ang mga taon ay naglingkod ako bilang isang ministrong payunir sa palibot ng distrito ng New England sa estado ng New South Wales, mga 4,000 kilometro ang layo sa aking dating tahanan sa Perth.

Magpahanggang noon ako ay nakikibahagi sa mga emblema ng tinapay na walang lebadura at pulang alak sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Bagaman ito’y itinuturing na tamang gawin, lalo na para sa masisigasig na buong-panahong mga ministro, kailanman ay hindi ako kumbinsido na ako’y may makalangit na pag-asa. Nang magkagayon, noong 1935, nilinaw sa amin na may tinitipong isang malaking pulutong na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Marami sa amin ang nagalak na maunawaang kami’y bahagi ng malaking pulutong na iyon, at kami’y huminto na sa pakikibahagi sa mga emblema. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9) Ang katotohanan ng Bibliya ay sumisikat nang pasulong at patuloy na lumiliwanag, gaya ng ipinangako ni Jehova.​—Kawikaan 4:18.

Bagong Pamamaraan ng Pangangaral

Noong kalagitnaan ng mga taon ng 1930, sinimulan naming gamitin ang ponograpo sa aming ministeryo. Sa gayon, ang aming matitibay na bisikleta ay kailangang kabitan sa harap at sa likod ng mga lalagyan hindi lamang ng mabibigat na ponograpo kundi gayundin ng mga plaka at ng aming mga bag ng literatura. Kailangan akong pakaingat pagka punung-puno ng kargada ang aking bisikleta sapagkat kung matumba, napakabigat iyon upang aking maitayong muli!

Noon ding panahong iyon ay nagsimula kami ng tinatawag na mga information march. Sa aming paglalakad sa pangunahing mga kalye ng mga bayan, kami’y nagsuot ng mga plakard, o mga sandwich sign, na nagpapakita ng nakatatawag-pansing mga slogan. Nasumpungan kong isang mahirap na pagsubok sa pananampalataya ang gawaing ito, lalo na nang ako’y arestuhin at ikulong nang magdamag sa isang maliit na selda sa bayan ng Lismore. Isang malaking insulto ang iharap sa hukuman kinabukasan nang hindi man lamang ako pinayagang magsuklay ng aking buhok! Subalit minsan pa ako’y inalalayan ni Jehova gaya ng kaniyang ipinangako. Ang kaso ay pinawalang-saysay sapagkat ang paratang lamang ng umarestong konstable ay nakaiinsulto raw sa kaniyang relihiyon ang aking plakard.

Bumalik sa Kanluran

Nang maagang mga taon ng 1940, ako’y muling naatasang magpayunir sa mga bayan sa lalawigan sa Western Australia. Dito ay patuloy kong tinamasa ang di-malilimot na mga karanasan at espirituwal na mga pagpapala. Samantalang nasa aking atas sa Northam, nakilala ko ang isang abalang maybahay, si Flo Timmins, mga 11 kilometro ang layo sa bayan. Tinanggap niya ang aklat na Reconciliation, at di-nagtagal siya’y naging isang nag-alay na Saksi ng Diyos na Jehova. Siya’y aktibo pa rin sa paglilingkuran sa Kaharian, at ang kaniyang anak na babae, na noo’y apat na taóng gulang lamang, ay lumaki at naging isang ministrong special pioneer.

Subalit may iba pang di-malilimot na mga karanasan. Minsan, kami ng aking kasama ay tumatawid sa isang tulay sa Northam sa aming sasakyang hila ng kabayo, nang biglang-bigla ang kabayo ay tumakbo nang napakabilis, anupat nangilabot kami habang nasa itaas ng umaalimpuyong tubig ng Avon River. Pagkaraan ng halos mahigit na isang kilometrong pagtakbo, bumagal ang takbo ng kabayo.

Pag-aasawa at Isang Pamilya

Noong 1950, napakasal ako kay Arthur Willis, na nagpayunir din nang maraming taon. Nanirahan kami sa West Australia sa bayan ng Pingelly, na kung saan kami ay pinagpala sa pagkakaroon ng isang anak na lalaki, si Bentley, at isang anak na babae, si Eunice. Nang ang mga bata ay matatapos na sa pag-aaral, si Arthur ay nagpasiyang magpayunir muli. Ang mabuting halimbawa ng kanilang ama ay nagpatibay-loob sa aming mga anak upang magsimulang maging regular pioneer sa sandaling sila’y kuwalipikado na.

Malimit na dinadala ni Arthur ang mga bata sa malalayong lugar sa kabukiran upang doon mangaral. Kung minsan, siya’y umaalis kasama nila sa loob ng isang linggo o higit pa, nagkakamping gabi-gabi. Kung sila’y wala, ako’y naiiwan sa tahanan upang asikasuhin ang negosyo ng pamilya na pagbebenta ng mga muwebles, kung kaya naging posible na silang tatlo ay makapagpayunir.

Ang Ministeryo sa Gitna ng mga Aborigine

Isang umaga pagkatapos lamang na ang pamilya ay makabalik buhat sa isa sa kanilang pangangaral sa kabukiran, tumanggap kami ng isang di-inaasahang panauhin. Siya ay isang Aborigine, na nagtanong: “Ano ang dapat kong gawin upang makabalik?” Sa simula ay takang-taka kami. Pagkatapos ay nakilala siya ni Arthur na isang taong natiwalag sa Kristiyanong kongregasyon nang maraming taon na dahil sa paglalasing. Mula noon ay nagkaroon siya ng nakagigitlang reputasyon dahil sa labis na pag-inom at sa pangungutang.

Ipinaliwanag ni Arthur kung ano ang dapat niyang gawin upang makabalik sa malinis na organisasyon ni Jehova. Siya’y tahimik na umalis nang hindi gaanong nagsalita, at kaming lahat ay nag-isip kung ano ang gagawin niya. Hindi inaasahan ng isa man sa amin ang nangyari sa sumunod na ilang buwan. Halos di-kapani-paniwala ang mga pagbabago na ginawa ng taong iyon! Hindi lamang siya huminto ng paglalasing kundi dinalaw niya ang mga tao sa distrito, na ipinaalaala sa kanila ang kaniyang mga utang, at pagkatapos ay binayaran ang kaniyang inutang! Sa ngayon siya ay isa na muling kapatid sa pananampalataya, at siya’y naglingkod nang isang panahon bilang isang ministrong payunir.

Maraming taong Aboriginal sa Pingelly, at tinamasa namin ang lubhang nakasisiyang ministeryo, na tinutulungan ang mababangloob na mga taong ito na matuto at tumanggap ng katotohanan ng Salita ng Diyos. Anong laking pampatibay ng pananampalataya para sa akin ang magkaroon ng bahagi sa pagtulong sa maraming Aborigine sa Australia na matuto ng katotohanan!

Isang kongregasyon ang itinatag sa Pingelly, at sa pasimula, karamihan sa mga miyembro nito ay mga Aborigine. Kinailangang turuan naming bumasa at sumulat ang marami sa kanila. Maraming maling akala laban sa kanila nang maagang mga taóng iyon, subalit ang mga taong-bayan ay unti-unting gumalang sa mga Saksing Aborigine dahil sa kanilang malinis na pamumuhay at pagiging mapagkakatiwalaang mga mamamayan.

Ang Di-nabibigong Tulong ni Jehova

Ang aking mahal na asawa, si Arthur, na naglingkod nang buong katapatan sa Diyos sa loob ng 57 taon, ay namatay noong may pasimula ng 1986. Siya’y lubhang iginagalang ng lahat ng mga negosyante sa Pingelly at ng mga tao sa distrito. Minsan pa, ako’y inalalayan ni Jehova, anupat binigyan ako ng lakas na batahin ang biglang pagkawalang ito.

Ang aking anak na lalaki, si Bentley, ay naglilingkod bilang isang matanda sa hilagang bahagi ng Western Australia, na kung saan sila ng kaniyang asawa, si Lorna, ay nagsikap palakihin ang kanilang pamilya sa katotohanan. Isa pang pinagmumulan ng malaking kagalakan para sa akin ay ang aking anak na babae, si Eunice, na patuloy sa kaniyang buong-panahong paglilingkod hanggang sa araw na ito. Sila ng kaniyang asawa, si Jeff, ay naglilingkod bilang mga payunir. Ako’y nakatira sa kanila ngayon at pinagpalang maging auxiliary pioneer nang patuloy.

Sa loob ng mahigit na 60 taon, naranasan ko ang katuparan ng maibiging pangako ni Jehova na palalakasin ang kaniyang mga lingkod at tutulungan sila na pagtagumpayan ang anumang mga kalagayang mapaharap sa kanila. Siya ang nagtutustos ng bawat pangangailangan natin kung hindi tayo kailanman nag-aalinlangan sa kaniya o ipinagwawalang-bahala siya. Napalakas ang aking pananampalataya sapagkat nadama ko ang pagkilos ng kamay ng Diyos, at nasaksihan ko kung papaano niya ibinibigay ang kaniyang pagpapala nang higit pa kaysa ating mauunawaan. (Malakias 3:10) Tunay, ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling!

[Larawan sa pahina 27]

Si Mary noong 1933

[Mga larawan sa pahina 29]

Sina Mary at Arthur sa mga huling taon nila

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share