Ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—Thailand
“ANG lupain ng malaya.” Iyan ang kahulugan ng pangalang Thailand. Sari-saring ideang relihiyoso ang taglay ng mahigit na 57,000,000 malumanay, masisipag na mamamayan nito. Bagaman nangingibabaw ang Buddhismo, may mga relihiyon din ng Sangkakristiyanuhan sa timog-silangang bansang ito ng Asia. Lahat ng mga taong ito ay nangangailangang makarinig ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.a
Ang mga Takas ay Nakaririnig ng Mabuting Balita
Sa mga kampong nakakalat sa buong kaburulan ng Thailand sa tabi ng hangganan ng Myanmar, ang katotohanan ng Bibliya ay lumalaganap sa gitna ng mahigit na 10,000 takas na mga Karen. Ang mga miyembro ng isang pamilyang Karen na naninirahan doon ay mga Saksi ni Jehova. Pinalalaganap nila ang mabuting balita sa gitna ng mga takas. Papaano nagsimula ang kanilang gawain?
Maraming taon na ang nakalipas isang kabataang lalaki ang umalis sa Iglesya Anglicano at naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Palibhasa’y sinusulsulan ng kanilang ministro, ang kaniyang mga kamag-anak ay sumalansang sa kaniya. Gayunman, siya’y matiyagang nagtiis, at unti-unting humupa ang pananalansang ng kaniyang pamilya. Ang mga klerigo ng Iglesya Anglicano ay nagpatuloy sa kanilang paglibak hanggang noong nakalipas na mga dalawang taon nang sila’y paalisin sa kanilang tungkulin dahil sa imoralidad. Yamang nawalan na noon ng isang pastol ang simbahan, nabigla at nanghina ang loob ng mga kasambahay at ibang kamag-anak ng Saksi. Labing-isa sa kanila ang nagbitiw buhat sa simbahan at hiniling sa mga Saksi na sila’y pagdausan ng pag-aaral sa Bibliya.
Naging mahusay ang pagsulong ng pag-aaral na ito, anupat nakibahagi roon ang ibang mga takas. Mabilis na kumalat ang katotohanan, na nagbunga ng pagpapabautismo ng 17 bagong mga Saksi sa ilog na umaagos sa loob ng kampo para sa mga takas. Anong sayáng tanawin nang ang 88-taóng-gulang na lola ang mabautismuhan na kasama nila!
Ang Video ay Pumukaw ng Interes
Ang potensiyal sa pagsulong ay malaki sa gitna ng mga takas. Sa pagdiriwang ng Memoryal noong 1993, 57 katao ang dumalo. Nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito noong Mayo ng taóng iyon, 67 ang nagtipon upang makinig ng isa sa kaniyang mga pahayag. At mga 250 ang nagtipon upang panoorin ang video ng Samahang Watchtower na pinamagatang Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name.
Ang maybahay ng isang pastor na Baptist sa kampo para sa mga takas ay dumalo sa pangmadlang pahayag sa Bibliya na itinaguyod ng mga Saksi at siya’y kumuha ng mga nota tungkol sa mga teksto sa Bibliya na tinalakay. Ipinaalam niya sa kaniyang asawa na siya’y di-nasisiyahan sa paulit-ulit na mga sermon na napapakinggan sa kanilang simbahan. Tumutol ang lalaki, na sinasabing kung siya’y dadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, lahat ng iba pang nagsisimba ay susunod din. Nang siya’y muling dumalo sa mga pulong, siya’y hinabol ng kaniyang asawa na may hawak na patalim at sinunog ang kaniyang mga nota sa pulong at mga literatura sa Bibliya. Sa kabila nito, siya’y muling dumalo nang ipalabas ang video. Nang malaunan ay inilahad ng babaing ito sa kaniyang asawa ang kaniyang napanood. Palibhasa’y nagbago na ang kaniyang saloobin, ibig niyang mapanood ang video at pinagsisihan niya ang pagsunog niya ng mga nota at literatura sa Bibliya ng kaniyang maybahay.
Ganiyan nakakapakinig ang mga tao ng mabuting balita sa Thailand. Sila sa gayon ay nagtatamo ng espirituwal na kalayaan sa “lupain ng malaya.”—Juan 8:32.
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 1994 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Kahon sa pahina 24]
ANG KALAGAYAN NG BANSA 1993 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 1,434
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 40,299
DUMALO SA MEMORYAL: 3,342
ABERIDS MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 232
ABERIDS PAG-AARAL SA BIBLIYA: 1,489
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 92
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 39
TANGGAPANG PANSANGAY: BANGKOK
[Larawan sa pahina 25]
Mga tagapaghayag ng Kaharian na masigasig na nangangaral ng mabuting balita
[Larawan sa pahina 25]
Unang tanggapang pansangay, 1947
[Larawan sa pahina 25]
Ang pamilyang Bethel sa harap ng bagong tanggapang pansangay sa Bangkok, inialay noong Pebrero 8, 1992