Pakikipagpunyagi sa Pananabik na Umuwi Kapag Naglilingkod sa Diyos
INIUTOS ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Para sa maraming Kristiyano, ang pagganap ng utos na iyan ay nangangahulugan ng pagtanggap ng mahihirap na kalagayang malayo sa tahanan. Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa, ang kani-kanilang asawa, at ang iba pa ay nag-iiwan ng maraming bagay alang-alang sa paglilingkuran sa Diyos. Ang pananabik na umuwi ay isang tunay na hamon para sa lahat ng mga Saksing ito ni Jehova.
Ang pananabik na umuwi ay nararanasan pagka naiisip mo ang katiwasayan at pag-ibig ng isang kaaya-ayang lumipas. Ito’y maaaring sanhi ng matinding damdamin anupat ikaw ay nanlulumo at di na makapagpatuloy pa. Sa katunayan, pagkatapos ipagbili ang kanilang mga ari-arian at gumastos ng malaki upang makapunta sa isang lupaing banyaga, iniwan na ng ilan ang kanilang mga plano at nagsiuwi. Sila’y nadaig ng pananabik na umuwi.
Ang gayong emosyon ay karaniwan nang malimit pagkatapos ng unang paglipat, ngunit para sa ilan ang mga ito ay nagpapatuloy habang-buhay. Pagkatapos lumayo nang mahigit na 20 taon, si Jacob ay ‘nagnanasang makabalik sa bahay ng kaniyang ama.’ (Genesis 31:30) Sino ang makaaasang daranas ng pananabik na umuwi? Ano ba ang sanhi nito? Papaano madaraig ng isang tao ang gayong damdamin?
Ano ang Sanhi ng Kalungkutan?
Lahat ay maaaring makadama ng pananabik na umuwi. Si Amytis, anak na babae ng hari ng Media na si Astyages, ay maliwanag na may lahat ng dahilan upang lumigaya: kayamanan, katanyagan, isang magandang tahanan. Gayunman, siya’y totoong nanabik na pumaroon sa kabundukan ng Media anupat itinayo ng kaniyang asawa, si Haring Nabucodonosor, ang nakabiting mga halamanan ng Babilonya upang maaliw siya.
Ang pananabik na umuwi ay lalo nang matindi kapag ang buhay ay waring lalong mahirap kaysa nang bago lumipat ang isa. Nang ang mga taga-Juda ay ipatapon, sila’y nanaghoy: “Sa tabi ng mga ilog ng Babilonya—doo’y nangaupo tayo. Tayo’y nagsiiyak din nang ating maalaala ang Sion. Papaano natin aawitin ang awit kay Jehova sa lupaing banyaga?”—Awit 137:1, 4.
Maraming bagay ang maaaring maging sanhi ng kalungkutan sa pananabik na umuwi. Si Terri, na lumisan sa Canada, ay nagsabi: “Isang araw nahulog mula sa aklat ang isang larawan ng pamilya. Nang pulutin ko iyon, ako’y nakadama ng matinding pananabik na umuwi, at ako’y umiyak.” Ganito ang inamin ni Chris, na lumipat buhat sa Inglatera tungo sa isang mas mahirap na bansa: “Kahit na lamang ang pagkarinig ng tono ng isang lumang awitin o ang pagkalanghap ng masarap na amoy ng isang pamilyar na pagkain ay nagkapag-uudyok sa akin na manabik sa mga bagay na iniwan ko.”—Ihambing ang Bilang 11:5.
Ang matalik na pagsasamahan ng pamilya ay kalimitan isang sanhi niyaon. Si Roseli, isang taga-Brazil na naninirahan ngayon sa isang kalapit-bansa, ay nagkomento: “Ako’y nalulumbay kapag nakakatanggap ako ng masamang balita buhat sa amin at hindi ako makaparoon upang tumulong. Kung minsan ay lalong masama kapag hindi ako nakakatanggap ng anumang balita at nagsisimulang mag-isip ng mga bagay-bagay.” Si Janice ay lumipat buhat sa Hilagang Amerika tungo sa isang munting bayan sa tropikong Amazon. Sabi niya: “Ako’y nananabik umuwi kapag nakatanggap ako ng magandang balita buhat sa amin. Nababalitaan ko kung gaano sila kasaya, at sana’y naroroon din ako.”
Hindi lamang ang mga taong naiwan ang sanhi ng pananabik na umuwi. Ganito ang paliwanag ni Linda: “Ako’y nasisiphayo kapag hindi ko alam kung saan bibilhin ang mga bagay na kailangan ko. Hindi ko alam ang mga presyo o kung papaano makikipagpalitan. Magastos ang magkaroon ng sariling kotse, at palagi akong nakikipaggitgitan kapag sumasakay ako sa siksikang mga sasakyang pampubliko. Dahil dito ay nananabik akong umuwi.” Sa pagkomento tungkol sa pagkakaiba ng kultura at kabuhayan, ganito ang sabi ni Janet: “Ang karalitaan ang nakababalisa sa akin. Noon lamang ako nakakita ng mga taong nagpapalimos ng pagkain, o malalaking pamilya na tumitira sa isang silid na walang tubig. . . . Ang gayong mga bagay ang nakababalisa sa akin anupat inakala kong hindi na ako maaari pang magtagal doon.”
Ang Pakikipagpunyagi sa Iyong mga Damdamin
Huwag nating ikahiya ang pagkakaroon ng matinding damdamin para sa mga taong mahal sa atin o para sa pamilyar na kapaligiran na ating kinalakhan. Binigyan tayo ng Diyos na Jehova ng damdamin upang tamasahin natin ang matalik na personal na mga ugnayan. Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ng kongregasyon sa Efeso ay mga lalaking maygulang sa damdamin. Subalit ano ang nangyari nang matatapos na ang pagdalaw sa kanila ni Pablo? Aba, “di-kakaunting pagtangis ang nagpasimula sa gitna nilang lahat, at sumubsob sila sa leeg ni Pablo at magiliw na hinalikan siya”! (Gawa 20:37) Mangyari pa, walang kinalaman ang pangyayaring iyon sa pananabik na umuwi. Gayunman, tayo ay pinag-iisip nito. Likas lamang ang magkaroon ng damdamin, subalit huwag nating payagang daigin tayo niyaon. Kung gayon, papaano natin mapananagumpayan ang pananabik na umuwi?
Ang pagkatutong magsalita ng lokal na wika ay isang susi upang mapanatag. Ang pananabik na umuwi ay maaaring tumindi kapag nahahadlangan ang komunikasyon dahil kailangang gumamit ka ng isang wikang banyaga. Samakatuwid, kung maaari ay matuto kang bumasa at magsalita ng wika sa lugar na pupuntahan mo bago ka lumipat doon. Kung hindi naman, ipako mo ang iyong isip sa mga aralin sa wika sa mga unang ilang linggo pagdating mo roon. Iyan ay kapag mayroon kang pinakamatinding motibo at sa gayo’y may pinakamagaling na pagkakataong matuto niyaon. Kung pangunahin nang gugugulin mo ang mga sanlinggong ito sa pag-aaral ng wika, hindi magtatagal at masisiyahan kang makipag-usap, at iyan ay makatutulong upang mapawi ang pananabik mong umuwi.
Magkaroon ka ng mga bagong kaibigan sa pinakamadaling panahon, sapagkat ito ay tutulong sa iyo na makadamang ikaw ay nasa sariling bayan. Ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamagaling na dako upang humanap ng tunay na mga kaibigan. Magkusa ka at maging interesado sa iba. Sikaping malaman ang kanilang pinagmulan, ang kanilang pamilya, ang kanilang mga suliranin, at ang kanilang mga kinagigiliwan. Anyayahan sa inyong tahanan ang mga kapananampalataya. Dahil dito, masusumpungan mo na ang iba ay magiging interesado sa iyo.
Sa mga lingkod ng Diyos, ang mga pagkakaibigan ay maaaring maging gaya ng mga ugnayang pampamilya. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang gumagawa ng kalooban ng Diyos, ang isang ito ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.” (Marcos 3:35) Tiniyak din ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.” (Marcos 10:29, 30) Dahil sa gayong kahanga-hangang espirituwal na pagkakapatiran, hindi tayo nag-iisa, kahit na sa isang bagong lupain.
Ang pagpapanatili ng pakikipagkaibigan sa mga naiwan mo ay makatutulong din sa iyo na madaig ang pananabik na umuwi. Maaaring magtaka ka na matuklasang lalo nang makahulugan ang pakikipagsulatan ngayong ikaw ay lumipat, yamang marahil ay pinag-iisipan mong mabuti ang iyong mga sasabihin. May kapana-panabik na mga bagay na masasabi. Ganito ang mungkahi ni Janet, na nabanggit sa unahan: “Magastos ang pagtawag ng long distance, subalit ang pagpapadala ng inirekord na cassette tape sa pamamagitan ng koreo ay hindi gaanong magastos. Maaaring kakatwa sa simula ang pagsasalita sa isang makina. Gayunman, kung makikipag-usap ka sa isang tao na may mikropono sa pagitan ninyo, iyon ay madali at kawili-wili.” Maaaring hilingin mo na padalhan ka rin ng cassette recording.
Si Shirley, na nandayuhan mula sa Estados Unidos tungo sa Latin Amerika mga 25 taon na ngayon ang lumipas, ay nagsabi: “Sa tuwina’y sumusulat ako tungkol sa nakapagpapatibay na mga karanasan sa halip na mga suliranin. Ito’y nagpapasigla sa iba na patuloy na sumulat sa akin.” Subalit, pakaingat ka. Ang labis na pagsulat ng mga liham ay maaaring makahadlang sa iyo sa paghanap ng bagong mga kaibigan. Ganito ang sabi ni Del na lumipat mula sa Canada tungo sa ibang bansa: “Huwag kang maglumagak sa tahanan at malungkot na pag-isipan ang mga bagay na naiwan mo. Bagkus, lumabas ka at masiyahan sa iyong bagong lugar.”
Sa bagong lupaing iyon alamin ang mga kaugalian, kasaysayan, katatawanan, at mga lugar na maganda at kawili-wiling puntahan. Ito’y tutulong sa iyo na alisin ang iyong pansin sa negatibong mga bagay. At kung nais mong manatili sa lugar na iyong nilipatan, makabubuti na huwag agad dalawin o kaya’y huwag madalas na dalawin ang iyong sariling bayan. Panahon ang kailangan upang magkaroon ng mga bagong kaibigan at masanay sa bagong kapaligiran. Ang matagal na pagdalaw sa dating tahanan ay makasasagabal sa bagay na iyan. Minsang napanatag ka na sa iyong bagong tahanan, masisiyahan ka nang dumalaw sa iyong dating tahanan—at pagkatapos ay bumalik uli. Samantala, maging abala sa pagpapatibay ng iyong kaugnayan sa iyong bagong tahanan.
Patuloy na Tumingin sa Unahan
Ibinigay ni Jehova sa atin ang buong lupa bilang ating tahanan. (Awit 115:16) Taglay ang espiritu ng Kristiyanong kagalakan, ang buhay ay maaaring maging kalugud-lugod saanman. Kung ikaw ay lumipat upang palawakin ang mga kapakanan ng Kaharian at ipangaral ang mabuting balita sa ibang bansa o saanman sa iyong sariling bayan, gawin mo iyon na taglay ang maligayang pananabik. Asam-asamin ang pagkakaroon ng mga bagong kaibigan, ang pagkatuto ng iba’t ibang kaugalian, ang paggawa ng mga alagad, o ang pagsasagawa ng kasiya-siyang mga bagay sa paglilingkuran sa Diyos.
Ang Diyos na Jehova ay isang Kaibigan na laging sasaiyo, saan ka man naroroon. (Awit 94:14; 145:14, 18) Kaya manatiling malapit sa kaniya sa panalangin. (Roma 12:12) Ito’y tutulong sa iyo na isaisip ang iyong layunin sa buhay bilang isang lingkod ng Diyos. Laging isinaisip nina Abraham at Sara ang kanilang layunin nang lisanin nila ang kanilang maginhawang tahanan sa lunsod ng Ur. Bilang pagtalima sa utos ni Jehova, iniwan nila ang mga kaibigan at mga kamag-anak. (Gawa 7:2-4) Kung patuloy nilang inalaala at pinanabikan ang lugar na kanilang iniwan na, sana’y nagkaroon sila ng pagkakataong bumalik. Subalit inaabot nila ang isang lalong mabuting dako—sa wakas ay buhay sa isang lupang paraiso sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos.—Hebreo 11:15, 16.
Ang pangangaral sa mga larangang banyaga o kung saan may higit na pangangailangan sa mga tagapaghayag ng Kaharian ay maaaring maging isang malaking hamon. Subalit ito ay isa ring mabunga at lubhang kasiya-siyang gawain. (Juan 15:8) At kung pansamantalang manaig sa iyo ang negatibong mga kaisipan, ang mga ito ay mapagtatagumpayan sa pamamagitan ng laging pagsasaisip ng iyong tunguhin at pagtanaw sa hinaharap. Isang walang-asawang misyonera ang nagsabi: “Kapag ako’y nalulungkot, sinisikap kong pag-isipan ang tungkol sa bagong sanlibutan at kung papaanong lahat ng tao ay magiging isang pamilya.” Ang nakalulugod na mga kaisipang katulad nito ay makatutulong sa iyo na panatilihin ang iyong kagalakan at huwag padaig sa pananabik na umuwi.
[Larawan sa pahina 29]
Ang pananabik na umuwi ay hindi kailangang makasagabal sa ministeryong Kristiyano