Nasisiyahan Ka ba sa Personal na Pag-aaral?
SINUMANG taimtim na lingkod ng Diyos ay malulugod na mag-ukol ng sapat na panahon sa personal na pag-aaral ng Bibliya. (Awit 1:1, 2) Gayunman, dahil sa dami ng bagay na umuubos ng kanilang panahon at lakas, marami ang nahihirapang mag-ukol ng malaking panahon at lakas sa personal na pag-aaral na gaya ng ibig nila.
Subalit, upang makapagpatuloy bilang aktibong mga lingkod ng Diyos, kailangan ng lahat na mapanumbalik ang kanilang kagalakan at lakas sa araw-araw sa pamamagitan ng pagkasumpong ng bago o lalong malalalim na pitak ng katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang mga katotohanan ng Bibliya na lubhang nakaganyak sa iyo noong mga nakalipas na taon ay baka hindi na gaanong nakagaganyak sa iyo ngayon. Kung gayon, makabubuti, kailangan pa nga, na tayo’y gumawa ng kusa at palagiang pagsisikap na magtamo ng bagong pagkaunawa sa katotohanan upang tayo’y patuloy na sumigla sa espirituwalidad.
Papaano pinalakas ng sinaunang mga taong may pananampalataya ang kanilang espirituwalidad sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos? Papaanong ang ilan sa mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon ay nagsisikap upang ang kanilang pag-aaral ay maging lalong kasiya-siya at mabunga? Papaano sila ginantimpalaan dahil sa kanilang mga pagsisikap?
Sila’y Nagpanibagong-Lakas sa Tulong ng Personal na Pag-aaral
Si Haring Josias ng Juda ay gumawa ng kaniyang kampanya laban sa idolatriya taglay ang lalong malaking sigasig pagkatapos na basahin sa kaniya ‘ang mismong aklat ng batas ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises.’ Walang alinlangan na hindi iyon ang unang pagkakataon na isinaalang-alang niya ang bahaging ito ng Salita ng Diyos; subalit ang pagkarinig ng mensahe tuwiran buhat sa orihinal na manuskrito ay lalong nagpasigla sa kaniya sa pakikipagbaka ukol sa dalisay na pagsamba.—2 Cronica 34:14-19.
Naunawaan ni propeta Daniel ang bilang ng mga taon ukol sa kaganapan ng kagibaan ng Jerusalem at ang katiyakan niyaon hindi lamang buhat sa aklat ng Jeremias kundi gayundin buhat sa “mga aklat.” Malamang na kasali rito ang mga aklat na gaya ng Levitico (26:34, 35), Isaias (44:26-28), Oseas (14:4-7), at Amos (9:13-15). Ang kaniyang napatunayan sa pamamagitan ng kaniyang masigasig na pag-aaral ng mga aklat ng Bibliya ay umakay sa taimtim na taong ito na lumapit sa Diyos sa taimtim na panalangin. Ang kaniyang tapat na pagsusumamo ay sinagot taglay ang higit pang paghahayag at katiyakan tungkol sa mangyayari sa lunsod ng Jerusalem gayundin sa mga mamamayan nito.—Daniel, kabanata 9.
Si Josias, na gumawa “ng matuwid sa paningin ni Jehova,” at si Daniel, na “isang totoong kanais-nais” sa paningin ng Diyos, ay hindi talagang naiiba sa atin ngayon. (2 Hari 22:2; Daniel 9:23) Ang kanilang personal na mga pagsisikap na lubhang nagpakilos sa kanila sa pag-aaral ng Kasulatan sa bahaging mayroon na noon ang umakay sa kanila sa lalong matibay na espirituwalidad at tumulong sa kanila na tamasahin ang mas matalik na kaugnayan sa Diyos. Ganiyan din ang masasabi tungkol sa maraming iba pang sinaunang mga lingkod ni Jehova, tulad ni Jepte, isang salmista ng sambahayan ni Asap, Nehemias, at Esteban. Lahat ng ito ay may patotoo ng maingat na personal na pag-aaral ng bahagi ng Bibliya na mayroon na noong kanilang kapanahunan.—Hukom 11:14-27; Awit 79, 80; Nehemias 1:8-10; 8:9-12; 13:29-31; Gawa 6:15–7:53.
Hayaang ang Ministeryo ay Maging Isang Pampasigla
Karamihan ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon na nakapaglingkod na sa kaniya ng maraming taon ay may isang iskedyul para sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Napatunayan nila na ito’y kailangan upang sila’y makapanatiling gising sa espirituwal at lubusang magampanan ang kanilang mga pananagutang Kristiyano. Bagaman gayon, marami sa kanila ang umaamin na hindi laging madali na pagtimbangin ang paggamit ng kanilang panahon at lakas sa pag-aaral at iba pang bagay na hindi dapat pabayaan.
Magkagayon man, ang pananatiling gising sa espirituwal sa pamamagitan ng masigasig na personal na pag-aaral ay kailangan sa pagharap sa mga pangangailangan sa ministeryong Kristiyano sa masulong na yugtong ito ng pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian. Yaong mga natutuwa sa pagkakaroon ng bago at mas malalalim na mga unawa sa Salita ng Diyos ay makahaharap sa hamon na pagpukaw sa mga pusong nagugutom. Ito’y totoo maging kung ang isa ay naatasan na manghuli ng marami kung tungkol sa espirituwal na pangingisda o ang isa ay nagtitiyaga sa madalas gawing mga teritoryo na doo’y umiiral ang laganap na pagwawalang-bahala.
Regular na Pagkain sa Salita ng Diyos
Ang ginagawa ng iba ay maaaring magbigay sa iyo ng mga idea kung papaano ka higit na masisiyahan sa iyong kaugaliang pamamaraan ng pag-aaral o kung papaanong ikaw at ang iyong pamilya ay lalong makikinabang sa panahon ng pag-aaral. Kabilang sa mga bagay na nanaisin na huwag makaligtaan ng isang lingkod ng Diyos ay ang regular na pagbabasa ng mismong Salita ng Diyos. Marami ang may tunguhin na bumasa ng humigit-kumulang tatlo o apat na kabanata ng Bibliya bawat sanlinggo. Nais mo bang mabasa ang buong Bibliya sa loob ng isang taon? Kung gayon ay maliligayahan ka na gumugol ng higit na panahon sa pagbasa nito, marahil kalahating oras sa isang araw.
Nabasa mo na ba ang buong Bibliya nang hindi lamang minsan? Bakit hindi ka magtakda ng isang bagong tunguhin sa susunod? Para maiba naman, isang babaing Kristiyano ang bumasa ng mga aklat ng Bibliya ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagkasulat sa mga ito. Siya’y nakakuha ng maraming detalye, batay sa kronolohiya, na kaniyang nakaligtaan noong una. Isa pang babaing Kristiyano ang nakabasa ng Bibliya mula sa pasimula hanggang sa katapusan nang limang beses noong nakalipas na limang taon, sa bawat pagkakataon ay buhat sa naiibang punto de vista. Sa unang pagkakataon, binasa niya iyon nang tuluy-tuloy. Sa ikalawang pagbasa, siya’y gumawa ng sumaryo ng nilalaman ng bawat kabanata sa isa o dalawang linya ng isang kuwaderno. Mula sa ikatlong taon patuloy, ginamit niya ang isang malaking edisyong reperensiya, na mapiling sinusuri muna ang mga cross-reference sa gilid at saka binibigyan ng masusing pansin ang mga talababa gayundin ang impormasyon na nasa apendise. Sa ikalimang pagkakataon, ginamit niya ang mga mapa sa Bibliya upang maragdagan ang pagkaunawa sa tulong ng heograpiya. Ganito ang sabi niya: “Para sa akin, ang pagbabasa ng Bibliya ay kasiya-siya na gaya ng pagkain.”
Nasumpungan ng ilang nananabik na mga estudyante ng Bibliya na kapaki-pakinabang na magkaroon ng isang kopya ng Bibliya na ginagamit tangi lamang sa personal na pag-aaral, na sinusulatan ang mga gilid nito ng maiikling kawili-wiling mga komento, nakapupukaw-isip na mga ilustrasyon, o ng numero ng mga pahina ng ibang mga publikasyon na maaaring gawing reperensiya pagkatapos. Isang buong-panahong ministro ang nalulugod sa katapusan ng bawat buwan na isulat sa kaniyang kopyang ginagamit sa pag-aaral ang mga bagong punto na natutuhan niya sa buwang iyon. “Ang pag-aasam-asam sa aking mahahalagang oras na ito,” aniya, “ang tumutulong sa akin na mas madaling maabot ang ibang tunguhin para sa buwang iyon.”
Ilang Mahuhusay na Idea
Nadarama mo ba na ang iskedyul mo ay napupunô ng mga bagay na kailangang gawin sa araw-araw at linggu-linggo at na kailangan mo ang ilang mungkahi para sa lalong mahusay na paggamit ng iyong limitadong panahon? Buweno, dalhin mo ang binabalak mong basahin, at gamitin ang mga sandaling wala kang ginagawa. Sa tahanan o kung saan ikaw ay karaniwang nag-aaral, hanggat makatuwirang magagawa ay isaayos mo ang mga aklat at iba pang gamit sa pag-aaral upang madaling maabot ang mga ito. Gawin mong komportable ang lugar ng iyong pag-aaral ngunit hindi naman lubhang maalwan anupat ikaw ay nagiging antukin. Ikaw ba ay inatasan na magpahayag? Basahin mo nang tuluy-tuloy ang materyal sa pinakamaagang pagkakataon, saka hayaang dumating sa iyo ang mga idea kapag ikaw ay nagpapahinga o gumagawa ng iba’t ibang bagay.
Ang iba ay maaaring makipagtulungan sa iyo upang magamit mo ang panahon sa mas mainam na paraan para sa kapuwa ikabubuti ninyo. Halimbawa, maaaring malakas na ipabasa mo sa iba ang mga bagay na madaling maintindihan samantalang gumagawa ka ng mga bagay na dati mo nang ginagawa o nagsisilbi ng tsa sa iyong mabait na tagabasa. Kumusta naman kung ang lahat sa tahanan ay pumapayag na tumahimik sa oras ng personal na pag-aaral? “Ano ba ang iyong kinatuwaang basahin hindi pa natatagalan?” Kung minsan ay maaaring mahinuha mo kung ano ang natutuhan ng iyong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagpapasimula ng isang pakikipag-usap sa ganitong paraan.
Interesado ka ba sa pagpapasok ng ilang bagong idea sa iyong programa ng pag-aaral? Maaari kang magtakda ng tunguhin para sa pag-aaral katulad ng marami na nagtatakda ng tunguhin para sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya. Isang buong-panahong (payunir) mamamahayag ang nagtatakda ng isang buwanang minimum na tunguhing mga oras sa pag-aaral at natutuwa samantalang inililista niya ang panahong nagugugol niya sa pag-abot sa kaniyang tunguhin. Binabawasan ng iba ang panahon para sa panonood ng telebisyon at sa ganiyang paraan ay nagtatamo ng panahon para sa pag-aaral. Marami ang pumipili ng isang tema sa pag-aaral na kanilang sinusunod sa loob ng ilang panahon, tulad halimbawa ng mga bunga ng espiritu, kasaysayan ng mga aklat ng Bibliya, o sining ng pagtuturo. Ang iba naman ay nasisiyahang gumawa ng mga tsart ng kronolohiya, tulad niyaong nagpapakita ng kaugnayan ng mga haring Israelita at mga propetaa o Mga Gawa ng mga Apostol at ang mga liham ni Pablo.
Mga kabataan, nais ba ninyo ng mas matibay na pananampalataya? Bakit hindi pumili ng isang publikasyon para sa lubusang pag-aaral sa panahon ng iyong susunod na bakasyon sa paaralan? Pinili ng isang bautisadong estudyante sa haiskul Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, isang aklat na inilathala ng Samahang Watch Tower. Sa isang kuwaderno ay gumawa siya ng maiikling sumaryo ng mga natutuhan niya sa bawat kabanata. Iyon ay isang hamon at gumugol ng higit na panahon kaysa kaniyang inakala. Gayunman, nang matapos niya ang buong aklat, ganiyan na lamang ang kaniyang paghanga sa pagiging totoo ng mensahe ng Bibliya.
Maging Laging Sabik na Matuto
Napakaraming tapat na mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon ang sa ngayon ay “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Kahit na taglay ang isang nirepasong iskedyul at taimtim na pagsisikap, ang kinaugaliang pamamaraan na sinusunod mo sa isang karaniwang sanlinggo ay maaaring hindi gaanong magbago. Gayunman, malaki ang magagawa ng iyong laging pananabik na magtamo ng isang mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan at maging laging lubusang kaalinsabay sa katuparan ng mga layunin ni Jehova.
Nakapagpapatibay-loob na marinig ang gantimpala sa mga nagpahusay ng kanilang kaayusan sa pag-aaral. Isang lalaking Kristiyano, na nakatanto na nawawala ang kaniyang positibong saloobin tungkol sa paghanap ng isang mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, ang nagsaayos ng kaniyang buhay upang siya’y makapag-ukol ng higit pa ng kaniyang libreng mga oras sa personal na pag-aaral. “Nagdulot iyon sa akin ng kaluguran na hindi ko pa nadarama,” sabi niya. “Dahil sa lumalaking pagtitiwala na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, nasumpungan ko na maaari kong ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa aking pananampalataya nang may tunay na kasiglahan. Nadama ko na ako’y saganang pinakain, matatag sa espirituwal, at kontento sa dulo ng bawat araw.”
Isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, na dumadalaw sa maraming kongregasyon, ang naglahad ng iba pang kapakinabangan sa ganitong paraan: “Yaong masisigasig sa personal na pag-aaral ay karaniwan nang masisigla at malinaw sa kanilang pagsasalita. Sila’y nakakasundo ng iba, at sila’y hindi madaling madala ng negatibong mga pangungusap buhat sa iba. Pagka sila’y nasa ministeryo sa larangan, sila’y nakikibagay at listo sa mga pangangailangan ng mga taong nakakausap nila.”
Idinagdag niya ang isang punto na marahil ay gustong isaisip ng ilan kapag sinusuri nila ang kanilang sariling kaayusan sa pag-aaral. “Sa mga pulong para sa pagtalakay sa Kasulatan, marami ang mahilig na basahin ang kanilang mga komento buhat sa mismong pinag-aaralang materyal. Sila’y higit na makikinabang kung bubulay-bulayin nila kung papaano nauugnay ang materyal sa dati na nilang natutuhan o sa kanilang sariling buhay.” Sa palagay mo kaya’y maaari kang sumulong sa bagay na ito?
Ang propetang si Daniel, pagkalipas ng mahigit na 90 taon ng buhay, ay hindi nakadama na sapat na ang pagkaunawa niya sa mga paraan ni Jehova. Sa kaniyang huling mga taon, siya’y nagtanong tungkol sa isang bagay na hindi niya lubos na maunawaan: “O panginoon ko, ano ang magiging wakas ng mga bagay na ito?” (Daniel 12:8) Walang alinlangan na ang di-nagbabagong pananabik na ito na matutunan ang higit pang katotohanan ng Diyos ay isang susi sa kaniyang napakahusay na katapatan sa buong makasaysayang landasin ng kaniyang buhay.—Daniel 7:8, 16, 19, 20.
Bawat isa sa mga lingkod ni Jehova ay may gayunding mabigat na pananagutan na manindigang matatag bilang isa sa Kaniyang mga Saksi. Maging laging sabik na matuto kung papaano mo pananatilihing malakas sa espirituwal ang iyong sarili. Sikaping magdagdag ng isa o dalawang bagong pitak sa iyong lingguhan, buwanan, o taunang iskedyul sa personal na pag-aaral. Malasin kung papaano pagpapalain ng Diyos ang anumang munting pagsisikap na gagawin mo. Oo, tamasahin ang kasiyahan sa iyong personal na pag-aaral ng Bibliya at sa mga resultang dulot nito.—Awit 107:43.
[Talababa]
a Bilang saligan para sa iyong pinalawak na pag-aaral, baka naisin mong gamitin ang tsart na nasa Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 1, pahina 464-6.