Panatilihing Matibay ang Pananampalataya sa Pamamagitan ng Personal na Pag-aaral
1 Ang pag-aaral ng Bibliya ay mahalaga para sa espirituwal na kalusugan at matibay na pananampalataya. Ang mabuting kaugalian sa pag-aaral ay tumutulong sa atin upang masalag nang matagumpay ang maapoy na palaso ni Satanas gaya ng pag-uusig, materyalismo, at tukso na gumawa ng masama.—Efe. 6:16.
MGA KAPAKINABANGAN NG PERSONAL NA PAG-AARAL
2 Ang personal na pag-aaral ay nagpapayaman sa ating kaunawaan sa mga Kasulatan. (Roma 11:33; Efe. 3:16-19) Ang pananampalataya ay nagiging isang nagpapakilos na puwersa sa ating buhay. Tayo ay natutulungang magsuot ng bagong pagkatao at kumilos bilang mga espirituwal na persona. (Gal. 5:22, 23; Efe. 4:24) Tayo ay higit na nasasangkapan upang harapin ang mga personal na suliranin. Napagtatakpan natin ang mga pagkakamali ng iba at naitataguyod natin ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon.—Col. 3:10, 13, 14.
3 Tayo ay lalong nasasangkapan din ng personal na pag-aaral upang tumulong sa mga taong interesado na nasusumpungan natin sa ministeryo. Tayo ay nagkakaroon ng higit na pagtitiwala sa pagsagot sa mga katanungan na itinatanong sa atin ng mga tao. (1 Ped. 3:15) Tulad ni Jesus, makapagsasalita tayo nang may awtoridad, na maipapakitang maliwanag kung ano ang itinuturo ng mga Kasulatan.—Mat. 7:28, 29.
PAPAANO AT KAILAN MAG-AARAL
4 Dapat na ang ating tunguhin ay higit pa sa basta basahin lamang ang materyales na pinag-aaralan. Nangangailangan ng panahon na isipin kung ano ang ating binabasa. Tanungin ang inyong sarili: Papaano kumakapit sa akin ang materyal? Ano ang ipinakikita nito hinggil kay Jehova, sa kaniyang mga katangian at sa kaniyang mga daan? Papaano ko gagamitin ang materyales na ito upang tulungan ang iba? Ano ang kaugnayan nito sa dati ko nang alam sa paksa? Sa paggawa ng pagsasaliksik upang masagot ang mga katanungang ito, magkakaroon tayo ng mas malawak na kaunawaan sa materyales.—Kaw. 4:5.
5 Upang magkaroon ng mabuting kaugalian sa pag-aaral, nangangailangan ng tiyak na panahon para sa pag-aaral. Maaaring maging mahirap ito para sa iba, subali’t sulit naman ang pagsisikap. Maaari kayong mag-aral sa gabi bago matulog. Pinili ng iba na bumangong maaga upang mag-aral. Kung nasa trabaho, ang panahon pagkatapos kumain sa tanghali ay maaaring gamitin. Sa anumang panahon, humanap ng lugar na angkop para sa pag-aaral. Ito ay makatutulong sa inyo na makapag-isip na mabuti. Sa ganitong paraan ang puso ay mapakikilos tungo sa daan na katuwiran.—Kaw. 15:28.
ANO ANG PAG-AARALAN
6 Ang paghahanda para sa ating limang pulong linggu-linggo ay dapat na mabigyan ng pantanging dako sa ating kaayusan ng pag-aaral. Bilang karagdagan sa paghahanda para sa Pag-aaral ng Bantayan at Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, kayo ba ay nakikinabang sa mayamang espirituwal na pagkain sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Tiyaking umalinsabay sa kaayusan sa pagbasa ng Bibliya at gumawa ng pagsasaliksik sa mga tampok na bahagi ng Bibliya na nasa mga publikasyon ng Samahan. Kung patiuna ninyong rerepasuhin ang mga materyales sa pahayag 1, 3, at 4, higit ninyong masusumpungang kasiyasiya ang paghaharap nito sa paaralan.
7 Ang paghahanda para sa Pulong Ukol sa Paglilingkod ay dapat na isama sa ating eskedyul. Gumamit ng ilang minuto bawa’t linggo upang tingnan ang programang nakabalangkas sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Makatutulong ito upang maipahayag ninyo ang inyong pananampalataya sa iba sa ministeryo sa larangan.
8 Oo, ang matibay na pananampalataya, malalim na pag-ibig kay Jehova, malawak na kaalaman, at pagiging higit na mabisa sa ministeryo—ang lahat ng ito ay mga kapakinabangan na naidudulot ng personal na pag-aaral. Mayroon ba kayong mabuting palatuntunan para sa personal na pag-aaral?