Isang Nababahaging Iglesya—Makapananatili Kaya?
“LAHAT ng nag-aangkin na taglay ang nagliligtas na katotohanan ng Kristo ay kabilang sa nakikitang Iglesya. Ang pagkakabaha-bahagi ng Sangkakristiyanuhan—sa pagitan ng Silangan at Kanluran, at sa pagitan ng Roma at ng mga iglesya ng Repormasyon—ay mga pagkakabaha-bahagi sa loob ng iisang Iglesya.” (Christians in Communion) Ganiyan ang pangmalas ng isang awtor sa Kristiyanismo—bilang isang lubhang hiwa-hiwalay na pamilya ng mga relihiyon, na lahat ay nag-aangkin ng isang uri ng pananampalataya kay Jesu-Kristo.
Gayunman, ito ay isang nababahaging pamilya, na may nagkakasalungatang mga paniniwala at mga pamantayan ng asal. “Ang kasalukuyang-panahong Kristiyanismo . . . ay may mas mabababang pamantayan para sa pagmimiyembro sa iglesya kaysa pagsakay sa bus,” ang sabi ng isang tagamasid. Kung gayon, papaano natin susuriin ang espirituwal na kalagayan nito? Ganito ang konklusyon ng Katolikong obispo na si Basil Butler: “Ang isang nababahaging Kristiyanismo ay totoong may malubhang sakit.” (The Church and Unity) Papaano nagsimula ang sakit? May pag-asa ba para gumaling?
“Ang Taong Tampalasan”
Nagbabala si apostol Pablo na magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi. Sa mga Kristiyano sa Tesalonica na may paniwalang napipinto na ang pagkanaririto ni Kristo, siya’y sumulat: “Huwag hayaang dayain kayo ng sinuman sa anumang paraan, sapagkat hindi ito [ang araw ni Jehova] darating malibang ang apostasya ay dumating muna at ang taong tampalasan ay maisiwalat, ang anak ng pagkapuksa.”—2 Tesalonica 2:3.
Ang “taong tampalasan” na ito ang nagpasok ng apostasya at paghihimagsik sa kongregasyong Kristiyano. Sino siya? Hindi sinumang indibiduwal na tao kundi, sa halip, ang uring klero ng Sangkakristiyanuhan. Itinaas ng uring ito ang kaniyang sarili sa ibabaw ng apostatang kongregasyon di-nagtagal pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, at nang bandang huli ay nagturo ng paganong mga pilosopiya, tulad ng Trinidad at ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao. (Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1-3) Tulad ng isang nakamamatay na virus, ito’y nagpasok sa nag-aangking kongregasyong Kristiyano ng mga ideang kinasihan ng mga demonyo na di-maiiwasang hahantong sa pagkakabaha-bahagi.—Galacia 5:7-10.
Ang pagkahawa ay nagsimula na noong kaarawan ni apostol Pablo. Sumulat siya: “Totoo, ang hiwaga ng katampalasanang ito ay gumagana na; ngunit tanging hanggang sa siya na sa ngayon ay kumikilos bilang pamigil ay mangyaring maalis.” (2 Tesalonica 2:7) Ang mga apostol ay kumilos bilang isang pamigil laban sa lason ng apostasya. Nang mawala na ang kanilang impluwensiyang tagapagkaisa, ang di na mapigil na apostasya ay lumaganap na mistulang ganggrena.—1 Timoteo 4:1-3; 2 Timoteo 2:16-18.
Ang mga gawain ng “taong tampalasan” na ito ay hindi humuhupa. Sa isang kamakailang ulat tungkol sa “isang iglesyang dumaranas ng malubhang seksuwal at teolohikal na paghihirap,” sinipi ang reklamo ng isang punong diakono ng Church of England: “Tinanggihan ang mga panawagan sa klero na huwag makipagtalik sa hindi nila asawa. Inordenan ang aktibong mga homoseksuwal. Ginawa nilang mabuti ang masama at masama ang mabuti.”—The Sunday Times Magazine, London, Nobyembre 22, 1992.
Trigo at mga Panirang-Damo
Si Jesu-Kristo mismo ay nagturo na ang tunay na Kristiyanismo ay pansamantalang mawawala sa tanawin. Sinabi niya na ang pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano ay gaya ng isang taong naghahasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid. Subalit, sinabi ni Jesus, “ang kaniyang kaaway ay dumating at naghasik naman ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo.” Nang magtanong ang kaniyang mga alipin kung kanilang bubunutin ang mga panirang-damo, ang may-ari ng bukid ay nagsabi: “Hindi; baka sa paanuman, samantalang tinitipon ninyo ang mga panirang-damo, ay mabunot ninyo ang trigo kasama nila.” Gaano katagal magpapatuloy ang paghahalong ito ng trigo at panirang-damo? Sinabi ng may-ari ng bukid: “Hayaan ninyong kapuwa sila lumaki na magkasama hanggang sa pag-aani.”—Mateo 13:25, 29, 30.
Hanggang sa “pag-aani,” o panahon ng pagbubukud-bukod sa mga huling araw ng “sistema ng mga bagay,” ang imitasyong mga Kristiyano ay kasabay na lumaki ng tunay na mga Kristiyano. (Mateo 28:20) Ginamit ni Satanas na Diyablo ang mga apostata upang lumikha ng isang balakyot at nababahaging imitasyong kongregasyong Kristiyano. (Mateo 13:36-39) Sila’y nagbunga ng isang nakahihiyang huwad na uri sa tunay na Kristiyanismo. (2 Corinto 11:3, 13-15; Colosas 2:8) Samantalang nagkabaha-bahagi ang iglesya sa paglakad ng mga dantaon, naging lalong mahirap na makilala ang tunay na mga Kristiyano.
Mga Bagong Grupo
Sa lalong modernong panahon, sinasabi ng The Testing of the Churches—1932-1982, “[b]agong mga grupo ang lumitaw, lalo na ang kilusang karismatiko, na nagdiriin ng personal na pananampalataya at karanasan.” Kapuna-puna, minamalas ng ilan ang ipinanganak-muli, karismatikong mga kilusan bilang mga tanda ng espirituwal na paggaling sa halip na bagong mga grupo. Halimbawa, ang Northern Ireland ay nakaranas ng gayong muling pagbangon noong mga taon ng 1850. Bumangon ang malaking pag-asa. Bumanggit ang isang ulat tungkol sa “pangkapatirang pagkakaisa . . . sa gitna ng mga Presbiteryano, Wesleyano, at Independiyenteng mga ministro” at sinabi na “bawat araw ay may bagong mga ulat tungkol sa mga pangangarap, pagtulog, pangitain, panaginip at mga himala.”—Religious Revivals.
Minalas ng marami ang madulang mga kapahayagang ito bilang ebidensiya ng pagkilos ng espiritu ng Diyos upang muling buhayin ang kaniyang iglesya. “Ang iglesya ng Diyos,” sabi ng isang tagamasid, “sa pinakamatayog na diwa nito ay muling nabuhay sa mga distritong ito.” Gayunman, kahit na ang natatanging muling pagkabuhay na ito ay ibinabalita bilang “isang maningning at wala pang nakakatulad na panahon sa relihiyosong kasaysayan ng Ulster,” ito at ang iba pang muling pagkabuhay na katulad nito ay hindi nagdulot ng relihiyosong pagkakaisa sa gitna niyaong mga nag-aangking isinilang-muli sa espirituwal.
Mangangatuwiran ang gayong mga tao na sila ay nagkakaisa sa mga bagay na pinakamahalaga. Subalit ito ay kapareho ng argumento na ginagamit ng nalalabing bahagi ng Sangkakristiyanuhan, na nangangatuwirang “ang tagapagkaisa sa mga Kristiyano ay higit pang mahalaga kaysa sa mga bagay na bumabahagi sa kanila.” (The Church and Unity) Ganito ang sabi ng Sangkakristiyanuhan: “Ang aming pangunahing pagkakaisa gayundin sa lahat ng aming kapuwa mga Kristiyano ay nag-uugat sa aming bautismo kay Kristo.” (Christians in Communion) Gayunman, ang pagsasabi na ang mga grupo ay di mahalaga dahil sa iisang pananampalataya kay Jesus ay tulad ng pagsasabing ang kanser ay hindi naman malubha hangga’t malakas ang iyong puso.
Ang totoo ay na ang gayong modernong mga kilusang relihiyoso ay nakaragdag lamang sa kalituhan at nakalikha ng espirituwal na anarkiya samantalang ang mapanghikayat na mga guro ay nagtitipon ng mga tagasunod para sa kanilang sarili. Sina Jim Jones at David Koresh ay kamakailang mga halimbawa ng espirituwal na mga lider na nakapagligaw ng libu-libo. (Mateo 15:14) Pangunahing miyembro ng Ku Klux Klan ang isang ministrong Baptist. Iniugnay niya sa kaniyang kampanya ukol sa pangingibabaw ng mga puti ang isang muling pagbuhay sa relihiyon at sinasabing yaong mga nakikibahagi rito ay “bibigyan ng lakas ng patnubay na nanggagaling sa itaas, bibigyan ng lakas ng loob Niya na namatay sa Kalbaryo [si Jesu-Kristo].”
Kumusta naman ang ipinagpapalagay na mga himala, ang makapangyarihang mga gawa, at ang mga tandang ginawa sa pangalan ni Jesus? Alalahanin ang matinding babala ni Jesus na, hindi yaong basta nagsasabi ng “Panginoon, Panginoon” ang siyang magkakamit ng kaniyang pagsang-ayon, kundi, sa halip, ‘yaong gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama.’ Marami sa ngayon ang hindi man lamang nakaáalam ng pangalan ng kaniyang Ama, na si Jehova. Nagbabala si Jesus tungkol sa mga ‘magpapalayas ng mga demonyo sa kaniyang pangalan, at magsasagawa ng makapangyarihang mga gawa sa pangalang ito’ at gayunma’y magiging “mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23.
“Lumabas Kayo sa Kaniya Bayan Ko”
Ano ba ang pag-asang gumaling pa ang may sakit na Sangkakristiyanuhan? Napakaliit. Kung gayon, dapat ba nating ikapit ang payo ng obispong Katoliko na si Butler, na “umanib [sa iglesya] nang wala nang kuskos-balungos at tulungan natin siya sa kaniyang patuloy na ‘paglilinis’ mula sa mismong mga miyembro niya”? Hindi! Ang nababahagi at nagkakawatak-watak na Sangkakristiyanuhan ay hindi makaliligtas. (Marcos 3:24, 25) Siya ay bahagi ng isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon na tinatawag na Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:2, 3) Ang nagkasala-sa-dugong sistemang ito ng relihiyon ay nakaharap sa napipintong pagkapuksa sa kamay ng Diyos.
Hindi iminumungkahi ng Bibliya na ang tunay na mga Kristiyano ay manatili sa loob ng likong organisasyong relihiyosong ito at sikaping baguhin siya buhat sa loob. Sa halip, ito’y nagpapayo: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawa ng kawalang-katarungan.”—Apocalipsis 18:4, 5.
“Lumabas” tungo saan? Tandaan, nangako si Jesus na sa panahon ng pag-aani, ang tunay na mga Kristiyano ay muling titipunin sa isang pambuong-daigdig na pagkakaisa. Humula rin si propeta Mikas ng gayong muling pagtitipon sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Aking pipisanin silang sama-sama, gaya ng isang kawan sa kulungan.” (Mikas 2:12) Ito ba’y nangyayari na?
Oo! Tinitipon na ngayon ang tunay na mga Kristiyano sa isang nagkakaisang kapatiran sa buong lupa. Sino sila? Sila ang kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova, na nagkakaisang nagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos sa 231 lupain. Tinanggihan nila ang bumabahaging mga turo ng Sangkakristiyanuhan at nagsisikap na sambahin ang Diyos ayon sa katotohanan ng kaniyang Salita.—Juan 8:31, 32; 17:17.
Kayo ay malugod na inaanyayahan na makipag-usap sa kanila. Kung nais mo pang makaalam ng higit tungkol sa mga Saksi ni Jehova, pakisuyong makipag-alam sa kanila sa inyong lugar o sa pamamagitan ng angkop na direksiyon sa pahina 2 ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 7]
“Inalaala ng Diyos ang kaniyang mga gawa ng kawalang-katarungan”