Maligaya sa Isang Tunay na Pandaigdig na Kapatiran
AYON SA PAGKALAHAD NI WILLIE DAVIS
Noong 1934 ang Great Depression ang sumasakal sa sanlibutan, at ang Estados Unidos ay namimilipit sa hirap ng kabuhayan. Sa labas ng Prospect Relief Station sa Cleveland, Ohio, naglalaban ang isang pulis at isang aminadong Komunista. Binaril at pinatay ng pulis ang Komunista at isang nagmamasid, ang aking lola, si Vinnie Williams.
SINIKAP ng mga Komunista na ang mga kamatayang ito ay gawing isang panlahing insidente, yamang itim ang aking lola at ang pulis ay puti. Sila’y namahagi ng mga newsletter na may titulong gaya ng “Racist Cleveland Police” at “Avenge These Killings.” Ang mga Komunista ang nagsaayos at nag-asikaso ng libing ng aking lola. Mayroon akong larawan ng mga bumuhat sa ataol—lahat sila’y puti at lahat ay miyembro ng partido. Bawat isa ay may nakakuyom na kamay na nakataas sa paraan na nang malaunan ay ginamit na simbulo ng Black Power.
Nang mamatay ang aking lola, ako ay dinadala ng kaniyang anak na babae sa kaniyang sinapupunan, at ako’y isinilang makalipas ang apat na buwan. Ako’y lumaki taglay ang kapansanan sa pagsasalita. Pautal-utal akong magsalita, kaya kasali sa aking maagang pag-aaral ang speech therapy.
Naghiwalay ang aking mga magulang nang ako’y limang taóng gulang, at kami ng aking kapatid na babae ay pinalaki ng aming ina. Nang ako’y sampung taóng gulang, ako’y nagsimulang maghatid ng mga groseri pagkatapos ng klase upang makatulong sa mga gastusin ng pamilya. Pagkaraan ng dalawang taon ako’y nagsimulang magtrabaho bago at pagkatapos ng klase, ang naging pangunahing naghahanap-buhay para sa pamilya. Nang maospital si Inay at nangangailangan ng sunud-sunod na operasyon, ako’y huminto ng pag-aaral at nagsimulang magtrabaho nang buong-panahon.
Pasimula sa Isang Kapatiran
Noong 1944 isa sa mga Saksi ni Jehova ang nag-iwan ng aklat na “Ang Katotohanan Ang Magpapalaya sa Inyo” sa maybahay ng aking pinsan, at ako’y nakasali sa pag-aaral ng Bibliya na pinasimulan sa kaniya. Nang taon ding iyon ay nagsimula akong dumalo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa Eastside Congregation. Ang instruktor ng paaralan, si Albert Cradock, ay nagkaroon ng suliranin sa pagsasalita na kagaya ng akin, subalit siya’y natutong pigilin iyon. Anong laking pampalakas-loob siya sa akin!
Ang kalakhang bahagi ng aming pamayanan ay Italyano, Polako, Hungariano, at Judio, at ang kongregasyon ay binubuo ng mga taong mula sa mga ito at sa iba pang grupong etniko. Ako at ang maybahay ng aking pinsan ay kabilang sa mga unang Aprikanong Amerikano na nakisama sa kongregasyong ito na ang karamihan ng miyembro ay puti, subalit ang mga Saksi ay hindi kailanman nagpakita ng pagtatangi ng lahi laban sa amin. Sa katunayan, ako’y regular na panauhin nila sa pagkain sa kanilang mga tahanan.
Noong 1956, lumipat ako sa timugang bahagi ng Estados Unidos upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan para sa mga ministro. Nang ako’y bumalik sa hilaga nang isang tag-araw para sa isang pandistritong kombensiyon, marami sa mga kapatid sa Cleveland ang dumalaw sa akin at nagpahayag ng mainit na interes sa aking mga gawain. Ang kanilang pagmamalasakit ay nagturo sa akin ng mahalagang aral: Laging ituon “ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.”—Filipos 2:4.
Pinalawak na Buong-Panahong Ministeryo
Pagkatapos maglingkod nang tatlong taon sa buong-panahong gawaing pangangaral bilang isang payunir, noong Nobyembre 1959, ako’y inanyayahang magtrabaho sa Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Ako’y naatasang gumawa sa Shipping Department. Ang tagapangasiwa sa aking departamento, si Klaus Jensen, at ang aking kasama sa kuwarto, si William Hannan, kapuwa sila puti, ay naging espirituwal na mga ama sa akin. Bawat isa ay nakapaglingkod na nang halos 40 taon sa Bethel nang ako’y dumating doon.
Maaga noong mga taon ng 1960, mayroong mga 600 miyembro ang pamilyang Bethel, at mga 20 ang Aprikanong Amerikano. Noon, nagsimulang mag-alab sa Estados Unidos ang alitang panlahi, at naging maigting ang mga ugnayan ng mga lahi. Gayunpaman, itinuturo ng Bibliya na “ang Diyos ay hindi nagtatangi,” at dapat na gayundin tayo. (Gawa 10:34, 35) Ang espirituwal na mga talakayan namin sa mesa sa Bethel tuwing umaga ay nagpatibay ng aming determinasyon na tanggapin ang pananaw ng Diyos sa gayong mga bagay.—Awit 19:7.
Samantalang naglilingkod sa Brooklyn Bethel nakilala ko si Lois Ruffin, isang payunir buhat sa Richmond, Virginia, at kami’y ikinasal noong 1964. Kami’y determinadong manatili sa buong-panahong ministeryo, kaya pagkatapos ng aming kasal ay bumalik kami sa timugang bahagi ng Estados Unidos. Una ay naglingkod kami bilang mga special pioneer, at pagkatapos noong 1965, ako’y inanyayahang pumasok sa gawaing pansirkito. Sa sumunod na sampung taon, kami’y dumalaw sa mga kongregasyon sa mga estado ng Kentucky, Texas, Louisiana, Alabama, Georgia, North Carolina, at Mississippi.
Isang Pagsubok sa Aming Kapatiran
Mga taon iyon ng malaking pagbabago. Bago kami lumipat sa Timog, ang mga lahi ay pinagbukud-bukod. Ang mga itim ay hindi pinahihintulutan ng batas na pumasok sa iisang paaralan, kumain sa iisang restawran, matulog sa iisang hotel, mamili sa iisang tindahan, o kahit uminom sa iisang drinking fountain kasama ng mga puti. Subalit noong 1964 inaprobahan ng Kongreso ng Estados Unidos ang Civil Rights Act na nagbabawal ng pagtatangi sa pampublikong mga lugar, kasali na ang transportasyon. Kaya wala nang anumang legal na batayan ang pagbubukod ng lahi.
Samakatuwid ang tanong ay, Ang atin bang mga kapatid sa lahat ng kongregasyong pawang itim at pawang puti ay magsasama-sama at magpapakita ng pag-ibig at pagmamahal sa isa’t isa o ang panggigipit buhat sa pamayanan at ang nakaugat nang mga damdamin buhat sa nakalipas ay magpapangyari sa kanila na tanggihan ang pagsasama-sama? Isang hamon ang sundin ang maka-Kasulatang utos: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—Roma 12:10.
Sapagkat sa abot ng natatandaan ng sinuman, ang nangingibabaw na paniniwala, lalo na sa Timog, ay ang pagkamababa ng mga itim. Ang pangmalas na ito ay lubhang nakatanim na sa isip ng mga tao sa halos bawat pitak ng lipunan, kasali na sa mga simbahan. Kaya hindi madali para sa ilang puti na malasin ang mga itim bilang kapantay nila. Oo, iyon ay isang panahon ng pagsubok sa ating kapatiran—para sa kapuwa mga itim at mga puti.
Nakatutuwa naman, sa kabuuan ay nagkaroon ng kahanga-hangang pagtugon sa pagsasama-sama ng aming mga kongregasyon. Hindi dagling napawi ang daan-daang taon ng maingat na itinurong mga pananaw tungkol sa kahigitan ng lahi. Subalit nang magsimula ang pagsasama-sama, iyon ay tinanggap na mainam ng ating mga kapatid, na karamihan sa kanila ay nagalak dahil sila’y makapagpupulong na nang sama-sama.
Kapansin-pansin, kahit ang mga di-Saksi ay kadalasang nakikipagtulungan sa pagsasama-sama ng aming mga kongregasyon. Halimbawa, sa Lanett, Alabama, ang mga kapitbahay na malapit sa Kingdom Hall ay tinanong kung sila’y tutol na ang mga itim ay dumalo sa mga pulong. Isang may edad nang ginang na puti ang nakipagkamay sa isang kapatid na itim, na ang sabi: “Pakisuyong pumunta ka sa aming lugar at sambahin mo ang iyong Diyos gaya ng ibig mo!”
Tapat na mga Kapatid sa Etiopia
Noong 1974 ikinagalak naming tumanggap ng lima at kalahating buwan ng pagsasanay misyonero sa Watchtower Bible School of Gilead sa New York City. Pagkatapos ay inatasan kami sa Aprikanong bansa ng Etiopia. Si Haile Selassie, ang emperador, ay hindi pa natatagalang inalis sa tungkulin at nakakulong sa bahay. Yamang ang aming gawaing pangangaral ay ipinagbabawal, pinahalagahan namin ang matalik na pagsasamahan ng ating kapatirang Kristiyano.
Kami’y namuhay at naglingkod kasama ng marami na noong bandang huli ay ibinilanggo dahilan sa kanilang pagsunod sa tunay na pagsamba. Ang ilan sa aming mahal na mga kaibigan ay pinatay pa nga. Si Adera Teshome ay siyang kapuwa ko matanda sa isang kongregasyon sa kabisera ng Etiopia, ang Addis Ababa.a Makalipas ang tatlong taon sa bilangguan, siya’y pinatay. Natural, labis na nalungkot ang kaniyang maybahay. Anong laking kasiyahan ang nadama ko nang makalipas ang mga taon ay nakita ko siyang may kagalakang naglilingkod bilang isang payunir!
Si Worku Abebe, isa pang tapat na kapatid, ay walong beses na sinintensiyahan ng kamatayan.b Subalit siya’y hindi kailanman natakot! Nang huling makita ko siya, ipinakita niya sa akin ang kaniyang mga tainga na pininsala ng mga guwardiya sa bilangguan sa pamamagitan ng mga puluhan ng mga riple. Pabirong sinabi niya na siya’y binubugbog sa pamamagitan ng mga puluhan ng riple tuwing almusal, tanghalian, at hapunan. Bagaman siya’y matagal nang namatay, mapagmahal na inaalaala pa rin siya ng mga kapatid.
Si Hailu Yemiru ay isa pang kapatid na di ko malilimutan.c Siya’y nagpamalas ng ulirang pag-ibig sa kaniyang maybahay. Ang kaniyang maybahay ay inaresto, ngunit dahil siya’y nagdadalang-tao at malapit nang magsilang, itinanong ni Hailu sa mga awtoridad sa bilangguan kung maaari niyang halinhan ang kaniyang maybahay sa pagkakulong. Nang malaunan, nang hindi niya ikompromiso ang kaniyang pananampalataya, siya’y pinatay.—Juan 15:12, 13; Efeso 5:28.
Dahilan sa lumulubhang pulitikal na situwasyon sa Etiopia, kami’y lumipat sa Kenya noong 1976. Pitong taon kaming naglingkod sa gawaing paglalakbay, na dinadalaw ang mga kapatid sa maraming bansa sa Silangang Aprika—kasali na ang Kenya, Etiopia, Sudan, ang Seychelles, Uganda, at Tanzania. Ako’y naglakbay din sa Burundi at Rwanda nang maraming beses bilang bahagi ng isang delegasyon na makikipag-usap sa mga opisyal tungkol sa legal na pagrerehistro ng ating gawain sa mga bansang iyon.
Isang kagalakang makabalik sa Etiopia noong Enero 1992 upang madaluhan ang unang pandistritong kombensiyon na ginanap doon pagkatapos maalis ang pagbabawal sa ating gawain. Marami sa mahigit na 7,000 dumalo roon ang hindi magkakakilala, yamang ang mga kapatid ay dating nagpupulong sa maliliit lamang na grupo. Sa bawat araw ng kombensiyon, karamihan ay naroroon na dalawang oras pa bago magsimula ang programa at nananatili hanggang sa gabi, na nasisiyahan sa ating maibiging pagkakapatiran.
Nadaig ang Tribolismo
Sa loob ng daan-daang taon ang tribolismo ay malaganap sa Aprika. Halimbawa, sa Burundi at Rwanda, ang mga pangunahing tribo, ang Hutu at ang Tutsi, ay malaon nang nagkakapootan. Sapol nang tamuhin ng mga bansang ito ang kasarinlan mula sa Belgium noong 1962, libu-libo sa mga miyembro ng dalawang tribo ang nagpapatayan sa pana-panahon. Kaya naman, kaylaking kaluguran na makitang ang mga miyembro ng mga grupong etniko na ito na naging mga Saksi ni Jehova ay sama-samang gumagawa sa kapayapaan! Ang tunay na pag-ibig na ipinakikita nila sa isa’t isa ay nakaakit sa iba pa upang makinig sa mga katotohanan ng Bibliya.
Gayundin naman, ang mga grupong etniko sa Kenya ay malimit na mayroong mga di-pagkakasundo. Anong laking pagkakaiba ang umiiral sa loob ng kapatirang Kristiyano ng bayan ni Jehova sa Kenya! Makikita mo ang mga taong buhat sa iba’t ibang grupong etniko na nagkakaisang sumasamba sa mga Kingdom Hall. Nakalugod sa akin na makitang marami sa mga ito ang nag-alis na ng kanilang mga alitang pangtribo at nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa kanilang mga kapatid sa ibang mga grupong etniko.
Ikinaliligaya ang Ating Kapatiran
Sa paglingon ko sa mahigit na 50 taóng pakikisama sa organisasyon ng Diyos, ang aking puso ay puspos ng pasasalamat kay Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Tunay na kagila-gilalas ang magmasid sa kanilang mga nagawa rito sa lupa! Hindi, hindi naging laging mainam ang mga kalagayan sa gitna ng bayan ng Diyos, maging sa ngayon. Subalit hindi maaasahan na ang daan-daang taon ng panlahing mga turo ng sanlibutan ni Satanas ay mapapawi sa magdamag. Tutal, tayo ay hindi pa sakdal.—Awit 51:5.
Sa paghahambing ko ng organisasyon ni Jehova sa sanlibutan, nag-uumapaw ang aking puso sa pagpapahalaga sa ating tunay, pandaigdig na kapatiran. Naaalaala ko pa nang may pananabik ang mga kapatid na iyon sa Cleveland, na pawang mga puti, na nagpalaki sa akin sa katotohanan. Samantalang nakikita ko ang ating mga kapatid sa timugang Estados Unidos, kapuwa mga puti at mga itim, na ang mga damdamin ng pagtatangi ay hinalinhan ng taos-pusong pag-ibig pangkapatid, ang aking puso ay nagagalak. Pagkatapos, ang pagparoon sa Aprika at pagkakitang tuwiran kung papaano napapawi ng Salita ni Jehova ang pagkakapootan ng mga lahi ay nag-udyok sa akin na lalong pahalagahan ang ating pandaigdig na kapatiran.
Oo, mainam ang pagkasabi ni Haring David noong una: “Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!”—Awit 133:1.
[Mga talababa]
a Ang mga larawan nina Adera Teshome at Hailu Yemiru ay nasa pahina 177 ng 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses; ang karanasan ni Worku Abebe ay inilahad sa pahina 178-81.
b Ang mga larawan nina Adera Teshome at Hailu Yemiru ay nasa pahina 177 ng 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses; ang karanasan ni Worku Abebe ay inilahad sa pahina 178-81.
c Ang mga larawan nina Adera Teshome at Hailu Yemiru ay nasa pahina 177 ng 1992 Yearbook of Jehovah’s Witnesses; ang karanasan ni Worku Abebe ay inilahad sa pahina 178-81.
[Larawan sa pahina 23]
Ang libing ng aking lola
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga Saksing Tutsi at Hutu ay gumagawang sama-sama sa kapayapaan
[Larawan sa pahina 25]
Kasama ng aking maybahay, si Lois