Isang Lupaing Baog na Naging Mabunga
AYON SA PAGKALAHAD NI ARTHUR MELIN
Iyon ay isang maaliwalas na araw ng tagsibol noong 1930, at ako’y nakatayo sa isang daungan sa Prince Rupert, British Columbia. Samantalang pinagmamasdan ko ang lantsang nakatigil sa lunas ng dagat, naisip ko, ‘Saan napunta ang lahat ng tubig?’ Ito ang aking unang karanasan sa mga paglaki at pagliit ng tubig ng Pacific West Coast na kung saan ang pantay-dagat ay maaaring bumaba ng hanggang 7 metro sa loob lamang ng anim na oras. Subalit papaano nangyari na ang isang binatang magbubukid ay napunta roon sa mga dalampasigan ng Karagatang Pasipiko?
AKO’Y inanyayahang palawakin ang aking pribilehiyo ng buong-panahong paglilingkod kay Jehova sa pamamagitan ng pagsama sa mga tripulante ng lantsang Charmian. Ang atas sa amin ay ang pasimulan ang gawaing pangangaral sa malayong kanlurang baybayin mula sa Vancouver hanggang Alaska. Ang kahabaang ito ay binubuo ng karamihan ng maraming milya ng baybaying-dagat ng British Columbia, na walang aktibong mga tagapuri kay Jehova. Ito’y maliban sa isang munting grupo ng mga mamamahayag ng Kaharian sa bayan ng Prince Rupert.
Ako’y sabik na magpasimula, kaya pagkababa ko sa tren, agad akong nagtungo sa mga daungan upang tingnan ang lantsang Charmian at makilala ang mga tripulante niyaon, sina Arne at Christina Barstad. Walang isa man ang naroon, kaya ako’y umalis. Nang ako’y bumalik sa bandang hapon, ako’y nabigla. Waring ang karagatan ay natutuyo!
Subalit ano ang mga pangyayaring humantong sa kawili-wiling atas na ito?
Isang Espirituwal na Pamana
Ang pagpapahalaga ko sa espirituwal na mga bagay ay nagsimula sa tahanan sa mga kapatagan ng Alberta, Canada. Nasumpungan ng aking ama ang isang tract na isinulat ni Charles Taze Russell ng Zion’s Watch Tower Tract Society na gumawa ng isang malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Si Itay ay nagsimulang mangaral sa kaniyang mga kapit-bahay, sa kabila ng kaniyang umuubos-panahong trabaho na pagsasaka sa Calmar, Alberta. Mga isang daang taon na ang nakalipas mula noon, sa bandang pasimula ng mga taon ng 1890.
Sa pamilyang ito na may takot sa Diyos isinilang ako noong Pebrero 20, 1905, ang ikawalong anak ng sa bandang huli ay naging sampung magkakapatid na lalaki at mga babae. Si Itay, gayundin ang iba pa sa pamayanang ito ng mga Suweko, ay napaugnay sa International Bible Students. Nang malaunan, sila’y nagtayo ng isang dakong pinagtitipunan, nang bandang huli ay tinawag na Kingdom Hall. Iyon ang isa sa mga una sa Canada.
Ang trabahong pagsasaka ay hindi nakahadlang sa amin sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, na ang ilan ay nagtampok ng mga pahayag ng dumadalaw na mga tagapagsalita na ipinadala ng Samahang Watch Tower. Ang mga pahayag na ito ay pumukaw ng aming taimtim na hangaring makibahagi sa gawaing pangangaral. Bunga nito, halos lahat sa aming pamilya ay naging matatag sa paglakad sa liwanag ng katotohanan sa Bibliya.
Pakikibahagi sa Gawaing Pangangaral
Maaga noong mga taon ng 1920, ako’y nabigyan ng aking unang atas sa pagpapatotoo. Ako ay mamamahagi ng mga imbitasyon para sa pahayag pangmadla sa bahay-bahay sa lunsod ng Edmonton. Samantalang ako’y nag-iisang nakatayo roon nang araw na iyon, natutuhan ko ang isang mahalagang aral: Magtiwala kay Jehova. (Kawikaan 3:5, 6) Anong ligaya ko na magampanan ang unang atas na iyan sa tulong ni Jehova!
Ang aking pagtitiwala sa nakikitang organisasyon ni Jehova at sa kaniyang tapat at maingat na alipin ay patuloy na lumaki habang higit pang kaunawaan ang inilaan sa kaniyang Salitang katotohanan. Marami sa mga gawain ng Sangkakristiyanuhan, tulad halimbawa ng pagdiriwang ng Pasko at mga kapanganakan, ay iniwaksi. Ang personal na kaligtasan ay hindi na gaanong pinagbuhusan ng pansin; sa halip, sinimulang bigyan ng tamang pagpapahalaga ang pangangaral ng Kaharian. Lahat ng ito ay nagkaroon ng matinding epekto sa aking buhay. Kaya hindi nagtagal pagkatapos na ialay ang aking buhay kay Jehova noong Abril 23, 1923, ginawa kong tunguhin ang buong-panahong ministeryo.
Noong panahon ng sukdulang mga taglamig sa parang, kami’y nagpatotoo sa mga kabukiran sakay ng isang kareta na hila ng kabayo. Minsan ako ay gumugol ng dalawang sanlinggo kasama ng isang grupo sa gawaing noo’y kilala bilang house-car work. Ang pantanging mga sasakyang ito ay napatunayang praktikal sa gawaing pagpapatotoo sa malalawak na lugar sa mga kaparangan ng Canada. Sa kabila ng mga suliranin sa pananalapi, masungit na lagay ng panahon, at malalayong distansiyang nilalakbay, ako’y nakapagtiyaga sa ministeryo ng pagpapayunir sa Alberta nang pahintu-hinto sa loob ng mga tatlong taon hanggang sa di-malilimot na araw na iyon noong 1930 nang ako’y anyayahang maglingkod sa Pacific West Coast. Yamang ako’y walang alam tungkol sa dagat o mga barko, naging palaisipan sa akin ang paanyayang iyon.
Buweno, di pa natatagalan nang ako’y dumating sa Prince Rupert ay naging maalwan na ang aking pakiramdam kasama ng aking bagong mga kamanggagawa sa lantsa. Si Brother Barstad ay isang bihasang magdaragat, palibhasa’y nakapagtrabaho siya sa komersiyal na pangingisda sa loob ng maraming taon. Ang sumunod na anim na taon ay isang panahon ng puspusang pangangaral samantalang naglalakbay sa baybayin ng British Columbia mula sa Vancouver hanggang Alaska. Isa pang aral na natutuhan: Laging tanggapin ang atas mula kay Jehova, at huwag mag-atubili.
Paghahasik ng Binhi sa Dagat
Ang unang daungan na dinalaw namin nang tagsibol na iyon ng 1930 ay ang Ketchikan, Alaska, na kung saan naglulan kami ng 60 karton ng literatura sa Bibliya. Sa loob ng mga ilang linggo, dinalaw namin ang lahat ng mga tahanan sa Ketchikan, Wrangell, Petersburg, Juneau, Skagway, Haines, Sitka, at iba pang magkakalayong mga pamayanan. Pagkatapos ay ginawa namin ang buong baybayin ng British Columbia, anupat tinapos iyon bago matapos ang tag-araw. Dinalaw namin ang malalayong kampo sa pagtotroso, mga pagawaan ng de lata, mga pamayanang Indian, maliliit na bayan, gayundin ang mga nakatira sa mga liblib na pook at mga maninilo. Kung minsan ay mahirap magpaalam sa malulungkot na mga bantay sa mga parola na nananabik makipag-usap sa iba.
Sa wakas, kami ay sinangkapan ng Samahan ng bitbiting mga ponograpo at isinaplakang mga pahayag sa Bibliya. Dinala namin ang mga ito, kasama ng mga aklat, mga Bibliya, at mga magasin. Malimit na kailangang bitbitin namin ang mga ito habang kami’y nagkakandahirap sa paglalakad sa mga batuhan sa tabing-dagat. Kapag panahon na káti ang tubig, kung minsan ay kailangang hilahin namin ang mga ito paakyat sa mabuway na mga hagdan patungo sa matataas na mga daungan. Nagpapasalamat ako sa pisikal na pagsasanay na tinanggap ko nang ako’y isang kabataang nagtatrabaho sa isang sakahan sa parang.
Ang amplipayer sa aming lantsa para sa mga pahayag pangmadla ay naging isang mabisang kasangkapan sa pagpapalaganap ng balita ng Kaharian. Yamang ang tunog ay umaalingawngaw dahil sa tubig, ang isinaplakang mga pahayag ay kadalasang naririnig sa layong milya-milya. Minsan samantalang kami’y nakahinto sa isang liblib na katubigan sa Vancouver Island, aming pinatugtog ang isa sa mga pahayag na ito sa Bibliya. Kinabukasan ang mga taong naninirahan sa lugar na malayo sa aplaya ay buong kasabikang nagsabi sa amin: “Kahapon ay nakarinig kami ng sermon na tuwirang nanggaling sa langit!”
Sa isa pang pagkakataon isang may edad nang mag-asawa ang nagsabi sa amin na nakarinig sila ng musikang nanggagaling sa kanilang tsiminea, ngunit nang sila’y lumabas, wala silang narinig na anuman. Nang sila’y bumalik sa loob, sila’y nakarinig ng isang tinig. Bakit nga gayon? Buweno, samantalang sila’y nasa labas, aming pinapalitan ang plaka. Una naming pinatutugtog ang musika upang makuha ang pansin ng mga tao, saka namin pinatutugtog ang isang pahayag sa Bibliya.
Sa isa pang pagkakataon, nang kami’y nakadaong malapit sa isang isla na may isang nayon ng mga Indian, dalawang katutubong mga kabataang lalaki ang dumating na gumagaod upang hanapin ang pinanggagalingan ng mga tinig. Inakala ng ilan sa mga taga-isla na ang mga ito ay tinig ng kanilang mga patay na muling nabuhay!
Karaniwan na ang makapagpasakamay ng isang daang aklat sa isang araw sa mga nagtatrabaho sa malalayong pagawaan ng isdang de lata. Palibhasa’y walang gaanong mga pang-abala, may panahon sila na mag-isip tungkol sa espirituwal na mga bagay. Sa wakas ay marami sa mga nabubukod na ito ang naging mga Saksi. Nang sumunod na mga paglalakbay, inasam-asam namin ang pagdalaw sa kanila para sa “pagpapalitan ng pampatibay-loob.”—Roma 1:12.
Patuloy na Paglilingkuran Kasama ang Isang Kabiyak
Noong 1931, ako ay napakasal sa kapatid ni Christina Barstad, si Anna. Pagkatapos ay nagpatuloy kami sa aming pagpapayunir nang magkasama sa lantsa at nagtamasa ng maraming kasiya-siyang mga karanasan sa paglakad ng mga taon. Mga balyena, sea lion, foca, porpoise, usa, oso, at mga agila ang aming mga kasama samantalang matatanaw sa malayo ang matatayog na bundok, kubling mga ilog na pasukan, at nakakanlong na mga look, na sa paligid ay may maraming puno ng sedro, pino, at higanteng mga Douglas fir. Maraming beses na tinulungan namin ang nahahapong mga usa at ang mga anak ng mga ito samantalang sinisikap nilang lumangoy patawid sa isang ilog na mabilis ang agos upang makatakas sa mga maninila.
Isang hapon napansin namin ang isang bald eagle na lumilipad nang mababa sa ibabaw ng tubig, na ang mga kuko nito ay may sakmal na malaking chinook salmon. Napakalaki ng isda upang lubusang maiangat mula sa tubig, kaya ang agila ay patungo sa pampang samantalang hila ang salmon. Nakita ni Frank Franske, na isa sa mga tripulante, ang potensiyal na iyon at siya’y tumakbo sa pampang upang salubungin ang nahahapong agila at hikayating bitiwan ang húli nito. Ang aming mga tripulanteng payunir ay nakapag-ulam ng masarap na salmon sa hapunan nang gabing iyon, at ang agila ay natututong magbigay, bagaman atubili.
Sa isang munting isla sa hilagang dulo ng Vancouver Island, isang mag-asawang nagngangalang Thuot ang tumanggap ng katotohanan ng Bibliya. Ang asawang lalaki ay di-marunong bumasa at sumulat, matibay ang loob, isang taong mahigit nang 90 anyos na di-umaasa sa iba, at ang babae naman ay mahigit nang 80 anyos. Subalit, ang lalaki ay totoong interesado sa katotohanan anupat siya’y nagpakumbaba at pinahintulutan ang kaniyang asawa na siya’y turuang bumasa. Di-nagtagal at siya mismo’y nakapag-aaral na ng Bibliya at ng mga publikasyon ng Samahan. Wala pang tatlong taon ang lumipas, tinamasa ko ang kagalakan na kapuwa sila bautismuhan sa kanilang malayong islang tahanan, na ginagamit ang aming bangkang de sagwan bilang tangke sa pagbabautismo!
Ikinagalak din naming makita ang pagtugon sa mensahe ng Kaharian ng pamilyang Sallis sa Powell River. Nabasa ni Walter ang buklet na War or Peace—Which? at agad niyang nakilala ang katotohanan ng nilalaman nito. Di nagtagal ang buong pamilya ay sumama kay Walter sa mga ranggo ng payunir sa Vancouver, kung saan namin idinadaong ang Charmian para sa taglamig. Siya’y totoong masigasig, at sa paglakad ng mga taon siya ay napamahal sa buong samahan ng mga kapatid sa lugar ng Vancouver. Tinapos niya ang kaniyang makalupang landasin noong 1976, anupat nag-iwan ng isang malaking pamilya ng mga Saksi.
Pananaig sa Pananalansang
Malimit na ikagalit ng mga klerigo sa mga nayon ng mga Indian ang aming gawain, na itinuturing kami bilang mga mangangaso sa kanilang espirituwal na nasasakupan. Sa Port Simpson iniutos ng lokal na klerigo sa pinuno ng nayon na pagbawalan kami sa pagdalaw sa mga tahanan. Nakipag-ugnay kami sa puno at itinanong namin kung sa palagay niya ay tama ang ginawa ng klerigo sa pag-uri sa kaniyang mga mamamayan bilang totoong walang-alam para magpasiya sa kanilang sarili. Iminungkahi namin na ang kaniyang mga mamamayan ay bigyan ng pagkakataong makarinig ng isang pagtalakay sa Salita ng Diyos at magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang ibig nilang paniwalaan. Ang resulta: Binigyan niya kami ng pahintulot upang ipagpatuloy ang pangangaral sa nayon.
Isa pang pinuno ng nayon ang maraming taon nang bumibigo sa mga pagtatangka ng mga miyembro ng konseho at mga grupong relihiyoso na hadlangan ang mga Saksi sa pakikipag-ugnayan sa kaniyang mga mamamayan. “Hangga’t ako ang puno,” aniya, “ang mga Saksi ni Jehova ay malugod na tinatanggap dito.” Totoo, hindi kami laging tinatanggap sa lahat ng dako, subalit sa kabila ng pagsalansang kami ay hindi napilitang umalis sa isang lugar. Kaya naman nagawa naming tapusin ang aming ministeryo sa bawat pagkakataon na kami ay dadaong.
Pagbabata ng mga Suliranin sa Dagat
Sa paglipas ng mga taon, napaharap kami sa mahihirap na kalagayan tulad halimbawa ng mga bagyo, pagliit at paglaki ng tubig, mga batong di-makikita sa mapa, at kung minsan pagkasira ng makina. Minsan kami ay naanod malapit sa Lasqueti Island, mga isang daan at animnapung kilometro sa gawing hilaga ng Vancouver. Kami’y napasadsad sa isang batuhan, naabutan doon ng pagkáti ng tubig, at ang aming kaligtasan ay nakasalalay sa lagay ng panahon. Kung naging masungit ang panahon, ang lantsa ay maaaring mawasak kapag bumangga sa mga batuhan. Lahat kami ay nangunyapit sa mga bato at ginawa ang makakaya namin sa ilalim ng gayong mahirap na kalagayan. Nananghalian kami, gumugol ng panahon sa pag-aaral, at naghintay na lumaking muli ang tubig.
Sa kabila ng maraming panganib at kahirapan, iyon ay isang malusog, maligayang buhay. Gayunman, nagdala ng malaking pagbabago ang pagsilang ng aming dalawang anak na lalaki. Kami’y patuloy na nanirahan sa lantsa, subalit kailanma’t maglalakbay sa hilaga sinlayo ng Oona River, si Anna at ang mga bata ay nananatili roon kasama ng kaniyang mga magulang samantalang kami ay nagpapatuloy pa hanggang sa Alaska. Pagkatapos, kapag bumalik kami sa timog, nakakasama na namin si Anna at ang mga bata.
Wala akong natatandaan na ang mga bata ay nagreklamo o nagkasakit man. Lagi silang nakasuot ng salbabida, at kung minsan ay tinatalian pa namin sila ng lubid. Oo, may ilang maiigting na sandali.
Karagdagang mga Pagbabago
Noong 1936 ay kinailangang iwan namin ang Charmian, at ako’y nakahanap ng isang sekular na trabaho. Nang maglaon ay nagkaroon kami ng ikatlong anak na lalaki. Nang sumapit ang panahon, ako’y bumili ng isang bangkang pangisda, na hindi lamang nagsilbing pagkakakitaan kundi nagpahintulot sa amin na makapagpatuloy sa gawaing pangangaral sa baybaying dagat.
Kami’y nagtayo ng isang tahanan sa Digby Island, sa kabilang ibayo ng look mula sa Prince Rupert, at hindi nagtagal isang maliit na kongregasyon ang nabuo. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, nang ipagbawal sa Canada ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, sumasakay kami ng barko patungo sa Prince Rupert pagkalipas ng hatinggabi at nagsasagawa ng “blitz” sa teritoryo, na nag-iiwan ng literatura sa bawat tahanan. Walang sinuman ang nag-ugnay ng aming mga pagtawid kung hatinggabi sa pamamahagi ng ipinagbabawal na literatura!
Ang Lupain ay Naging Mabunga
Unti-unting dumami ang mga tao na nagsimulang makiugnay sa mga Saksi ni Jehova, at noong 1948 ay naging maliwanag ang pangangailangan para sa isang Kingdom Hall sa Prince Rupert. Matapos bumili ng gusali ng hukbo na nasa kabilang ibayo ng daungan, aming binaklas iyon, itinawid sakay ng balsa, at pagkatapos isinakay sa trak patungo sa lugar na pagtatayuan. Pinagpala naman ni Jehova ang aming pagpapagal, at nagkaroon kami ng sariling Kingdom Hall.
Noong 1956, muli akong nagpayunir, at sumama sa akin si Anna noong 1964. Kami ay muling gumawa sakay ng lantsa sa kahabaan ng Pacific Coast. Kami’y nakibahagi rin sa gawaing pansirkito sa loob ng isang panahon, na dinadalaw ang mga kongregasyon mula sa Queen Charlotte Islands pasilangan sa kabilang ibayo ng mga bundok hanggang sa Fraser Lake, at nang bandang huli ay hanggang sa singlayo ng Prince George at Mackenzie. Sa paglakad ng mga taon, kami’y naglakbay ng libu-libong milya sa buong Pacific Northwest sakay ng kotse, barko, at eroplano.
Sa Prince Rupert ay patuloy kaming nagtamasa ng magagandang karanasan sa ministeryo. Kami ni Anna ay nakipag-aral sa mga taong nang bandang huli ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead at pagkatapos ay naglingkod bilang mga misyonero sa mga lupaing banyaga. Anong laking kagalakang makita na dinadala ng aming espirituwal na mga anak ang mahalagang mensahe ng Kaharian sa malalayong lupain!
Ngayon ay kapuwa kami lampas na sa 80 anyos at nakikipagpunyagi sa humihinang katawan, subalit maligaya pa rin kami sa paglilingkod kay Jehova. Ang likas na mga kagandahang nakita namin sa Alaska at British Columbia ay nagpapagunita ng magagandang alaala. Subalit lalong malaking kagalakan ang makita na ang malawak na lugar na ito na dating baog sa espirituwal ay namumulaklak ngayon ng maraming kongregasyon ng mga tagapuri kay Jehova.
Lalo nang nagpapaligaya sa aming puso ang makitang magsilaki at pumuri kay Jehova ang aming sariling mga anak, gayundin ang aming espirituwal na mga anak. Ikinagagalak namin na kami’y nagkaroon ng munting bahagi sa espirituwal na paglaki sa bahaging ito ng lupa. Halimbawa, ang Alaska ngayon ay may sariling tanggapang pansangay na nangangasiwa sa gawain ng mahigit na 25 kongregasyon.
Kami’y nagkaroon ng pribilehiyo dito sa Prince Rupert noong 1988 na maialay ang isang magandang bagong Kingdom Hall, doon mismo sa sentro ng lunsod. Oo, kami’y nagagalak, gaya ni Isaias, sa pagsasabing: “Iyong pinarami ang nasa bansa; Oh Jehova, . . . ikaw ay nagpakaluwalhati. Iyong pinalawak ang lahat ng hangganan ng lupain.”—Isaias 26:15.
[Larawan sa pahina 21]
Paglilingkod sa gawaing pansirkito noong 1964-67
[Larawan sa pahina 24]
Ang uri ng lantsa na ginamit sa pagpapatotoo sa may baybaying-dagat