Nasaan ang mga Patay?
“ANG lupa ay isang pamilihan; ang langit ang ating tahanan,” sabi ng mga Yoruba ng Kanlurang Aprika. Ang ideang ito ay mababanaag sa maraming relihiyon. Ipinahihiwatig nito ang idea na ang lupa ay tulad ng isang pamilihan na pinupuntahan natin nang sandaling panahon at saka nililisan. Ayon sa paniniwalang ito, sa kamatayan ay nagtutungo tayo sa langit, ang ating tunay na tirahan.
Totoong itinuturo ng Bibliya na ang ilan ay nagtutungo sa langit. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang tapat na mga apostol: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. . . . ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumuon din kayo.”—Juan 14:2, 3.
Ang mga salita ni Jesus ay hindi nangangahulugan na lahat ng mabubuting tao ay nagtutungo sa langit o na ang langit ang tahanan ng sangkatauhan. Ang ilan ay dinadala sa langit may kaugnayan sa pamamahala sa ibabaw ng lupa. Batid ng Diyos na Jehova na ang mga pamahalaan ng tao ay hindi kailanman matagumpay na makapangangasiwa ng mga bagay sa lupa. Kaya naman, nagsaayos siya ng isang makalangit na pamahalaan, o Kaharian, na sa dakong huli ay mamamahala sa lupa at gagawin itong Paraiso na siyang nilayon niya nang pasimula. (Mateo 6:9, 10) Si Jesus ang magiging Hari ng Kaharian ng Diyos. (Daniel 7:13, 14) Pipiliin ang iba pa mula sa sangkatauhan upang mamahalang kasama niya. Inihula ng Bibliya na yaong mga dinadala sa langit ay magiging “isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos” at “mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:10.
Sino ang Nagtutungo sa Langit?
Kung isasaalang-alang ang malaking pananagutan na tataglayin ng makalangit na mga tagapamahalang ito, hindi nakapagtataka na kailangang makatugon sila sa mahihigpit na kahilingan. Yaong mga nagtutungo sa langit ay kailangang may tumpak na kaalaman tungkol kay Jehova at kailangang sumunod sa kaniya. (Juan 17:3; Roma 6:17, 18) Kahilingan na sila’y magsagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Juan 3:16) Gayunman, higit pa ang nasasangkot. Sila ay dapat na tawagin at piliin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (2 Timoteo 1:9, 10; 1 Pedro 2:9) Bukod dito, kailangan na sila ay bautisadong mga Kristiyano na ‘ipinanganak muli,’ inianak ng banal na espiritu ng Diyos. (Juan 1:12, 13; 3:3-6) Kailangan ding sila’y manatiling tapat sa Diyos hanggang sa kamatayan.—2 Timoteo 2:11-13; Apocalipsis 2:10.
Milyun-milyong tao na nangabuhay at nangamatay ang hindi nakaabot sa mga kahilingang ito. Marami ang bahagya lamang nagkaroon ng pagkakataong matuto tungkol sa tunay na Diyos. Ang iba naman ay hindi kailanman nakabasa ng Bibliya at kakaunti lamang o walang nalalaman tungkol kay Jesu-Kristo. Kahit sa gitna ng tunay na mga Kristiyano sa lupa sa ngayon, iilan lamang ang pinili ng Diyos para sa makalangit na buhay.
Samakatuwid, ang bilang niyaong magtutungo sa langit ay halos napakaliit. Tinukoy ni Jesus ang gayong mga tao bilang isang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Nang dakong huli, isiniwalat kay apostol Juan na yaong “binili mula sa lupa” upang mamahala kasama ni Kristo sa langit ay may bilang na 144,000 lamang. (Apocalipsis 14:1, 3; 20:6) Kung ihahambing sa bilyun-bilyong tao na nabuhay sa lupa, iyan nga ay napakaliit na bilang.
Yaong mga Hindi Nagtutungo sa Langit
Ano ang nangyayari sa mga hindi nagtutungo sa langit? Sila kaya ay nagdurusa sa isang dako ng walang-hanggang pagpapahirap, gaya ng itinuturo ng ilang relihiyon? Hinding-hindi, sapagkat si Jehova ay isang Diyos ng pag-ibig. Hindi inihahagis ng maibiging mga magulang ang kanilang mga anak sa apoy, at hindi pinahihirapan ni Jehova ang mga tao sa ganiyang paraan.—1 Juan 4:8.
Ang pag-asa ng lubhang karamihan na namatay na ay isang pagkabuhay-muli sa isang paraiso sa lupa. Sinasabi ng Bibliya na nilikha ni Jehova ang lupa “upang tahanán.” (Isaias 45:18) Ipinahayag ng salmista: “Kung tungkol sa mga langit, ang mga langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng tao.” (Awit 115:16) Ang lupa, hindi ang langit, ang magiging siyang permanenteng tahanan ng sangkatauhan.
Inihula ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [niyaong kay Jesus, ang “Anak ng tao”] at lalabas.” (Juan 5:27-29) Ganito ang ipinahayag ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Habang nasa pahirapang tulos, ipinangako ni Jesus sa isang nagsisising manggagawa ng kasamaan ang buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa isang paraiso sa lupa.—Lucas 23:43.
Subalit, kumusta naman ang kasalukuyang kalagayan ng mga patay na bubuhaying-muli sa lupa? Ang isang pangyayari sa ministeryo ni Jesus ay tumutulong sa ating sagutin ang tanong na ito. Namatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Bago pumaroon si Jesus upang siya’y buhaying-muli, sinabi Niya sa Kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namahinga, ngunit ako ay maglalakbay patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” (Juan 11:11) Sa gayon ay inihambing ni Jesus ang kamatayan sa pagkakatulog, isang mahimbing na pagkakatulog na walang mga panaginip.
Natutulog sa Kamatayan
Ang iba pang mga kasulatan ay kasuwato ng kaisipang ito tungkol sa pagiging tulóg sa kamatayan. Hindi itinuturo ng mga ito na ang tao ay may isang walang-kamatayang kaluluwa na lumilipat sa dako ng mga espiritu sa oras ng kamatayan. Sa halip, sinasabi ng Bibliya: “Ang mga patay . . . ay walang kamalayan sa anuman . . . Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naparam na . . . Walang gawa ni katha ni kaalaman ni karunungan man sa Sheol [ang libingan], ang dako na iyong pinaparoonan.” (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Bukod dito, ipinahayag ng salmista na ang tao ay “bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw na iyon ay pumapanaw ang kaniyang mga pag-iisip.”—Awit 146:4.
Malinaw na ipinakikita ng mga kasulatang ito na hindi tayo nakikita o naririnig niyaong mga natutulog sa kamatayan. Hindi sila maaaring makapagdulot ng pagpapala o kasakunaan. Sila ay hindi naroroon sa langit, ni sila man ay tumatahan sa isang pamayanan ng mga ninuno. Sila ay walang-buhay, hindi umiiral.
Sa takdang panahon ng Diyos, yaong mga natutulog ngayon sa kamatayan at yaong nasa kaniyang alaala ay gigisingin sa buhay sa isang paraisong lupa. Iyon ay magiging isang lupa na nilinis mula sa polusyon, kaguluhan, at mga suliranin na nararanasan ngayon ng sangkatauhan. Anong sayang panahon nga iyan! Sa Paraisong iyan ay may pag-asa sila na mabuhay magpakailanman, sapagkat tinitiyak sa atin ng Awit 37:29: “Ang mga matuwid mismo ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”
[Kahon sa pahina 6, 7]
HUMINTO AKO NG PAGSAMBA SA MGA PATAY
“Nang ako ay bata pa, tinutulungan ko ang aking ama sa kaniyang palagiang paghahain sa kaniyang namatay na ama. Minsan nang gumaling ang aking ama buhat sa isang malubhang sakit, sinabi sa kaniya ng orakulo na dapat siyang maghandog ng isang hain na kambing, tugî, kola nut, at alak sa kaniyang yumaong ama bilang pasasalamat sa kaniyang paggaling. Pinayuhan din ang aking ama na dumulog sa kaniyang namatay na mga ninuno upang mahadlangan ang higit pang pagkakasakit at kapahamakan.
“Binili ng aking ina ang mga kailangan para sa paghahain, na gaganapin sa libingan ng aking lolo. Ang libingan ay sa tabi lamang ng aming bahay, kasuwato ng kaugalian sa aming lugar.
“Inanyayahan ang mga kaibigan, kamag-anak, at mga kapitbahay upang pagmasdan ang paghahain. Ang aking ama, na nakabihis nang elegante na angkop sa okasyon, ay nakaupo sa isang silya na nakaharap sa altar kung saan nakahanay ang maraming bungo ng mga kambing na ginamit sa nakaraang mga paghahain. Ako ang naatasang magbuhos ng alak sa isang maliit na baso mula sa isang bote, na iniabot ko sa aking ama. Iyon naman ay kaniyang ibinuhos sa lupa bilang paghahain. Tatlong beses na tinawag ng aking ama ang pangalan ng kaniyang ama at siya’y nanalangin sa kaniya ukol sa kaligtasan buhat sa kapahamakan sa hinaharap.
“Ang mga kola nut ay inihandog, at nagkatay ng isang lalaking tupa, inilaga, at kinain ng lahat na naroroon. Nakibahagi ako sa pagkain at sumayaw sa saliw ng pag-aawitan at tunog ng mga tambol. Ang aking ama ay sumayaw nang buong husay at sigasig, bagaman alam niyang siya’y may edad na. Sa mga pagitan ay ipinananalangin niya na nawa’y pagpalain ng kaniyang mga ninuno yaong mga naroroon, samantalang ang mga tao, kasali na ako, ay sumasagot ng Ise, na ang ibig sabihin ay ‘Mangyari nawa.’ Pinagmasdan ko ang aking ama taglay ang matinding interes at paghanga at inasam-asam ko ang araw na ako’y nasa edad na upang makapaghain sa patay na mga ninuno.
“Sa kabila ng maraming inihandog na hain, mailap pa rin ang kapayapaan sa pamilya. Bagaman tatlo ang nabuhay sa mga anak na lalaki ng aking ina, wala ni isa man sa kaniyang tatlong anak na babae ang nabuhay nang matagal; lahat ay namatay nang bata pa. Nang magdalang-tao muli ang aking ina, ang aking ama ay gumawa ng ibayo pang mga paghahain upang ang bata ay maisilang nang ligtas.
“Nagsilang si Inay ng isa pang batang babae. Pagkalipas ng dalawang taon ang bata ay nagkasakit at namatay. Sumangguni ang aking ama sa orakulo, na nagsabing ang kaaway ang may kagagawan ng kamatayan. Sinabi ng orakulo na upang makaganti ang ‘kaluluwa’ ng bata, kailangang maghain ng isang nag-aapoy na putol ng kahoy, isang bote ng alak, at isang tuta. Ang nag-aapoy na kahoy ay ilalagay sa libingan, ang alak ay iwiwisik sa libingan, at ang tuta ay ililibing nang buháy sa tabi ng libingan. Ito ay upang gisingin ang kaluluwa ng namatay na bata upang ipaghiganti ang kaniyang kamatayan.
“Dinala ko sa libingan ang bote ng alak at ang nag-aapoy na kahoy, at dinala ng aking ama ang tuta, na kaniyang inilibing ayon sa tagubilin ng orakulo. Lahat kami ay naniniwala na sa loob ng pitong araw ay papatayin ng kaluluwa ng patay na bata ang taong sanhi ng kaniyang di-napapanahong kamatayan. Dalawang buwan ang lumipas, at walang iniulat na namatay sa aming lugar. Ako’y nasiphayo.
“Ako’y 18 taóng gulang noon. Di-nagtagal pagkatapos ay nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova, na siyang nagpakita sa akin mula sa Kasulatan na ang mga patay ay hindi makagagawa ng mabuti ni ng masama sa mga buháy. Habang nagkakaugat sa aking puso ang kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos, sinabi ko sa aking ama na hindi ko na siya maaaring samahan sa paghahain sa mga patay. Sa simula ay nagalit siya sa akin dahil pinabayaan ko siya, ayon sa kaniya. Subalit nang makita niya na hindi ako handang tumalikod sa aking bagong pananampalataya, hindi na niya sinalansang ang pagsamba ko kay Jehova.
“Noong Abril 18, 1948, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Mula noon, ako’y patuloy na naglingkod kay Jehova taglay ang malaking kagalakan at kasiyahan, na tumutulong sa iba upang makalaya buhat sa pagsamba sa nangamatay na mga ninuno, na hindi makatutulong ni makapipinsala sa atin.”—Isinulat ni J. B. Omiegbe, Benin City, Nigeria.
[Larawan sa pahina 7]
Magkakaroon ng malaking kagalakan kapag binuhay-muli ang mga patay sa isang paraisong lupa