Sinasapatan ang Pangunahing Pangangailangan ng Tao sa Pamamagitan ng Pagpapahalaga
ANG isang taimtim na “Mahusay!” “Natutuwa ako sa iyong nagawa!” o “Ginawa mo ang iyong buong kaya; ipinagmamalaki ka namin” ay may malaking nagagawa upang madagdagan ang pagpapahalaga-sa-sarili, lalo na kung iyon ay nanggagaling sa isa na iginagalang mo. Ang mga tao ay napasisigla sa pamamagitan ng pagpapahalaga. Dahil dito, sila’y sumusulong at mas maligaya. Oo, ang nararapat na pagpapahalaga ay kailangan ng isip at puso kung papaanong ang mabuting pagkain ay kailangan ng katawan.
Binigyang-katuturan ng isang diksiyunaryo ang pagpapahalaga bilang “pagtanggap sa isang tao na nararapat sa pagsasaalang-alang o pag-aasikaso” at “pantanging pansin o pag-aasikaso.” Ito’y may malapit na kaugnayan sa paggalang, sa pagkadama ng paghanga, na kapag ipinagkaloob ay nagpapahiwatig ng karapat-dapat na papuri o pagtingin sa isang tao at ng isang antas ng pagpapahalaga na nababagay sa kaniya.
Pagpapahalaga—Isang Pangunahing Pangangailangan
Ang pagbibigay ng kapurihan kung saan nararapat ang kapurihan ay makatuwiran at angkop lamang. Nagbigay si Jesus ng parisan sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa mga alipin na pinagkatiwalaan ng panginoon ng kaniyang mga pag-aari. Bilang pagkilala sa wastong pangangasiwa ng kaniyang mga kayamanan, sinabi niya: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin!” (Mateo 25:19-23) Gayunman, malimit na nakaliligtaan ang ganitong nararapat na kagandahang-loob. Ang di-pagpapahalaga ay nakapipigil ng kasiglahan at pagkukusa. Ganito ang sabi ni Iona hinggil dito: “Ang pagpapahalaga ay nagpapadama sa iyo na ikaw ay kailangan, nagugustuhan, at kinalulugdan . . . Ito’y nag-uudyok sa iyo na magkusa. Kung ikaw ay nakaligtaan, nadarama mong ikaw ay tinanggihan at pinabayaan.” Idinagdag ni Patrick: “Samakatuwid ay mahirap mapanatili ang isang mataas na antas ng kalidad at nagagawa.” Napakahalaga, kung gayon, na matutuhan natin kung papaano at kailan mag-uukol ng pagpapahalaga. Lahat tayo ay naghahangad ng kasiguruhan na malamang tayo ay tinatanggap. Ito ay isang pangunahing pangangailangan ng tao.
Ang isang binigkas na papuri, dagdag na pananagutan, o kahit isang materyal na regalo ay nagpapasigla sa iyo upang patuloy na gawin ang buong kaya mo. Ito ay totoo ikaw man ay isang magulang, asawang lalaki, asawang babae, anak, miyembro ng kongregasyon, o tagapangasiwa. “Kapag pinahahalagahan,” ani Margaret, “naliligayahan ako, nadaramang ako’y kailangan, at ako’y may hangaring pagbutihin pa ang aking gagawin.” Sumang-ayon si Andrew, na nagsasabi: “Napakasaya ko, anupat napasisiglang gumawa pa nang puspusan.” Gayunman, humihiling ng maingat na pagsasaalang-alang at mabuting pagpapasiya ang mag-ukol ng pagpapahalaga at paggalang sa isang tao.
Tularan ang Halimbawa ni Jehova ng Pagpapahalaga
Ang pangunahing halimbawa ng pagkilala sa kahalagahan ng iba ay ang Diyos na Jehova. Kinikilala niya yaong karapat-dapat pahalagahan. Itinatangi niya ang mga lalaking gaya nina Abel, Enoc, at Noe. (Genesis 4:4; 6:8; Judas 14) Kinilala ni Jehova si David dahil sa kaniyang litaw na katapatan. (2 Samuel 7:16) Si Samuel, na isang propetang nagparangal kay Jehova sa loob ng maraming taon, ay pinarangalan naman ng Diyos, na agad tumugon sa panalangin ni Samuel ukol sa tulong upang magapi ang mga Filisteo. (1 Samuel 7:7-13) Hindi ka ba makadarama ng karangalan sa pagtanggap ng gayong pagpapahalaga buhat sa Diyos?
Ang pagtanaw ng utang-na-loob at pagpapasalamat ay may malapit na kaugnayan sa pagpapahalaga. Hinihimok tayo ng Bibliya na ‘ipakita ang ating mga sarili na mapagpasalamat’ at tumanaw ng utang na loob ukol sa ginawa alang-alang sa atin. (Colosas 3:15; 1 Tesalonica 5:18) Samantalang ito ay espesipikong tumutukoy sa pagpapasalamat kay Jehova, totoo rin ito sa pang-araw-araw na mga bagay sa buhay. Kinilala ito ni apostol Pablo. Pinahalagahan niya si Febe bilang “isang tagapagtanggol ng marami” gayundin sina Prisca at Aquila dahil sa ‘pagsasapanganib ng kanilang sariling mga leeg’ alang-alang sa kaniya at alang-alang sa iba. (Roma 16:1-4) Gunigunihin kung ano ang nadama nila nang tanggapin ang gayong hayagang pagtanaw ng utang-na-loob. Nakabuti rin kay Pablo ang maranasan ang kaligayahan sa pagpapahalaga, pagpaparangal, at pagpapatibay-loob. Tayo rin ay maaaring tumulad kay Jehova at sa kaniyang mapagpasalamat na mga mananamba sa pamamagitan ng pagpapakita ng angkop na pagpapahalaga sa mga karapat-dapat tumanggap nito.—Gawa 20:35.
Pagpapahalaga sa Loob ng Pamilya
“Malaki ang nagagawa ng kaunting pagpapahalaga upang maging kasiya-siya ang buhay,” ang sabi ni Mitchell, isang asawang lalaki at Kristiyanong matanda. “Napapamahal sa iyo, marahil magpakailanman, ang isa na nagpapahalaga sa iyo.” Halimbawa, binabalikat ng isang Kristiyanong asawang lalaki ang isang mabigat na pananagutan at gumagawa ng mahahalagang pasiya na nagsasangkot sa kapakanan ng pamilya. Kailangang maglaan siya ukol sa espirituwal, materyal, at emosyonal na mga pangangailangan ng pamilya. (1 Timoteo 5:8) Anong laking pasasalamat niya kapag siya ay pinag-uukulan ng angkop na pagpapahalaga dahil sa kaniyang bigay-Diyos na atas bilang ulo ng pamilya at kapag pinag-uukulan siya ng kaniyang asawa ng “matinding paggalang”!—Efeso 5:33.
Hindi rin dapat kaligtaan ang gawain ng maybahay, na hindi nakikita ng maraming tao. Ang makabagong mga idea ay maaaring humamak sa gayong gawain at alisan ito ng dangal at halaga. Subalit, iyon ay nakalulugod sa Diyos. (Tito 2:4, 5) Anong laking kaginhawahan kapag pinupuri ng isang matalinong asawang lalaki ang kaniyang maybahay, lalo na sa lahat ng pitak ng buhay kung saan siya’y natatangi, na pinag-uukulan siya ng gayong pagpapahalaga sa ilalim ng kaniyang pagkaulo! (Kawikaan 31:28) Ganito ang sabi ni Rowena tungkol sa kaniyang asawa: “Kapag kinikilala niya ang nagagawa ko, nasusumpungan kong mas madali ang magpasakop sa kaniya at pumuri at gumalang sa kaniya.”
Minsan ay sinabi ng Amerikanong edukador na si Christian Bovee: “Ang makatuwirang papuri ay mahalaga sa mga anak kung papaanong mahalaga ang araw sa mga bulaklak.” Oo, kahit ang isang munting bata ay nangangailangan ng palaging pagpapatunay na siya ay isang mahalagang miyembro ng pamilya. Sa sensitibong mga taon ng pagkatin-edyer, na lipos ng mga pagbabago sa emosyon at sa pangangatawan, may lumalaking pagkabahala tungkol sa sariling hitsura, lakip na ang paghahangad ng kalayaan at pagpapahalaga. Sa panahong ito lalo na, kailangang madama ng isang tin-edyer na siya ay minamahal ng kaniyang mga magulang at siya’y pakitunguhan nang may pang-unawa at kabaitan. Ang nagkakaedad nang mga magulang at mga lolo’t lola ay nangangailangan din ng muling-katiyakan na sila’y makabuluhan at minamahal pa rin, na sila’y hindi ‘itinakwil sa panahon ng katandaan.’ (Awit 71:9; Levitico 19:32; Kawikaan 23:22) Kapag wastong sinasapatan ang pangangailangan ukol sa pagpapahalaga, ito ay magdudulot ng ibayong kaligayahan at tagumpay sa loob ng pamilya.
Pagpapahalaga sa Loob ng Kristiyanong Kongregasyon
Napakahalaga ng paglinang ng taimtim na interes sa iba sa Kristiyanong kongregasyon at sa masaganang pagpapahayag ng pasasalamat sa kanilang mga gawa at pagsisikap. Dapat manguna ang Kristiyanong matatanda sa pamamagitan ng pagkilala sa mga nagawa at pagsisikap ng iba sa kongregasyon. “Pagkatapos lamang ng ilang pagdalaw bilang pagpapastol kung kaya ko natanto ang kahalagahan ng mga ito may kaugnayan sa pampatibay-loob, kasiyahan, at kaligayahan,” sabi ni Margaret. “Nabatid ko kung ano ang naipagkakait sa isa kapag hindi naibigay ang karaniwang pagkilala.” Anong buting dahilan upang magpakita ng tunay, maibigin at personal na interes sa lahat sa kongregasyon! Pahalagahan ang kanilang mabubuting gawa. Palaging pumuri at magpatibay-loob. Sa maraming kongregasyon ay may mga nagsosolong magulang na puspusang nagpapagal upang ikintal ang espirituwal na mga simulain sa kanilang mga anak. Sila ay karapat-dapat sa pantanging papuri. Itampok ang positibo sa halip na ang negatibo. Hayaang makita ng iba ang inyong pag-ibig pangkapatid para sa kanila. Hayaang makita nila na kayo’y nagmamalasakit. Sa ganitong paraan, kumikilos ang maibiging mga tagapangasiwa ukol sa ikatitibay ng kongregasyon. (2 Corinto 10:8) Tumutugon naman ang bawat miyembro sa pamamagitan ng pag-uukol ng nararapat na pagpapahalaga at paggalang sa gayong mga tapat na gumagawa nang masikap alang-alang sa kanila.—1 Timoteo 5:17; Hebreo 13:17.
Subalit may isa pang panig, o pananaw, sa bagay na ito. Totoong matindi ang paghahangad ukol sa pagpapahalaga. Ito ay labis na pinagkakaabalahan ng relihiyosong mga lider noong panahon ni Jesus. Kinailangang ituwid ni Jesus ang maling pangmalas ng kaniyang mga alagad hinggil dito. (Marcos 9:33-37; Lucas 20:46) Kailangang maging makatuwiran at timbang ang mga Kristiyano. Kung hindi masusupil, ang paghahangad ukol sa pagpapahalaga ay maaaring makapinsala sa espirituwal. (Santiago 3:14-16) Nakapanlulumo nga, halimbawa, kung ang isang matanda ay naging mapagmataas at pilitin ang iba na tanggapin ang kaniyang mataas na pagtingin sa sarili!—Roma 12:3.
May kapantasang pinayuhan ni apostol Pablo ang kapuwa mga Kristiyano sa Roma: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Ang mga salitang ito ay lalung-lalo nang kumakapit sa Kristiyanong matatanda, na kailangang kilalanin sa lahat ng panahon na si Kristo ang Ulo ng kongregasyon. Ang pagpapasakop sa kaniyang kanang kamay ng awtoridad ay nakikita sa pamamagitan ng pagbaling sa patnubay ni Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu, mga simulain sa Bibliya, at sa pangunguna ng Lupong Tagapamahala ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47; tingnan ang Apocalipsis 1:16, 20; 2:1.
Sa gayon, kapag nagpupulong ang matatanda, at sila’y nananalangin ukol sa patnubay ni Jehova sa pagpapastol ng kawan ng Diyos, sisikapin nilang gumawa ng mga pasiya na salig sa Kasulatan. Ang kababaang-loob, kaamuan, at pagpapakumbaba bilang Kristiyano ay hahadlang sa sinumang matanda buhat sa pagsisikap na itaas ang kaniyang sarili, mangibabaw sa kaniyang mga kapatid, at ipilit ang kaniyang opinyon sa mga pulong na ito. (Mateo 20:25-27; Colosas 3:12) Hangga’t maaari, makabubuti na ang tsirman ng lupon ng matatanda ay patiunang humiling ng mga mungkahi buhat sa kasamahang matatanda at pagkatapos ay patiunang maglaan ng talaan ng pag-uusapan upang magkaroon ng sapat na panahon para sa maingat at may pananalanging pagsasaalang-alang ng bawat puntong nakatala. Sa panahon ng pulong ng matatanda, hindi niya sisikaping impluwensiyahan ang opinyon ng matatanda, kundi sa halip, patitibaying-loob sila na gamitin ang “kalayaan sa pagsasalita” tungkol sa mga bagay na pinag-uusapan. (1 Timoteo 3:13) Ang kasamahang matatanda naman ay dapat na matamang makinig sa ipinahahayag ng bawat isa at malugod na makinabang buhat sa malalim na unawa ng matatanda na may maraming taon ng karanasan bilang Kristiyano.—Exodo 18:21, 22.
Gayunman, nauunawaan ng mga tagapangasiwa na maaaring gamitin ni Kristo ang sinumang matanda sa lupon upang maglaan ng mga simulain sa Bibliya na kailangan upang harapin ang isang situwasyon o gumawa ng isang mahalagang pasiya. Iiral ang isang mabuting kalagayan sa gitna ng lupon kapag ang angkop na pagpapahalaga ay ibinibigay sa bawat matanda ukol sa kaniyang tulong sa pangangalaga ng espirituwal na kapakanan ng kongregasyon.—Gawa 15:6-15; Filipos 2:19, 20.
Sikaping Magbigay at Magtamo ng Nararapat na Pagpapahalaga
Nakapagpapatibay ang pagpapahalaga. Ito’y nakapagpapasigla at mapagmahal. “Kahit na nadarama nating pangkaraniwan lamang tayo,” sabi ni Mary, “kailangan natin ang pampatibay-loob para sa ating pagpapahalaga sa sarili.” Taimtim na kilalanin ang araw-araw na pagsisikap ng iba. Sa paggawa ng gayon ay nagiging lalong mahalaga at kasiya-siya ang buhay para sa kanila. Mga magulang, anak, tagapangasiwa, at mga miyembro ng kristiyanong kongregasyon, pahahalagahan kayo sa pamamagitan ng paraan ng inyong pagsasalita at pagkilos. Sinasang-ayunan ng Bibliya ang mga taong masisipag, mababang-loob, at mapagpakumbaba. (Kawikaan 11:2; 29:23; Hebreo 6:1-12) Matutong kilalanin nang may kagandahang-loob ang kahalagahan ng iba. Isaalang-alang ang damdamin ng iba kapag gumagawang kasama nila. Ganito ang ibinigay na payo ni apostol Pedro: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na may pagmamahal na pangkapatid, madamayin sa magiliw na paraan, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Pedro 3:8) Humihiling ito ng pagpapahalaga sa iba, sa gayo’y sinasapatan ang isang pangunahing pangangailangan ng tao.