Trahedya sa Rwanda—Sino ang May Pananagutan?
“Sa isang pagkakataon bago tagain ang bao ng ulo ng isang 23-taóng-gulang na mekaniko,” sabi ng U.S.News & World Report, “isa sa mga umatake ang nagsabi sa Hitiyise: ‘Dapat kang mamatay sapagkat isa kang Tutsi.’”
ITO ang tanawing paulit-ulit na nagaganap sa Rwanda, isang maliit na bansa sa Sentral Aprika noong mga buwan ng Abril at Mayo! Noon ay may 15 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mismong Kigali, ang punong-lunsod ng Rwanda at sa karatig nito. Ang city overseer, si Ntabana Eugène, ay isang Tutsi. Siya, ang kaniyang asawa, ang kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang siyam-na-taóng-gulang na anak na babae, si Shami, ay kasama sa mga naunang napaslang nang magsimula ang pandadaluhong ng karahasan.
Libu-libong taga-Rwanda ang napapatay araw-araw—linggo-linggo. “Sa huling anim na linggo,” ang nabanggit-sa-itaas na magasin ay nag-ulat noong kalagitnaan ng Mayo na, “mga 250,000 katao na ang nasasawi sa isang kampanya ng lansakang pagpatay at paghihiganti na gaya ng madugong paglilinis sa Cambodia na isinagawa ng Khmer Rouge noong kalagitnaang mga taon ng 1970.”
Sinabi ng magasing Time: “Sa isang pangyayari na kagaya ng naganap sa Alemanyang Nazi, pinili ang mga bata mula sa isang grupo ng 500 dahil lamang sa sila’y mukhang mga Tutsi. . . . Ang alkalde ng bayan ng Butare sa bandang timog, na ang asawa’y isang Tutsi, ay inalok ng mga magbubukid na Hutu ng [isang napakasakit na] pagpipilian: maililigtas niya ang kaniyang asawa at mga anak kung isusuko niya ang pamilya ng kaniyang asawa—kapuwa ang mga magulang at kapatid na babae nito—upang patayin. Pumayag siya.”
Anim na katao ang nagtatrabaho sa Tanggapan ng Pagsasalin ng mga Saksi ni Jehova sa Kigali, apat sa kanila ay Hutu at dalawa ang Tutsi. Ang Tutsi ay sina Ananie Mbanda at Mukagisagara Denise. Nang sumugod sa tahanan ang kawal-sibilyan kasama ang mga mandarambong, nagalit sila nang makitang magkasama sa tirahan ang Hutu at Tutsi. Gusto nilang patayin sina Mbanda at Denise.
“Handa na nilang bunutin ang pinakaaspili ng granada,” sabi ni Emmanuel Ngirente, isa sa kapatid na Hutu, “anupat pinagbantaan kaming papatayin, dahil kapiling namin ang kanilang mga kaaway. . . . Gusto nila ng maraming salapi. Ibinigay namin ang lahat ng aming salapi, subalit hindi sila nasiyahan. Ipinasiya nilang kunin bilang kapalit ang lahat ng mapapakinabangan nila, kasali na ang laptop computer na ginagamit namin sa pagsasalin, ang aming photocopier, ang aming mga radyo, ang aming mga sapatos, at iba pa. Bigla silang umalis nang walang sinumang pinatay sa amin, ngunit sinabi nilang sila’y babalik.”
Nang sumunod na mga araw, patuloy na nagpabalik-balik ang mga mandarambong, at sa bawat pagkakataon ay nakikiusap ang mga Saksing Hutu para sa buhay ng kanilang mga kaibigang Tutsi. Sa wakas, nang maging napakapanganib na para manatili pa sina Mbanda at Denise, gumawa ng mga kaayusan para sa kanila na sumama sa ibang takas na Tutsi patungo sa kalapit na paaralan. Nang lusubin ang paaralan, nakatakas naman sina Mbanda at Denise. Nalampasan nila nang buháy ang maraming checkpoint, ngunit, sa dakong huli, sa isa sa mga ito, lahat ng mga Tutsi ay ibinukod, at sina Mbanda at Denise ay nasawi.
Nang bumalik ang mga sundalo sa Tanggapan ng Pagsasalin at napag-alamang wala na ang mga Saksing Tutsi, pinagbubugbog ng mga sundalo ang mga kapatid na Hutu. Pagkatapos ay isang kanyon ang sumabog sa kalapít, at nakatakas ang mga kapatid.
Habang patuloy ang patayan sa buong bansa, ang bilang ng namatay ay umabot sa malamang na kalahating milyon. Sa wakas, sa walong milyong naninirahan sa Rwanda, nasa pagitan ng dalawa at tatlong milyon, o higit pa, ang nag-iwan ng kanilang mga tahanan. Ang karamihan sa kanila ay nanganlong sa kalapít na Zaire at Tanzania. Daan-daang Saksi ni Jehova ang napatay, at marami pang iba ang kasamang tumakas sa mga kampo sa labas ng bansa.
Ano ba ang dahilan ng ganitong walang-katulad na pagpapatayan at lansakang pagtakas? Napigil kaya sana iyon? Ano ba ang kalagayan bago sumiklab ang karahasan?
Ang mga Hutu at ang mga Tutsi
Kapuwa ang Rwanda at ang kalapít na bansang Burundi ay pinaninirahan ng mga Hutu, karaniwang pandak, may matitipunong katawan na mga taong Bantu, at ng mga Tutsi, malimit na mas matatangkad, mas maputi-puti ang balat na mga taong kilala rin bilang mga Watusi. Sa dalawang bansang ito ang populasyon ng Hutu ay mga 85 porsiyento at ang Tutsi naman ay 14 porsiyento. Ang di-pagkakasundo ng dalawang magkaibang liping ito ay nagsimula na mula pa noong ika-15 siglo. Gayunman, sa kalakhang bahagi, sila’y magkakasamang namuhay nang tahimik.
“Dati naman kaming payapang namumuhay nang magkakasama,” sabi ng isang 29-na-taóng-gulang na babae na ang tinutukoy ay ang 3,000 Hutu at Tutsi na nakatira sa nayon ng Ruganda, na nasa ilang milya pasilangan ng Zaire. Gayunman, nang lumusob ang grupo ng mga Hutu noong Abril ay halos napatay ang buong populasyon ng Tutsi sa nayon. Nagpaliwanag ang The New York Times:
“Ang kasaysayan ng nayong ito ay siyang kasaysayan ng Rwanda: Magkasamang namumuhay ang Hutu at Tutsi, nagiging mag-asawa, hindi inaalumana ni hindi inaalam kung sino ang Hutu at kung sino ang Tutsi.
“Nang biglang-bigla ay nabago ang pangyayari. Noong Abril, nagkakagulong pangkat ng mga Hutu sa buong bansa ang naging mararahas, anupat pinagpapatay ang sinumang Tutsi na kanilang makita. Nang magsimula ang pagpatay, tumakas ang mga Tutsi sa mga simbahan upang makaligtas. Sumunod ang mga mandadaluhong, hanggang sa ang mga simbahan ay naging tulad ng mga sementeryong tigmak ng dugo.”
Ano ba ang dahilan ng pamamaslang? Iyon ay ang kamatayan ng mga presidente ng Rwanda at Burundi na kapuwa mga Hutu dahil sa pagbagsak ng kanilang sinasakyang eroplano sa Kigali noong Abril 6. Ang pangyayaring ito sa anumang paraan ang umakay sa pamamaslang hindi lamang sa mga Tutsi kundi maging sa sinumang Hutu na inaakalang kumakampi sa kanila.
Kasabay nito, lalo nang uminit ang labanan sa pagitan ng puwersa ng mga rebelde—ang dominasyon ng Tutsi na R.P.F. (Rwandan Patriotic Front)—at ang dominasyon ng Hutu na puwersa ng Pamahalaan. Nagapi ng R.P.F. ang puwersa ng Pamahalaan noong Hulyo at naagaw ang pamumuno sa Kigali at sa malaking bahagi ng Rwanda. Sa takot na paghigantihan, sa pagsisimula ng Hulyo, tumakas sa bansa ang daan-daang libong Hutu.
Sino ang May Pananagutan?
Nang hingan ng paliwanag kung bakit sumiklab ang karahasan noong Abril, sinabi ng isang magsasakang Tutsi: “Ito’y dahil sa masasamang pinuno.”
Tunay, sa nakaraang mga siglo, ang mga pinuno ng pulitika ay nakapagkalat na ng kasinungalingan tungkol sa kanilang mga kaaway. Sa ilalim ng pamamahala ng “pinuno ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo, nahimok ng makasanlibutang mga pulitiko ang kanilang sariling mamamayan na labanan at patayin ang ibang lahi, tribo, o lupain. (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19) Ang kalagayan ay hindi naiiba sa Rwanda. Sinabi ng The New York Times: “Paulit-ulit na sinikap ng mga pulitiko na paunlarin ang katapatan sa katutubong lahi at takot sa katutubong lahi—sa kaso ng mga Hutu, upang mapanatiling kontrolado ang pamahalaan; sa kaso naman ng mga Tutsi, upang magkaisa sa pagsuporta sa mga rebelde.”
Yamang magkakatulad ang mamamayan ng Rwanda sa maraming paraan, hindi kailanman aasahan ng isa na sila’y masusuklam at magpapatayan sa isa’t isa. “Pareho ang wika ng Hutu at ng Tutsi at karaniwan nang nagkakapareho ang kanilang mga tradisyon,” isinulat ng reporter na si Raymond Bonner. “Pagkaraan ng maraming salinlahi ng pag-aasawa sa isa’t isa, ang pagkakaiba sa kaanyuan—ang mga Tutsi ay matataas at payat, ang mga Hutu ay pandak at siksik ang katawan—ay nawala na anupat madalas na hindi na matiyak ng mga taga-Rwanda kung ang isa’y Hutu o Tutsi.”
Ngunit ang kamakailang sunud-sunod na mga propaganda ay nagkaroon ng di-kapani-paniwalang epekto. Bilang paglalarawan sa bagay na ito, si Alex de Waal, direktor ng grupo ng African Rights, ay nagsabi: “Ang mga magbubukid sa mga lugar na naookupahan ng R.P.F. ay iniulat na nagtataka kung bakit ang mga sundalong Tutsi ay walang sungay, buntot at mga matang nagliliwanag sa dilim—ganito ang pagkakalarawan ayon sa pagsasahimpapawid sa radyo na kanilang pinakikinggan.”
Hindi lamang mga pulitikong pinunò ang humuhubog ng pag-iisip ng mga tao kundi maging ang relihiyon man. Anu-ano ba ang pangunahing relihiyon sa Rwanda? Ang mga ito ba’y may pananagutan din sa trahedya?
Ang Ginampanang Papel ng Relihiyon
Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia (1994) tungkol sa Rwanda: “Karamihan sa mamamayan ay mga Romanong Katoliko. . . . Ang Romanong Katoliko at iba pang mga simbahang Kristiyano ang nagpapatakbo ng karamihan sa mga elementarya at haiskul.” Sa katunayan, tinatawag ng National Catholic Reporter ang Rwanda na isang “70% Katolikong bansa.”
Ang The Observer, ng Great Britain, ay nagbibigay ng kasaysayan ng relihiyosong kalagayan sa Rwanda, na ipinaliliwanag: “Noong mga taon ng 1930, nang nakikipaglaban ang mga simbahan upang makontrol ang sistema ng edukasyon, pumanig ang mga Katoliko sa mahaharlikang Tutsi samantalang ang mga Protestante ay umanib naman sa naaping Hutu na nakararami. Noong 1959 naagaw ng mga Hutu ang kapangyarihan at mabilis na nakuha ang suporta ng mga Katoliko at Protestante. Nanatiling matibay ang pagtataguyod ng Protestante sa nakararaming Hutu.”
Halimbawa, hinatulan ba ng mga pinuno ng simbahang Protestante ang walang-awang pagpatay? Sumagot ang The Observer: “Tinanong ang dalawang tauhan ng simbahan [Anglikano] kung hinatulan nila ang mga mamamatay-tao na pumunô sa mga daanan ng simbahan sa Rwanda ng mga bangkay ng mga batang pinutulan ng ulo.
“Ayaw nilang sumagot. Iniwasan nila ang mga tanong, nainis, nagtaas ng tono ng kanilang tinig, at nahantad ang malalim na ugat ng krisis sa Rwanda—ang pinakamatatandang miyembro ng simbahang Anglikano na gumaganap bilang mga mensahero ng mga pinunò ng pulitika na nangaral ng tungkol sa pagpatay at pinunô ng dugo ang mga ilog.”
Tunay, ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa Rwanda ay walang ipinagkaiba sa mga simbahan saanman. Halimbawa, bilang pagsuporta nila sa mga pinunò ng pulitika noong Digmaang Pandaigdig I, sinabi ni Brigadyer-Heneral Frank P. Crozier ng Britanya: “Ang mga Relihiyong Kristiyano ang pinakamagaling na mga promotor ng pagbububo ng dugo na mayroon tayo at malaya nating ginamit ang mga ito.”
Oo, may malaking pananagutan ang mga pinunong relihiyoso sa nangyari! Ang National Catholic Reporter ng Hunyo 3, 1994, ay nag-ulat: “Ang labanan sa bansang Aprika ay nagsasangkot ng ‘isang tunay na sadyang pagpatay sa buong pamayanan kung saan, nakalulungkot sabihin, kahit na ang mga Katoliko ay may pananagutan,’ sabi ng papa.”
Maliwanag, nabigo ang mga simbahan na magturo ng tunay na mga simulaing Kristiyano, salig sa mga kasulatan gaya ng Isaias 2:4 at Mateo 26:52. Ayon sa pahayagang Pranses na Le Monde, isang pari ang nanangis: “Nagpapatayan sila sa isa’t isa, anupat nalimutan nilang sila’y magkakapatid.” Nagtapat ang isa pang paring taga-Rwanda: “Ang mga Kristiyano’y pinatay ng ibang mga Kristiyano, pagkaraan ng isang siglong pagsesermon tungkol sa pag-ibig at pagpapatawad. Iyon ay isang kabiguan.” Nagtanong ang Le Monde: “Aakalain ba ng isa na ang mga Tutsi at Hutu na naglalabanan sa Burundi at Rwanda ay sinanay ng magkaparehong misyonerong Kristiyano at pumasok sa magkatulad na simbahan?”
Naiiba ang Tunay na mga Kristiyano
Ang tunay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay sumusunod sa kaniyang utos na “ibigin ninyo ang isa’t isa.” (Juan 13:34) Maguguniguni mo ba si Jesus o ang isa sa kaniyang mga apostol na may hawak na tabak at nananaksak ng tao para patayin? Ang gayong walang kinikilalang batas na pagpatay ay nagpapakilala sa mga tao bilang “mga anak ng Diyablo.”—1 Juan 3:10-12.
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sa anupaman nakisali sa mga digmaan, rebolusyon, o anumang paglalabanan na itinaguyod ng mga pulitiko ng sanlibutan, na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas na Diyablo. (Juan 17:14, 16; 18:36; Apocalipsis 12:9) Sa halip, nagpakita ang mga Saksi ni Jehova ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Kaya nga, sa panahon ng lansakang pagpatay, ang mga Saksing Hutu ay handang magsapanganib ng kanilang buhay sa pagsisikap na ipagtanggol ang kanilang mga kapatid na Tutsi.
Gayunman, ang gayong trahedya ay hindi nakapagtataka. Sa hula ni Jesus tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi niya: “Kung magkagayon ay . . . papatayin kayo ng mga tao.” (Mateo 24:3, 9) Nakatutuwa naman, nangako si Jesus na aalalahanin ang mga tapat sa pagbuhay-muli sa mga patay.—Juan 5:28, 29.
Samantala, ang mga Saksi ni Jehova sa Rwanda at saanman ay determinadong magpatuloy na patunayan ang kanilang mga sarili na mga alagad ni Kristo sa pamamagitan ng pag-iibigan sa isa’t isa. (Juan 13:35) Nagbibigay ng patotoo ang kanilang pag-ibig kahit sa gitna ng kasalukuyang mga kahirapang ito, gaya ng ibinubunyag ng kalakip na ulat na “Mga Saksi sa mga Refugee Camp”. Dapat na tandaan nating lahat ang sinabi ni Jesus sa kaniyang hula: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Mateo 24:13.
[Kahon sa pahina 29]
MGA SAKSI SA MGA REFUGEE CAMP
Hanggang noong Hulyo ng taóng ito, humigit-kumulang 4,700 Saksi at mga kasamahan nila ang nasa mga refugee camp. Sa Zaire, 2,376 ang nasa Goma, 454 ang nasa Bukavu, at 1,592 ang nasa Uvira. Karagdagan pa, sa Tanzania ay mga 230 ang nasa Benaco.
Ang basta pagtungo sa mga refugee center ay hindi madali. Isang kongregasyon na may 60 Saksi ang sumubok na tumawid sa tulay ng Rusumo, ang pangunahing daan sa pagtakas patungo sa mga refugee camp sa Tanzania. Nang sila’y hindi pinahintulutang dumaan, sila’y nagpagala-gala sa mga tabing-ilog sa loob ng isang linggo. Pagkatapos ay nagpasiya silang tumawid sakay ng mga bangka. Nakatawid nga sila, at pagkalipas ng ilang araw, ligtas silang nakarating sa kampo sa Tanzania.
Ang mga Saksi ni Jehova sa ibang bansa ay nag-organisa ng pangmalakihang pagtulong. Ang mga Saksi sa Pransya ay nangulekta ng mahigit na isang toneladang damit at siyam na toneladang sapatos, at ang mga tulong na iyan, kasama ng dagdag na mga pagkain at gamot, ay ipinadala sa mga lugar na nangangailangan. Gayunman, ang madalas na unang hinihiling ng mga kapatid na nasa mga refugee camp ay isang Bibliya o isang magasing Bantayan o Gumising!
Maraming nagmamasid ang humanga sa pag-ibig na ipinakita ng mga Saksing nasa Zaire at Tanzania, na dumalaw at tumulong sa nangalat nilang mga kapatid. “Dinalaw na kayo ng mga kasamahan ninyo sa inyong relihiyon,” sabi ng mga refugee, “pero ni hindi pa kami nadadalaw ng isang pari mula sa amin.”
Naging bantog ang mga Saksi sa mga kampo, sa kalakhan ay dahil sa kanilang pagkakaisa, pagiging maayos, at maibiging kalooban. (Juan 13:35) Nakatutuwang pansinin na sa Benaco, Tanzania, nangailangan lamang ng 15 minuto para sa mga Saksi na makita ang kapuwa nila Saksing mga refugee sa gitna ng 250,000 katao sa kampo.