Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 1/1 p. 20-23
  • Isang Di-matutumbasang Kayamanan na Dapat Ibahagi

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Di-matutumbasang Kayamanan na Dapat Ibahagi
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nakapagpapasiglang Halimbawa ni Inay
  • Ibinabahagi ang Aming Kayamanan Nang Buong-Panahon
  • Pagtupad sa Isang Tunguhin
  • Ang Malta at ang Libya
  • Isang Bagong Atas
  • Ang Kolonya ng mga Ketongin
  • Binigyang-Lakas sa Pamamagitan ng Kayamanan
  • Tinuruan Ako ni Jehova na Gawin ang Kalooban Niya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Mga Pagpapala ang Dulot ng Pagkamapagpatuloy ng Malta
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Mga Mata at Pusong Laging Nakapako sa Gantimpala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Determinadong Magpatuloy sa Paglilingkod sa Aking Maylalang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 1/1 p. 20-23

Isang Di-matutumbasang Kayamanan na Dapat Ibahagi

AYON SA PAGKALAHAD NI GLORIA MALASPINA

Nang hindi na namin natatanaw ang baybayin ng Sicilia, sinimulan naming mag-asawa na ipako ang pansin sa aming patutunguhan, ang isla ng Malta sa Mediteraneo. Anong kapana-panabik na pagkakataon! Habang tinatawid ng barko ang dagat, naisip namin ang karanasan ni apostol Pablo sa Malta noong unang siglo.​—GAWA 28:1-10.

IYON ay taóng 1953, at hindi kinikilala noon ng Malta ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Nang nakaraang taon, kami’y nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead at idinistino sa Italya. Pagkatapos ng maikling panahon lamang na pag-aaral ng wikang Italyano, nasasabik kaming makita kung ano ang naghihintay sa amin sa Malta.

Papaanong ako, na isang kabataang babae, ay naging isang dayuhang misyonera? Hayaan ninyong ipaliwanag ko.

Ang Nakapagpapasiglang Halimbawa ni Inay

Noong 1926, nang ang aming pamilya ay naninirahan sa Fort Frances, Ontario, Canada, tumanggap ang aking ina ng buklet na Millions Now Living Will Never Die buhat sa isang Estudyante ng Bibliya (gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova). Iyon ay binasa niya nang may matinding interes, at nang linggo ring iyon ay dumalo siya sa isang panggrupong pag-aaral ng Bibliya, na ginagamit ang magasing Watch Tower. Si Inay ay isang masugid na mambabasa ng Bibliya, at tinanggap niya ang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos bilang siyang kayamanan na hinahanap niya. (Mateo 6:33; 13:44) Sa kabila ng malupit na pagsalansang ni Itay, at bagaman may inaalagaan siyang tatlong maliliit na anak na babae, nanindigan siya sa kaniyang natututuhan.

Ang di-natitinag na pananampalataya ni Inay sa loob ng sumunod na 20 taon ang siyang nagkintal sa akin at sa aking dalawang nakatatandang kapatid na babae, sina Thelma at Viola, ng tungkol sa kamangha-manghang pag-asa na buhay na walang-hanggan sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran. (2 Pedro 3:13) Napaharap siya sa maraming mahihirap na pagsubok, ngunit hindi namin kailanman pinag-alinlanganan ang kawastuan ng kaniyang piniling landasin.

Noong 1931, nang ako’y sampung taóng gulang pa lamang, lumipat kami sa isang bukid sa gawing hilaga ng Minnesota, E.U.A. Doon ay napalayo kami buhat sa regular na pakikisama sa mga Saksi ni Jehova ngunit hindi buhat sa pagtuturo ni Inay sa amin ng Bibliya. Ang kaniyang taimtim na paglilingkod bilang isang colporteur, o buong-panahong ministro, ang siyang nagpasigla sa akin upang naising sumama sa kaniya sa gawaing iyan. Noong 1938 sinagisagan ko at ng aking dalawang kapatid ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa isang asamblea sa Duluth, Minnesota.

Nang ako’y magtapos sa hayskul noong 1938, ako’y hinimok ni Inay na kumuha ng isang kurso sa komersiyo upang masuportahan ko ang aking sarili bilang isang payunir (ang bagong tawag sa colporteur). Ito’y napatunayang isang mabuting payo, yamang nagpasiya si Itay na magsarili at iwan na kami.

Ibinabahagi ang Aming Kayamanan Nang Buong-Panahon

Nang dakong huli ay lumipat ako sa California, at noong 1947, sinimulan ko ang gawaing pagpapayunir sa San Francisco. Samantalang nakikibahagi sa paghahanda para sa “All Nations Expansion” na Asamblea sa Los Angeles, nakilala ko si Francis Malaspina. Ang aming iisang tunguhin na gawaing pagmimisyonero ang umakay sa pasimula ng isang pag-iibigan. Ikinasal kami noong 1949.

Noong Setyembre 1951, kami ni Francis ay inanyayahan sa ika-18 klase ng Gilead. Sa araw ng pagtatapos, Pebrero 10, 1952, pagkatapos ng limang buwan ng puspusang pagsasanay, ang mga bansa na pagdadalhan sa amin ay sunud-sunod na binanggit ng presidente ng paaralan, si Nathan H. Knorr, ayon sa alpabeto. Nang sabihin niyang, “Italya, Brother at Sister Malaspina,” ginuguni-guni na namin ang aming paglalakbay!

Makalipas ang ilang linggo, sumakay kami ng barko sa New York para sa sampung-araw na paglalakbay patungong Genoa, Italya. Inihatid kami sa daungan nina Giovanni DeCecca at Max Larson na mga tauhan ng punung-tanggapan sa Brooklyn. Sa Genoa sinalubong kami ng mga misyonero na pamilyar na sa masalimuot na proseso ng pagpasok sa bansa.

Sumakay kami sa isang tren patungo sa Bologna, samantalang tuwang-tuwa sa mga bagay sa aming paligid. Namalas namin sa aming pagdating ang isang lunsod na may bakas pa rin ng mga pambobomba noong Digmaang Pandaigdig II. Ngunit marami ring nakalulugod na mga bagay, gaya ng di-matatanggihang bango ng isinasangag na butil ng kape na nalalanghap kung umaga at ang masarap na amoy ng malilinamnam na sarsa na inihahanda para sa napakaraming uri ng pasta.

Pagtupad sa Isang Tunguhin

Sinimulan namin ang ministeryo taglay ang isang isinaulong presentasyon, at ipinahayag namin iyon hanggang sa ang mensahe ay tanggapin o kaya’y isara ang pinto. Ang pagnanais na ipahayag ang aming sarili ang nag-udyok sa amin na masikap na pag-aralan ang wika. Pagkalipas ng apat na buwan, kami’y inatasan sa isang bagong tahanang pangmisyonero sa Naples.

Kilala ang malaking lunsod na ito dahil sa kahanga-hangang mga tanawin. Nasiyahan kami sa aming paglilingkuran doon, subalit pagkalipas naman ng apat na buwan, ang aking asawa ay inatasan sa gawaing pansirkito, o paglalakbay, na dinadalaw ang mga kongregasyon buhat sa Roma hanggang sa Sicilia. Nang dakong huli, dinalaw rin namin ang Malta at maging ang Libya sa Hilagang Aprika.

Ang mga biyahe ng tren mula Naples hanggang Sicilia noong mga taóng iyon ay isang pagsubok sa katatagan ng katawan. Sumasakay kami sa isang punóng tren at nakatayo sa siksikang mga pasilyo, kung minsan sa loob ng anim hanggang walong oras. Gayunman, ito’y nagbigay sa amin ng mainam na pagkakataon upang pag-aralan yaong mga nasa paligid namin. Madalas na isang malaking banga ng alak na gawa sa bahay ang nagsisilbing upuan para sa may-ari nito, na paminsan-minsang iinom ng laman nito upang mapatid ang kaniyang uhaw sa panahon ng mahabang paglalakbay. Madalas na iniaalok sa amin ng palakaibigang mga pasahero ang kanilang tinapay at salami, isang magiliw, nakapagpapasigla-sa-pusong kapahayagan na pinahahalagahan namin.

Sinasalubong kami sa Sicilia ng mga kaibigan na siyang magbubuhat ng aming mga maleta hanggang sa bundok sa loob ng tatlo-at-kalahating-oras na walang-tigil na pag-akyat patungo sa kongregasyon sa taluktok. Nalilimutan namin ang pagod dahil sa mainit na pagtanggap ng ating Kristiyanong mga kapatid. Kung minsan ay sumasakay kami sa mga múla na matatatag ang paa, pero hindi kami kailanman tumingin sa kalaliman sa ibaba na kung saan ang isang maling hakbang ng múla ay ikahuhulog namin. Ang matibay na paninindigan ng ating mga kapatid sa panig ng katotohanan ng Bibliya sa kabila ng kanilang mga kahirapan ang siyang nagpatibay sa amin, at pinahahalagahan namin ang makasama sila dahil sa pag-ibig na ipinakita sa amin.

Ang Malta at ang Libya

Habang punúng-punô ng mga alaala ng ating mga kapatid sa Sicilia, kami’y naglayag patungong Malta. Nakatagpo si apostol Pablo ng may kabaitang mga tao roon, at gayundin kami. Ang isang bagyo sa St. Paul’s Bay ang nagpaunawa sa amin ng panganib na sinuóng ng maliliit na barko noong unang siglo. (Gawa 27:39–28:10) Subalit tutungo pa kami sa Libya. Papaano kami magtatagumpay sa lupaing ito sa Aprika na kung saan ipinagbabawal ang ating gawain?

Muli na naman kaming nakaranas ng isang lubusang naiibang kultura. Ang mga tanawin at mga ingay sa lunsod ng Tripoli ang nakatawag ng aking pansin habang naglalakad kami sa mga kalyeng may nakahilerang mga poste sa downtown. Gumagamit ang mga lalaki ng mga kasuutang yari sa hinabing buhok ng kamelyo bilang proteksiyon nila buhat sa nakapapasong init ng Sahara Desert kung araw at buhat sa lamig kung gabi. Natutuhan naming unawain at igalang ang paraan ng pakikibagay ng mga tao sa klima sa lugar na tinitirhan nila.

Ang maingat na sigasig ng mga kapatid ay may malaking naituro sa amin tungkol sa lubusang paglalagak ng pag-asa kay Jehova at pagsunod sa mga tagubilin niyaong mas nakaáalam tungkol sa pangangaral sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Ang ating Kristiyanong mga kapatid ay buhat sa iba’t ibang lahi; subalit sila’y gumagawang may pagkakasuwato sa paglilingkod kay Jehova.

Isang Bagong Atas

Dahil sa pagsalansang sa aming gawaing pangangaral, kinailangang lumisan kami sa Italya, subalit malugod naming tinanggap ang isang bagong atas sa pangangaral sa Brazil noong 1957. Nakibagay kami ni Francis sa pamumuhay at mga kaugalian, at pagkalipas ng walong buwan, si Francis ay inanyayahan sa gawaing pansirkito. Naglakbay kami sakay ng bus, ng eroplano, at naglakad. Ang malawak, magandang bansang ito ay nakabukas sa amin na gaya ng isang aralin sa heograpiya.

Kasali sa aming unang sirkito ang sampung kongregasyon sa lunsod ng São Paulo, gayundin ang sampung mumunting bayan sa kasuluk-sulukang dako at sa kahabaan ng baybayin sa timugang bahagi ng estado ng São Paulo. Walang mga kongregasyon sa mga bayang iyon nang panahong iyon. Humahanap kami ng isang lugar na matutuluyan, at pagkatapos maayos ang lahat, dumadalaw kami sa bahay-bahay taglay ang mensahe ng Kaharian. Nag-iwan din kami ng mga imbitasyon para sa pagpapalabas ng isa sa nakapagtuturong mga pelikula ng Samahang Watch Tower.

Hindi madali ang pagsakay sa isang bus taglay ang mga pelikula, projector, transformer, mga rekord, literatura, imbitasyon, at kasangkapan sa pagmamarka sa imbitasyon ng lugar na kung saan ipalalabas ang pelikula. Kung ihahambing, hindi naman gaanong suliranin ang aming maliit na maleta. Ang projector ay kailangang kalungin upang hindi ito makalas dahil sa pagbibiyahe sa lubak-lubak na mga daan.

Pagkatapos makahanap ng isang lugar upang doon ipalabas ang pelikula, pumupunta kami sa bawat pintuan at nag-iiwan ng mga imbitasyon para sa palabas. Kung minsan ay pinapayagan kaming ipalabas ang pelikula sa isang restoran o otel. Kung minsan naman ay nagsasabit kami ng telon sa pagitan ng dalawang poste sa labas. Ang nagpapahalagang mga manonood naman, na marami sa kanila ay hindi pa nakakapanood ng pelikula, ay tumatayo at matamang nakikinig habang binabasa ni Francis ang salaysay. Pagkatapos ay namamahagi kami ng literatura sa Bibliya.

Upang marating ang mga nayon, sumasakay kami ng bus. Ang ilang ilog ay walang tulay, kaya isinasakay ang bus sa isang malaking balsa at itinatawid sa kabilang pampang. Kami’y sinabihang bumaba sa bus at, kung makita naming umuus-os ang bus sa ilog, tumalon sa kabilang panig ng balsa upang hindi madala sa tubig. Salamat na lamang, wala pang bus na nahulog sa ilog​—na mabuti naman, lalo na yamang kilala ang ilog na iyon dahil sa pagkakaroon ng isdang piranha na kumakain ng laman!

Pagkatapos dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa New York noong 1958, bumalik kami sa Brazil, na kung saan di-nagtagal ay bumalik kami sa gawaing paglalakbay. Ang aming distrito ay umaabot sa hangganan ng Uruguay sa timog, sa Paraguay sa kanluran, at sa estado ng Pernambuco sa hilaga, at sa Karagatang Atlantiko sa gawing silangan ng Brazil.

Ang Kolonya ng mga Ketongin

Noong kalagitnaang mga taon ng 1960, tumanggap kami ng paanyaya na magpalabas ng isa sa mga pelikula ng Samahan sa isang kolonya ng mga ketongin. Aaminin ko na ako’y medyo nababahala. Kakaunti lamang ang nalalaman namin sa ketong, maliban sa nabasa namin sa Bibliya tungkol dito. Nang dumating kami sa bakuran, na pinintahan ng puti, itinuro kami sa isang malaking awditoryum. Isang lugar sa bandang gitna ang nilagyan ng lubid para sa amin at sa aming mga kasangkapan.

Ang elektrisyan na tumutulong sa amin ay isang 40-taóng residente ng kolonya. Naubos na ang kaniyang mga kamay at ang iba pang bahagi ng kaniyang katawan, anupat totoong nakasira ng kaniyang hitsura. Nabigla ako noong una, ngunit ang kaniyang pagkamasayahin at kahusayan sa paggawa ay nakapagpanatag sa akin. Di-nagtagal at nag-uusap na kami tungkol sa maraming bagay habang tinatapos namin ang kinakailangang paghahanda. Sa isang libong maysakit na nakatira sa pasilidad, mahigit sa dalawang daan ang dumalo. Habang sila’y naglalakad nang papilay-pilay, napansin namin ang iba’t ibang antas ng sakit na dinaranas nila. Isa ngang nakaaantig, madamdaming karanasan para sa amin!

Naisip namin ang sinabi ni Jesus sa ketongin na nagmakaawa, “Panginoon, kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako.” Nang kaniyang hipuin ang lalaki, tiniyak sa kaniya ni Jesus, “Ibig ko. Luminis ka.” (Mateo 8:2, 3) Nang matapos ang programa, marami ang lumapit sa amin upang pasalamatan ang aming pagdating, anupat ang kanilang napinsalang mga katawan ay malinaw na patotoo sa matinding pagdurusa ng sangkatauhan. Nang dakong huli, ang mga Saksi sa lugar na iyon ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga nagnanais na matuto pa ng higit.

Bumalik kami sa Estados Unidos noong 1967 upang ipagamot ang ilang malulubhang suliranin sa kalusugan. Habang patuloy naming hinaharap ang mga ito, kami’y muling nagkapribilehiyo na maglingkod sa gawaing pansirkito. Sa loob ng sumunod na 20 taon, sumama ako kay Francis sa gawaing paglalakbay sa Estados Unidos. Nagturo rin siya sa Kingdom Ministry School nang mga panahong iyon.

Tunay ngang isang pinagmumulan ng pampatibay-loob para sa akin ang pagkakaroon ng isang mapagmahal na asawa at tapat na kasama na nag-asikaso sa anumang atas na ibinigay sa kaniya! Magkasama kaming nagkapribilehiyo na ibahagi ang kayamanan ng katotohanan ng Bibliya sa mga lugar sa apat na kontinente.

Binigyang-Lakas sa Pamamagitan ng Kayamanan

Noong 1950, nagpakasal si Inay kay David Easter, isang tapat na kapatid na nabautismuhan noong 1924. Sila’y magkasamang naglingkod nang maraming taon sa buong-panahong ministeryo. Gayunman, nang huling yugto ng buhay ni Inay, nagkasakit siya ng Alzheimer’s disease. Nangailangan siya ng lubusang pangangalaga habang inuubos ng sakit ang kaniyang kakayahang mangatuwiran. Ang aking matulunging mga kapatid na babae at si David ang bumalikat ng mabigat na pananagutan ng pag-aalaga sa kaniya, yamang hindi nila ibig na iwan namin ang aming pantanging mga pribilehiyo na buong-panahong paglilingkuran. Malaki ang nagawa ng tapat na halimbawa ni Inay hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1987 upang tulungan kaming isaplano ang aming landasin sa buhay, at ang pag-asa ng buhay sa langit na kaniyang pinakamamahal ang siyang nakaaliw sa amin.

Pagsapit ng 1989, napansin ko na si Francis ay hindi na kasinsigla ng dati. Hindi namin namalayan na ang snail fever, na isang sakit na kilala sa maraming panig ng daigdig, ay nagkakaroon na ng masamang epekto. Noong 1990, nanaig ang walang-awang kaaway na ito, at nawalan ako ng minamahal na kasama na kapiling ko sa mahigit na 40 taon ng paglilingkod kay Jehova.

ng mga pagbabago ay bahagi na ng buhay. Ang ilan ay madadali, at ang ilan ay mahihirap. Subalit si Jehova, ang Tagapagbigay ng di-matutumbasang kayamanan ng katotohanan sa Bibliya, ang siyang umalalay sa akin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon at ng pag-ibig at pampatibay-loob ng aking pamilya. Nakasusumpong pa rin ako ng kasiyahan habang tinatanaw ko ang katuparan ng lahat ng di-mabibigong pangako ni Jehova.

[Larawan sa pahina 23]

Nang kaming mag-asawa ay mga misyonero sa Italya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share