Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Si Jehova ay Mas Malakas Kaysa sa Kaniyang mga Kaaway
MATAGAL nang sinisikap ng Diyablo at ng kaniyang mga demonyo na hadlangan ang pangangaral ng mabuting balita sa pamamagitan ng huwad na relihiyon at espiritismo. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa balakyot na hangarin ni Satanas sa 2 Corinto 4:4 na kung saan sinasabi na “binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang isipan ng mga di-mananampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay huwag makatagos.”
Subalit mas malakas si Jehova kaysa kay Satanas. Walang magagawa ang mga kaaway ni Jehova upang mapigil ang katuparan ng kaniyang banal na kalooban, na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Itinatampok ito ng sumusunod na report buhat sa mga tagapaghayag ng Kaharian sa Australia.
◻ Pagkatapos ng 20-taóng paghiwalay sa relihiyon, sinimulang basahing-muli ng isang babae ang Bibliya. Nagkaroon siya ng maraming tanong dahil sa napanumbalik na interes na ito sa Bibliya, kaya nanalangin siya sa Diyos na tulungan siyang masumpungan ang mga sagot. Ibig niyang hanapin ang katotohanan, ngunit alam niya na hindi malulutas ang kaniyang suliranin sa pamamagitan ng pagbabalik sa kaniyang dating relihiyon. Sa halip, sinimulan niya ang kaniyang paghahanap sa pamamagitan ng pagpunta sa isang tindahan ng segunda-manong mga aklat at pagtatanong kung sila’y may anumang mga aklat tungkol sa relihiyon.
Naalaala ng may-ari ng tindahan na siya’y may isang relihiyosong aklat, na wala sa tindahan, kundi nasa bahay. Ang pamagat ng aklat ay Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Sabik na binasa ng babae ang aklat at nasumpungan ang mga sagot sa marami sa kaniyang mga tanong tungkol sa Bibliya. Pagkatapos hanapin ang mga Saksi ni Jehova sa direktoryo ng telepono, sa wakas ay natagpuan niya sila at nagsimula ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya.
◻ Inupahan ng isang dalaga ang serbisyo ng isang pahayagan sa kaniyang lugar upang ianunsiyo ang pagbebenta niya ng isang agimat. Tinukoy iyon ng anunsiyo bilang isang ‘agimat noong Edad Medya na napakabisa.’ Nabasa ng isang Saksi ni Jehova ang anunsiyo. Naipasiya niyang tawagan ang ibinigay na numero ng telepono at kausapin ang babae tungkol sa pinagmumulan ng diumano’y bisa ng agimat. Sumunod ang isang talakayan tungkol sa pangmalas ng Bibliya sa gawain ng mga demonyo. Isiniwalat ng dalaga na isang araw pa lamang ang nakararaan, nanalangin siya sa Diyos para sa tulong may kinalaman sa kaniyang mga suliranin sa mga demonyo. Isinaayos ng Saksi na mag-usap silang muli sa telepono.
Nang siya’y tumawag, wala sa tahanan ang dalaga. Ang ina nito ang sumagot sa telepono at nagsabi: “Hindi ko alam kung ano ang sinabi mo sa aking anak, pero isang himala ang nangyari!” Ikinuwento niya na pagkatapos ng unang pag-uusap sa telepono, itinapon ng kaniyang anak ang lahat ng mga larawan at mga aklat niya tungkol kay Satanas at nagsimulang magbasa ng Bibliya.
Di-nagtagal, gumawa ng mga kaayusan upang personal na madalaw ang dalagang ito. Agad siyang tumanggap ng regular na pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y nagsimula ring makisama sa mga Saksi sa pamamagitan ng pagdalo sa kanilang mga pulong Kristiyano. Muli, nadaig ni Jehova ang mga demonyo sa pamamagitan ng pagpapasikat ng tumpak ng kaalaman sa mga katotohanan sa Bibliya.