May Napatibay-Loob Ka Na ba Kamakailan?
SI Elena ay 17 taóng gulang pa lamang nang matuklasan ng mga doktor na siya’y may kanser sa obaryo. Kinailangan ng kaniyang ina, si Mari, na paglabanan ang hapis sa pagkakitang dumaranas si Elena ng matinding kirot.
Nang bandang huli, inilipat si Elena sa isang ospital sa Madrid, Espanya, na may layong 1,900 kilometro buhat sa kaniyang tahanan sa Canary Islands. Isang grupo ng mga doktor sa Madrid ang handang mag-opera nang walang dugo. (Gawa 15:28, 29) Subalit di-nagtagal pagkatapos pasimulan ang operasyon, naging maliwanag na wala nang pag-asa ang kalagayan ni Elena. Kumalat na ang kanser sa kaniyang buong katawan, at wala nang magagawa ang mga siruhano. Namatay si Elena walong araw pagkatapos dumating sa Madrid.
Hindi kailangang mag-isang harapin ni Mari ang matinding pagsubok na iyan. Sa sarili nilang gastos, dalawang Kristiyanong matanda ang sumama sa kaniya at sa kaniyang panganay na anak na lalaki patungong Madrid at nanatili roon hanggang sa mamatay si Elena. “Tinulungan nila ako na punan ang kahungkagán na nadarama ko,” ang paliwanag ni Mari. “Hindi ko kailanman malilimutan ang pampatibay-loob na ibinigay nila sa akin. Di-matutumbasan ang kanilang espirituwal na pag-alalay at praktikal na tulong. Sila’y tunay na ‘kublihang dako buhat sa hangin.’ ”—Isaias 32:1, 2.
Nalulugod si Jehova na ang maiibiging pastol gaya ng mga ito ay malumanay na nangangalaga sa kaniyang mga tupa. (Kawikaan 19:17; 1 Pedro 5:2-4) Gayunman, ang pagbibigay ng pampatibay-loob ay hindi lamang pribilehiyo ng matatanda. Lahat ng Kristiyano ay nagtitipong sama-sama upang tumanggap ng espirituwal na turo at upang ‘magpatibayang-loob sa isa’t isa.’ (Hebreo 10:24, 25) Ang pampatibay-loob ay isang mahalagang bahagi ng Kristiyanong pagsasamahan.
Ano ang Nasasangkot sa Pampatibay-Loob?
Kung papaanong ang isang magandang bulaklak ay nalalanta kapag pinagkaitan ng tubig, gayundin ang mga tao—kapuwa sa pamilya at sa kongregasyon—ay maluluoy kung walang pampatibay-loob. Sa kabilang dako, ang napapanahong pampatibay-loob ay magpapatatag sa mga nakaharap sa tukso, pinasisigla ang kalooban ng mga nanlulumo, at pinalalakas yaong mga naglilingkod sa Diyos nang tapat.
Kasali sa salitang Griego na isinaling “pampatibay-loob” ang idea ng pampalubag-loob, masidhing payo, at kaaliwan. Samakatuwid, ang pampatibay-loob ay hindi limitado sa pagsasabi sa isa na mabuti ang ginagawa niya. Maaaring nasasangkot din ang pagbibigay ng praktikal na pag-alalay at espirituwal na tulong.
Ang totoo, ang salitang Griego na isinaling “pampatibay-loob” ay literal na nangangahulugang “pagtawag upang tumabi sa isa.” Ang paglakad kasama ng ating espirituwal na mga kapatid ay nagpapangyaring makapagbigay tayo ng kaagad na suporta kung ang isa sa kanila ay mapagod o matisod. (Eclesiastes 4:9, 10) Kapansin-pansin, ang bayan ni Jehova ay “naglilingkod sa kaniya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) At ang isang Kristiyano ay tinawag ni apostol Pablo na isang “tunay na katuwang.” (Filipos 4:3) Nagiging mas magaan ang pasan dahil sa paggawang magkakasama sa ilalim ng iisang pamatok sa pamamagitan ng paglilingkod nang balikatan, lalo na para sa mga hindi malakas sa espirituwal.—Ihambing ang Mateo 11:29.
Nagbigay Sila ng Pampatibay-Loob
Yamang napakahalaga ng pampatibay-loob, isaalang-alang natin ang ilang maka-Kasulatang mga halimbawa nito. Nang malapit nang magwakas ang buhay ng propeta ng Diyos na si Moises, inatasan ni Jehova si Josue na maging lider ng mga Israelita. Hindi ito isang madaling atas, na alam na alam ni Moises mismo. (Bilang 11:14, 15) Kaya naman, sinabi ni Jehova kay Moises na “atasan si Josue at patibayingloob siya at palakasin siya.”—Deuteronomio 3:28.
Noong panahon ng mga hukom sa Israel, kusang tumupad ang anak na babae ni Jepte sa panata ng kaniyang ama sa pamamagitan ng hindi pagpapamilya upang makapaglingkod sa santuwaryo ni Jehova. Wala bang pumansin sa kaniyang pagsasakripisyo? Mayroon, sapagkat sinasabi sa Hukom 11:40: “Taun-taon ang mga anak na babae ng Israel ay pumaparoon upang bigyang papuri ang anak na babae ni Jepte na Gileadita, apat na araw sa isang taon.” Ang gayong mga pagdalaw ay totoong nakapagpatibay-loob sa mapagsakripisyo-sa-sariling anak ni Jepte.
Ang pagbibigay ng pampatibay-loob kung minsan ay nangangailangan ng lakas ng loob. Noong unang paglalakbay-misyonero ni apostol Pablo, napaharap siya sa malupit na pagsalansang sa maraming lunsod ng Asia Minor. Siya’y pinalayas mula sa Antioquia, muntik nang ipapatay sa Iconio, at pinagbabato at iniwang halos patay na sa Listra. Subalit di-nagtagal pagkatapos, si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay bumalik sa mga lunsod na ito, na “pinalalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, na nagpapatibay-loob sa kanila na manatili sa pananampalataya at sinasabi: ‘Kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.’ ” (Gawa 14:21, 22) Handang isapanganib ni Pablo ang kaniyang buhay upang mapatibay-loob ang bagong mga alagad na ito.
Gayunman, hindi lamang ang bagong mga alagad ang mga Kristiyanong nangangailangan ng pampatibay-loob. Pagkaraan ng mga taon si Pablo ay nakaranas ng mahirap na paglalakbay patungo sa Roma, kung saan siya’y sumailalim sa isang paglilitis. Habang papalapit na siya sa kaniyang destinasyon, maaaring sa papaano man ay nasiraan siya ng loob. Ngunit nang dumating siya sa isang lugar na 74 na kilometro sa gawing timog-silangan ng Roma, siya’y napatibay-loob. Bakit? Sapagkat dumating ang mga kapatid buhat sa Roma upang salubungin siya sa Pamilihang-dako ng Appio at Tatlong Taberna. “Nang makita sila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at nagkaroon ng lakas ng loob.” (Gawa 28:15) Sa katulad na mga okasyon, kahit ang ating pagkanaroroon lamang ay maaaring lubhang nakapagpapatibay-loob na sa ating mga kapananampalataya.
Samantalahin ang mga Pagkakataon Upang Makapagpatibay-Loob
Totoong marami ang pagkakataon upang makapagpatibay-loob. Naantig ba ang iyong puso sa isang mabuting pahayag pang-estudyante na itinanghal ng isang kapatid sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Nagagalak ka ba na may matitibay-sa-espirituwal na mga kabataan sa kongregasyon? Nakapukaw ba sa iyong damdamin ang pagtitiis ng mga may edad na? Hinangaan mo ba ang paraan ng isa sa mga payunir sa paggamit ng Bibliya sa ministeryo sa bahay-bahay? Kung gayon ay bigyan sila ng papuri, at magsabi ng isang bagay na nakapagpapatibay-loob.
Ang pampatibay-loob ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pamilya gayundin sa kongregasyon. Makatutulong ito sa mga magulang upang palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Makapagpapatibay-loob din ang pagsasabi sa isang anak na mabuti ang ginawa niya, at pagpapaliwanag kung bakit! Sa mga taon ng pagkatin-edyer, kapag nakaharap ang mga kabataan sa maraming tukso at panggigipit, mahalaga ang patuloy na pampatibay-loob.
Sadyang nakasásamâ ang kawalan ng pampatibay-loob sa panahon ng pagkabata. Sa ngayon si Michael, isang Kristiyanong matanda, ay palakaibigan, subalit ganito ang sabi niya: “Kailanman ay hindi nasabi ng aking ama na may mabuti akong ginawa. Kaya lumaki akong walang pagpapahalaga sa sarili. . . . Bagaman 50 taóng gulang na ako ngayon, pinahahalagahan ko pa rin ang pagsasabi ng mga kaibigan na ginagampanan kong mabuti ang pagiging isang matanda. . . . Natutuhan ko buhat sa sariling karanasan kung gaano kahalaga ang magbigay ng pampatibay-loob sa iba, at sinisikap kong gawin iyon.”
Sino ang Nangangailangan ng Pampatibay-Loob?
Nararapat patibaying-loob ang masisipag na Kristiyanong matatanda. Sumulat si Pablo: “Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na isaalang-alang yaong mga gumagawa nang masikap sa gitna ninyo at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagpapaalala sa inyo; at magbigay sa kanila ng higit kaysa pambihirang konsiderasyon sa pag-ibig dahil sa kanilang gawain.” (1 Tesalonica 5:12, 13) Madaling ipagwalang-bahala ang mga pagsisikap ng matatanda. Subalit waring makapagpapagaan sa kanilang pasan ang mga salita ng taimtim na pagpapahalaga at pampatibay-loob.
Yaong mga nasa gitna natin na nagtitiis ng mahihirap na kalagayan ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina,” ang payo ng Bibliya. (1 Tesalonica 5:14) Ang nagsosolong mga magulang, mga balo, tin-edyer, may edad na, at ang mga maysakit ay kabilang sa mga maaaring sa pana-panahon ay nanlulumo o nanghihina sa espirituwal.
Si María ay isang babaing Kristiyano na biglang iniwan ng asawa. Sabi niya: “Tulad ni Job, kung minsan ay ibig ko nang mamatay. [Job 14:13] Subalit hindi ako sumuko, salamat sa pampatibay-loob na tinanggap ko. Dalawang matanda, na kilalang-kilala ko, ang gumugol ng maraming panahon sa pagtulong sa akin na makita ang kahalagahan ng pagpapatuloy sa buong-panahong paglilingkod. At dalawang mahuhusay na kapatid na babae ang umaliw rin sa akin, na matiyagang nakikinig habang ibinubuhos ko ang nasa loob ko. Sa pamamagitan ng paggamit sa Bibliya, tinulungan nila akong makita ang mga bagay-bagay buhat sa pangmalas ni Jehova. Hindi ko alam kung ilang beses naming binasa ang Awit 55:22, subalit alam ko na sa pamamagitan ng pagkakapit ng kasulatang ito, unti-unti kong nabawi ang aking espirituwal at emosyonal na pagkatimbang. Nangyari ang lahat ng ito 12 taon na ang nakararaan, at nagagalak akong sabihin na ako’y nakapagpatuloy sa buong-panahong paglilingkod hanggang sa ngayon. Ang buhay ko’y kasiya-siya at maligaya sa kabila ng paminsan-minsang kirot sa damdamin. Kumbinsido ako na ang pampatibay-loob sa panahong katulad niyan ay malaki ang magagawa sa buhay ng isang tao.”
Ang ilan ay nangangailangan ng pampatibay-loob dahil nakagawa sila ng mga pagkakamali at ngayon ay nagpupunyaging ituwid ang mga ito. Marahil sila’y tumanggap ng maibiging saway. (Kawikaan 27:6) Ang matatanda na nagbigay ng saway ay maaaring alisto na magbigay ng papuri kapag nakikita nila na ikinakapit ang maka-Kasulatang payo. Magkakaroon ng dobleng kapakinabangan ang kanilang mga salita na pampatibay-loob—pinatutunayan ang kanilang pag-ibig sa isang nagkasala upang siya’y hindi maging “labis-labis na malungkot” at ipinaaalaala sa kaniya ang kapakinabangan ng pagkakapit ng payo.—2 Corinto 2:7, 8.
Isang matanda ang nakagawa ng malubhang pagkakamali at nawalan ng kaniyang pribilehiyo ng pangangasiwa sa kongregasyon. “Nang ipinatalastas ang aking pagkaalis bilang isang matanda, naisip ko na magiging asiwâ ang mga kapatid kung kasama ako,” ang sabi niya. “Gayunpaman, pinanatiling kompidensiyal ng matatanda ang dahilan at sila’y gumawa ng pantanging pagsisikap na ako’y patibaying-loob. Ang iba sa kongregasyon ay nagpamalas din ng pag-ibig at pakikisama, na talaga namang nakatulong sa aking espirituwal na paggaling.”
Maging Nakapagpapatibay-Loob
Sa ating abalang pamumuhay, madaling kaligtaan ang pampatibay-loob. Ngunit anong laking kabutihan nga ang magagawa nito! Upang makapagbigay ng mabisang pampatibay-loob, dalawang bagay ang kailangan mong isaisip. Una, pag-isipan kung ano ang sasabihin, upang maging espesipiko ang iyong pampatibay-loob. Pangalawa, humanap ng mga pagkakataon upang lumapit sa isang tao na karapat-dapat sa papuri o nangangailangang patibayin.
Habang madalas mong ginagawa ito, magiging mas maligaya ka. Tutal, tiniyak sa atin ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Sa pamamagitan ng pagpapatibay-loob sa iba, pinatitibay-loob mo ang iyong sarili. Bakit hindi mo gawing tunguhin na magpatibay-loob sa isang tao bawat araw?