Pakikipagtipong Kasama Niyaong May Takot sa Diyos
“SAANMANG dako ang mga tao ay nagnanais ng kalayaan buhat sa takot—takot sa karahasan, takot sa kawalang-hanapbuhay, at takot sa malubhang sakit. Ganiyan din ang ating naisin. . . . Bakit, kung gayon, pinag-uusapan natin kung papaano lilinangin ang takot?” Ang nakatatawag-pansing tanong na iyan ay ibinangon ng keynote speaker sa bawat “Maka-Diyos na Takot” na Pandistritong mga Kombensiyon, na nagsimula noong Hunyo 1994.
Ang milyun-milyong dumalo—una sa Hilagang Amerika, pagkatapos nang dakong huli sa Europa, Sentral at Timog Amerika, Aprika, Asia, at mga isla ng karagatan—ay sabik na matuto kung papaano lilinangin ang gayong takot. Bakit? Sapagkat ang pakikibahagi natin sa mga pagpapala na inilalaan ng Diyos na Jehova sa kaniyang bayan ay nakasalalay sa pagkakaroon natin ng maka-Diyos na takot. Nagtipun-tipon ang mga kombensiyonista upang matuto tungkol sa maka-Diyos na takot, at sa panahon ng tatlong-araw na programa, malaki ang natutuhan nila tungkol sa mahalagang katangiang ito ng Kristiyano.
‘Matakot Ka sa Diyos at Sumunod sa Kaniyang mga Utos’
Iyan ang tema sa unang araw ng kombensiyon, salig sa Eclesiastes 12:13. Ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos? Sa pinakaunang bahagi ng programa, ipinaliwanag ng tsirman ng kombensiyon na mababanaag sa maka-Diyos na takot ang sindak at pagpipitagan kay Jehova gayundin ang nakabubuting takot na siya’y di-mapalugdan. Hindi nakasásamâ ang gayong maka-Diyos na takot; nakapagpapalusog at angkop iyon.
Papaano tayo nakikinabang sa nakapagpapalusog na takot na ito? Ipinaliwanag ng sumunod na pahayag na, “Huwag Manghina at Huwag Manghimagod,” na inuudyukan tayo ng maka-Diyos na takot upang sundin nang may kagalakan ang mga utos ng Diyos. Lakip ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, palalakasin tayo sa espirituwal ng gayong maka-Diyos na takot. Oo, ang maka-Diyos na takot ay makatutulong sa atin na maiwasan ang maging mabagal sa takbuhan patungo sa buhay na walang-hanggan.
Ang sumunod sa programa ay mga panayam na naghaharap ng buháy na patotoo na maaari tayong alalayan ng maka-Diyos na takot. Inilahad niyaong mga kinapanayam kung papaanong ang may-pagpipitagang takot sa Diyos ay nakaimpluwensiya sa kanila upang magpatuloy sa ministeryo sa kabila ng kawalang-interes, pagwawalang-bahala, o pag-uusig at tumulong sa kanila na magbata kahit sa harap ng mahihirap at personal na mga pagsubok.
Subalit, bakit ang ilang tao ay may maka-Diyos na takot samantalang ang iba ay wala nito? Sa pahayag na “Paglilinang at Pakikinabang sa Maka-Diyos na Takot,” ipinaliwanag ng keynote speaker na sa Jeremias 32:37-39, ipinangako ni Jehova na bibigyan Niya ng pusong may takot sa Diyos ang Kaniyang bayan. Itinatanim ni Jehova ang maka-Diyos na takot sa ating mga puso. Papaano? Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. Gayunman, maliwanag na kailangang taimtim tayong magsikap na pag-aralan ang Salita ng Diyos at lubusang samantalahin ang saganang espirituwal na mga paglalaan niya. Kasali sa mga ito ang ating mga kombensiyon at mga pulong sa kongregasyon, na tumutulong sa atin na matutuhang matakot sa kaniya.
Binuksan ang programa sa hapon sa pamamagitan ng paalaalang magtiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita. Ito’y sinundan ng isang pagtalakay ng pangunahing mga paraan kung papaanong dapat maapektuhan ng Kaharian ang ating buhay bilang mga Kristiyano.
Pagkatapos ay sumunod ang una sa tatlong simposyum na iniharap sa kombensiyon. “Pinakikilos Tayo ng Maka-Diyos na Takot Upang Sundin ang Banal na mga Kahilingan,” ang siyang tema ng simposyum na ito, na nagpako ng pansin sa pamilya. Ang sumusunod ay isang halimbawa ng maka-Kasulatan—at praktikal—na payong ibinigay.
□ Para sa mga asawang lalaki: Ang maka-Diyos na takot ay dapat magpakilos sa isang lalaki na ibigin ang kaniyang asawa gaya ng kaniyang sariling katawan. (Efeso 5:28, 29) Hindi sadyang sinasaktan ng isang lalaki ang kaniyang sariling katawan, hinihiya ang sarili sa harap ng kaniyang mga kaibigan, o ipinamamalita ang kaniyang sariling mga pagkukulang. Kaya gayundin naman ay dapat niyang pakitunguhan ang kaniyang asawa nang may dangal at paggalang na gaya ng iniuukol niya sa kaniyang sarili.
□ Para sa mga asawang babae: Ang maka-Diyos na takot ni Jesus ay nagpakilos sa kaniya na ‘laging palugdan ang Diyos.’ (Juan 8:29) Ito’y isang mainam na saloobin para tularan ng mga asawang babae sa pakikitungo sa kani-kanilang asawa.
□ Para sa mga magulang: Ang Kristiyanong mga magulang ay makapagpapakita ng maka-Diyos na takot sa pamamagitan ng pagganap nang mahusay sa kanilang mga pananagutan bilang mga magulang, na minamalas ang kanilang mga anak bilang isang mana mula kay Jehova. (Awit 127:3) Ang pagpapalaki sa kanilang anak upang maging tunay na mga Kristiyano ang dapat na pangunahing tunguhin ng mga magulang.
□ Para sa mga anak: Itinatagubilin ni Jehova sa mga anak na sundin ang kanilang “mga magulang kaisa ng Panginoon.” (Efeso 6:1) Kaya naman, ang pagsunod sa magulang ay pagsunod sa Diyos.
Ang huling pahayag sa araw na iyon ay nakaantig ng emosyon, sapagkat tinalakay nito ang matitinding damdamin na nararanasan nating lahat kapag namatayan tayo ng isang minamahal. Gayunman, halos sa kalagitnaan ng pahayag ay nagkaroon ng sorpresa. Binigyang-kasiyahan ng tagapagsalita ang mga tagapakinig sa pamamagitan ng pagpapatalastas ng paglalabas ng bagong brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Maraming binabanggit sa 32-pahina, may hustong-kulay na publikasyong ito na makatutulong sa mga nagdadalamhati upang maunawaan at harapin ang mga damdamin at emosyon na bumabangon dahil sa pagkamatay ng isang minamahal. Nangyari na ba sa iyo na hindi mo alam kung ano ang sasabihin mo sa isang taong namatayan? Tinatalakay sa isang seksiyon ng brosyur na ito kung papaano natin matutulungan yaong mga nagdadalamhati. Samantalang nakikinig sa tagapagsalita, marami sa mga tagapakinig ang may naiisip na taong maaaring makinabang sa bagong brosyur na ito.
‘Mag-ukol ng Sagradong Paglilingkod Nang May Maka-Diyos na Takot at Sindak’
Iyan ang tema ng ikalawang araw, salig sa Hebreo 12:28. Iniharap sa programa sa umaga ang ikalawang simposyum, “Mga Kongregasyong Lumalakad sa Pagkatakot kay Jehova.” Ang unang bahagi ay tungkol sa pagdalo sa mga pulong. Ang ating pagkanaroroon sa mga pulong ay nagpapamalas ng ating paggalang sa Diyos at sa kaniyang espirituwal na mga paglalaan. Sa pamamagitan ng pagdalo, ipinakikita natin na may takot tayo sa kaniyang pangalan at sabik na sundin ang kaniyang kalooban. (Hebreo 10:24, 25) Ipinaliwanag ng ikalawang tagapagsalita na upang ang kongregasyon sa kabuuan ay lumakad sa pagkatakot kay Jehova, dapat gampanan ng bawat isa ang kaniyang bahagi sa pagpapanatili ng mainam na paggawi. Nagpahayag ang huling tagapagsalita tungkol sa isang pribilehiyo at tungkulin na taglay ng lahat ng Kristiyano—ang ipahayag ang mabuting balita nang walang-humpay. Hanggang kailan tayo patuloy na mangangaral? Hanggang sabihin ni Jehova na tama na.—Isaias 6:11.
“Ang Kagalakan Kay Jehova Ay Inyong Moog” ang siyang tema ng sumunod na pahayag, na tinalakay ngayon sa mga araling artikulo sa magasing ito. (Nehemias 8:10) Bakit nagagalak ang bayan ni Jehova? Binalangkas ng tagapagsalita ang ilang dahilan. Isang mahalagang dahilan ay na ang isang matalik na kaugnayan sa Diyos ay gumagawa sa atin na pinakamasayang bayan sa lupa. Isip-isipin lamang, ang paalaala ng tagapagsalita sa mga kombensiyonista, taglay natin ang pribilehiyo na makabilang sa bayan na inilapit ni Jehova kay Jesu-Kristo. (Juan 6:44) Anong tibay na dahilan nga upang magalak!
Tampok sa bawat kombensiyon ang bautismo, at gayundin naman sa “Maka-Diyos na Takot” na mga Kombensiyon. Sa pahayag na “Pag-aalay at Bautismo na May Takot kay Jehova,” ipinaliwanag ng tagapagsalita na may apat na bahagi ang personal na obligasyon ng lahat na bautisado: (1) Kailangang pag-aralan natin ang Salita ng Diyos sa tulong ng mga publikasyong makatutulong sa ating maunawaan at maikapit iyon; (2) kailangan tayong manalangin; (3) kailangan tayong makisama sa mga kapananampalataya sa mga pulong sa kongregasyon; at (4) kailangan tayong magpatotoo sa pangalan at Kaharian ni Jehova.
Nagsimula ang programa para sa Sabado ng hapon sa isang nakaaaliw na paksang “Isang Bayan na Di-Pinabayaan ni Jehova.” Tatlumpu’t limang siglo na ang nakalilipas, nang mapaharap sa mahihirap na panahon ang bansang Israel, nagbigay si Jehova ng garantiya sa pamamagitan ni Moises, na nagsasabi: “Si Jehova na inyong Diyos . . . hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man nang lubusan.” (Deuteronomio 31:6) Pinatunayan ni Jehova ang garantiyang iyan sa pamamagitan ng pagsasanggalang sa mga Israelita nang pumasok sila sa Lupang Pangako at nanahan doon. Sa ngayon, kapag nakaharap sa mahihirap na pagsubok, tayo man ay lubusang makapagtitiwala na hindi tayo pababayaan ni Jehova, kung mananatili tayong malapit sa kaniya at susundin ang payo ng kaniyang Salita.
Papaano kayo masisiyahan sa pagbabasa ng Bibliya? Sa pahayag na “Basahin ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, sa Araw-Araw,” iminungkahi ng tagapagsalita ang pagbabasa taglay ang mapanuring kaisipan at nagbabangon ng mga tanong gaya nito: Ano ang itinuturo sa akin ng salaysay na ito tungkol sa mga katangian at paraan ni Jehova? Papaano ako lalong magiging kagaya ni Jehova sa mga bagay na ito? Isang nakalulugod at kasiya-siyang karanasan ang pagbabasa ng Bibliya sa ganitong paraan.
Sumunod na inakay ang pansin sa ikatlong simposyum ng programa, “Mga Paglalaan Upang Matulungan Yaong Natatakot kay Jehova.” Bagaman maaaring hindi gumawa ng mga himala si Jehova alang-alang sa kaniyang mga lingkod sa ngayon, tiyak na siya’y tumutulong sa mga natatakot sa kaniya. (2 Pedro 2:9) Isinaalang-alang ng simposyum na ito ang apat na mga paglalaan buhat kay Jehova upang matulungan tayo sa mapanganib na mga panahong ito: (1) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, binibigyang-kapangyarihan tayo ni Jehova upang magampanan ang gawain nang higit pa sa ating sariling lakas. (2) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, naglalaan siya ng payo at patnubay para sa atin. (3) Sa pamamagitan ng pantubos, pinagkakalooban niya tayo ng isang malinis na budhi. (4) Sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, kasali na ang matatanda, naglalaan siya sa atin ng patnubay at proteksiyon. (Lucas 11:13; Efeso 1:7; 2 Timoteo 3:16; Hebreo 13:17) Sa pamamagitan ng lubusang paggamit ng mga paglalaang ito, makapagtitiis tayo at sa gayo’y makakamit ang pagsang-ayon ni Jehova.
Ang huling pahayag noong Sabado ng hapon ay pinamagatang “Malapit Na ang Kakila-kilabot na Araw ni Jehova,” batay sa hula ni Malakias. Nagkaroon na ng kakila-kilabot na mga araw sa kasaysayan, gaya noong isinagawa ang hatol sa Jerusalem noon 70 C.E. Subalit ang pinakakakila-kilabot na araw na mararanasan ng tao ay ang dumarating na araw ni Jehova kapag ‘dinala na ang paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.’ (2 Tesalonica 1:6-8) Gaano na kalapit iyan? Sabi ng tagapagsalita: “Malapit na ang wakas! Alam ni Jehova ang araw at oras na iyon. Hindi niya babaguhin ang kaniyang talaorasan. Tayo’y tinatawagan upang matiyagang magtiis.”
Mahirap paniwalaan na dalawang araw na ang nagdaan. Ano kaya ang idudulot ng huling araw?
“Matakot Kayo sa Diyos at Magbigay sa Kaniya ng Kaluwalhatian”
Ang tema ng ikatlong araw ay salig sa Apocalipsis 14:7. Sa programa sa umaga, itinampok sa sunud-sunod na mga pahayag ang ilan sa mga doktrina na nagtatangi sa mga Saksi ni Jehova buhat sa lahat ng iba pang organisasyong relihiyoso.
Sa pahayag na “Magkakaroon ng Pagkabuhay-muli ng mga Matuwid,” ang tagapagsalita ay nagbangon ng isang nakapupukaw na tanong: “Sa panahong iyan ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom, kailan bubuhaying-muli yaong mga namatay na tapat sa mga huling taóng ito ng sistema ni Satanas?” Ang sagot? “Hindi sinasabi ng Bibliya,” ang paliwanag ng tagapagsalita. “Gayunman, hindi ba makatuwiran na yaong nangamatay sa ating kapanahunan ang bubuhaying-muli nang mas maaga upang makibahagi sa malaking pulutong ng mga nakaligtas sa Armagedon sa isang napakalaking gawaing pagtuturo na isasagawa hanggang sa katapusan ng Araw ng Paghuhukom? Oo, talagang makatuwiran!” Mayroon bang mga makaliligtas? Tiyak na mayroon. Ang mga turo ng Bibliya at mga halimbawa na tumitiyak sa atin nito ay malinaw na ipinaliwanag sa sumunod na pahayag, “Iniligtas na Buháy sa Panahon ng Malaking Kapighatian.”
Matagal nang nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na inihaharap ng Bibliya ang dalawang kahihinatnan—walang-hanggang buhay sa lupa para sa milyun-milyon at walang-kamatayang buhay sa langit para sa isang limitadong bilang na maghahari kasama ni Kristo sa kaniyang Kaharian. Ang makalangit na pag-asang iyan ay tinalakay sa pahayag na “Huwag Kang Matakot, Munting Kawan.” (Lucas 12:32) Dahil sa kasalukuyang kalagayan sa daigdig, dapat na walang-takot ang munting kawan; bawat isa sa kanila ay kailangang magbata hanggang sa wakas. (Lucas 21:19) “Ang kanilang kawalang-takot,” sabi ng tagapagsalita, “ay nagsisilbing pampatibay-loob sa mga kabilang sa malaking pulutong. Dapat din nilang linangin ang saloobin ng kawalang-takot habang hinihintay nila ang kaligtasan sa pinakamatinding panahon ng kaguluhan na mararanasan sa lupa.”
Sa pagtatapos ng programa sa umaga, ang mga naroroon ay nakapanood nang may kasiyahan sa drama sa Bibliya na Ang mga Pagpapasiyang Napapaharap sa Inyo. Noong panahon ni Josue, at gayundin ni propeta Elias, ang mga Israelita ay kinailangang magpasiya. Kailangang sila’y mamili. Sinabi ni Elias: “Hanggang kailan kayo magpapaika-ika sa dalawang magkaibang palagay? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.” (1 Hari 18:21) Ang sangkatauhan din naman sa ngayon ay kailangang magpasiya. Hindi ito ang panahon para magpaikâ-ikâ sa dalawang magkaibang palagay. Ano ang dapat piliin? Yaong kagaya ng pinili ni Josue noong una. Sinabi niya: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, kami’y maglilingkod kay Jehova.”—Josue 24:15.
Waring biglang-bigla ay Linggo na ng hapon at panahon na para sa pahayag pangmadla na pinamagatang “Bakit Katatakutan ang Tunay na Diyos Ngayon.” Sa Apocalipsis 14:6, 7, hinihimok ang lahat ng tao: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” Bakit kailangang-kailangan na matakot sa Diyos ngayon? Sapagkat, gaya ng sinasabi ng kasulatan, “ang oras ng paghatol niya ay dumating na.” Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, na ngayo’y nakaluklok na bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, wawakasan ni Jehova ang kasalukuyang di-malinis, mapaghimagsik na sistema ng mga bagay. Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ito lamang ang tanging paraan upang magdulot ng kaginhawahan sa mga may takot sa Diyos gayundin upang sagipin at ingatan ang ating lupang tahanan. Yamang ito ang pangwakas na mga araw ng sistemang ito ng mga bagay, kailangang matakot tayo sa tunay na Diyos ngayon!
Pagkatapos ng sumaryo ng aralin sa Bantayan para sa linggong iyon, umakyat sa entablado ang huling tagapagsalita. Bilang resulta ng programa sa kombensiyon, ang maka-Diyos na takot ay nagkaroon ng higit na malawak na kahulugan para sa mga kombensiyonista, ang paliwanag niya. Idiniin niya na nakikinabang nang malaki yaong mga may takot sa Diyos. Ipinatalastas ng tagapagsalita ang paglalabas ng bagong video—United by Divine Teaching. Itinatampok nito ang pambihirang mga katangian ng “Banal na Pagtuturo” na Internasyonal na mga Kombensiyong ginanap noong 1993-94. Habang patapos na ang pahayag, marami ang nag-isip, ‘Ano ang maaasahan natin sa susunod na taon?’ Tatlong-araw na pandistritong mga kombensiyon sa maraming lugar.
Bilang konklusyon, binanggit ng tagapagsalita ang Malakias 3:16, na nagsasabi: “Nang panahong iyon silang natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan sa isa’t isa, bawat isa sa kaniyang kasama, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” Ang mga kombensiyonista ay nagsiuwi taglay ang malinaw na determinasyon na isaisip ang pangalan ni Jehova at paglingkuran siya taglay ang maka-Diyos na takot.
[Larawan sa pahina 24]
Kailangang patuloy na magpamalas ng maka-Diyos na takot ang mga kandidato sa bautismo
[Larawan sa pahina 25]
Ikinintal sa mga tagapakinig ng dramang “Ang mga Pagpapasiyang Napapaharap sa Inyo” ang pangangailangang maging desidido tungkol sa paglilingkod kay Jehova
[Larawan sa pahina 26]
Nalulugod ang mga kombensiyonista na tanggapin ang bagong brosyur na “Kapag Namatay ang Iyong Minamahal”