Matutong Makasumpong ng Kasiyahan sa Pagkatakot kay Jehova
“Halikayo, mga anak na lalaki, makinig kayo sa akin; ang pagkatakot kay Jehova ang siyang ituturo ko sa inyo.”—AWIT 34:11.
1. Papaano papawiin ng Kaharian ng Diyos ang takot, ngunit iyan ba’y nangangahulugang lahat ng takot?
ANG mga tao saanman ay nananabik na makalaya sa takot—takot sa krimen at karahasan, takot sa kawalan ng trabaho, takot sa malubhang karamdaman. Kay dakilang araw niyaon kapag ang kalayaang iyan ay natupad na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos! (Isaias 33:24; 65:21-23; Mikas 4:4) Gayunman, hindi naman lahat ng takot ay mapapawi sa panahong iyon, ni hindi natin dapat hangarin na alisin ang lahat ng takot sa ating buhay sa ngayon. May pagkatakot na mabuti at pagkatakot na masama.
2. (a) Anong uri ng pagkatakot ang masama, at anong uri naman ang kanais-nais? (b) Ano ang maka-Diyos na takot, at papaano iyan ipinakikita ng binanggit na mga kasulatan?
2 Ang takot ay maaaring maging isang lason sa pag-iisip, anupat napaparalisa ang kakayahan ng isang tao na mangatuwiran. Pinarurupok nito ang tibay ng loob at sinisira ang pag-asa. Ang gayong pagkatakot ay maaaring maranasan ng isa na pinagbabantaan ng kaaway sa pisikal na paraan. (Jeremias 51:30) Ito’y maaaring maranasan ng isa na labis na nagpapahalaga na paburan ng ilang maimpluwensiyang mga tao. (Kawikaan 29:25) Ngunit mayroon din namang pagkatakot na kapaki-pakinabang, yaong uri na pipigil sa atin sa paggawa ng anumang bagay na padalus-dalos, ng makapipinsala sa ating sarili. Higit pa sa riyan ang nasasangkot sa maka-Diyos na takot. Iyon ay ang pagkasindak kay Jehova, isang taimtim na pagpipitagan sa kaniya, katambal ng isang kapaki-pakinabang na takot na hindi siya mapaluguran. (Awit 89:7) Ang takot na ito na hindi mapaluguran ang Diyos ay nagmumula sa pagpapahalaga sa kaniyang maibiging-kabaitan at kabutihan. (Awit 5:7; Oseas 3:5) Saklaw rin nito ang kabatiran na si Jehova ang Kataas-taasang Hukom at ang Makapangyarihan-sa-lahat, na may kapangyarihang magpataw ng parusa, maging ng kamatayan, doon sa mga ayaw sumunod sa kaniya.—Roma 14:10-12.
3. Papaano nagkakaiba ang pagkatakot kay Jehova at yaong may kaugnayan sa ilang paganong mga bathala?
3 Ang maka-Diyos na takot ay kapaki-pakinabang, hindi nakasasama. Hinihimok nito ang isa na maging matatag sa kung ano ang tama, anupat hindi makikipagkompromiso sa pamamagitan ng paggawa ng mali. Hindi ito katulad ng pagkatakot may kaugnayan sa sinaunang Griegong bathala na si Phobos, na inilalarawan bilang isang masamang diyos na pumupukaw ng kakilabutan. At ito’y hindi gaya ng pagkatakot may kaugnayan sa Hindung bathaluman na si Kali, na kung minsan ay inilalarawan bilang uhaw-sa-dugo, na gumagamit ng mga bangkay, mga ahas, at mga bungo bilang palamuti. Ang maka-Diyos na takot ay bumibighani; hindi nagtataboy. Ito’y binibigkisan ng pag-ibig at pagpapahalaga. Kaya nga, ang maka-Diyos na takot ay naglalapit sa atin kay Jehova.—Deuteronomio 10:12, 13; Awit 2:11.
Kung Bakit ang Ilan ay Mayroon Nito at ang Iba Naman ay Wala
4. Gaya ng inilarawan ni apostol Pablo, sa anong kalagayan humantong ang sangkatauhan, at ano ang dahilan nito?
4 Ang sangkatauhan sa kabuuan ay hindi nauudyukan ng katangian ng maka-Diyos na takot. Sa Roma 3:9-18, inilalarawan ni apostol Pablo kung gaano na kalayo ang mga tao sa orihinal na kasakdalan. Pagkasabi na lahat ay nasa ilalim ng kasalanan, sumipi si Pablo mula sa Mga Awit, na nagsasabi: “Walang sinuman ang gumagawa ng mabuti, wala isa man.” (Tingnan ang Awit 14:1.) Pagkatapos ay naglaan siya ng mga detalye sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga bagay na gaya ng pagpapabaya ng sangkatauhan sa paghahanap sa Diyos, ng kanilang kawalan ng kabaitan, ng kanilang pagsisinungaling, panunungayaw, at pagbububo ng dugo. Talaga namang tamang-tama iyan sa paglalarawan sa sanlibutan sa ngayon! Karamihan sa mga tao ay hindi interesado sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Anumang anyo ng tila kabaitan ay napakadalas na nakareserba para sa mga okasyon na mula rito’y may pakikinabangin. Ang pagsisinungaling at mahalay na pananalita ay palasak. Ang pagbububo ng dugo ay itinatampok hindi lamang sa mga balita kundi maging sa mga libangan. Ano ang dahilan ng ganitong kalagayan? Totoo na tayong lahat ay mga inapo ng makasalanang si Adan, ngunit kapag isinasagawa ng mga tao bilang paraan ng pamumuhay ang mga bagay na inilarawan ni apostol Pablo, higit pa sa riyan ang nasasangkot. Ipinaliliwanag iyon ng Rom 3 talata 18, sa pagsasabi: “Walang takot sa Diyos sa harap ng kanilang mga mata.”—Tingnan ang Awit 36:1.
5. Bakit ang ilang tao ay may maka-Diyos na takot, samantalang ang iba naman ay wala?
5 Gayunman, bakit ang ilang tao ay may maka-Diyos na takot, samantalang ang iba naman ay wala? Sa simpleng pananalita, iyon ay dahilan sa nililinang ito ng ilang tao, samantalang ang iba ay hindi. Walang isa man sa atin ang ipinanganak na taglay ito, subalit lahat tayo’y may kakayahan para rito. Ang maka-Diyos na takot ay isang bagay na dapat nating matutuhan. Pagkatapos, upang ito’y maging isang makapangyarihang lakas na nag-uudyok sa ating buhay, kailangan nating linangin ito.
Isang Kaakit-akit na Paanyaya
6. Sino ang nagpapaabot sa atin ng paanyayang nakaulat sa Awit 34:11, at papaano ipinakikita ng tekstong ito na dapat matutuhan ang maka-Diyos na takot?
6 Ang kaakit-akit na paanyaya na matutong matakot kay Jehova ay ipinaaabot sa atin sa Awit 34. Ito’y isang awit ni David. At sino ang inilarawan ni David? Walang iba kundi ang Panginoong si Jesu-Kristo. Ang isang hula na tiyakang ikinapit ni apostol Juan kay Jesus ay nakaulat sa Aw 34 talatang 20 ng awit na ito. (Juan 19:36) Sa ating kaarawan, si Jesus ang siyang nagpapaabot ng paanyayang gaya niyaong nasa Aw 34 talatang 11: “Magsiparito kayo, mga anak, makinig kayo sa akin; ang pagkatakot kay Jehova ang siyang ituturo ko sa inyo.” Maliwanag na ipinakikita nito na ang maka-Diyos na takot ay isang bagay na maaaring matutuhan, at si Jesu-Kristo ang pinakakuwalipikadong magturo sa atin. Bakit gayon?
7. Bakit si Jesus lalo na ang isa na dapat pagmulan ng pagkatuto ng maka-Diyos na takot?
7 Alam ni Jesu-Kristo ang kahalagahan ng maka-Diyos na takot. Ganito ang sinasabi ng Hebreo 5:7 tungkol sa kaniya: “Nang mga araw ng kaniyang laman ay naghandog si Kristo ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan, na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at pinakinggan siya nang may pagsang-ayon dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.” Ang gayong maka-Diyos na takot ay isang katangiang ipinamalas ni Jesu-Kristo kahit bago pa man siya napaharap sa kamatayan sa isang pahirapang tulos. Tandaan, sa Kawikaan kabanata 8, ang Anak ng Diyos ay inilarawan bilang ang personipikasyon ng karunungan. At sa Kawikaan 9:10, sa atin ay sinabi: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” Kaya nga ang maka-Diyos na takot na ito ay isang napakahalagang bahagi ng personalidad ng Anak ng Diyos kahit noong bago pa man siya bumaba sa lupa.
8. Sa Isaias 11:2, 3, ano ang ating natututuhan tungkol sa pagkatakot kay Jehova?
8 Isa pa, may kinalaman sa pagiging Mesianikong Hari ni Jesus, ganito ang sabi ng Isaias 11:2, 3: “Sa kaniya ang espiritu ni Jehova ay lalapag, ang espiritu ng karunungan at ng pagkaunawa, ang espiritu ng payo at ng kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at ng takot kay Jehova; at siya’y magkakaroon ng kasiyahan sa takot kay Jehova.” Anong ganda ng pagkakapahayag nito! Ang pagkatakot kay Jehova ay pawang kaluguran. Ito’y kapaki-pakinabang at nakatutulong. Ito’y isang katangian na mamamayani sa buong nasasakupan na doo’y si Kristo ang namamahala bilang Hari. Siya’y naghahari na ngayon, at sa lahat ng mga tinitipon bilang kaniyang mga sakop, siya’y nagbibigay ng mga tagubilin sa pagkatakot kay Jehova. Papaano?
9. Papaano tayo tinuturuan ni Jesu-Kristo ng pagkatakot kay Jehova, at ano ang ibig niyang matutuhan natin tungkol dito?
9 Sa pamamagitan ng ating mga pulong sa kongregasyon, mga asamblea, at mga kombensiyon, si Jesus, bilang inatasang Ulo ng kongregasyon at bilang ang Mesianikong Hari, ay tumutulong sa atin upang maunawaang mabuti kung ano ang maka-Diyos na takot at kung bakit ito totoong kapaki-pakinabang. Kaya nga siya’y nagsisikap na palalimin ang ating pagpapahalaga rito nang sa gayon ay matututo tayong makasumpong ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova na gaya niya.
Pagsisikapan Mo Ba?
10. Kapag dumadalo sa mga pulong Kristiyano, ano ang dapat nating gawin upang maunawaan ang pagkatakot kay Jehova?
10 Mangyari pa, ang ating basta pagbabasa ng Bibliya o pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ay hindi makagagarantiya na tayo’y magkakaroon ng maka-Diyos na takot. Pansinin ang kinakailangan nating gawin upang maunawaan nating talaga ang pagkatakot kay Jehova. Ang Kawikaan 2:1-5 ay nagsasabi: “Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita at pakaiingatan mo ang aking sariling mga utos, upang magbigay-pansin ka sa karunungan taglay ang iyong pakinig, upang ang iyong puso ay maihilig mo sa pag-unawa; kung, bukod doon, hihingi ka ng unawa mismo at itataas mo ang iyong tinig sa paghingi ng kaunawaan mismo, kung patuloy mo itong hahanapin na parang pilak, at patuloy na sasaliksikin mo ito na parang kayamanang natatago, kung magkagayo’y mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.” Kaya kapag dumadalo sa mga pulong, dapat tayong magbigay-pansin sa mga sinasabi, magsikap na pagbuhusan ng isip at tandaan ang mahahalagang idea, pag-isipang mabuti kung papaanong ang ating damdamin kay Jehova ay dapat makaimpluwensiya sa ating saloobin sa ibinibigay na payo—oo, buksan natin ang ating mga puso. Kung gayon ay mauunawaan natin ang pagkatakot kay Jehova.
11. Upang malinang ang maka-Diyos na takot, ano ang dapat nating gawin nang taimtim at madalas?
11 Inaakay ng Awit 86:11 ang pansin sa isa pang mahalagang salik, ang panalangin. “Turuan mo ako, O Jehova, tungkol sa iyong daan. Ako ay lalakad sa iyong katotohanan,” ang panalangin ng salmista. “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” Sinang-ayunan ni Jehova ang panalanging iyan, sapagkat ipinasulat niya iyan sa Bibliya. Upang malinang ang maka-Diyos na takot, kailangan din tayong manalangin kay Jehova para sa kaniyang tulong, at tayo’y makikinabang sa pamamagitan ng taimtim at madalas na pananalangin.—Lucas 18:1-8.
Sangkot ang Iyong Puso
12. Bakit dapat bigyan ng pantanging pansin ang puso, at ano ang lakip dito?
12 Mayroon pang isang bagay na dapat nating pansinin sa Awit 86:11. Ang salmista ay hindi lamang humihiling ng pagkaunawa sa pagkatakot sa Diyos. Binabanggit din niya ang kaniyang puso. Ang paglilinang ng maka-Diyos na takot ay nagsasangkot sa makasagisag na puso, na nangangailangan ng pantanging pansin sapagkat iyon ang pagkataong nasa loob gaya ng namamalas sa lahat ng ating ginagawa sa buhay at naglalakip ng ating mga pag-iisip, ng ating saloobin, ng ating hangarin, ng ating motibo, ng ating mga tunguhin.
13. (a) Ano ang magpapahiwatig na ang puso ng isang tao ay nahahati? (b) Habang nililinang natin ang maka-Diyos na takot, sa anong tunguhin tayo dapat magsumikap?
13 Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya na ang puso ng tao ay maaaring mahati. Ito’y maaaring maging mapandaya. (Awit 12:2; Jeremias 17:9) Maaaring himukin tayo nito na makibahagi sa kapaki-pakinabang na mga gawain—pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon at paglabas sa ministeryo sa larangan—ngunit maaari rin namang masiyahan ito sa ilang bahagi ng pamumuhay ng sanlibutan. Ito’y maaaring makapigil sa atin sa pagiging tunay na buong-kaluluwa sa pagtataguyod ng mga kapakanang pang-Kaharian. Sa gayon ay susubukin ng mapandayang puso na mahimok tayo na, tutal, ang ginagawa nati’y ginagawa rin naman ng marami. O baka sa paaralan o sa lugar na ating pinagtatrabahuhan, ang puso’y maimpluwensiyahan ng takot sa tao. Bilang resulta, sa mga kapaligirang iyon ay baka mag-atubili tayong ipakilala ang ating sarili bilang mga Saksi ni Jehova at baka makagawa pa nga ng mga bagay na hindi angkop para sa mga Kristiyano. Gayunman, pagkaraan ay binabagabag naman tayo ng ating budhi. Ayaw nating maging gayong uri ng tao. Sa gayon, kasama ng salmista ay nananalangin tayo kay Jehova: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.” Ibig natin na ang ating buong pagkataong nasa loob, gaya ng mamamalas sa lahat ng ating mga gawain sa buhay, ay magpatunay na tayo’y ‘natatakot sa tunay na Diyos at sumusunod sa kaniyang mga utos.’—Eclesiastes 12:13.
14, 15. (a) Nang inihuhula ang pagsasauli ng Israel mula sa pagkabihag sa Babilonya, ano ang ipinangako ni Jehova na ibibigay niya sa kaniyang bayan? (b) Ano ang ginawa ni Jehova sa layuning maitanim sa puso ng kaniyang bayan ang pagkatakot sa Diyos? (c) Bakit humiwalay ang Israel sa mga daan ni Jehova?
14 Nangako si Jehova na magbibigay siya sa kaniyang bayan ng gayong may-takot-sa-Diyos na puso. Inihula niya ang pagsasauli ng Israel at sinabi, gaya ng mababasa natin sa Jeremias 32:37-39: “Dadalhin ko silang muli sa dakong ito at patatahaning tiwasay. At sila’y tiyak na magiging aking bayan, at ako mismo ay magiging kanilang Diyos. At bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan upang sila’y palagiang matakot sa akin, sa ikabubuti nila at ng kanilang mga anak pagkatapos nila.” Sa Jer 32 talatang 40, pinatibay ang pangako ng Diyos: “Ang takot sa akin ay ilalagay ko sa kanilang puso upang huwag silang humiwalay sa akin.” Noong 537 B.C.E., ibinalik nga sila ni Jehova sa Jerusalem gaya ng ipinangako niya. Ngunit kumusta naman ang iba pang bahagi ng pangakong iyan—na bibigyan niya sila ng ‘isang puso upang sila’y palagiang matakot sa kaniya’? Bakit humiwalay pa rin kay Jehova ang sinaunang bansang Israel pagkatapos na ibalik sila mula sa Babilonya, kung kaya ang kanilang templo ay nawasak noong 70 C.E., anupat hindi na kailanman maitatayong-muli?
15 Ito’y hindi dahil sa anumang kabiguan sa bahagi ni Jehova. Tunay namang gumawa si Jehova ng mga hakbang upang ilagay sa puso ng kaniyang bayan ang pagkatakot sa Diyos. Sa pamamagitan ng awang ipinakita niya sa pagliligtas sa kanila mula sa Babilonya at pagsasauli sa kanila sa kanilang bayang-tinubuan, binigyan niya sila ng lahat ng dahilan upang malasin siya taglay ang taimtim na pagpipitagan. Pinatibay ng Diyos ang lahat ng iyon taglay ang pagpapaalaala, payo, at pagsaway sa pamamagitan ng mga propetang sina Hagai, Zacarias, at Malakias; sa pamamagitan ni Ezra, na isinugo sa kanila bilang guro; sa pamamagitan ni Gobernador Nehemias; at sa pamamagitan ng Anak mismo ng Diyos. Nakikinig naman paminsan-minsan ang mga tao. Ginawa nila iyon nang muli nilang itayo ang templo ni Jehova sa udyok nina Hagai at Zacarias at nang magpalayas sila ng mga asawang taga ibang bayan noong mga kaarawan ni Ezra. (Ezra 5:1, 2; 10:1-4) Subalit mas madalas na hindi sila sumunod. Hindi sila parating nagbibigay-pansin; hindi sila nagpatuloy na maging handang tumanggap ng payo; hindi nila patuloy na binuksan ang kanilang mga puso. Hindi nilinang ng mga Israelita ang maka-Diyos na takot, at bilang resulta, hindi ito naging isang makapangyarihang lakas na nag-uudyok sa kanilang buhay.—Malakias 1:6; Mateo 15:7, 8.
16. Sa kaninong mga puso itinanim ni Jehova ang maka-Diyos na takot?
16 Gayunman, ang pangako ng Diyos na ilalagay niya ang maka-Diyos na takot sa puso ng kaniyang bayan ay hindi nabigo. Gumawa siya ng isang bagong tipan sa espirituwal na Israel, yaong mga Kristiyano na sa kanila’y inialok ang isang makalangit na pag-asa. (Jeremias 31:33; Galacia 6:16) Noong 1919, ibinalik sila ng Diyos mula sa pagkabilanggo sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sa kanilang mga puso’y itinanim niya ang pagkatakot sa kaniya. Ito’y nagdala ng malaking kapakinabangan para sa kanila at sa “malaking pulutong,” na may pag-asa ng buhay bilang makalupang mga sakop ng Kaharian. (Jeremias 32:39; Apocalipsis 7:9) Ang pagkatakot kay Jehova ay napasakanilang mga puso rin.
Kung Papaano Naitatanim sa Ating Puso ang Maka-Diyos na Takot
17. Papaano naitatanim ni Jehova ang maka-Diyos na takot sa ating mga puso?
17 Papaano naitatanim ni Jehova ang maka-Diyos na takot na ito sa ating puso? Sa pamamagitan ng pagkilos ng kaniyang espiritu. At ano ang taglay natin na siyang bunga ng banal na espiritu? Ang Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16, 17) Sa pamamagitan ng kaniyang nagawa noon, sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang mga lingkod ngayon bilang katuparan ng kaniyang makahulang Salita, at sa mga hula ng mga bagay na darating, si Jehova ay naglalaan ng isang tumpak na saligan para sa ating lahat upang magkaroon ng maka-Diyos na takot.—Josue 24:2-15; Hebreo 10:30, 31.
18, 19. Papaano tumutulong sa atin ang mga kombensiyon, asamblea, at mga pulong sa kongregasyon upang matamo ang maka-Diyos na takot?
18 Kapansin-pansin na, gaya ng napaulat sa Deuteronomio 4:10, sinabi ni Jehova kay Moises: “Pisanin mo ang bayan sa akin upang hayaang marinig nila ang aking salita, upang sila’y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw na sila’y nabubuhay sa ibabaw ng lupa at upang maituro nila sa kanilang mga anak.” Gayundin sa ngayon, gumagawa si Jehova ng saganang paglalaan upang tulungan ang kaniyang bayan na matutong matakot sa kaniya. Sa mga kombensiyon, asamblea, at mga pulong sa kongregasyon, isinasaysay natin ang katibayan ng maibiging-kabaitan at kabutihan ni Jehova. Iyan ang ating ginagawa kapag pinag-aaralan natin ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Papaano nakaapekto sa iyo at sa iyong saloobin kay Jehova ang pag-aaral na iyan? Nang makita mo ang iba’t ibang pitak ng dakilang personalidad ng ating makalangit na Ama na naaninag sa kaniyang Anak, hindi ba ito nakapagpatibay sa iyong pagnanais na huwag kailanman maging di-nakalulugod sa Diyos?—Colosas 1:15.
19 Sa ating mga pulong, pinag-aaralan din natin ang mga ulat ng pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan noong nakaraang mga panahon. (2 Samuel 7:23) Habang pinag-aaralan natin ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis sa tulong ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, natututuhan natin ang tungkol sa makahulang mga pangitain na natupad na sa ika-20 siglong ito at ang kakila-kilabot na mga pangyayari na darating pa. Tungkol sa lahat ng gayong mga gawa ng Diyos, ganito ang sabi ng Awit 66:5: “Halikayong mga tao, at tingnan ang mga gawa ng Diyos. Ang kaniyang pakikitungo sa mga anak ng tao ay kakila-kilabot.” Oo, kapag minalas nang wasto, ang mga gawang ito ng Diyos ay nagtatanim sa ating mga puso ng pagkatakot kay Jehova, isang taimtim na pagpipitagan. Samakatuwid ay nakikita natin kung papaano tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako: “Ang takot sa akin ay ilalagay ko sa kanilang puso upang huwag silang humiwalay sa akin.”—Jeremias 32:40.
20. Upang malalim na maitanim sa ating mga puso ang maka-Diyos na takot, ano ang kinakailangan sa ating bahagi?
20 Gayunman, maliwanag na ang maka-Diyos na takot ay hindi mapasasaating puso nang walang pagsisikap sa ating bahagi. Ang mga resulta ay hindi awtomatiko. Ginagawa ni Jehova ang kaniyang bahagi. Dapat naman nating gawin ang sa atin sa pamamagitan ng paglilinang ng maka-Diyos na takot. (Deuteronomio 5:29) Nabigo ang likas na Israel na gawin iyan. Ngunit taglay ang pagtitiwala kay Jehova, ang espirituwal na mga Israelita at ang kanilang mga kasama ay nagtatamasa na ng marami sa mga kapakinabangang dumarating sa mga may takot sa Diyos. Isasaalang-alang natin ang ilan sa mga kapakinabangang ito sa susunod na artikulo.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang maka-Diyos na takot?
◻ Papaano tayo tinuturuan upang makasumpong ng kasiyahan sa pagkatakot kay Jehova?
◻ Upang taglayin ang maka-Diyos na takot, anong pagsisikap ang kinakailangan sa ating bahagi?
◻ Bakit ang pagtatamo ng maka-Diyos na takot ay sumasaklaw sa lahat ng bahagi ng ating makasagisag na puso?
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Ang masikap na pag-aaral ay kinakailangan upang maunawaan ang pagkatakot kay Jehova