Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 3/15 p. 15-20
  • Mga Kapakinabangan ng Pagkatakot sa Tunay na Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kapakinabangan ng Pagkatakot sa Tunay na Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Karunungan​—Higit na Mahalaga Kaysa Ginto
  • Mag-ingat Laban sa Paggawa ng Kamalian
  • Proteksiyon Laban sa Panginginig sa mga Tao
  • Ang Pag-iingat sa Buhay
  • Matutong Makasumpong ng Kasiyahan sa Pagkatakot kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Pagkatakot sa Diyos—Mapapakinabangan Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Hubugin ang Iyong Puso Upang Matakot kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Matakot kay Jehova at Tuparin ang Kaniyang mga Utos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 3/15 p. 15-20

Mga Kapakinabangan ng Pagkatakot sa Tunay na Diyos

“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.”​—ISAIAS 48:17.

1. Anong mga kalamidad ang naiwasan sana sa pamamagitan ng maka-Diyos na takot?

KUNG nilinang lamang ni Adan ang maka-Diyos na takot, nakapigil sana iyon sa kaniya mula sa kasalanang umakay sa sarili niyang kamatayan magpakailanman at sa libu-libong taon ng pamimighati para sa kaniyang mga supling. Kung nakinig lamang ang sinaunang Israel sa payo ni Jehova na matakot sa kaniya at umibig sa kaniya, hindi sana nadalang bihag sa Babilonya ang bansang iyon, ni hindi sana nila tinanggihan ang Anak ng Diyos at nagkasala sa pagbububo ng kaniyang dugo. Kung ang sanlibutan sa ngayon ay natakot sa Diyos, hindi sana nagkaroon ng katiwalian sa pamahalaan o sa negosyo, walang krimen, walang digmaan.​—Kawikaan 3:7.

2. Sa kabila ng mga kalagayan sa sanlibutan na nakapalibot sa atin, bakit natin dapat linangin ang pagkatakot kay Jehova?

2 Gayunman, anuman ang ginagawa ng sanlibutan sa palibot natin, tayo bilang mga indibiduwal, bilang mga pamilya, at bilang mga kongregasyon ng mga lingkod ni Jehova ay maaaring makinabang mula sa paglilinang ng takot sa tunay na Diyos. Ito’y kasuwato ng paalaalang ibinigay ni Moises sa bansang Israel: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova na iyong Diyos kundi ang matakot kay Jehova na iyong Diyos, ang lumakad sa lahat ng kaniyang mga daan at ang ibigin siya at ang paglingkuran si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at buong kaluluwa mo; ang sundin ang mga utos ni Jehova . . . sa iyong ikabubuti?” (Deuteronomio 10:12, 13) Ano ang ilan sa mga kapakinabangang dumarating sa atin kapag natatakot tayo kay Jehova, ang tunay na Diyos?

Karunungan​—Higit na Mahalaga Kaysa Ginto

3. (a) Ano ang pangunahing kapakinabangan na maaari nating tanggapin? (b) Ano ang kahulugan ng Awit 111:10?

3 Ang pangunahing kapakinabangan ay ang tunay na karunungan. Ganito ang pahayag ng Awit 111:10: “Ang pagkatakot kay Jehova ay pasimula ng karunungan.” Ano ang kahulugan niyan? Ang karunungan ay ang kakayahang matagumpay na gamitin ang kaalaman upang malutas ang mga suliranin, makaiwas sa panganib, at makamit ang ilang mga tunguhin. Sangkot dito ang matinong pagpapasiya. Ang pasimula, ang unang bahagi, ang pundasyon ng gayong karunungan, ay ang pagkatakot kay Jehova. Bakit? Sapagkat ang lahat ng nilalang ay gawa ng kaniyang mga kamay. Ito’y umaasa sa kaniya. Pinagkalooban niya ang sangkatauhan ng malayang kalooban ngunit hindi ang kakayahang matagumpay na pangasiwaan ang kanilang sariling mga hakbang nang hiwalay sa kaniyang patnubay. (Josue 24:15; Jeremias 10:23) Magkakaroon lamang tayo ng namamalaging tagumpay kung pahahalagahan natin ang mga saligang katotohanang iyan tungkol sa buhay at mamumuhay ayon sa mga ito. Kung ang ating kaalaman tungkol kay Jehova ay nagbibigay sa atin ng di-natitinag na pananalig na ang kalooban ng Diyos ay tiyak na magtatagumpay at na ang kaniyang pangako at kakayahang gumanti sa katapatan ay tiyak, kung gayon ang maka-Diyos na takot ay mag-uudyok sa atin na kumilos nang may karunungan.​—Kawikaan 3:21-26; Hebreo 11:6.

4, 5. (a) Bakit ang edukasyon sa unibersidad ng isang kabataang lalaki ay hindi pa rin nagbigay sa kaniya ng tunay na karunungan? (b) Papaano nagtamo ng tunay na karunungan ang lalaking ito at ang kaniyang asawa, at sa anong paraan nabago nito ang kanilang buhay?

4 Isaalang-alang ang isang halimbawa. Mga ilang dekada na ang nakalilipas, isang kabataang lalaki ang pumasok sa Unibersidad ng Saskatchewan, sa Canada. Kasama sa kurikulum ang biyolohiya, at itinuro sa kaniya ang ebolusyon. Pagkatapos ng gradwasyon, nagpakadalubhasa siya sa atomic physics, anupat tumanggap ng iskolarsip upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Unibersidad ng Toronto. Sa kaniyang pag-aaral, nakita niya ang kahanga-hangang katibayan ng pagkakaayos at disenyo sa mga kayariang atomiko. Subalit hindi nabigyan ng kasagutan ang mga tanong na: Sino ang nagdisenyo sa lahat ng ito? Kailan? At bakit? Kung wala ang mga sagot na iyon, posible ba na magamit niya ang kaniyang kaalaman nang may karunungan sa isang daigdig na noo’y nagdidigmaan? Ano ang papatnubay sa kaniya? Nasyonalismo? Ang paghahangad sa materyal na mga gantimpala? Talaga nga bang natamo na niya ang tunay na karunungan?

5 Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang gradwasyon, ang kabataang lalaking iyan at ang kaniyang asawa ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Mula sa mismong Salita ng Diyos, nagsimulang makuha nila ang mga sagot na kanilang hinahanap noon. Nakilala nila ang Maylalang, ang Diyos na Jehova. Sa kanilang pag-aaral tungkol kay Moises sa Dagat na Pula at tungkol kay Daniel at sa kaniyang mga kasama sa Babilonya, natutuhan nila ang kahalagahan ng pagkatakot hindi sa tao kundi sa Diyos. (Exodo 14:10-31; Daniel 3:8-30) Ang maka-Diyos na takot na iyan katambal ng tunay na pag-ibig kay Jehova ay nagsimulang magpakilos sa kanila. Di-nagtagal at ang buong landasin ng kanilang buhay ay nabago. Sa wakas ay nakilala rin ng kabataang lalaking ito ang Isa na ang mga sariling gawa’y pinag-aralan niya sa biyolohiya. Nagsimulang maunawaan niya ang layunin ng Isa na ang karunungan ay nakita niyang naaaninag sa kaniyang pag-aaral ng pisika. Sa halip na gamitin niya ang kaniyang kaalaman sa paggawa ng mga instrumentong magpapahamak sa kaniyang kapuwa, siya at gayundin ang kaniyang asawa ay nagnais na matulungan ang iba na ibigin ang Diyos at ibigin ang kanilang kapuwa. Nagpatala sila sa buong-panahong paglilingkod bilang mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Pagkaraan, nag-aral sila sa Watchtower Bible School of Gilead at ipinadala bilang mga misyonero.

6. Kung taglay natin ang karunungang nakaugat sa pagkatakot kay Jehova, anong di-mahalagang pagsisikap ang dapat iwasan, at ano ang gagawin natin sa halip?

6 Mangyari pa, hindi lahat ay puwedeng maging misyonero. Subalit lahat tayo’y maaaring magtamasa ng karunungan na nakaugat sa pagkatakot kay Jehova. Kung lilinangin natin ang karunungang iyan, hindi tayo mananabik na pagbuhusan ng isip ang mga pilosopya ng tao na ang totoo’y nanghuhula lamang sa kung ano nga ba ang buhay. Pagbubutihin natin ang pag-aaral ng Bibliya, na kinasihan ng Pinagmumulan ng buhay, ang Diyos na Jehova, na siyang makapagbibigay sa atin ng buhay magpakailanman. (Awit 36:9; Colosas 2:8) Sa halip na maging mga alipin ng komersiyal na sistema na sa ganang sarili’y nasa bingit ng pagkawasak, susundin natin ang payo ni Jehova na maging kontento sa pagkain at pananamit, samantalang ginagawang pangunahing bagay sa ating buhay ang ating kaugnayan sa Diyos. (1 Timoteo 6:8-12) Sa halip na kumilos na para bang ang ating kinabukasan ay nakasalalay sa pagpapayaman sa sanlibutang ito, paniniwalaan natin ang sinasabi ng Salita ni Jehova sa pagsasabi nito sa atin na ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.​—1 Juan 2:17.

7. (a) Papaano tumutulong sa atin ang Kawikaan 16:16 upang magkaroon ng isang timbang na mga prinsipyo? (b) Anu-anong gantimpala ang dumarating kapag ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay ginagawa nating pinakasentro sa ating buhay?

7 Pinasisigla tayo ng Kawikaan 16:16 sa tapatang pagsasabi: “Ang pagkuha ng karunungan [ang karunungang nagsisimula sa pagkatakot kay Jehova] ay O anong buti kaysa sa ginto! At ang pagkuha ng kaunawaan ay dapat na piliin kaysa sa pilak.” Ang karunungan at kaunawaang iyan ay mag-uudyok sa atin na gawing pinakasentro sa ating buhay ang paggawa ng kalooban ng Diyos. At ano ang gawaing ipinagkatiwala ng Diyos sa kaniyang mga Saksi sa panahong ito ng kasaysayan ng tao? Ang pangangaral ng tungkol sa kaniyang Kaharian at pagtulong sa tapat-pusong mga tao na maging tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ito ang gawaing umaani ng mga gantimpala ng tunay na kasiyahan at ibayong kaligayahan. Kung gayon, taglay ang mabuting dahilan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan.”​—Kawikaan 3:13.

Mag-ingat Laban sa Paggawa ng Kamalian

8. (a) Sabihin ang ikalawang kapakinabangan na nagmumula sa pagkatakot sa Diyos. (b) Ano ang masama na mula rito’y iniingatan tayo? (c) Papaano nagiging isang makapangyarihang lakas na nag-uudyok ang maka-Diyos na takot?

8 Ang ikalawang kapakinabangan ng pagkatakot sa Diyos ay na tayo’y naiingatan laban sa paggawa ng masama. Yaong taimtim na gumagalang sa Diyos ay hindi nagpapasiya sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Hindi nila minamalas na masama ang sinasabi ng Diyos na mabuti, ni hindi itinuturing na mabuti ang mga bagay na sinasabi ng Diyos na masama. (Awit 37:1, 27; Isaias 5:20, 21) Isa pa, ang isang taong pinakikilos ng maka-Diyos na takot ay hindi tumitigil sa basta pag-alam lamang kung ano ang sinasabi ni Jehova na mabuti at kung ano ang sinasabi niya na masama. Ang taong iyon ay umiibig sa iniibig ni Jehova at namumuhi sa kinamumuhian ni Jehova. Bilang resulta, siya’y kumikilos ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Sa gayon, gaya ng sinasabi sa Kawikaan 16:6, “sa pagkatakot kay Jehova ay humihiwalay ang isa sa masama.” Ang maka-Diyos na takot na iyan ay nagiging isang makapangyarihang lakas na nag-uudyok upang magawa ang hindi kayang gawin ng tao kung sa kaniyang sariling lakas.

9. Papaanong ang matinding hangarin na mapaluguran ang Diyos ay nakaimpluwensiya sa pasiya ng babae sa Mexico, at ano ang naging resulta?

9 Kahit na nagsisimula pa lamang magkaroon ng maka-Diyos na takot ang isang tao, ito’y magpapatibay sa kaniya upang maiwasan ang paggawa ng isang bagay na kaniyang pagsisisihan habang siya’y nabubuhay. Halimbawa, tinanong ng isang nagdadalantaong babae sa Mexico ang isa sa mga Saksi ni Jehova tungkol sa aborsiyon. Binasa ng Saksi ang ilang kasulatan sa babae at pagkatapos ay nangatuwiran: “Para sa Maylalang, ang buhay ay napakahalaga, maging ang buhay niyaong hindi pa naipanganganak.” (Exodo 21:22, 23; Awit 139:13-16) Ipinahiwatig ng pagsusuri sa klinika na ang kaniyang anak ay maaaring maging abnormál. Ngunit ngayon, palibhasa’y naudyukan ng kaniyang nakita sa Salita ng Diyos, nagpasiya ang babae na isisilang niya ang kaniyang anak. Tumanggi ang kaniyang doktor na makipagkitang muli sa kaniya, at pinagbantaan siya ng kaniyang asawa na hihiwalayan siya, ngunit naging matatag siya. Dumating ang panahon, ipinanganak niya ang isang batang babae​—normál, malusog, at maganda. Dala ng pasasalamat, hinanap niya ang mga Saksi, at sila’y nagsimulang makipag-aral sa kaniya ng Salita ng Diyos. Sa loob ng isang taon, siya at ang kaniyang asawa ay nabautismuhan. Sa isang pandistritong kombensiyon pagkaraan ng ilang taon, tuwang-tuwa silang makitang muli ang unang Saksi at ipinakilala siya sa kanilang kaibig-ibig na apat-na-taóng-gulang na anak na babae. Ang nararapat na paggalang sa Diyos at ang isang matinding hangarin na mapaluguran siya ay tiyak na isang malakas na impluwensiya sa buhay ng isang tao.

10. Ang maka-Diyos na takot ay makapagpapatibay sa mga tao na makatakas sa paggawa ng anong uri ng kamalian?

10 Pinatitibay tayo ng maka-Diyos na takot laban sa isang malawak na antas ng paggawa ng kamalian. (2 Corinto 7:1) Kapag nalinang sa tamang paraan, ito’y makatutulong sa isang tao na tapusin na ang mga lihim na pagkakasala, na siya lamang at si Jehova ang nakaaalam. Ito’y makatutulong sa kaniya na makatakas sa pagkaalipin sa pang-aabuso sa alak o pang-aabuso sa droga. Isang dating nagumon sa droga sa Timog Aprika ang nagpaliwanag: “Sa aking pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos, nagkaroon din ako ng takot na masaktan siya o di-mapaluguran. Alam kong siya’y nakamasid, at ako’y nanabik na maging sinang-ayunan sa kaniyang paningin. Ito’y nag-udyok sa akin na alisin na ang mga drogang nasa akin sa pamamagitan ng pagpa-flush ng mga ito sa toilet.” Ang maka-Diyos na takot ay nakatulong sa libu-libo pa sa ganito ring paraan.​—Kawikaan 5:21; 15:3.

Proteksiyon Laban sa Panginginig sa mga Tao

11. Laban sa anong karaniwang bitag maipagsasanggalang tayo ng kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova?

11 Ang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa Diyos ay nagsasanggalang din sa atin laban sa pagkatakot sa tao. Ang karamihan ay pinahihirapan ng pagkatakot sa tao matindi man o di-gaano. Maging ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay umiwan sa kaniya at tumakas nang siya’y hulihin ng mga sundalo sa halamanan ng Getsemani. Pagkaraan, sa looban ng mataas na saserdote, palibhasa’y litó na at saklot ng takot, itinanggi ni Pedro na siya’y isa sa mga alagad ni Jesus at ni hindi raw niya ito kilala. (Marcos 14:48-50, 66-72; Juan 18:15-27) Subalit tinulungan ang mga apostol na mapanumbalik ang kanilang espirituwal na katatagan. Sa kabilang dako, sa mga kaarawan ni Haring Jehoiakim, si Urias na anak ni Semaias ay totoong natakot anupat iniwan niya ang kaniyang paglilingkod bilang propeta ni Jehova at tumakas ng bansa, para lamang mahuli at mapatay rin naman.​—Jeremias 26:20-23.

12. (a) Anong proteksiyon laban sa pagkatakot sa tao ang tinutukoy ng Kawikaan 29:25? (b) Papaano lumalaki ang pagtitiwala sa Diyos?

12 Ano ang makatutulong sa isang tao upang mapaglabanan ang pagkatakot sa tao? Pagkatapos na magbabalang “ang panginginig sa mga tao ang nagdadala ng silo,” idinaragdag pa ng Kawikaan 29:25: “Siyang tumitiwala kay Jehova ay iingatan.” Ang pagtitiwala kay Jehova ang susi. Ang gayong pagtitiwala ay batay sa kaalaman at karanasan. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, nakikita natin ang katibayan ng pagiging tama ng mga paraan ni Jehova. Nababatid natin ang mga pangyayaring nagpapakita ng kaniyang pagkamaaasahan, ang katiyakan ng kaniyang mga pangako (kasali na yaong pagkabuhay-muli), ang kaniyang pag-ibig at pinakamakapangyarihang lakas. Sa gayon kapag kumikilos tayo ayon sa kaalamang iyan, na ginagawa ang mga bagay na iniaatas ni Jehova at matatag na tinatanggihan ang bagay na mula rito’y pinag-iingat tayo, nagsisimula tayong makaranas mismo ng kaniyang maibiging pangangalaga at ng kaniyang pagkamaaasahan. Personal nating nakikita ang katibayan na ang kaniyang kapangyarihan ay kumikilos upang maganap ang kaniyang kalooban. Lumalaki ang ating pagtitiwala sa kaniya at, kasama nito, ang ating pag-ibig sa kaniya at ang ating matinding hangarin na iwasang di-makalugod sa kaniya. Ang pagtitiwalang iyan ay itinayo sa isang matibay na pundasyon. Ito’y nagsisilbing isang tanggulan laban sa pagkatakot sa tao.

13. Papaano nakatutulong sa atin ang maka-Diyos na takot sa ating pinapasukang trabaho, sa tahanan, at sa paaralan?

13 Ang ating pagtitiwala kay Jehova, katambal ng maka-Diyos na takot, ay magpapatatag sa atin sa kung ano ang tama kung tayo’y pagbabantaan ng pinagtatrabahuhan na aalisin sa ating trabaho dahil sa pagtangging makibahagi sa mga pagdaraya sa negosyo. (Ihambing ang Mikas 6:11, 12.) Ang gayong maka-Diyos na takot ay nagpapangyari sa libu-libong Kristiyano na magtiyaga sa tunay na pagsamba sa harap ng pagsalansang mula sa di-sumasampalatayang mga miyembro ng pamilya. Nagbibigay rin ito sa mga kabataang pumapasok sa paaralan ng tibay ng loob na ipakilala ang kanilang sarili bilang mga Saksi ni Jehova, at ito’y nagpapatibay sa kanila na harapin ang panlilibak ng mga kaklase na tumutuya sa mga pamantayan ng Bibliya. Kaya nga, sinabi ng isang tin-edyer na Saksi: “Hindi naman talaga mahalaga kung anuman ang isipin nila. Ang mahalaga ay kung ano ang iniisip ni Jehova.”

14. Papaano makapagtatagumpay ang mga lingkod ni Jehova kahit na pagbantaan pa ang kanilang buhay?

14 Ang katulad na paninindigang iyan ang nagpapalakas sa mga tunay na Kristiyano na manghawakang matatag sa mga paraan ni Jehova kahit na pagbantaan pa ang kanilang buhay. Alam nilang dapat silang umasa ng pag-uusig mula sa sanlibutan. Napagtanto nilang ang mga apostol ay hinagupit at na si Jesu-Kristo mismo ay ginulpi at pinatay ng balakyot na mga tao. (Marcos 14:65; 15:15-39; Gawa 5:40; ihambing ang Daniel 3:16-18.) Subalit ang mga lingkod ni Jehova ay may lubusang pagtitiwala na mapalalakas niya sila upang makapagbata; na sa tulong ng Diyos sila’y makapagtatagumpay; na walang-pagsalang gagantimpalaan ni Jehova yaong mga tapat​—kung kinakailangang maging sa pamamagitan ng pagbuhay-muli tungo sa kaniyang bagong sanlibutan. Ang kanilang pag-ibig sa Diyos katambal ng maka-Diyos na takot ay may-kapangyarihang nag-uudyok sa kanila na umiwas sa paggawa ng anumang di-makalulugod sa kaniya.

15. Ano ang nagpangyari sa mga Saksi ni Jehova na mapanatili ang kanilang katapatan sa mga kampong piitan ng Nazi?

15 Ang pagganyak na ito ay nagpangyari sa mga Saksi ni Jehova na makapanindigan sa mga kalagiman ng mga kampong piitan ng Nazi noong mga taon ng 1930 at 1940. Isinapuso nila ang payo ni Jesus na masusumpungan sa Lucas 12:4, 5: “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, Huwag ninyong katakutan yaong mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay hindi makagawa ng anumang higit pa. Ngunit ipaaalam ko sa inyo kung kanino matatakot: Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may awtoridad na maghagis sa Gehenna. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan ninyo ang Isang ito.” Kaya nga, si Gustav Auschner, isang Saksi na nasa kampong piitan sa Sachsenhausen, pagkaraan ay sumulat: ‘Binaril ng SS si August Dickmann at nagbantang babarilin kaming lahat kung hindi namin pipirmahan ang isang papel na magtatakwil ng aming pananampalataya. Walang isa man sa amin ang pumirma. Mas natatakot kaming di-mapaluguran si Jehova kaysa sa kanilang mga bala.’ Ang pagkatakot sa tao ay umaakay sa pakikipagkompromiso, subalit ang pagkatakot sa Diyos ay nagpapatatag sa isa sa kung ano ang tama.

Ang Pag-iingat sa Buhay

16. Ano ang nagpangyari kay Noe na makapanatili sa isang tamang landasin deka-dekada hanggang sa Delubyo, at ano ang naging resulta para sa kaniya at sa kaniyang sambahayan?

16 Si Noe ay nabuhay sa panahon ng mga huling araw ng sanlibutan bago ang baha. Ipinasiya na ni Jehova na lipulin ang balakyot na sanlibutan ng panahong iyon dahil sa kasamaan ng tao. Gayunman, samantala, si Noe ay nasa sanlibutang iyon na punung-puno ng karahasan, malubhang imoralidad, at pagwawalang-bahala sa banal na kalooban. Sa kabila ng pangangaral ni Noe ng tungkol sa katuwiran, “hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” (Mateo 24:39) Ngunit si Noe ay hindi nahadlangan sa gawaing ibinigay sa kaniya ng Diyos. Gumawa siya “ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:22) Ano ang nagpangyari kay Noe na makapanatili sa tamang landasin taun-taon hanggang sa Delubyo? Sumasagot ang Hebreo 11:7: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng mula-sa-Diyos na babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng maka-Diyos na takot.” Bilang resulta, siya at ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa ay naingatan sa panahon ng Delubyo.

17. (a) Sa kabila man ng ginagawa ng ibang tao, ano ang dapat nating gawin? (b) Bakit yaong natatakot kay Jehova ang siyang tunay na maliligayang tao?

17 Tayo’y nabubuhay sa panahong may maraming bagay na pagkakatulad sa kaarawan ni Noe. (Lucas 17:26, 27) Muli isang babala ang ibinibigay. Sinasabi ng Apocalipsis 14:6, 7 ang tungkol sa isang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit na humihimok sa mga tao ng bawat bansa at tribo at wika na “matakot sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” Sa kabila man ng ginagawa ng sanlibutan sa palibot mo, sundin ang mga salitang iyon, at pagkatapos ay ipaabot naman ang paanyaya sa iba. Gaya ni Noe, kumilos ayon sa pananampalataya at magpakita ng maka-Diyos na takot. Ang paggawa mo nito ay maaaring umakay sa pag-iingat ng iyong buhay at sa buhay ng marami pang iba. Habang pinag-iisipan natin ang mga kapakinabangan na tinatamasa niyaong mga natatakot sa tunay na Diyos, tunay na makasasang-ayon tayo sa kinasihang salmista na umawit: “Maligaya ang taong natatakot kay Jehova, na naliligayahang mainam sa kaniyang mga utos.”​—Awit 112:1.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Ano ang ilang kapakinabangan ng pagkatakot sa tunay na Diyos?

◻ Papaano tayo maiingatan ng karunungan na nag-uugat sa maka-Diyos na takot?

◻ Bakit ang maka-Diyos na takot ay nagpapalayô sa atin sa masama?

◻ Papaano tayo iniingatan ng maka-Diyos na takot laban sa pagkatakot sa tao?

◻ Anong kaugnayan mayroon ang maka-Diyos na takot sa ating mga pag-asa sa panghinaharap na buhay?

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

“Maligaya ang taong natatakot kay Jehova, na naliligayahang mainam sa kaniyang mga utos.”​—Awit 112:1

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share