Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sino ang mga Filisteo na Binanggit sa Bibliya?
Ang Bibliya ay madalas na tumutukoy sa isang bayan na nakilala bilang ang mga Filisteo, na nakatira sa Canaan nang ariin ng sinaunang bayan ng Diyos ang Lupang Pangako. Sa mahabang panahon, ang sinaunang mga Filisteo na ito ay sumalansang sa bayan ng Diyos, gaya ng itinatampok sa ulat ng pakikipagsagupaan ni David sa tagapagtanggol na higanteng Filisteo na ang pangalan ay Goliat.—1 Samuel 17:1-3, 23-53.
Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang sinaunang mga Filisteo ay nandayuhan mula sa Caphtor patungo sa timog-kanlurang baybayin ng Canaan. (Jeremias 47:4) Nasaan ba ang Caphtor? Ang The International Standard Bible Encyclopedia (1979) ay nagtala: “Bagaman hindi sapat ang katibayan para sa isang awtorisadong sagot, itinuturo ng kasalukuyang karunungan ang isla ng Creta (o marahil ang Creta at saka ang Aegean Isles, na magkapareho sa kultura) bilang tiyak na pinakaposibleng lugar.”—Tomo 1, pahina 610.
Kasuwato nito, ang New World Translation of the Holy Scriptures ay kababasahan ng ganito sa Amos 9:7: “ ‘Hindi ba kayo’y parang mga anak ng mga Cushita sa akin, O mga anak ng Israel?’ sabi ni Jehova. ‘Hindi ba’t pinasampa ko ang Israel mismo mula sa lupain ng Ehipto, at ang mga Filisteo mula sa Creta, at ang Siria mula sa Kir?’ ”
Hindi alam kung kailan nandayuhan ang sinaunang mga tagatabing-dagat sa Creta patungo sa may bahagi ng Canaan na tinawag na Filistia, ang timog-kanlurang baybayin sa pagitan ng Joppe at Gaza. Sila’y waring naririto na sa lugar na ito ng mababang kapatagan ng baybayin noong mga kaarawan nina Abraham at Isaac.—Genesis 20:1, 2; 21:32-34; 26:1-18.
Ang mga Filisteo ay patuloy na naging isang makapangyarihang puwersa sa dakong iyon matagal pagkatapos na pumasok ang Israel sa lupaing ipinangako ng Diyos sa kanila. (Exodo 13:17; Josue 13:2; Hukom 1:18, 19; 3:3, 4; 15:9, 10; 1 Samuel 4:1-11; 7:7-14; 13:19-23; 1 Hari 16:15) Maging noon pang panahon ng pamamahala ng Judeanong hari na si Uzias, nanatili ang mga Filisteo sa kanilang mga lunsod ng Gath, Jabnia, at Asdod. (2 Cronica 26:6) Ang iba pang lunsod nila na kilala sa ulat ng Bibliya ay Ekron, Askelon, at Gaza.
Sinakop ni Alejandrong Dakila ang Filisteong lunsod ng Gaza, subalit nang maglaon, waring hindi na hiwalay na bayan ang Filisteo. Isinulat ni Propesor Lawrence E. Stager sa Biblical Archaeology Review (Mayo/Hunyo 1991): “Ipinatapon din ang mga Filisteo sa Babilonya. . . . Gayunman, walang makikitang ulat kung ano ang nangyari sa ipinatapong mga Filisteo. Yaong mga nanatili sa Askelon pagkatapos ng pananakop ni Nabukodonosor ay malamang na nawalan na ng kanilang pagkakakilanlang lahi. Sila’y basta nawala sa kasaysayan.”
Ang modernong pangalang Palestina ay mula sa mga salitang Latin at Griego, na umaakay pang pabalik sa salitang Hebreo para sa “Filistia.” Ang ilang salin ng Bibliya sa wikang Arabe ay gumagamit ng isang salita para sa “mga Filisteo” na madaling naipagkakamali sa salita para sa modernong mga taga-Palestina. Gayunman, gumagamit ang Today’s Arabic Version ng isang naiibang salitang Arabe, sa gayon ay nagiging magkaiba ang sinaunang Filisteo at ang modernong mga taga-Palestina.
[Larawan sa pahina 31]
Ilang kagibaan sa Askelon
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.