“Lumang Tipan” o “Hebreong Kasulatan”—Alin?
PANGKARANIWAN na sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon ang gumamit ng mga terminong “Lumang Tipan” at “Bagong Tipan” upang ilarawan ang mga bahagi ng Bibliya na nasa wikang Hebreo/Aramaiko at Griego. Subalit mayroon bang saligan buhat sa Bibliya sa paggamit ng mga terminong ito? At sa anu-anong dahilan umiiwas ang mga Saksi ni Jehova na gamitin ang mga ito sa kanilang mga publikasyon?
Totoo, waring may suporta ang paggamit na ito sa 2 Corinto 3:14, ayon sa King James Version gayundin sa iba pang mas matatandang salin, tulad ng Alemang Septembertestament, ang unang salin ni Martin Luther (1522). Sa King James Version, ganito ang mababasa sa talatang ito: “Datapuwa’t ang kanilang mga isip ay binulag: sapagkat hanggang sa araw na ito ay nananatili ang talukbong ding iyon sa pagbabasa ng lumang tipan; na ang talukbong na iyon ay naaalis sa pamamagitan ni Kristo.”
Gayunman, nagsasalita ba rito ang apostol tungkol sa 39 na aklat na karaniwan nang tinatawag na “Lumang Tipan”? Ang Griegong salita na isinalin dito na “tipan” ay di·a·theʹke. Ang kilalang teolohikong ensayklopidiyang Aleman na Theologische Realenzyklopädie, sa komento nito sa 2 Corinto 3:14, ay nagsasabi na ‘ang pagbasa sa lumang di·a·theʹke’ sa talatang iyan ay katulad ng ‘pagbasa kay Moises’ sa sumunod na talata 2Cor 3:15. Kaya naman, sinasabi nito, ‘ang lumang di·a·theʹke’ ay kumakatawan sa Batas ni Moises, o una sa lahat, sa Pentateuch. Tiyak na hindi ito kumakatawan sa buong kalipunan ng kinasihang Kasulatan bago ng panahong Kristiyano.
Tinutukoy ng apostol ang isang bahagi lamang ng Hebreong Kasulatan, ang lumang tipang Batas, na itinala ni Moises sa Pentateuch; hindi niya tinutukoy ang Kasulatang Hebreo at Aramaiko sa kabuuan. Karagdagan pa, hindi niya ibig sabihin na ang kinasihang mga kasulatang Kristiyano ng unang siglo C.E. ang siyang bumubuo ng isang “bagong tipan,” yamang di-matatagpuan saanman sa Bibliya ang terminong ito.
Nararapat ding pansinin na ang Griegong salitang di·a·theʹke na ginamit dito ni Pablo ay aktuwal na nangangahulugang “covenant.” (Para sa higit pang impormasyon tingnan ang New World Translation of the Holy Scriptures—With References, Apendise 7E, pahina 1585, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1984.) Samakatuwid ay wasto ang mababasa sa maraming modernong salin na “old covenant” sa halip na “old testament.”
May kinalaman dito, ang “National Catholic Reporter” ay nagsabi: “Ang terminong ‘Lumang Tipan’ ay di-maiiwasang nagpapahiwatig ng pagiging mababang-uri at lipas sa panahon.” Ngunit ang Bibliya ay talagang iisang akda, at walang anumang bahagi ang lipas na sa panahon, o “luma.” Di-nagbabago ang mensahe nito mula sa unang aklat sa bahaging Hebreo hanggang sa huling aklat sa bahaging Griego. (Roma 15:4; 2 Timoteo 3:16, 17) Kaya tayo’y may angkop na mga dahilan upang iwasan ang mga terminong ito na batay sa maling mga palagay, at pinipili nating gamitin ang mas tumpak na mga terminong “Hebreong Kasulatan” at “Kristiyanong Griegong Kasulatan.”