Pupurihin Mo ba si Jehova?
“TULAD ng pangalan mo, O Diyos, ang papuri sa iyo’y umaabot sa mga hangganan ng lupa.” Ito ang mga salita sa isang makahulang awit ng mga anak na lalaki ni Kore. (Awit 48:10) Sa ngayon, isang makapangyarihang koro ng milyun-milyong Saksi ni Jehova ang pumupuri sa Diyos at nagpapakilala ng kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian. Sa paggawa nito sa 232 lupain at mga isla ng dagat at sa mahigit na 300 wika, sila’y literal na umaabot sa “mga hangganan ng lupa.”
Ano ang nag-uudyok sa mga tao buhat sa iba’t ibang kultura, lipunan, at wika upang purihin si Jehova? Ang isang pangunahing dahilan ay ang kanilang pagpapahalaga sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Pinalaya sila ng espirituwal na katotohanan buhat sa mga pamahiin at buhat sa umaaliping mga paniniwalang relihiyoso gaya ng walang-hanggang pagpapahirap. (Juan 8:32) Nakatutulong din sa kanila ang katotohanan na pahalagahan ang kagila-gilalas na mga katangian ng Diyos, tulad ng kaniyang pag-ibig, kapangyarihan, karunungan, at katarungan na nilakipan ng awa. Ang pagkaunawa sa paghahandog ng Diyos ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, bilang haing pantubos para sa sangkatauhan ang nag-uudyok sa matutuwid na tao upang purihin at paglingkuran si Jehova.
Ayon sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, ganito ang ibinubulalas ng isang makalangit na koro: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.” (Apocalipsis 4:11) Ang gayong papuri ay hindi bunga lamang ng pagkadama ng pananagutan. Sa halip, nagmumula iyon sa pagpipitagan kay Jehova.
Purihin ang Diyos sa Pamamagitan ng Paghahayag ng Mabuting Balita
Sa pagpuri kay Jehova, tinutularan ng isang tao ang napakahusay na halimbawa ni Jesu-Kristo, ang pangunahing tagapuri sa Diyos. Kasali sa pagsunod sa yapak ni Jesus ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17, 23; 24:14) Ang pangangaral na ito ang naging pinakadakilang pambuong-daigdig na pagsisikap sa pagpuri kay Jehova.
Napakahalaga ng gawaing ito ng pangangaral anupat maliwanag na iniugnay ito ng Bibliya sa kaligtasan. Ganito ang mababasa sa Roma 10:13-15: “ ‘Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila napaglagakan ng pananampalataya? Paano naman sila maglalagak ng pananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral? Paano naman sila mangangaral malibang isinugo sila? Gaya ng nasusulat: ‘Kahali-halina ang mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ”
Noong nakaraang taon lamang, gumugol ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit sa isang bilyong oras sa gawaing pangangaral. At anong inam nga ng resulta ng pagpuring ito sa Diyos! Humigit-kumulang 314,000 ang nakisali sa koro ng mga tagapuri sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova.
Subalit ano naman ang masasabi sa 12,288,917 na dumalo sa 1994 Memoryal ng kamatayan ni Kristo? Kabilang sa kanila ang mahigit na 7,000,000 na hindi pa pumupuri kay Jehova bilang mga mangangaral ng mabuting balita. Ngunit ang kanilang pagkanaroroon sa mahalagang okasyong ito ay sa wakas maaaring magbunga ng milyun-milyon pa sa koro ng mga tagapuri. Ano ang magagawa upang tulungan ang mga interesadong ito na maging mga tagapuri kay Jehova?
Nakalaang Tulong
Maaaring taglay ng maraming taong interesado ang hangarin na purihin si Jehova subalit nadarama na hindi nila maaabot ang mga kahilingan. Makabubuting alalahanin nila ang mga salita ng salmista: “Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok. Saan manggagaling ang aking saklolo? Ang saklolo sa akin ay galing kay Jehova, ang Maygawa ng langit at lupa.” (Awit 121:1, 2) Maliwanag, itiningin ng salmista ang kaniyang mga mata sa mga bundok ng Jerusalem na kinaroroonan ng templo ni Jehova at ng makalupang trono ng teokratikong pamahalaan. Buhat dito ay wastong masasabi natin na ang tulong na kailangan upang purihin si Jehova at ihayag ang mensahe ng Kaharian ay nanggagaling lamang kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.—Awit 3:4; Daniel 6:10.
Sa ngayon, yaong nagnanais pumuri kay Jehova ay makaaasa ng maibiging tulong buhat sa kaniyang makalupang organisasyon. Halimbawa, nag-aalok ng tulong ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagdaraos ng libreng mga pag-aaral ng Bibliya sa mga taong interesado. Higit pa ang kasali sa programang ito ng pagtuturo kaysa sa pagkatuto lamang ng mga doktrina ng Bibliya. Tumutulong ito sa estudyante na pahalagahan ang kaniyang natututuhan at ang organisasyon na ginagamit ni Jehova.
Kasuwato nito, sinisikap ng Saksi na nagdaraos ng pag-aaral ng Bibliya na tiyaking ang bagong tuklas na mga katotohanan ay maikintal hindi lamang sa isip kundi pati na rin sa puso. At hindi dapat huminto ang guro sa pagpapakita sa estudyante kung papaano ginagamit ni Jehova ang Kaniyang organisasyon upang tuparin ang Kaniyang layunin sa lupa. Ang brosyur na Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig at ang videotape na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name ay malimit na mapatunayang nakatutulong sa paggawa nito.
Gumaganap din ng mahalagang papel ang Kristiyanong mga pulong sa pagtulong sa inaasahang maging mga tagapuri kay Jehova. Sa pasimula pa lamang ng pag-aaral ng Bibliya, maaaring anyayahan ang estudyante na dumalo sa Kristiyanong mga pulong. Pagsapit ng panahon, matututuhan niya ang kahalagahan ng regular na pagdalo at pakikibahagi sa lahat ng mga pulong sa kongregasyon. (Hebreo 10:24, 25) Ang mga tagapangasiwa ay makapaglalaan ng mahalagang tulong sa mga kapananampalataya at inaasahang magiging mga tagapuri kay Jehova sa pamamagitan ng paghahanda ng mga pulong na nakapagpapatibay sa espirituwal at praktikal.
Tulungan ang mga Bata na Purihin si Jehova
Kabilang ang mga bata sa maraming maaaring maging mamamahayag ng mabuting balita sa malapit na hinaharap. Ang mga ama ang lalo nang may maka-Kasulatang pananagutan na palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kapag wastong sinanay ng maka-Diyos na mga magulang, maging ang musmos na mga bata ay maaaring tubuan ng hangaring purihin si Jehova.
Isang munting batang babae sa Argentina ang paulit-ulit na lumapit sa matatanda sa kongregasyon nang mga ilang buwan, anupat humihiling ng tulong nila upang siya’y maging kuwalipikado bilang isang mamamahayag ng Kaharian. Di-nagtagal, nagkasundo ang kaniyang mga magulang at ang matatanda na payagan siyang maging isang di-bautisadong mamamahayag. Siya’y mahusay na sa paghaharap ng mensahe ng Kaharian sa mga maybahay. Bagaman lilimang taong gulang lamang ang munting batang ito at hindi pa marunong bumasa, naisaulo niya ang kinaroroonan ng ilang teksto sa Bibliya. Pagkatapos hanapin ang isang kasulatan, hinihiling niya sa maybahay na basahin iyon, at saka niya ipinaliliwanag.
Maliwanag na kapuwa ang matatanda at ang mga magulang ay may malaking magagawa sa pagpapasigla at pagtulong sa mga sumusulong tungo sa pagiging mga tagapuri kay Jehova.—Kawikaan 3:27.
Isang Walang-Hanggang Kaugnayan kay Jehova
Subalit kumusta naman kung ikaw mismo ay nakikisama na sa mga Saksi ni Jehova nang mga ilang panahon gayunma’y hindi pa nakikibahagi sa kanilang gawaing pangangaral? Makabubuting itanong sa iyong sarili ang sumusunod, ‘Naniniwala ba ako na natagpuan ko na ang katotohanan at na si Jehova ang tanging tunay na Diyos? Kumbinsido ba ako na ang Kaharian ng Diyos lamang ang tanging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan? Tinalikuran ko na ba ang lahat ng huwad na relihiyon at makasanlibutang kaugalian at gawain na kinapopootan ni Jehova? Ako ba’y may malalim na pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang matuwid na mga kahilingan?’ (Awit 97:10) Kung buong katapatang masasagot mo ng oo ang mga tanong na ito, ano ang nakahahadlang sa iyo sa pagpuri kay Jehova?—Ihambing ang Gawa 8:36.
Higit pa ang nasasangkot sa pagpuri kay Jehova kaysa pangangaral lamang ng mabuting balita. Kung ikaw ay kumuha na ng tumpak na kaalaman, nagtataglay ng tunay na pananampalataya, at naiaayon ang iyong buhay sa mga kahilingan ng Diyos, kailangan mong patibayin ang iyong personal na kaugnayan sa Diyos. Papaano? Sa pamamagitan ng pag-aalay sa kaniya sa panalangin at pagkatapos ay pabautismo sa tubig bilang sagisag nito. Nakataya ang buhay na walang-hanggan. Kung gayon, kumilos ngayon kasuwato ng payo ni Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”—Mateo 7:13, 14.
Yamang malapit na ang kapaha-pahamak na wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, hindi ito ang panahon upang mag-atubili. Kumuha ng apurahang hakbang tungo sa isang walang-hanggang kaugnayan kay Jehova. Tunay, ngayon na ang panahon upang may pagsang-ayong tumugon sa tanong na, Pupurihin mo ba si Jehova?