Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Pangangaral sa Maligalig na Kapanahunan
INIHULA ni apostol Pablo na “sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Napatunayan ngang totoong-totoo ang mga salitang iyan! Matagal nang nararanasan ng mga tao sa El Salvador sa Sentral Amerika ang mapait na katotohanang ito. Sa loob ng mahigit na isang dekada, ang bansang iyan ay sinakmal ng isang gera sibil na nagdulot ng paghihirap at kamatayan sa libu-libong tao. Tapos na ngayon ang digmaan, ngunit nananatili pa ang paghihirap. Biglang dumami ang krimen pagkatapos ng digmaan. Kamakailan ay sinabi ng isang komentarista sa telebisyon: “Ang karahasan at nakawan ay mistulang pagkain na natin sa araw-araw.”
Apektado rin ang mga Saksi ni Jehova ng daluyong na ito ng mga krimen. Pinasok ng mga magnanakaw ang maraming Kingdom Hall at kinuha ang mga kagamitan sa sound. Maraming pagkakataon na pinasok ng mga pangkat ng armadong mga kabataan ang mga Kingdom Hall habang may idinaraos na Kristiyanong mga pulong, nagnakaw ng salapi, mga relo, at iba pang mahahalagang bagay mula sa mga dumalo. Samantalang gumaganap ng kanilang pang-araw-araw na gawain, may ilang Saksi ang napatay pa nga ng mga magnanakaw.
Sa kabila ng mga hadlang na ito, ang mga Saksi ni Jehova sa El Salvador ay patuloy na nagpapagal sa pangangaral ng mabuting balita. Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa maka-Kasulatang utos: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) Marami pa rin sa lupaing ito ang nananabik sa pag-asa ng Kaharian na iniaalok ng Bibliya, at nagsisikap ang mga Saksi na abutin ang bawat isa sa kanila. Napatutunayang isang mabisang paraan ng pangangaral ang impormal na pagpapatotoo.
Samantalang nagpapagamot sa isang ospital, ginamit ng isang Saksi ang bawat pagkakataon upang kausapin ang ibang pasyente tungkol sa mga pangako ng Diyos para sa hinaharap, gaya ng masusumpungan sa Bibliya. Ganito ang hinagpis ng isang malubhang pasyente: “Malapit na akong mamatay!” Ngunit ang malungkot na saloobin ng pasyente ay hindi nagpahina ng loob ng Saksi sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa halip, mula sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay bumasa siya nang malakas para sa lalaki. Pagkaraan ng ilang araw, lumabas ng ospital ang Saksi, malungkot na iniisip ang tungkol sa taong malapit nang mamatay.
Makalipas ang apat na taon ang Saksi ay kinailangang magpagamot sa isa pang ospital. Nang naroroon siya, lumapit sa kaniya ang isang pasyente at ang sabi: “Natatandaan mo ba ako?” Iyon ang lalaking nakilala niya apat na taon na ang nakaraan, ang lalaking noo’y naghihingalo na! Anong sayang sorpresa nang yakapin siya ng lalaki at sabihin pa: “Ngayon ay isa na rin akong Saksi ni Jehova!” Tinanggap ng lalaki ang pag-asang iniaalok ng Bibliya tungkol sa hinaharap, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova. Hindi lamang siya isang Saksi kundi nakikibahagi pa sa buong-panahong ministeryo bilang isang regular pioneer nang mga dalawang taon na.
Sa kasong ito, ang mga binhi ng katotohanan na inihasik sa isang di-pormal na paraan ay nakaabot sa isang nagpapahalagang puso. Ang pribilehiyong ito ng pagtulong sa mga tao na matuto ng katotohanan ang nag-uudyok sa tunay na mga Kristiyano na ipagpatuloy ang gawaing pangangaral sa kabila nitong “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”