Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 4/1 p. 21-25
  • Ang Aking Pasiya na Sumulong sa Pagkamaygulang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Aking Pasiya na Sumulong sa Pagkamaygulang
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Binago ng Digmaan ang Aming Buhay
  • Mga Hadlang sa Espirituwal na Pagsulong
  • Paglilingkod Bilang Payunir
  • Pagsusumikap Ukol sa Misyonerong Paglilingkuran
  • Pakikibagay sa Isang Banyagang Larangan
  • Pagdalaw sa Estados Unidos
  • Pagpapatuloy sa Pagsulong sa Espirituwal
  • Ang Pamilyang Tunay na Nagmahal sa Akin
    Gumising!—1995
  • Pangangaral ng Mabuting Balita sa Malalayong Lupain
    Gumising!—2008
  • “Hanapin Muna ang Kaharian”
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 4/1 p. 21-25

Ang Aking Pasiya na Sumulong sa Pagkamaygulang

AYON SA PAGKALAHAD NI CARL DOCHOW

“Sumulong sa Pagkamaygulang o Mahulog Muli sa Kasalanan, Alin?” ang siyang pamagat ng isang artikulo sa Hunyo 15, 1948, na labas ng The Watchtower. Ang artikulong iyan ang nagbunsod sa akin mula sa espirituwal na panganib sa mga bukirin ng Estados Unidos tungo sa isang karera bilang misyonero sa Timog Amerika na umabot sa mahigit na 43 taon.

AKO’Y isinilang noong Marso 31, 1914, ang ikatlo sa apat na anak na lalaki, sa isang munting bahay na yari sa troso sa Vergas, Minnesota. Naging kasiya-siya ang mga taon ng aking kabataan. Natatandaan ko ang pangingisda kasama si Itay. Subalit si Inay ay madalas magkasakit, at kinailangang huminto ako ng pag-aaral sa ikalimang grado upang tulungan siya sa bahay. Pagsapit ko ng 13 anyos, nasuri na ang sakit pala niya ay kanser sa baga.

Alam ni Inay na hindi na siya mabubuhay pa nang matagal, kaya sinimulan niya akong sanayin upang humalili sa kaniya. Nauupo siya sa may kusina at tinuturuan ako kung papaano magluto at gumawa ng tinapay. At saka, tinuruan niya akong maglaba ng mga damit, mag-asikaso ng hardin, at mag-alaga ng isang daang manok. Pinasigla rin niya ako na basahin ang isang kabanata sa Bibliya araw-araw, na ginawa ko naman sa kabila ng aking limitadong kakayahang bumasa. Pagkatapos na ako’y sanayin sa loob ng sampung buwan, namatay si Inay noong Enero 27, 1928.

Binago ng Digmaan ang Aming Buhay

Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong Setyembre 1939, naghahandog ng mga panalangin alang-alang sa mga hukbo tuwing Linggo sa aming simbahang Lutherano. Ang aking kuya na si Frank ay determinadong huwag pumatay, kaya nang tumanggi siyang lumaban bilang bahagi ng hukbo, siya’y inaresto. Sa paglilitis ay sinabi niya: “Bago ako pumatay ng mga inosenteng tao, mababaril muna ninyo ako!” Nahatulan siyang mabilanggo nang isang taon sa McNeil Island sa may baybayin ng Washington State.

Doo’y natagpuan ni Frank ang mahigit sa 300 Saksi ni Jehova na nabilanggo dahil sila’y talagang walang-pinapanigan sa panahon ng digmaan. (Isaias 2:4; Juan 17:16) Di-nagtagal at nagsimula siyang makisama sa kanila at nabautismuhan doon mismo sa bilangguan. Dahil sa mabuting asal, pinaikli ang kaniyang sentensiya ng siyam na buwan. Noong Nobyembre 1942 nabalitaan namin na nakalaya na si Frank, at di-nagtagal pagkatapos ay sinabi niya sa amin ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Matapos suriing mabuti ang mensahe sa mga Bibliya namin, nakita naming lahat na katotohanan ang itinuturo sa amin ni Frank.

Mga Hadlang sa Espirituwal na Pagsulong

Noong 1944, lumipat ako sa lugar ng Malta, Montana, upang manirahan kasama ng aking tiyo. Pareho kami sa isang bagay​—mga asawa na iniwan kami pagkatapos ng anim na buwan ng pag-aasawa. Nagagalak siyang makatulong ako sa pagsasaka at pagluluto, at tigkakalahati kami sa tubò. Sinabi ng aking tiyo na ako ang kaniyang magiging tagapagmana sa kaniyang 260 ektarya ng bukid kung mananatili ako sa kaniya. Iyon ang mauunlad na taon para sa pagsasaka, at labis akong nasiyahan! Sagana ang ani namin taun-taon, at ang trigo ay naipagbibili sa halagang $3.16 bawat bushel.

Gayunman, hindi nagustuhan ng aking tiyo ang pagdalo ko sa mga pulong ng isang munting kongregasyon ng mga Saksi sa Malta. Noong Hunyo 7, 1947, lingid sa kaalaman ng aking tiyo, nabautismuhan ako sa pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa Wolf Point. Doon ay inanyayahan ako ng isang Kristiyanong kapatid na maging isang payunir, o buong-panahong ministro. Bagaman hangarin ng aking puso na gamitin ang aking buhay sa gayong paraan, ipinaliwanag ko na hindi ako kailanman papayagan ng aking tiyo na gumugol ng gayong kalaking panahon sa ministeryo.

Di-nagtagal pagkatapos, binuksan at binasa ng aking tiyo ang isang sulat para sa akin buhat sa isang kaibigan na humihimok sa akin na maging isang buong-panahong ministro. Palibhasa’y galit na galit, pinapili ako ng aking tiyo​—huminto sa pangangaral o umalis. Nakabuti ang pagpipiliang iyon dahil sa gustung-gusto ko ang pagsasaka anupat hindi ko alam kung makaaalis ako sa ganang sarili ko lamang. Kaya bumalik ako sa aking pamilya sa Minnesota, na lahat ay bautisado na noon at nakikisama sa Detroit Lakes Congregation.

Noong una ay pinasigla ako ng aking pamilya na magpayunir, ngunit noong 1948 sila’y nagsimulang manlamig sa espirituwal. Iyon ang panahon nang ang artikulong “Sumulong sa Pagkamaygulang o Mahulog Muli sa Kasalanan, Alin?” ay naglaan sa akin ng espirituwal na pampatibay na kailangan ko. Nagbabala iyon na “lubhang nakalulungkot na mga resulta ang ibubunga kung kusa tayong tumatanggi na umalinsabay sa pasulong na kaalaman.” Sabi ng artikulo: “Malaki ang mawawala sa atin kung hihinto at uurong tayo, kundi kailangang sumulong sa katuwiran. Ang pagsulong, hindi ang paghinto, ang pinakamalakas na puwersang panghadlang sa pagkahulog-muli.”

Bagaman nagbigay ng ibang mga dahilan ang aking pamilya, naniniwala akong ang talagang suliranin ay ang kanilang paghahangad na yumaman. Nakikita nila ang materyal na kapakinabangan ng pagbubuhos ng mas malaking panahon sa pagsasaka at mas maliit naman sa pangangaral. Sa halip na masilo ng hangaring yumaman, ako’y nagplanong magpayunir. Batid kong hindi ito magiging madali, at naisip ko pa nga na hindi ko magagawa iyon. Kaya noong 1948, sinubok ko ang aking sarili sa pamamagitan ng kusang pagpapayunir sa pinakamahirap na bahagi ng taon​—ang Disyembre.

Paglilingkod Bilang Payunir

Pinagpala ni Jehova ang aking mga pagsisikap. Halimbawa, isang araw ang temperatura ay -27 digri Celsius, hindi pa kasali ang malamig na simoy ng hangin. Ako’y nagpapatotoo sa lansangan gaya ng dati, anupat madalas na ipinaghahalinhinan ang aking mga kamay​—inilalagay sa aking bulsa ang isa na naninigas na sa lamig samantalang hinahawakan ang mga magasin ng isang kamay hanggang sa ito naman ang manigas na sa lamig at kailangang ito naman ang ipasok sa bulsa. Lumapit ang isang lalaki. Sa pagsasabing matagal na niyang napansin ang aking gawain, itinanong niya: “Ano bang napakahalaga ang nasa mga magasing iyan? Ibigay mo nga sa akin ang dalawang iyan para mabasa ko.”

Samantala, nakikita ko na ang pakikisama sa aking pamilya ay nagsasapanganib sa aking espirituwalidad, kaya nang hilingin ko sa Samahang Watch Tower, binigyan ako ng bagong atas, sa Miles City, Montana. Doon ay naglingkod ako bilang company servant, na ngayon ay kilala bilang punong tagapangasiwa. Habang naninirahan sa isang trailer na may sukat na dos-por-tres metro, sinuportahan ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang part-time sa negosyong dry cleaning. Pana-panahon ako ay inuupahan sa trabahong gustung-gusto ko​—ang pag-aani.

Nang panahong ito, patuloy kong naririnig ang tungkol sa lumulubhang espirituwal na kalagayan ng aking pamilya. Sa wakas sila, gayundin ang iba pa sa Detroit Lakes Congregation, ay sumalansang sa organisasyon ni Jehova. Sa 17 mamamahayag ng Kaharian sa kongregasyon, 7 lamang ang nanatiling tapat. Determinado ang aking pamilya na mailabas din ako sa organisasyon ni Jehova, kaya natanto ko na iisa lamang ang solusyon, ang sumulong pa. Ngunit papaano?

Pagsusumikap Ukol sa Misyonerong Paglilingkuran

Sa internasyonal na kombensiyon sa New York City noong 1950, nasaksihan ko ang pagtatapos ng mga estudyanteng misyonero buhat sa ika-15 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. ‘O, kung maaari lang sana akong makabilang sa mga maglilingkod kay Jehova sa isang banyagang atas,’ naisip ko.

Nagpadala ako ng aplikasyon at natanggap bilang isang miyembro ng ika-17 klase sa Gilead, na nagsimula noong Pebrero 1951. Napakaganda ng kinaroroonan ng paaralan sa isang bukid sa hilagang bahagi ng New York. Ibig na ibig kong magtrabaho sa bukid pagkatapos ng klase, marahil sa kamalig kasama ng mga baka o sa labas sa mga pananim! Subalit ipinaliwanag sa akin ni John Booth, ang tagapangasiwa ng Kingdom Farm noong panahong iyon, na ako lamang ang may karanasan sa dry cleaning. Kaya ako’y naatasang gumawa ng trabahong iyan.

Hindi madali ang Gilead para sa isa na ang edukasyon ay hanggang ikalimang grado lamang. Bagaman kailangang patayin ang ilaw pagsapit ng 10:30 n.g., madalas akong mag-aral hanggang hatinggabi. Isang araw ay ipinatawag ako ng isa sa mga instruktor sa kaniyang opisina. “Carl,” sabi niya, “napapansin ko na hindi maganda ang iyong mga marka.”

‘Naku,’ naisip ko, ‘paaalisin na nila ako.’

Gayunman, magiliw na pinayuhan ako ng instruktor kung papaano ko magagamit nang pinakamabuti ang aking panahon na hindi na nagpapakagabi sa pag-aaral. May pangambang itinanong ko: “Maaari pa ba akong manatili rito sa Gilead?”

“Aba, oo,” ang sagot niya. “Pero hindi ko alam kung magiging kuwalipikado ka para tumanggap ng diploma.”

Kumuha ako ng kaaliwan buhat sa mga salita ng presidente ng paaralan, si Nathan H. Knorr. Di pa natatagalan ay sinabi niya sa mga estudyante na hindi siya humahanga sa mga marka di gaya ng paghanga niya sa “pagkamatiyaga” ng mga misyonerong nanatili sa kanilang mga atas.

Kastila ang pinakamahirap kong aralin, subalit umaasa ako ng isang atas sa Alaska, na kung saan ang malamig na klima ay kinasanayan ko na sa amin. Isa pa, makapangangaral ako sa Ingles. Kaya maguguniguni mo ang aking pagkagulat nang sa kalahatian ng kurso, ang natanggap kong atas ay sa Ecuador, Timog Amerika. Oo, kailangang magsalita ako ng Kastila, at doon mismo sa napakainit na ekwador!

Isang araw dinalaw ako sa Paaralang Gilead ng isang ahente ng FBI. Nagtanong siya tungkol sa anak na lalaki ng company servant na umalis sa ating organisasyon sa Detroit Lakes. Nagaganap na noon ang Digmaan sa Korea, at inaangkin ng binatang ito na siya ay isang Saksi ni Jehova at sa gayo’y libre buhat sa paglilingkod sa hukbo. Ipinaliwanag ko na hindi na siya isang Saksi ni Jehova. Nang magpaalam sa akin ang ahente, sabi niya: “Pagpalain ka nawa ng iyong Diyos sa iyong gawain.”

Nang dakong huli ay napag-alaman ko na nasawi ang kabataang iyon sa isa sa kaniyang mga unang pakikipaglaban sa Korea. Anong lungkot na resulta para sa isa na sumulong sana sa pagkamaygulang sa organisasyon ng Diyos!

Sa wakas, dumating ang maligayang araw ng aming pagtatapos noong Hulyo 22, 1951. Mangyari pa, walang isa man sa aking pamilya ang naroroon, ngunit lubos ang aking kaligayahan nang tanggapin ko ang isang diploma dahil sa pagsulong na aking nagawa.

Pakikibagay sa Isang Banyagang Larangan

Minsang ako’y nasa aking atas na, nasumpungan kong talagang nakatutulong ang pagsasanay sa akin ni Inay. Hindi na bago sa akin ang pagluluto, paglalaba ng damit sa pamamagitan ng kamay, at kawalan ng tubig mula sa gripo. Pero hindi ganoon kung tungkol sa pangangaral sa wikang Kastila! May ilang panahon ding gumamit ako ng isang inilimbag na sermon sa Kastila. Tatlong taon pa ang nakaraan bago ako nakapagbigay ng pahayag pangmadla sa Kastila at gumamit ako ng maraming nota.

Nang dumating ako sa Ecuador noong 1951, hindi pa umaabot sa 200 ang mamamahayag ng Kaharian. Waring mabagal ang paggawa ng alagad sa unang 25 taon o higit pa. Totoong naiiba ang ating mga turo sa Bibliya mula sa di-maka-Kasulatang mga tradisyon ng Katolisismo, at lalo nang di-popular ang ating pagsunod sa tagubilin ng Bibliya tungkol sa katapatan sa iisang asawa.​—Hebreo 13:4.

Gayunpaman, nakapagpasakamay kami ng maraming literatura sa Bibliya. Isang halimbawa nito ang aming ministeryo sa Machala, na naroon sa gitna ng mga taniman ng saging. Kami lamang ni Nicholas Wesley ang tanging mga Saksi roon nang dumating kami noong 1956. Umaalis kami nang madaling araw sakay ng mga dump truck na ginagamit sa mga patrabaho sa ginagawang mga haywey noong mga panahong iyon. Kapag malayu-layo na rin ang aming nalakbay, bumababa kami at nagpapatotoo sa mga tao hanggang sa makabalik kami sa aming tinutuluyan.

Isang natatanging araw, gumawa kami ni Nick ng isang talaan upang makita kung sino sa amin ang makapagpapasakamay ng mas maraming magasin. Nagugunita ko pa na nakalalamang ako kay Nick nang bandang tanghali, pero nang kinagabihan ay tabla na kami sa tig-114 na magasin. Daan-daang babasahin ang naiiwan namin sa mga tao sa aming mga ruta ng magasin. Anim na beses na ako’y nakapagpasakamay ng mahigit sa isang libong magasin sa loob ng isang buwan. Isip-isipin kung gaano karami ang maaaring matuto ng mga katotohanan sa Bibliya mula sa mga magasing iyon!

Nagkapribilehiyo rin kami sa Machala na makapagtayo ng unang Kingdom Hall sa Ecuador na pag-aari ng kongregasyon. Iyan ay 35 taon na ang nakalipas, noong 1960. Nang mga unang araw na iyon, 15 lamang ang dumadalo sa aming mga pulong. Ngayon ay may 11 mauunlad na kongregasyon sa Machala!

Pagdalaw sa Estados Unidos

Noong mga huling taon ng 1970, nagbakasyon ako sa Estados Unidos at gumugol ng ilang oras kasama ng aking kapatid na si Frank. Isinakay niya ako sa kaniyang kotse patungo sa isang burol na mula roo’y matatanaw namin sa malayo ang Red River Valley. Kayganda nito, na ang nahihinog na mga butil ay inuuga ng hangin, isang malawak na bukid ng saganang trigo na yumuyuko na dahil sa pagkahinog. Sa di-kalayuan ay maaaninaw ang Sheyenne River na may nakahanay na mga punungkahoy. Ang kasiyahan sa gayong payapang kagandahan ay nagambala nang simulan ng aking kapatid ang kaniyang karaniwang sinasabi.

“Kung hindi ka lamang isang hangal na naninirahan doon sa Timog Amerika, sana’y pag-aari mo rin ito!”

“Frank,” agad akong sumabad. “Tumahimik ka na lamang.”

Hindi na siya nagsabi ng anuman. Makalipas ang ilang taon, siya’y biglang namatay dahil sa atake serebral, anupat iniwan ang tatlong magagandang rantso sa Hilagang Dakota na may kabuuang mahigit sa apat na raang ektarya, gayundin ang 260-ektaryang bukid ng aking tiyo sa Montana na ipinamana sa kaniya.

Ngayon ay nangamatay na ang lahat ng aking pamilya. Pero nalulugod ako na sa Detroit Lakes, na kung saan lahat kami’y nagsimula bilang mga Saksi ni Jehova mga taon ang nakaraan, ako’y may isang espirituwal na pamilya na may mahigit sa 90 Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae.

Pagpapatuloy sa Pagsulong sa Espirituwal

Ang nakaraang 15 taon ay nagbunga nang sagana sa espirituwal na pag-aani rito sa Ecuador. Mula sa humigit-kumulang 5,000 mamamahayag ng Kaharian noong 1980, kami ngayon ay mahigit sa 26,000. Umani ako ng pagpapala na makatulong sa mahigit na isang daan sa mga ito upang magpabautismo.

Ngayon, sa edad na 80, ako’y nagpapagal nang higit upang makuha ang 30 oras sa isang buwan sa ministeryo kaysa sa nagawa ko upang abutin ang aking 150-oras na kota noong 1951. Mula noong 1989, nang malaman ko na ako ay may kanser sa prostate, sinamantala ko ang panahon ng pagpapagaling upang magbasa. Mula nang taóng iyon, nabasa ko nang 19 na ulit ang buong Bibliya at 6 na beses naman ang aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Sa ganitong paraan ay patuloy akong sumusulong sa espirituwal.

Oo, nagkaroon ako ng maraming pagkakataon upang umani ng materyal na mga kapakinabangan sa mga bukirin ng Estados Unidos. Subalit ang mga gantimpala ng materyal ng mga kayamanan ay walang kabuluhan kung ihahambing sa kagalakang nadama ko sa espirituwal na pag-aani. Ipinaalam sa akin ng sangay rito sa Ecuador na ako ay nakapagpasakamay ng mahigit sa 147,000 magasin at 18,000 aklat sa aking karera bilang isang misyonero. Itinuturing ko ang mga ito bilang espirituwal na mga binhi, na marami sa mga ito ay sumibol na; ang iba ay maaaring sumibol pa sa puso ng mga tao habang binabasa nila ang mga katotohanang ito tungkol sa Kaharian.

Wala na akong maisip na mas mainam pa kaysa sa patuloy na pagsulong tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos kasama ang lahat ng aking espirituwal na mga anak at ang milyun-milyong iba pa na piniling maglingkod sa ating Diyos, si Jehova. Hindi maililigtas ng salapi ang isa sa katapusan ng balakyot na sanlibutang ito. (Kawikaan 11:4; Ezekiel 7:19) Gayunman, magpapatuloy ang mga bunga ng ating espirituwal na gawain​—kung bawat isa sa atin ay magpapatuloy na sumulong sa pagkamaygulang.

[Larawan sa pahina 24]

Nakahanda upang magpayunir sa Miles City, Montana, noong 1949

[Larawan sa pahina 24]

Bumibili ng tubig para sa aming tahanang pangmisyonero, 1952

[Larawan sa pahina 25]

Pangangaral sa Machala, 1957

[Larawan sa pahina 25]

Mula nang magkasakit noong 1989, nabasa ko ang buong Bibliya nang 19 na ulit

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share