Makakamtan ba ang Katotohanan Ukol sa Relihiyon?
ISANG lalaking mapanuri sa espirituwal sa Sweden sa bayan ng unibersidad sa Uppsala ang nagpasiyang pag-aralan ang mga paniniwala ng iba’t ibang relihiyon sa kaniyang bayan, na dinadalaw pa nga ang kanilang mga dako ng pagsamba. Nakinig siya habang nangangaral ang kanilang klero, at kinapanayam niya ang ilang miyembro. Napansin niya na tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang waring kumbinsido na kanilang “natagpuan ang katotohanan.” Kung isasaalang-alang ang sari-saring relihiyosong opinyon na umiiral, nagtaka siya kung papaano nakagagawa ng gayong pag-aangkin ang mga Saksi.
Ikaw ba ay personal na naniniwala na posibleng makamtan ang katotohanan tungkol sa relihiyon? Posible pa kaya na tiyakin kung ano ang matatawag na sukdulang katotohanan?
Ang Pilosopiya at ang Katotohanan
Yaong mga nag-aral ng pilosopiya ay nakabuo ng pangmalas na ang sukdulang katotohanan ay hindi makakamtan ng sangkatauhan. Maaaring alam mo na ang pilosopiya ay binigyang-katuturan bilang “ang siyensiya na nagsusumikap na ipaliwanag ang pinagmulan ng pag-iral at ng buhay.” Subalit ang totoo, bihira itong maging gayon. Sa Filosofins Historia (Ang Kasaysayan ng Pilosopiya), ganito ang isinulat ng Suwekong awtor na si Alf Ahlberg: “Maraming katanungan sa pilosopiya ang nasa gayon na lamang uri anupat imposibleng bigyan ng tiyak na kasagutan ang mga ito. . . . Maraming tao ang may palagay na lahat ng makahimalang mga suliranin [may kinalaman sa mga panimulang simulain ng mga bagay] ay kabilang sa ganitong . . . grupo.”
Dahil dito, yaong nagsusumikap na masumpungan ang kasagutan sa mahahalagang katanungan tungkol sa buhay sa pamamagitan ng pilosopiya ay kadalasang naiiwang di-nasisiyahan o naghihinagpis. Sa kaniyang aklat na Tankelinjer och trosformer (Mga Hanay ng Kaisipan at Relihiyosong Pananampalataya), ganito ang sabi ng Suwekong awtor na si Gunnar Aspelin: “Ang isang bagay na nakikita natin ay na ang kalikasan ay hindi gaanong interesado sa tao kaysa sa paru-paro at lamok . . . Tayo ay walang kapangyarihan, lubusang walang-kapangyarihan, sa harap ng mga puwersa na kumikilos sa sansinukob at sa ating panloob na daigdig. Ito ang pangmalas sa buhay na malimit lumitaw sa panitikan sa pagtatapos ng isang siglo na doo’y naglagak ng pananampalataya ang mga tao sa pag-unlad at nangarap ng isang mas mabuting kinabukasan.”
Kailangan ba ang Pagsisiwalat ng Katotohanan?
Maliwanag na ang pagsisikap ng tao lamang ay hindi nagtagumpay sa paghahanap ng katotohanan tungkol sa buhay, at waring hindi nila masusumpungan ito kailanman. May mabuting dahilan, kung gayon, na manghinuhang kinakailangan ang isang uri ng banal na pagsisiwalat. Ang tinatawag ng marami na aklat ng kalikasan ay naglalaan ng ilang kaliwanagan. Kahit na hindi ito nagbibigay ng pangwakas na mga detalye tungkol sa pinagmulan ng buhay, ipinakikita naman nito na may isang bagay na mas kasiya-siya kaysa sa pawang materyalistikong paliwanag tungkol sa buhay. Ang isang dahon ng damo na lumalagong paitaas ay aktuwal na sumusunod sa mga batas na naiiba doon sa umuugit sa bunton ng mga bato sa isang gumuguhong hukay. Binubuo at inoorganisa ng nabubuhay na mga bagay ang kanilang sarili sa isang paraan na hindi nagagawa ng mga bagay na walang buhay. Kung gayon ay may saligan ang isang kilalang estudyante sa batas at relihiyon sa pagsasabing: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.”—Roma 1:20.
Ngunit upang matuklasan kung sino ang nasa likod ng lahat ng pagbuo at pag-oorganisang ito, kailangan pa natin ang higit pang pagsisiwalat. Hindi ba dapat na asahan nating umiiral nga ang gayong pagsisiwalat? Hindi ba makatuwirang asahan na ang Isa na pinagmulan ng buhay sa lupa ay magsisiwalat ng kaniyang sarili sa kaniyang mga nilikha?
Inaangkin ng Bibliya ang gayong pagsisiwalat. Sa magasing ito ay malimit naming iharap ang mabubuting dahilan sa pagtanggap sa pag-aangking ito, at tinanggap ito ng maraming palaisip na mga tao. Lubhang kapansin-pansin sa ganang sarili ang bagay na ang mga lalaking sumulat ng Bibliya ay sabik na linawing ang kanilang isinulat ay hindi sa kanila. Mahigit na 300 ulit, masusumpungan natin ang mga propeta sa Bibliya na gumagamit ng pananalitang gaya ng, “Ito ang sabi ni Jehova.” (Isaias 37:33; Jeremias 2:2; Nahum 1:12) Malamang ay alam mo na ang mga lalaki at babae na sumusulat ng mga aklat o mga artikulo ay karaniwang totoong nasasabik na pirmahan ang kanilang mga akda. Gayunman, yaong mga sumulat ng Bibliya ay pinanatili ang kanilang sarili sa kubling kalagayan; sa ilang pagkakataon ay mahirap matiyak kung sino ang sumulat ng ilang bahagi ng Bibliya.
Ang isa pang katangian ng Bibliya na masusumpungan mong kapuna-puna ay ang panloob na pagkakasuwato nito. Ito ay talagang kapansin-pansin, kung isasaalang-alang na ang 66 na aklat ng Bibliya ay isinulat sa loob ng 1,600 taon. Ipagpalagay na pumaroon ka sa isang pampublikong aklatan at pumili ng 66 na relihiyosong mga aklat na isinulat sa loob ng 16 na siglo. Pagkatapos ay pinabalatan mo ang indibiduwal na mga aklat na iyon upang maging isang tomo. Aasahan mo bang ang tomong iyon ay magkakaroon ng pangkalahatang tema at magkakasuwatong mensahe? Talagang hindi. Mangangailangan iyon ng isang himala. Isaalang-alang ito: Ang mga aklat ng Bibliya ay may gayong pangkalahatang tema, at pinatutunayan ng mga ito ang isa’t isa. Ipinakikita nito na talagang may isang utak, o awtor, na nag-utos kung ano ang itatala ng mga manunulat ng Bibliya.
Gayunman, may isang bahagi na masusumpungan mong nagpapatunay sa banal na pinagmulan ng Bibliya nang higit kaysa anupaman. Ang mga hula—impormasyon na isinulat nang patiuna tungkol sa tiyak na mangyayari sa hinaharap. Ang mga pananalitang gaya ng, “Mangyayari sa araw na iyon,” at, “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw” ay natatangi sa Bibliya. (Isaias 2:2; 11:10, 11; 23:15; Ezekiel 38:18; Oseas 2:21-23; Zacarias 13:2-4) Daan-daang taon bago naparito si Jesus sa lupa, ang mga hula sa Hebreong Kasulatan ay nagbigay ng mga detalye tungkol sa kaniyang buhay—mula sa kaniyang kapanganakan hanggang sa kaniyang kamatayan. Wala nang iba pang makatuwirang konklusyon ang maaabot kaysa sa bagay na ang Bibliya ay siyang pinagmumulan ng katotohanan tungkol sa buhay. Tiniyak ni Jesus mismo ito sa mga salitang: “Ang iyong salita ay katotohanan.”—Juan 17:17.
Ang Relihiyon at ang Katotohanan
Maging ang marami na nag-aangking nananampalataya sa Bibliya ay naniniwala na ang ganap na katotohanan ay hindi makakamtan. Ganito ang komento ng klerigo sa E.U. na si John S. Spong: “Kailangan nating . . . magbago buhat sa pag-iisip na taglay natin ang katotohanan at ang iba ay kailangang umabot sa ating punto de vista tungo sa pagkabatid na ang sukdulang katotohanan ay hindi makakamtan ng lahat sa atin.” Isang Romano Katolikong awtor, si Christopher Derrick, ang nagbibigay ng isang dahilan para sa gayong negatibong pangmalas tungkol sa pagkasumpong ng katotohanan: “Anumang pagbanggit ng ‘katotohanan’ ukol sa relihiyon ay nagpapahiwatig ng isang uri ng pag-aangkin na nakaaalam . . . Ipinahihiwatig mo na posibleng nagkakamali ang iba; at talagang hindi iyan matatanggap.”
Gayunman, bilang isang taong palaisip, makabubuting isaalang-alang mo ang ilang mahahalagang tanong. Kung hindi makakamtan ang katotohanan, bakit sasabihin pa ni Jesu-Kristo: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo”? At bakit ang isa sa mga apostol ni Jesus ay magsasabi na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan?” Bakit ang salitang “katotohanan” may kinalaman sa pananampalataya ay lumilitaw nang mahigit sa isang daang ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan? Oo, bakit, kung ang katotohanan ay hindi makakamtan?—Juan 8:32; 1 Timoteo 2:3, 4.
Sa katunayan, hindi lamang itinuro ni Jesus na ang katotohanan ay makakamtan kundi ipinakita na ang pagkasumpong nito ay kailangan upang sang-ayunan ng Diyos ang ating pagsamba. Nang magtanong ang babaing Samaritana kung ano ang anyo ng tunay na pagsamba—ang pagsamba na isinasagawa ng mga Judio sa Jerusalem o ang ginaganap ng mga Samaritano sa Bundok Gerizim—hindi sumagot si Jesus sa pamamagitan ng pagsasabing ang katotohanan ay di-makakamtan. Sa halip, sabi niya: “Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23, 24.
Inaangkin ng maraming tao, ‘Ang Bibliya ay maaaring ipaliwanag sa iba’t ibang paraan, kaya hindi posibleng matiyak ng isa kung ano ang katotohanan.’ Ngunit talaga nga kayang isinulat ang Bibliya sa gayong malabong paraan anupat hindi ka makatitiyak kung papaano ito uunawain? Totoo na ang ilang makahula at makasagisag na pananalita ay maaaring mahirap masakyan. Halimbawa, sinabi ng Diyos sa propetang si Daniel na ang kaniyang aklat, na naglalaman ng maraming makahulang pananalita, ay hindi lubusang mauunawaan hanggang sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:9) At maliwanag na kailangang ipaliwanag ang ilang talinghaga at sagisag.
Gayunman, maliwanag na kung tungkol sa saligang mga turong Kristiyano at simulain sa moral na kailangan sa pagsamba sa Diyos sa katotohanan, totoong tuwiran ang Bibliya. Hindi nito binibigyang-daan ang nagkakasalungatang mga paliwanag. Sa liham sa mga taga-Efeso, binanggit ang Kristiyanong pananampalataya bilang “isa,” na ipinakikitang hindi magkakaroon ng maraming pananampalataya. (Efeso 4:4-6) Marahil ay itatanong mo, ‘Kung ang Bibliya ay di-wastong maipaliliwanag sa iba’t ibang paraan, bakit napakaraming denominasyong “Kristiyano”?’ Masusumpungan natin ang sagot kung babalikan natin ang panahon di pa natatagalan pagkamatay ng mga apostol ni Jesus at noo’y tumubo na ang apostasya buhat sa tunay na Kristiyanong pananampalataya.
‘Ang Trigo at ang mga Panirang-Damo’
Inihula ni Jesus ang apostasyang ito sa kaniyang talinghaga ng trigo at mga panirang-damo. Ipinaliwanag ni Jesus mismo na “ang trigo” ay lumalarawan sa tunay na mga Kristiyano; “ang mga panirang-damo” ay lumalarawan sa huwad, o apostatang, mga Kristiyano. “Habang ang mga tao ay natutulog,” sabi ni Jesus, isang “kaaway” ang maghahasik ng mga panirang-damo sa bukid ng trigo. Nagsimula ang paghahasik na ito pagkatapos na ang mga apostol ay matulog sa kamatayan. Ipinakikita ng talinghaga na ang pagkahalong ito ng tunay na mga Kristiyano sa mga huwad ay magpapatuloy hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sa gayon, sa paglakad ng mga siglo, ang pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano ay naging kubli sapagkat ang relihiyosong bukirin ay pinangibabawan niyaong tinagurian lamang na mga Kristiyano. Gayunman, sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” magaganap ang isang pagbabago. “Isusugo ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel” upang ibukod ang huwad na mga Kristiyano buhat sa tunay na mga Kristiyano. Nangangahulugan ito na ang Kristiyanong kongregasyon sa panahong iyon ay madaling makikilala, palibhasa’y nasa kalagayan na taglay nito noong panahon ng mga apostol.—Mateo 13:24-30, 36-43.
Binabanggit kapuwa ng mga hula nina Isaias at Mikas ang gayong muling-pagtitipon ng mga tunay na mananamba “sa huling bahagi ng mga araw.” Ganito ang sabi ni Isaias: “Mangyayari na sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at dadagsa roon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan tungkol sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ ” Ang isang malinaw na pagsusuri sa mga pangyayari ay nagpapakita na ang hula ni Isaias ay natutupad sa ating panahon.—Isaias 2:2, 3; Mikas 4:1-3.
Ang paglaki ng Kristiyanong kongregasyon ay hindi nagaganap sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Inihula ni Jesus na “isusugo [niya] ang kaniyang mga anghel” upang gawin ang pagtitipon. Ipinahiwatig din niya ang isang lubhang natatanging layunin ukol dito: “Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.” (Mateo 13:43) Ipinakikita nito na isang gawaing nakapagpapaliwanag sa isipan, o pagtuturo, ang gagampanan sa buong daigdig ng Kristiyanong kongregasyon.
Nakikita ng mga Saksi ni Jehova ang katuparan ng mga hulang ito sa gawaing pagtuturo na kanilang isinasagawa sa 232 lupain sa ngayon. Kung ihahambing sa Bibliya ang mga paniniwala, pamantayan ng paggawi, at organisasyon ng mga Saksi, malinaw na makikita ng walang-kinikilingang mga tao na ang mga ito ay kasuwato niyaong sa unang-siglong Kristiyanong kongregasyon. Binabanggit ng mga Saksi ang kanilang pananampalataya bilang “ang katotohanan” ngunit hindi udyok ng pag-aakala ng personal na kahigitan. Sa halip, ginagawa nila iyon dahil sa detalyadong pinag-aralan nila ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at sinusunod nila ito bilang ang tanging pamantayan na doo’y wastong masusukat ang relihiyon.
Tinukoy ng sinaunang mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya bilang “ang katotohanan.” (1 Timoteo 3:15; 2 Pedro 2:2; 2 Juan 1) Kung ano ang katotohanan para sa kanila ay nararapat na siyang katotohanan din naman para sa atin ngayon. Inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang lahat upang tiyakin ito para sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Umaasa kami na sa paggawa nito kayo rin naman ay magtatamasa ng kagalakan na nagmumula hindi lamang sa pagkasumpong sa isang relihiyon na nakahihigit sa iba kundi sa pagkasumpong ng katotohanan!
[Kahon sa pahina 5]
ILANG PILOSOPIYA NA SALUNGAT SA KATOTOHANAN
POSITIVISM: Ang pangmalas na lahat ng idea na may relihiyosong katangian ay walang-kabuluhan at di-mapatutunayan at na ang layunin ng pilosopiya ay upang pagkaisahin ang positibong mga siyensiya upang makapagtatag ng isang kabuuan.
EXISTENTIALISM: Ang mga tagapagtaguyod nito ay lubhang naimpluwensiyahan ng mga kakilabutan ng Digmaang Pandaigdig II at sa gayo’y nagkaroon ng negatibong pangmalas sa buhay. Idiniriin nito ang pagsusuri sa pagdadalamhati ng tao sa harap ng kamatayan at ng kahungkagan ng buhay. Ang existentialist na awtor na si Jean-Paul Sartre ay nagsabi na, yamang walang Diyos, ang tao ay pinabayaan at umiiral sa isang sansinukob na lubusang walang-malasakit.
SKEPTICISM: Nanghahawakan na imposibleng sa pamamagitan ng obserbasyon at katuwiran ay maabot ang anumang layunin, lubos na kaalaman—anumang katotohanan—tungkol sa pag-iral.
PRAGMATISM: Tinatantiya ang tunay na halaga ng ating mga paninindigan tangi lamang sa pamamagitan ng praktikal na kaugnayan ng mga ito sa kapakanan ng tao, gaya ng pagbabago sa anyo ng edukasyon, moral, at pulitika. Hindi nito itinuturing na ang katotohanan sa ganang sarili nito ay may anumang halaga.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Page 3: Second from left: Courtesy of The British Museum; Right: Sung Kyun Kwan University, Seoul, Korea