Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ang mga Kabataan ay Nagpapahayag ng Mabuting Balita sa Aprika
DI PA NAGTATAGAL pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, isang lalaking Aprikano ang dumadalaw sa Jerusalem. Hindi binabanggit sa Bibliya ang kaniyang pangalan. Siya’y kilala lamang bilang “isang lalaking nasa kapangyarihan sa ilalim ni Candace na reyna ng mga Etiope, at siyang namamahala sa lahat ng kaniyang kayamanan.” Bakit siya binabanggit sa Bibliya? Sapagkat inakay ng isang anghel ang Kristiyanong ebanghelisador na si Felipe upang ipahayag sa kaniya “ang mabuting balita tungkol kay Jesus.” Ang lalaking Etiopeng ito ang unang Aprikanong naiulat na naging isang miyembro ng kongregasyong Kristiyano.—Gawa 8:26-39.
Sa ngayon, may daan-daan libong Saksi ni Jehova sa Aprika. Ginagamit nila ang bawat pagkakataon upang ibahagi sa iba ang mabuting balita tungkol kay Jesus. Ang sumusunod na karanasan ay nagpapakita na kahit ang mga kabataan sa Aprika ay may bahagi rito.
◻ Sina Sandy at Priya, dalawang 11-anyos na batang babae sa Nairobi, Kenya, ay magkapitbahay. Nasisiyahan sila na maglarong magkasama at magpalitan ng mga aklat ng mga kuwento. Ang mga magulang ni Priya ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon si Priya ay may koleksiyon ng mga bagong aklat na maidaragdag sa kaniyang natipon, kasali na ang isa na naging paborito niya, ang Pakikinig sa Dakilang Guro, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society. Ibinabahagi niya ang kaniyang aklat na Dakilang Guro sa kaniyang kaibigang si Sandy, at ang dalawang bata ay nagsimula ng palagiang pag-aaral niyaon.
Gayunman, ang ina ni Sandy, si Una, ay dumadalo sa Anglican Church at ayaw nito na ang kaniyang anak ay magbasa ng mga aklat na mula sa mga Saksi ni Jehova. Sa kabila ng pagsalansang ng ina, ang pag-aaral ay nagpatuloy. Isang araw ay nakiusap si Sandy sa kaniyang ina na ito’y makinig sa kanilang pagtalakay kahit minsan man lamang. Ang kabanata na binasa ng mga bata nang araw na iyon ay pinamagatang “Dalawang Lalaki na Nagkumpleanyo.” Si Una ay nakinig at humangang mabuti. Dagling lumapit siya sa ina ni Priya taglay ang maraming tanong sa Bibliya.
Isinaayos ng ina ni Priya na ang isang Saksi ay makipag-aral ng Bibliya kay Una. Di-nagtagal at ibinabahagi na ni Una sa kaniyang kamanggagawang si Dolly ang kaniyang natutuhan. Samantala, ang 11-anyos na si Priya ay patuloy na sumulong at nagpasiyang sagisagan ang kaniyang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa kombensiyon ding iyon, anong laking tuwa ni Priya, dahil sina Una at Dolly ay nabautismuhan din!
◻ May ilang bansa sa Aprika na kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi nakarehistro. Sa isa sa gayong mga lupain, pangkaraniwan nang pinapayagan ang mga Saksi ni Jehova may kaugnayan sa kanilang relihiyosong gawain at mga paniniwala. Sa isang paaralan sa lupaing iyon, isang batang lalaking pitong taóng gulang at ang kaniyang seis anyos na kapatid—mga anak ng mga Saksi—ang pinayagang di-makisali sa panahon ng mga pagdarasal.
Isang araw, iginiit ng isang bagong guro na ang mga batang ito ay sumali sa pagdarasal kasama ng iba pang bata. Ang nakatatandang bata ay tumanggi at pinalo ng guro. Ang kaniyang nakababatang kapatid, ang seis anyos na si Shadrack, ay nagpumilit na makipagkita sa punung-guro sa kaniyang upisina. Tinanong siya ng punung-guro at ng bagong guro kung bakit ayaw niyang makisali sa iba. Tinanong nila siya kung siya’y natatakot mapalo ng kaniyang mga magulang. Napakatatas ng pagsagot niya sa wikang Arabe: “Hindi po, ang Diyos na sinasamba ko ay hindi isang Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan. Hindi ako maaaring maging isang Saksi ni Jehova sa tahanan at may ibang relihiyon naman sa paaralan!” Bunga nito, siya’y pinayagang hindi sumali.
Pagkatapos mabautismuhan, ang Etiopeng binanggit sa aklat ng Mga Gawa ay ‘nagpatuloy na humayo na nagsasaya.’ (Gawa 8:39) Gayundin sa ngayon, ang mga tagapaghayag ng Kaharian sa malawak na kontinente ng Aprika ay nagagalak sa kanilang pribilehiyo ng ‘paghahayag ng mabuting balita tungkol kay Jesus.’—Gawa 8:35.