Magwawakas Pa Kaya ang Pagkakapootan?
KUNG nanonood ka ng balita sa telebisyon nang kahit pahapyaw lamang, hindi na bago sa iyo ang pagkakapootan. Ang poot ang laging nasa likod ng malawakang pamamaslang na halos sa araw-araw ay nag-iiwan sa daigdig na ito ng bakas na tigmak sa dugo. Mula sa Belfast hanggang sa Bosnia, mula Jerusalem hanggang Johannesburg, maraming kaawa-awang mirón ang pinapaslang.
Karaniwan nang hindi kilalá ng mga biktima ang sumalakay sa kanila. Marahil ang pagiging kasapi sa “kalabang grupo” ang tanging “kasalanan” nila. Sa isang palitan ng pananakot, ang gayong mga pagpatay ay maaaring isang ganti sa ilang nakaraang kalupitan o isang anyo ng “paglipol ng lahi.” Bawat karahasan na nangyayari ay nagsisilbing gatong sa pagkakapootan sa pagitan ng mga magkalabang grupo.
Waring dumarami ang ganitong siklo ng kakila-kilabot na pagkakapootan. Sumisiklab ang mga alitan ng mga angkan sa pagitan ng mga tribo, lahi, at katutubò o relihiyosong grupo. Magwawakas pa kaya ang pagkakapootan? Upang masagot iyan, kailangang maunawaan natin ang mga sanhi ng pagkakapootan, yamang hindi tayo isinilang upang mapoot.
Itinatanim ang mga Binhi ng Pagkakapootan
Hindi pa natututong mapoot si Zlata Filipovic, isang batang babaing taga-Bosnia na mula sa Sarajevo. Ganito siya sumulat nang may-kahusayan sa kaniyang talaarawan hinggil sa mga karahasan sa pagitan ng mga lipi: “Palagi akong nagtatanong ng Bakit? Para sa ano? Sinong dapat sisihin? Ako’y nagtatanong pero walang sumasagot. . . . May mga taga-Serbia at taga-Croatia at mga Muslim sa aking mga kaibigang babae, sa mga kaibigan namin, at sa aming pamilya. . . . Kami’y nakikisama sa mabubuti, hindi sa masasama. At sa gitna ng mabubuti ay may mga taga-Serbia at taga-Croatia at mga Muslim, kung papaanong mayroon din naman sa gitna ng masasama.”
Sa kabilang panig, iba naman ang iniisip ng maraming nasa edad na. Naniniwala sila na may sapat silang dahilan para mapoot. Bakit?
Kawalang-katarungan. Marahil ang pangunahing dahilan ng pagkakapootan ay ang kawalang-katarungan at paniniil. Gaya ng sabi ng Bibliya, “ang paniniil ay magpapakilos sa pantas na parang baliw.” (Eclesiastes 7:7) Kapag ang mga tao ay pinagsamantalahan o pinagmalupitan, madali para sa kanila na tubuan ng pagkapoot sa mga mapaniil. At bagaman maaari itong maging di-makatuwiran, o “kabaliwan,” karaniwan nang ang pagkapoot ay ibinubunton sa isang buong grupo.
Samantalang ang kawalan ng katarungan, tunay man o guniguni, ay maaaring siyang pangunahing sanhi ng pagkakapootan, hindi lamang ito ang iisang dahilan. Nariyan din ang pagtatangi.
Pagtatangi. Karaniwan nang nag-uugat ang pagtatangi mula sa kawalang-alam tungkol sa isang lipi o pambansang grupo. Dahilan sa sabi-sabi, matandang alitan, o isang masamang karanasan sa isa o dalawang tao, maaaring iugnay ng ilan ang di-kaayaayang mga katangian sa isang buong lahi o bansa. Kapag nag-ugat na ang pagtatangi, maaari nitong bulagin ang mga tao sa katotohanan. “Kinapopootan namin ang ilang tao dahil hindi namin sila kilalá; at hindi namin sila kikilalanin dahil kinapopootan namin sila,” ang komento ng manunulat na Ingles na si Charles Caleb Colton.
Sa kabilang dako, maaaring kusang itaguyod ng mga pulitiko at mga istoryador ang pagtatangi para sa pampulitika o pambansang mga layunin. Isang pangunahing halimbawa si Hitler. Sinabi ni Georg, isang dating miyembro ng Hitler Youth Movement: “Unang itinuro sa amin ng propagandang Nazi ang mapoot sa mga Judio, pagkatapos sa mga Ruso, nang dakong huli’y sa lahat ng ‘mga kaaway ng Reich.’ Bilang isang kabataan, naniwala ako sa lahat ng itinuro sa akin. Nang maglaon, natuklasan ko na ako pala’y nalinlang.” Gaya sa Alemanyang Nazi at sa iba pang dako, binibigyang-katuwiran ang pagtatangi ng lahi o ng pinagmulan sa pamamagitan ng makabansang mga panawagan, na isa pang sanhi ng pagkakapootan.
Nasyonalismo, tribolismo, at pagtatangi ng lahi. Sa kaniyang aklat na The Cultivation of Hatred, inilalarawan ng istoryador na si Peter Gay kung ano ang nangyari sa pagsisimula ng unang digmaang pandaigdig: “Ang nasyonalismo ay nanaig sa lahat ng iba pa sa labanan ng katapatan. Ang pag-ibig sa tinubuang-bayan at ang pagkapoot sa mga kaaway nito ang naging pangunahing pangangatuwiran sa mga pagsalakay na isinagawa sa mahabang yugto ng ikalabing-siyam na siglo.” Ang damdaming makabayan ng mga Aleman ang nagpabantog sa isang pandigmáng awit na kilala bilang ang “Hymn of Hate.” Ipinaliliwanag ni Gay na ang mga tagapagsulsol ng pagkakapootan sa Britanya at Pransiya ay kumatha ng mga kuwento tungkol sa mga sundalong Aleman na nanghahalay ng mga kababaihan at pumapaslang ng mga sanggol. Inilarawan ni Siegfried Sassoon, isang sundalong Ingles, ang buod ng pandigmaang propaganda ng mga Britano: “Sa wari, ang tao ay nilikha upang kitlán ng buhay ang mga Aleman.”
Katulad ng nasyonalismo, maaaring pumukaw ng pagkapoot sa ibang mga lipi o lahi ang labis na pagpaparangal sa isang lipi o lahi. Patuloy na nagbubunsod ng karahasan ang tribolismo sa maraming bansang Aprikano samantalang sinasalot pa rin ng pagtatangi ng lahi ang Kanlurang Europa at Hilagang Amerika. Isa pang sanhi ng pagkakabaha-bahagi na maaaring ilakip sa nasyonalismo ay ang relihiyon.
Relihiyon. Marami sa pinakamalulubhang alitan sa daigdig ay may malaking kinalaman sa relihiyon. Sa Hilagang Ireland, sa Gitnang Silangan, at sa iba pang dako, ang mga tao ay kinapopootan dahil sa kanilang pinaniniwalaang relihiyon. Mahigit sa dalawang siglo na ang lumipas, sinabi ng awtor na Ingles na si Jonathan Swift: “Mayroon tayong sapat na relihiyon upang pukawin ang ating poot, ngunit hindi sapat upang udyukan tayong mag-ibigan sa isa’t-isa.”
Noong 1933, ipinaalam ni Hitler sa obispo ng Osnabrück: ‘Kung tungkol sa mga Judio, ipinagpapatuloy ko lamang ang dating patakaran na sinusunod ng Iglesya Katolika sa loob ng 1,500 taon.’ Ang kaniyang nakasusuklam na pamamaslang ay hindi kailanman tinuligsa ng karamihan sa mga pinuno ng iglesyang Aleman. Sa kaniyang aklat na A History of Christianity, iniulat ni Paul Johnson na “itinitiwalag ng Iglesya ang mga Katoliko na sa kanilang huling habilin ay naglahad na ibig nilang ipasunog ang kanilang bangkay, . . . ngunit hindi nito ipinagbawal sa kanila ang pagtatrabaho sa mga kampong piitan o sa mga death camp.”
Ang ibang relihiyosong lider ay lumampas pa sa basta pagkunsinti sa pagkakapootan—kanilang pinabanal ito. Sa pagpapasimula ng Gera Sibil sa Espanya noong 1936, isinumpa ni Papa Pius XI ang ‘talagang satanikong pagkapoot sa Diyos’ ng mga Republikano—bagaman may mga paring Katoliko sa panig ng mga Republikano. Gayundin, inangkin ni Cardinal Gomá, ang primado ng Espanya noong panahon ng gera sibil, na ‘imposibleng ibalik ang kapayapaan nang walang nasasandatahang pagbabaka.’
Ang relihiyosong pagkakapootan ay walang palatandaan ng paghupa. Noong 1992 tinuligsa ng magasing Human Rights Without Frontiers ang paraan kung papaano pinupukaw ng mga opisyal ng Griegong Iglesya Ortodokso ang pagkapoot laban sa mga Saksi ni Jehova. Tinukoy nito, liban pa sa maraming pangyayari, ang halimbawa ng isang Griegong Ortodoksong pari na naghabla laban sa dalawang 14 na-taóng-gulang na Saksi. Ang akusasyon? Ipinaratang niya na kanilang ‘pinipilit siya na magbago ng kaniyang relihiyon.’
Ang mga Bunga ng Pagkakapootan
Sa buong daigdig, itinatanim at dinidilig ang mga binhi ng pagkakapootan sa pamamagitan ng kawalang-katarungan, pagtatangi, nasyonalismo, at relihiyon. Ang tiyak na bunga ay galit, pagsalakay, digmaan, at kapahamakan. Tumutulong sa atin ang mga pananalita ng 1 Juan 3:15 na makita ang kaselangan nito: “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao.” Walang-alinlangan, kung saan may pagkakapootan, ang kapayapaan—kung sakaling umiiral pa ito—ay nanganganib.
Si Elie Wiesel, na nagwagi ng Nobel Prize at nakaligtas sa Holocaust, ay sumulat: “Ang tungkulin ng nakaligtas ay ang magpatotoo tungkol sa nangyari . . . Kailangang babalaan mo ang mga tao na maaaring mangyari ang mga bagay na ito, na maaaring pakawalan ang kabalakyutan. Ang pagkakapootan ng lahi, karahasan, idolatriya—laganap pa rin ang mga ito.” Nagpapatotoo ang kasaysayan ng ika-20 siglo na ang pagkapoot ay hindi isang apoy na unti-unting mamamatay sa ganang sarili.
Mabubunot pa kaya ang pagkapoot sa puso ng mga tao? Palagi bang mapangwasak ang pagkakapootan, o may positibong bagay tungkol dito? Tingnan natin.