Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 6/15 p. 5-8
  • Ang Wakas ng Pagkakapootan sa Buong Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Wakas ng Pagkakapootan sa Buong Daigdig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtatagumpay Laban sa Pagkapoot sa Isang Kampong Piitan
  • Isang Panahon Upang Mapoot
  • Isang Sanlibutan na Walang Pagkakapootan
  • Magwawakas Pa Kaya ang Pagkakapootan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Bakit Hindi Matapos-tapos ang Pagkapoot?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2022
  • Mawawala Na ang Poot!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2022
  • Madadaig Natin ang Poot!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 6/15 p. 5-8

Ang Wakas ng Pagkakapootan sa Buong Daigdig

HALOS dalawang libong taon na ang nakararaan, isang maliit na grupo ang naging tampulan ng poot. Ganito ang paliwanag ni Tertullian hinggil sa umiiral na saloobin ng mga Romano sa sinaunang mga Kristiyano: “Kapag hindi nagpapaulan ang mga langit, kapag lumilindol, kapag may taggutom o salot, kagyat na isinisigaw ang, ‘Ipakain ang mga Kristiyano sa mga leon!’ ”

Sa kabila ng pagiging tampulan ng poot, pinagpunyagian ng unang mga Kristiyano ang tukso na ipaghiganti ang kawalang-katarungan. Sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo: “Narinig ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa at kapootan ang iyong kaaway.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo. ”​—Mateo 5:43, 44.

Ang sinasalitang tradisyon ng mga Judio ang nagtuturo na ‘ang mapoot sa isang kaaway’ ay siyang nararapat gawin. Gayunman, sinabi ni Jesus na dapat nating ibigin ang ating kaaway, hindi lamang ang ating kaibigan. Ito ay mahirap ngunit hindi naman imposible. Ang pag-ibig sa kaaway ay hindi naman nangangahulugang gugustuhin natin ang lahat ng kaniyang mga pamamaraan o kaniyang mga gawa. Ang Griegong salita na masusumpungan sa ulat ni Mateo ay galing sa a·gaʹpe, na inilalarawan ang isang pag-ibig na gumagawang kasuwato ng simulain. Ang tao na nagpapamalas ng a·gaʹpe, may simulaing pag-ibig, ay gumagawa nang mabuti maging sa isang kaaway na napopoot at nagmamalupit sa kaniya. Bakit? Sapagkat ito ang paraan ng pagtulad kay Kristo, at ito ang paraan upang madaig ang poot. Sinabi ng isang Griegong iskolar: “Pinangyayari ng [a·gaʹpe] na madaig natin ang ating hilig na magalit at sumamâ ang loob.” Subalit epektibo kaya ito sa daigdig ngayon na punô ng pagkakapootan?

Totoo naman, hindi lahat ng nag-aangking Kristiyano ay desididong tumulad sa halimbawa ni Kristo. Ang kamakailang kabuktutan sa Rwanda ay isinagawa ng mga lipi na ang karamihan sa mga miyembro nila ay nag-aangking mga Kristiyano. Isinalaysay ni Pilar Díez Espelosín, isang Romano Katolikong madre na nagtrabaho sa Rwanda sa loob ng 20 taon, ang isang nagsisiwalat na pangyayari. Isang lalaki na may hawak ng sibat na halatang ginamit na niya ang lumapit sa kaniyang simbahan. Tinanong siya ng madre: “Ano ba iyang pinaggagagawa mong paglilibot at pagpatay ng mga tao? Hindi mo na ba naiisip si Kristo?” Sinabi niya na naiisip naman niya at kapagdaka’y pumasok sa loob ng simbahan, lumuhod, at taimtim na umusal ng Rosaryo. Ngunit nang siya’y matapos, siya’y umalis upang patuloy na pumatay. “Ipinakikita nito na hindi namin itinuturo nang wasto ang ebanghelyo,” pag-amin ng madre. Gayunpaman, ang gayong kabiguan ay hindi nangangahulugang di-epektibo ang mensahe ni Jesus. Ang pagkakapootan ay mapagtatagumpayan niyaong nagsasagawa ng tunay na Kristiyanismo.

Pagtatagumpay Laban sa Pagkapoot sa Isang Kampong Piitan

Si Max Liebster ay isang likas na Judio na nakaligtas sa Holocaust. Bagaman ang kaniyang apelyido ay nangangahulugang “iniibig,” nasaksihan niya ang di-pangkaraniwang tindi ng pagkapoot. Inilalarawan niya ang kaniyang natutuhan sa Alemanyang Nazi tungkol sa pag-ibig at poot.

“Ako’y pinalaki malapit sa Mannheim, Alemanya, noong mga taon ng 1930. Inangkin ni Hitler na ang lahat ng mga Judio ay mayayamang manghuhuthot na nagsasamantala sa mga Aleman. Ngunit ang totoo ay isang hamak na manggagawa lamang ng sapatos ang aking ama. Gayunpaman, nagsimulang mamuhi sa amin ang aming mga kapitbahay dahil sa impluwensiya ng propagandang Nazi. Nang ako’y tin-edyer, isang taganayon ang sapilitang nagpahid sa aking noo ng dugo ng baboy. Ang lantarang paghamak na ito ay isa lamang pasimula ng mga bagay na mangyayari pa. Noong 1939 ako’y inaresto ng Gestapo at kinumpiska ang lahat ng aking mga ari-arian.

“Mula Enero 1940 hanggang Mayo 1945, nakipagpunyagi ako upang manatiling buhay sa limang ibat-ibang kampong piitan: Sachsenhausen, Neuengamme, Auschwitz, Buna, at Buchenwald. Ang aking ama, na ipinadala rin sa Sachsenhausen, ay namatay noong matinding taglamig ng 1940. Ako mismo ang nagbuhat sa kaniyang bangkay patungong krematorio, kung saan isang bunton ng mga bangkay ang naghihintay upang sunugin. Sa kabuuan, walo sa aking pamilya ang namatay sa mga kampo.

“Kinapopootan ng mga bilanggo ang mga kapos nang higit kaysa sa mga guwardiyang SS. Ang mga kapos ay mga bilanggo na nakikipagtulungan sa SS kung kaya’t nagtatamasa ng ilang pabor. Sila’y inatasan na mangasiwa sa pamamahagi ng pagkain, at sila rin ang gumugulpi sa ibang mga bilanggo. Madalas na hindi sila makatuwiran at may kinikilingan. Akala ko ay may higit na dahilan ako upang kapootan kapuwa ang SS at ang mga kapos, ngunit sa panahon ng aking pagkabilanggo, natutuhan ko na mas makapangyarihan ang pag-ibig kaysa sa poot.

“Ang katatagan ng mga bilanggong Saksi ni Jehova ang nakakumbinsi sa akin na nakasalig sa Kasulatan ang kanilang pananampalataya​—at ako mismo ay naging isang Saksi. Hinimok ako ni Ernst Wauer, isang Saksi na nakilala ko sa kampong piitan ng Neuengamme, na linangin ang pangkaisipang saloobin ni Kristo. Sinasabi ng Bibliya na ‘nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.’ (1 Pedro 2:23) Sinikap kong gawin ang gayon, ang ipaubaya ang paghihiganti sa kamay ng Diyos, na siyang Hukom ng lahat.

“Natutuhan ko sa mga taóng ginugol ko sa mga kampo na karaniwan nang nakagagawa ang mga tao ng masasamang bagay bunga ng kawalang-alam. Hindi naman lahat ng guwardiyang SS ay pawang masasama​—may isa na nagligtas sa aking buhay. Minsan ako’y pinahirapan ng isang malubhang atake ng diarrhea at totoong mahina na upang maglakad mula sa aking trabaho patungo sa kampo. Ako sana’y ipinadala na noong sumunod na umaga sa mga gas oven ng Auschwitz, ngunit isang guwardiyang SS, na nagmula sa rehiyon ng Alemanya na pinanggalingan ko, ang namagitan para sa akin. Isinaayos niya na magtrabaho ako sa kapiterya ng SS, kung saan nakapagpapahinga ako hanggang sa ako ay gumaling. Isang araw ay ipinagtapat niya sa akin: ‘Max, pakiramdam ko ay nakasakay ako sa isang tren na tumatakbo nang napakabilis at hindi na makontrol. Kung ako’y tatalon, mamamatay ako. Kung mamamalagi ako, mababangga naman ako!’

“Tulad ko, kailangang-kailangan ng mga taong ito ang pag-ibig. Sa katunayan, pinapangyayari ng pag-ibig at pagkamadamayin, kalakip ng aking pananampalataya sa Diyos, na maharap ko ang abáng mga kalagayan at ang araw-araw na banta ng kamatayan. Hindi ko masasabi na nakaligtas ako nang hindi nasugatan, subalit ang mga pilat ko sa emosyon ay kakaunti lamang.”

Ang kasiglahan at kabaitan na kitang-kita pa rin kay Max pagkalipas ng 50 taon ay matibay na patotoo sa katunayan ng kaniyang mga salita. Hindi lamang si Max ang may ganiyang karanasan. May matibay na dahilan siya upang madaig ang pagkapoot​—ibig niyang tularan si Kristo. Ganiyan din ang ginawa ng iba na ang buhay ay inakay sa pamamagitan ng Kasulatan. Ipinaliliwanag ni Simone, isang Saksi ni Jehova na mula sa Pransiya, kung papaano niya natutuhan ang kahulugan ng walang pag-iimbot na pag-ibig.

“Itinuro ng aking inang si Emma, na naging isang Saksi di pa natatagalan bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, na madalas na gumagawa ng masama ang mga tao dahilan sa kawalang-alam. Ipinaliwanag niya na kung kapopootan namin sila gaya ng pagkapoot nila sa amin, hindi kami tunay na mga Kristiyano, yamang sinabi ni Jesus na dapat nating ibigin ang ating mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa atin.​—Mateo 5:44.

“Naaalaala ko pa ang isang sukdulang sitwasyon na sumubok sa paninindigang ito. Noong panahon ng pananakop ng mga Nazi sa Pransiya, dumanas si Inay ng malaking paghihirap sa kamay ng isang katulad naming nangungupahan sa isang gusaling-paupahan. Kaniyang isinumbong si Inay sa Gestapo, anupat naging dahilan ng paggugol ni Inay ng dalawang taon sa mga kampong piitan ng mga Aleman, kung saan siya’y muntik nang mamatay. Pagkatapos ng digmaan, nais ng pulisya ng Pransiya na lagdaan ni Inay ang isang kasulatan na nagpaparatang sa babaing ito bilang isang nakikipagtulungan sa mga Aleman. Subalit tumanggi si Inay, anupat sinabi na ‘Ang Diyos ang siyang Hukom at ang Tagapagganti sa mabuti at masama.’ Pagkaraan ng ilang taon, nagkasakit ang kapitbahay naming ito ng malubhang kanser. Sa halip na matuwa sa kinahinatnan niya, gumugol si Inay ng maraming oras upang gawing maalwan hangga’t maaari ang mga huling buwan ng kaniyang buhay. Hindi ko malilimutan ang pagtatagumpay na ito ng pag-ibig laban sa poot.”

Ipinakikita ng dalawang halimbawang ito ang kapangyarihan ng pag-ibig na may simulain sa harap ng kawalang-katarungan. Gayunman, sinasabi ng Bibliya mismo na may “panahon upang umibig at panahon upang mapoot.” (Eclesiastes 3:1, 8) Papaano mangyayari iyon?

Isang Panahon Upang Mapoot

Hindi hinahatulan ng Diyos ang lahat ng pagkakapoot. Tungkol kay Jesu-Kristo, sinabi ng Bibliya: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang katampalasanan.” (Hebreo 1:9) Gayunpaman, may pagkakaiba sa pagitan ng pagkapoot sa masama at pagkapoot sa taong gumagawa ng masama.

Ipinakita ni Jesus ang halimbawa ng wastong pagkakatimbang sa pagitan ng pag-ibig at pagkapoot. Kinapootan niya ang pagpapaimbabaw, subalit sinikap niyang tulungan ang mga mapagpaimbabaw na mabago ang kanilang paraan ng pag-iisip. (Mateo 23:27, 28; Lucas 7:36-50) Hinatulan niya ang karahasan, ngunit idinalangin niya yaong mga pumatay sa kaniya. (Mateo 26:52; Lucas 23:34) At bagaman kinapootan siya ng sanlibutan nang walang kadahilanan, ipinagkaloob niya ang kaniyang buhay upang bigyan ng buhay ang sanlibutan. (Juan 6:33, 51; 15:18, 25) Iniwanan niya tayo ng isang sakdal na halimbawa ng pag-ibig na may simulain at maka-Diyos na pagkapoot.

Maaaring dahil sa kawalang-katarungan ay may katuwiran tayong magalit, gaya ng nadama ni Jesus. (Lucas 19:45, 46) Gayunpaman, hindi binigyang-karapatan ang mga Kristiyano na ilagay sa kanilang mga kamay ang paghihiganti. “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman,” ang payo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma. “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili . . . Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:17-21) Kapag personal nating tinatanggihang magtanim ng poot o maghiganti sa masama, nagtatagumpay ang pag-ibig.

Isang Sanlibutan na Walang Pagkakapootan

Upang mapawi ang pagkakapootan sa buong daigdig, kailangang baguhin ang malaon nang saloobin ng milyun-milyong tao. Papaano ito matatamo? Iminumungkahi ni Propesor Ervin Staub ang mga sumusunod: “Niwawalang-halaga natin yaong mga pinipinsala natin at pinahahalagahan naman yaong mga tinutulungan natin. Habang lalo nating napahahalagahan ang mga taong tinutulungan natin at nararanasan ang mga kasiyahang idinudulot ng pagtulong, nasusumpungan din natin ang ating sarili na nagiging higit na maalalahanin at matulungin. Dapat na maging isa sa mga tunguhin natin ang paglikha ng mga lipunan na kung saan may pinakamalawak na pakikibahagi hangga’t maaari sa paggawa para sa iba.”​—The Roots of Evil.

Sa ibang pananalita, ang pagkaparam ng poot ay humihiling ng pangangailangang lumikha ng isang lipunan na kung saan natututong umibig ang mga tao sa pamamagitan ng pagtulong sa isa’t isa, isang lipunan na kung saan nililimot ng mga tao ang lahat ng alitang dulot ng kawalang-katarungan, nasyonalismo, pagtatangi ng lahi, at ng tribolismo. Umiiral ba ang gayong lipunan? Isaalang-alang ang karanasan ng isang lalaki na personal na napaharap sa pagkakapootan noong panahon ng Kultural na Rebolusyon sa Tsina.

“Nang magsimula ang Kultural na Rebolusyon, kami’y tinuruan na walang dako ang pakikipagkompromiso sa ‘labanan ng uri.’ Poot ang nangingibabaw na damdamin. Ako’y naging isang Red Guard at nagsimulang humanap ng ‘mga kalabang uri’ saanman​—maging sa gitna ng aking pamilya. Bagaman ako’y isang tin-edyer lamang noon, sumali ako sa mga paghahalughog sa mga bahay, kung saan naghahanap kami ng katibayan ng ‘pagkiling sa oposisyon.’ Pinangunahan ko rin ang isang pangmadlang pagpupulong na tumuligsa sa isang ‘kalaban ng rebolusyon.’ Siyempre pa, ang ganitong mga paratang ay nakabatay lamang kung minsan sa personal na alitan at hindi sa pulitikal na mga bagay.

“Nakita ko ang maraming tao​—bata at matanda, lalaki at babae​—na pinarurusahan nang labis-labis. Ang isa sa aking mga guro​—isang mabuting tao​—ay ipinarada sa palibot na para bang isa siyang kriminal. Isa pang iginagalang na guro sa aking paaralan ang natagpuang patay sa Ilog Suzhou pagkaraan ng dalawang buwan, at napilitang magbigti ang aking guro sa Ingles. Ako’y nanghilakbot at nagulumihanan. Mabubuting tao ang mga ito. Ang ganitong pakikitungo sa kanila ay mali! Kaya pinutol ko ang lahat ng aking kaugnayan sa mga Red Guard.

“Hindi ako naniniwala na ang yugtong ito ng pagkakapootan na sandaling lumukob sa Tsina ay isang natatanging pangyayari. Nakita ng siglong ito ang napakaraming bugso ng pagkakapootan. Gayunman, naniniwala ako na madaraig ng pag-ibig ang poot. Nakita ko mismo ang bagay na ito. Nang ako’y magsimulang makisama sa mga Saksi ni Jehova, humanga ako sa tunay na pag-ibig na ipinakita nila sa mga tao na may iba’t-ibang lahi at pinagmulan. Umaasa ako sa panahon, gaya ng ipinapangako ng Bibliya, na ang lahat ng tao ay natuto nang umibig sa isa’t-isa.”

Oo, ang internasyonal na samahan ng mga Saksi ni Jehova ay isang buháy na katibayan na maaaring pawiin ang pagkapoot. Anuman ang kanilang pinagmulan, nagsisikap ang mga Saksi na ang pagtatangi ay halinhan ng paggalang sa isa’t-isa at alisin ang anumang bakas ng tribolismo, pagtatangi ng lahi, o nasyonalismo. Isang saligan ng kanilang tagumpay ay ang determinasyon nila na tularan si Jesu-Kristo sa pagpapakita ng pag-ibig na ginagabayan ng simulain. Ang isa pang saligan ay ang kanilang pag-asa na wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang anumang kawalang-katarungan na kanilang dinaranas.

Ang Kaharian ng Diyos ang tanging paraan upang matamo ang isang sanlibutan na walang pagkakapootan, isang sanlibutan na kung saan wala man lamang kabalakyutan na kapopootan. Ang makalangit na pamahalaang ito, na inilalarawan sa Bibliya bilang “mga bagong langit,” ang titiyak sa isang sanlibutan na malaya mula sa kawalang-katarungan. Pamamahalaan nito ang “isang bagong lupa,” o bagong lipunan ng mga tao na naturuan upang mag-ibigan sa isa’t-isa. (2 Pedro 3:13; Isaias 54:13) Ang pagtuturong ito ay nagaganap na, gaya ng pinatutunayan ng mga karanasan nina Max, Simone, at maraming iba pa. Ito ay isang patiunang halimbawa ng isang pandaigdig na programa upang pawiin ang poot at ang mga sanhi nito.

Inilalarawan ni Jehova ang resulta sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias: “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng ano mang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapúpunô nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.” (Isaias 11:9) Ang Diyos mismo ang magpapahinto sa pagkakapootan. Tunay na magiging panahon ito ng pag-iibigan.

[Mga larawan sa pahina 7]

Itinatú ng mga Nazi ang isang pambilangguang numero sa kaliwang braso ni Max Liebster

[Larawan sa pahina 8]

Ang pagkakapootan ay malapit nang maging isang bagay ng nakalipas

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share