Ang Pagiging Walang Asawa sa mga Panahong Mahirap ang Kabuhayan
“IBIG kong mag-asawa nang ako’y 25 taóng gulang,” sabi ni Chuks, na naninirahan sa Kanlurang Aprika. “May napupusuan na akong isang dalaga, at siya’y may gusto naman sa akin. Ang problema ay salapi. Walang trabaho ang aking ama at ang aking kuya, at ang aking nakababatang mga kapatid ay nagsisipag-aral pa. Lahat sila’y umaasang ako ang susuporta sa pamilya. Pagkatapos, lumubha pa ang mga bagay-bagay nang magkasakit ang aking mga magulang, at nangailangan ng higit pang salapi para gastusin sa pagpapagamot.”
Si Chuks, na isang Saksi ni Jehova, ay ayaw pang magpakasal kung hindi pa niya masusuportahan ang isang asawa. Naiisip niya ang mga salita ni Pablo na masusumpungan sa 1 Timoteo 5:8: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.”
“Ako’y nagtrabaho nang husto,” ang sabi pa ni Chuks, “ngunit hindi pa rin sapat ang pera. Kaya naman ang aming planong pakasal ay paulit-ulit na naantala. Sa wakas tumanggap ako ng liham buhat sa dalaga na nagsasabing may lumapit sa kaniyang ama upang hingin ang kaniyang kamay. Pumayag ang ama. Mga ilang araw lamang pagkatapos matanggap ang kaniyang liham, ang pamilya ay nagkaroon ng salu-salo upang ipahayag ang pagtitipanan.”
Tulad ni Chuks, maraming lalaking Kristiyano ang nabigo o naantala ang planong makapag-asawa dahilan sa di-magandang kalagayan ng ekonomiya. Sa maraming bansa ay malubha ang implasyon. Halimbawa, sa isang bansa sa sentral Aprika, ang mga halaga ng bilihin ay tumaas ng 8,319 na porsiyento sa isang taon! Sa ilang bansa ay mahirap makahanap ng trabaho. Malimit din na ang mga kita ay totoong maliliit anupat mahirap para sa isang lalaki na suportahan ang kaniyang sarili, huwag nang sabihin pa ang isang asawa at mga anak. Isang lalaki sa Nigeria ang may hinanakit na nagsabi na ang trabahong inialok sa kaniya sa isang pabrika ay nagpapasahod ng $17 lamang isang buwan—kulang pa sa buwanang pamasahe sa bus patungo at pauwi sa trabaho!
Maraming dalagang Kristiyano ang hindi makapag-asawa dahil sa hirap ng kabuhayan. Malimit na sila’y kailangang magtrabaho upang masuportahan ang mga miyembro ng pamilya. Ang ilang binata, kapag nakita ang ganitong kalagayan, ay nag-aatubili, yamang natatalos na ang lalaking mag-aasawa sa ilalim ng gayong mga kalagayan ay mangangailangang kumita nang sapat upang masuportahan hindi lamang ang asawa kundi pati rin ang kaniyang pamilya. Si Ayo, na nakatapos sa pamantasan, ay nagpupunyagi na suportahan ang kaniyang sarili, ang kaniyang ina, at nakababatang mga kapatid na lalaki at babae. “Gusto ko sanang mag-asawa,” ang hinanakit niya, “ngunit kapag nakita ng iba ang aking mahabang linya [ng pananagutang pinansiyal], lumalayo na sila.”
Sa kabila ng suliranin sa pananalapi, maraming Kristiyanong walang asawa ang inuudyukan ng mga kamag-anak at iba pa na mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Kung minsan ang panggigipit na ito ay nasa anyong panlilibak. Halimbawa, sa ilang panig ng Aprika, naging kaugalian nang kumustahin ang kaniyang asawa at mga anak kapag binabati ang isang adulto. Kung minsan, ang gayong pagbati ay ginagamit upang kutyain ang mga taong walang asawa. Si John, na mahigit nang 40 taon, ay nagsasabi: “Kapag ako’y binibiro at sinasabihan, ‘Kumusta na ang maybahay mo?,’ ako’y tumutugon, ‘Darating na siya.’ Ang totoo, papaano ako makapag-aasawa kung hindi ko siya masusuportahan?”
Para kay John at sa maraming gaya niya, ganito ang kalagayan ayon sa isang kawikaan sa Yoruba: “Ang padalus-dalos na pag-aasawa ay hindi dapat ipagmalaki; ang suliranin ay ang halaga ng pagkain.”
Samantalahin Mo ang Iyong Kalagayan
Kaydaling masiraan ng loob kapag hindi dumating ang isang bagay na inaasahan mo. Sinasabi ng Kawikaan 13:12: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Marahil ganito ang nadarama mo kung hángárin mong mag-asawa ngunit hindi mo pa kaya ang gastos. Marahil ito’y lalo nang totoo kung isa ka sa tinutukoy ni apostol Pablo na ‘nagniningas sa pagnanasa.’—1 Corinto 7:9.
Ang pagharap sa ganiyang suliranin ay hindi madali, subalit mayroon kang magagawa upang matiis at makasumpong ng kagalakan sa iyong kalagayan. Si Jesu-Kristo, na isang lalaking hindi nag-asawa, ay nagbigay ng isang praktikal na simulain sa Bibliya na makatutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang pagkasiphayong bunga ng pag-asang nagluluwat. Sinabi niya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Maikakapit mo ito sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting bagay para sa iyong pamilya at sa iba pa sa kongregasyon. Marahil ay mapasusulong mo pa ang iyong ministeryong Kristiyano. Kung lubusang ibubuhos mo ang iyong sarili sa walang pag-iimbot na pagbibigay, matatalos mo na ikaw ay ‘nakatayong panatag sa iyong puso, may awtoridad sa iyong sariling kalooban.’—1 Corinto 7:37.
Isa pang walang asawa, si apostol Pablo, ang nagpayo: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Maraming Kristiyanong walang asawa ang nakasumpong ng ‘pagpapanariwa ng kanilang mga kaluluwa’ sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang panahon upang lalong mapalapit kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng Salita ng Diyos, at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano. (Mateo 11:28-30) Kung gagawin mo ito, ikaw ay maaaring magtagumpay sa hirap ng kabuhayan. Tutulong din ito sa iyo na mapasulong ang iyong espirituwalidad, anupat ikaw ay magiging isang lalong mabuting asawa kung sa bandang huli’y makapag-asawa ka na.
Huwag kalilimutan na nagmamalasakit si Jehova sa lahat ng naglilingkod sa kaniya. Alam niya ang mga suliranin at kahirapan na dinaranas mo. Alam din ng ating maibiging Ama sa langit kung ano ang pinakamagaling para sa iyo sa pangmatagalan, kapuwa espirituwal at emosyonal. Kung matiyaga kang magkakapit ng mga simulain ng kaniyang Salita sa iyong pang-araw-araw na buhay, matitiyak mo na pagiginhawahin ka niya sa takdang panahon at sasapatan ang iyong mga pangangailangan at naisin ayon sa paraan na ukol sa iyong walang-hanggang kabutihan. Tinitiyak ng Bibliya: “Si Jehova mismo ay hindi magkakait ng anumang mabuti mula sa mga lumalakad sa pagkawalang-kapintasan.”—Awit 84:11.
Tingnan ang Mabuting Panig ng mga Bagay
Tandaan din na may tiyak na bentaha sa pagiging walang asawa. Sumulat si apostol Pablo: “Siya . . . na nagbibigay ng kaniyang pagkabirhen sa pag-aasawa ay napapabuti, ngunit siya na hindi nagbibigay nito sa pag-aasawa ay lalong mapapabuti.”—1 Corinto 7:38.
Bakit ang pagiging walang asawa ay ‘lalong mabuti’ kaysa pag-aasawa? Ipinaliwanag ni Pablo: “Ang lalaking walang asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng Panginoon. Ngunit ang lalaking may-asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawang babae, at siya ay nababahagi. Karagdagan pa, ang babaing walang asawa, at ang birhen, ay nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon, upang siya ay maging banal kapuwa sa kaniyang katawan at sa kaniyang espiritu. Gayunman, ang babaing may-asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawang lalaki.”—1 Corinto 7:32-34.
Sa ibang pananalita, ang may-asawang mga Kristiyano ay may-katuwirang mabahala tungkol sa mga pangangailangan, kagustuhan, at di-kagustuhan ng kani-kanilang asawa. Ngunit ang mga Kristiyanong walang asawa ay makapagbubuhos ng higit na pansin sa paglilingkuran kay Jehova. Kung ihahambing sa mga may-asawa, ang walang asawang Kristiyano ay nasa mas mainam na katayuan na ‘palagiang naglilingkod sa Panginoon nang walang abala.’—1 Corinto 7:35.
Hindi ibig sabihin ni Pablo na walang nakaaabala sa Kristiyanong walang asawa. Kung may suliranin ka sa kabuhayan, marahil ay iisipin mo na maraming bagay ang baka makaabala sa iyo sa ministeryo. Gayunpaman, ang kalayaan na maglingkod sa Diyos ay karaniwan nang mas malaki kung para sa taong walang asawa kaysa sa isang may-asawa.
Samantalang inirerekomenda ang pagiging walang asawa bilang mas mainam na landasin, hindi ibig sabihin ni apostol Pablo na masama ang mag-asawa. Siya’y sumulat: “Kahit na nag-asawa ka, hindi ka nakagawa ng kasalanan.” Ngunit ang kaniyang paalaala: “Yaong mga gumagawa ng gayon ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.”—1 Corinto 7:28.
Ano ba ang ibig niyang sabihin? Ang pag-aasawa ay nagdudulot ng ilang kabalisahan. Sa panahong mahirap ang ekonomiya, kasali sa gayong kapighatian ang pag-iisip ng ama tungkol sa kung papaano niya tutustusan ang kaniyang asawa at mga anak. Ang pagkakasakit ay nagdudulot din ng karagdagang suliranin sa pananalapi at emosyonal na pasanin ng pamilya.
Kaya samantalang hindi mo pinili ang iyong situwasyon, baka ikaw ay nasa lalong mabuting kalagayan kaysa kung ikaw ay may-asawa at may pananagutang bumuhay ng mga anak. Ang mga kahirapan mo ngayon ay pansamantala; ang mga ito’y mawawala na sa bagong sistema ng Diyos—at baka ngayon pa lamang ay mapawi na ang ilan.—Ihambing ang Awit 145:16.
Mapalalawak Mo ba ang Iyong Ministeryo?
Bagaman hindi lahat ay makagagawa nito, ang iba ay nakapaglilingkod nang buong panahon sa kabila ng mga suliranin sa pananalapi. Si Chuks, na binanggit na, ay bumili at nagbili ng mga kagamitan sa pagsulat upang masuportahan ang kaniyang pamilya. Halos kasabay ng pagkabigo ng kaniyang planong mag-asawa, siya ay tumanggap ng liham na nag-aanyaya sa kaniya na pansamantalang maging manggagawa sa konstruksiyon sa lokal na tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Palibhasa’y nababahala ang kaniyang kuya tungkol sa salapi, siya’y hinadlangan nito. Nangatuwiran naman si Chuks na si Jehova ang tumulong sa kaniya na maitayo ang kaniyang negosyo, kaya dapat niyang unahin ang mga kapakanan ng Kaharian at magtiwala sa kakayahan ng Diyos na maglaan. (Mateo 6:25-34) Isa pa, naisip niya, iyon ay sa loob lamang ng tatlong buwan.
Tinanggap ni Chuks ang paanyaya at inilipat ang negosyo sa kaniyang kuya. Makalipas ang anim na taon, si Chuks ay nasa buong-panahong paglilingkuran pa rin, isang matanda sa kongregasyong Kristiyano, at may panggastos na sa pag-aasawa. Kaniya bang pinagsisihan ang mga pangyayari sa kaniyang buhay? Sabi ni Chuks: “Ako’y nasiphayo nang hindi ako makapag-asawa, subalit naging mabuti naman ang kinalabasan. Ako’y nakaranas ng maraming kagalakan at mga pribilehiyo sa paglilingkod na marahil ay hindi ko tinamasa kung ako’y nakapag-asawa noon at nagkapamilya.”
Katiwasayan Para sa Hinaharap
Sa mga panahon ng kahirapan marami ang tumitingin sa pag-aasawa bilang sanggalang sa kahirapan sa hinaharap. Ang ilang bansa na baón sa utang ay walang gaanong maitulong sa mga may-edad. Kaya ang mga magulang ay malimit na umaasa sa kanilang mga pamilya, at lalo na sa kanilang mga anak, upang sumuporta sa kanila sa panahon ng katandaan. Kaya naman, ang mga binata’t dalaga ay kadalasang ginigipit upang mag-asawa at magkaroon ng mga anak, kahit na walang kasiguruhan ang kanilang kabuhayan.
Subalit ang pag-aasawa at pag-aanak ay hindi garantiya ng katatagan. May makasanlibutang mga anak na ayaw mag-alaga ng kanilang matatanda nang magulang, ang iba naman ay walang kaya, samantalang ang iba ay nauuna pang mamatay kaysa sa kanilang mga magulang. Sa iba hinahanap ng mga Kristiyano ang katiwasayan, palibhasa’y nasa isip ang pangako ng Diyos: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5.
Yaong mga hindi pa nag-aasawa upang makapaglingkod kay Jehova nang buong-panahon ay hindi pababayaan. Si Christiana ay dalaga at 32 anyos. Siya ay naglilingkod bilang regular pioneer sa Nigeria sa nakalipas na siyam na taon. Sabi niya: “Ako’y nagtitiwala kay Jehova, na tumitiyak sa atin na hindi niya kailanman pababayaan ang kaniyang mga lingkod. May tiwala ako sa kaniyang pangako. Ako’y kinakalinga ni Jehova sa paraang espirituwal at materyal. Pinatutunayan niya na siya’y isang Amang bukas-palad. Halimbawa, ako’y lumipat upang magpayunir sa isang lugar na kung saan malaki ang pangangailangan sa mga Saksi. Bagaman may ilang paglalaan para sa kaginhawahan, ako’y natutong makaraos. Nang ako’y maospital dahil sa sakit na tipus, may mga kapatid sa aking dating kongregasyon na nagsidalaw at nangalaga sa akin.
“Ako’y lubhang nasisiyahan sa buong-panahong paglilingkuran. Para sa akin ay isa itong malaking pribilehiyo na gumawang kasama ng Maylikha ng sansinukob at ng napakaraming kapatid sa buong daigdig. Nakikita ko na maraming kabataan ang bigo at walang pag-asa bilang resulta ng mga bagay na nangyayari sa palibot nila. Kung sa ganang akin, ang buhay ko ay makabuluhan; ako’y nakatanaw sa hinaharap nang may tiwala. Batid ko na ang pagiging malapit kay Jehova ang pinakamainam na lunas sa mga suliraning nakaharap sa atin sa ngayon.”
Kung hangad mo ngunit hindi ka makapag-asawa dahilan sa kahirapan sa kabuhayan, huwag masiraan ng loob! Hindi ka nag-iisa. Marami ang nagtitiis ng nakakatulad na mga pagsubok dahil sa tulong ni Jehova. Samantalahin mo ang iyong pagkakataon sa paggawa ng mabubuting bagay para sa iba at pagpapasulong pa sa iyong espirituwalidad. Maging malapit ka sa Diyos; ikaw ay tutulungan niya sapagkat talagang nagmamalasakit siya sa iyo.—1 Pedro 5:7.