Ang Marangal na Papel ng mga Babaing Kabilang sa Mga Naunang Lingkod ng Diyos
“Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na nagsabi: ‘Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa. Ako’y gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang isang kapupunan niya.’”—GENESIS 2:18.
1. Papaano inilalarawan ng isang diksiyunaryo sa Bibliya ang kalagayan ng mga kababaihan noong sinaunang panahon?
“SAANMAN sa sinaunang Mediteraneo o sa Malapit na Silangan ay hindi pinagkalooban ang mga kababaihan ng kalayaan na tinatamasa nila sa modernong lipunan sa Kanluran. Ang karaniwang kaayusan ay ang pagiging mas mababa ng mga babae sa mga lalaki, kung papaanong ang mga alipin ay mas mababa sa mga taong layâ, at ang mga bata sa matatanda. . . . Mas lubhang pinahahalagahan ang mga anak na lalaki kaysa sa babae, at ang mga sanggol na babae kung minsan ay iniiwang nakabilad upang mamatay.” Ganiyan ang paglalarawan ng isang diksiyunaryo sa Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga kababaihan noong sinaunang panahon.
2, 3. (a) Ayon sa isang ulat, ano ang kalagayan ng maraming kababaihan sa ngayon? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon?
2 Hindi pa rin nagbabago ang kalagayan sa maraming lugar sa daigdig ngayon. Noong 1994, sa kauna-unahang pagkakataon, ang taunang ulat ng U.S. State Department hinggil sa mga karapatang pantao ay nagtuon ng pansin sa pagtrato sa mga kababaihan. “Ipinakikita ng Impormasyon sa 193 Bansa na ang Araw-Araw na Pagtatangi Ay Isang Tunay na Pangyayari,” sabi ng titulo sa New York Times tungkol sa ulat.
3 Yamang malaking bilang ng mga kababaihan na may iba’t ibang lahing pinagmulan ang kaugnay sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong lupa, bumabangon ang ilang tanong: Ang uri ba ng pagtrato na kababanggit lamang ang siyang orihinal na nilayon ng Diyos para sa mga kababaihan? Papaano pinakitunguhan ang mga babaing kabilang sa mga mananamba ni Jehova noong panahon ng Bibliya? At papaano nararapat pakitunguhan sa ngayon ang mga kababaihan?
“Isang Katulong” at “Isang Kapupunan”
4. Ano ang napuna ni Jehova pagkaraan ng ilang panahon na nag-iisa sa halamanan ng Eden ang unang lalaki, at ano kung magkagayon ang ginawa ng Diyos?
4 Pagkaraan ng ilang panahon na nag-iisa si Adan sa halamanan ng Eden, napuna ni Jehova: “Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa. Ako’y gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang isang kapupunan niya.” (Genesis 2:18) Bagaman si Adan ay isang sakdal na tao, mayroon pang ibang kailangan upang maisakatuparan ang layunin ng Maylalang. Upang punan ang pangangailangang iyan, nilalang ng Diyos ang babae at ginanap ang kauna-unahang kasalan.—Genesis 2:21-24.
5. (a) Papaano madalas gamitin ng mga manunulat ng Bibliya ang Hebreong pangngalan na isinaling “katulong”? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na tinukoy ni Jehova ang babae bilang “isang kapupunan”?
5 Ipinahihiwatig ba ng mga salitang “katulong” at “kapupunan” na mababa ang papel na iniatas ng Diyos sa babae? Siya namang kabaligtaran. Madalas ikapit sa Diyos ng mga manunulat ng Bibliya ang Hebreong pangngalan (ʽeʹzer) na isinalin bilang “katulong.” Halimbawa, si Jehova ay napatunayang “ang ating katulong at ang ating kalasag.” (Awit 33:20; Exodo 18:4; Deuteronomio 33:7) Sa Oseas 13:9, tinutukoy pa man din ni Jehova ang kaniyang sarili bilang “katulong” ng Israel. Hinggil sa Hebreong salita (neʹghedh) na isinalin bilang “kapupunan,” ganito ang paliwanag ng isang iskolar sa Bibliya: “Ang tulong na hinahanap ay hindi basta ang pag-alalay sa kaniyang pang-araw-araw na gawain o sa pagluluwal ng mga anak . . . kundi ang pagtutulungang inilalaan ng pagiging magkasama.”
6. Ano ang sinabi pagkatapos lalangin ang babae, at bakit?
6 Kaya walang anumang paghamak sa paglalarawan ni Jehova sa babae bilang “isang katulong” at “isang kapupunan.” Ang babae ay may kaniyang natatanging kayarian sa mental, emosyonal, at sa pisikal. Siya ay isang naaangkop na kapilas, isang kasiya-siyang kapupunan para sa lalaki. Bawat isa ay naiiba, gayunma’y kailangan ang bawat isa upang “punuin ang lupa” ayon sa layunin ng Maylikha. Maliwanag na pagkatapos lalangin ang babae at lalaki ay “nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang ginawa at, narito! iyon ay napakabuti.”—Genesis 1:28, 31.
7, 8. (a) Nang pumasok ang kasalanan sa Eden, papaano naapektuhan ang papel ng babae? (b) Anong mga tanong ang ibinangon hinggil sa katuparan ng Genesis 3:16 sa gitna ng mga sumasamba kay Jehova?
7 Nang pumasok ang kasalanan, nagbago ang kalagayan para sa lalaki at sa babae. Ipinahayag ni Jehova ang sentensiya sa kanilang dalawa bilang mga makasalanan. “Pararamihin kong lubha ang kirot ng iyong pagdadalang-tao,” sabi ni Jehova kay Eva, anupat binabanggit ang mangyayari na para bang ito ay idinulot niya. Sinabi pa niya: “Sa hapdi ng pagsilang ay magluluwal ka ng mga anak, at ang hangarin mo’y para sa iyong asawa, at siya ang mananaig sa iyo.” (Genesis 3:16) Mula noon, maraming asawang babae ang sinupil, kadalasan nang may kalupitan, ng kani-kanilang asawa. Sa halip na pahalagahan bilang mga katulong at kapupunan, sila’y malimit na pinakitunguhan na tulad sa mga utusan o mga alipin.
8 Subalit ano ba ang kahulugan ng katuparan ng Genesis 3:16 para sa mga kababaihang sumasamba kay Jehova? Sila ba ay itinalaga na lamang sa isang mababang kalagayan at sa kahihiyan? Hinding-hindi! Subalit kumusta naman ang mga salaysay sa Bibliya tungkol sa mga kaugalian at gawaing kinasasangkutan ng mga babae na waring di-sinasang-ayunan sa ilang lipunan sa ngayon?
Pagkaunawa sa mga Kaugalian sa Bibliya
9. Kapag isinasaalang-alang natin ang mga kaugalian na may kinalaman sa mga kababaihan noong panahon ng Bibliya, anong tatlong bagay ang dapat nating tandaan?
9 Mabuti ang pagtrato sa mga babaing kabilang sa mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya. Mangyari pa, kung isasaalang-alang ang mga kaugalian na may kinalaman sa mga babae noong mga kaarawang iyon, makatutulong na tandaan ang ilang bagay. Una, kapag bumabanggit ang Bibliya ng di-kanais-nais na mga kalagayan na umiral dahil sa mapag-imbot na pamamahala ng balakyot na mga lalaki, hindi iyan nangangahulugan na sinang-ayunan ng Diyos ang gayong pagtrato sa mga kababaihan. Pangalawa, bagaman may panahon na pinahintulutan ni Jehova ang ilang kaugalian sa gitna ng kaniyang mga lingkod, gumawa siya ng mga kaayusan tungkol dito upang mapangalagaan ang mga kababaihan. Ikatlo, ingatan nating huwag hatulan ang sinaunang mga kaugalian batay sa modernong mga pamantayan. Ang ilang kaugalian na waring nagtitinging di-kalugud-lugod sa mga tao na nabubuhay sa ngayon ay hindi naman palaging minamalas ng mga kababaihan noong panahong iyon na isang paghamak. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
10. Papaano minalas ni Jehova ang poligamya, at ano ang nagpapakita na hindi niya kailanman tinalikuran ang kaniyang orihinal na pamantayan ng monogamya?
10 Poligamya:a Ayon sa orihinal na layunin ni Jehova, ang isang babae ay hindi magkakaroon ng kahati sa kaniyang asawa. Isa lamang ang nilalang ng Diyos na kabiyak para kay Adan. (Genesis 2:21, 22) Pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, sa hanay ni Cain nagsimula ang poligamya. Nang dakong huli ito’y naging kaugalian at tinanggap ng ilang sumasamba kay Jehova. (Genesis 4:19; 16:1-3; 29:21-28) Bagaman pinahintulutan ni Jehova ang poligamya at ito’y nakatulong sa pagdami ng mga Israelita, nagpakita siya ng konsiderasyon sa mga babae sa pamamagitan ng paggawa ng mga kaayusan hinggil sa kaugaliang ito upang mapangalagaan ang mga asawang babae at ang kanilang mga anak. (Exodo 21:10, 11; Deuteronomio 21:15-17) Bukod dito, hindi kailanman tinalikuran ni Jehova ang kaniyang orihinal na pamantayan ng monogamya. Si Noe at ang kaniyang mga anak na lalaki, na sa kanila’y inulit ang utos na ‘magpalaanakin at punuin ang lupa,’ ay pawang may iisang asawa lamang. (Genesis 7:7; 9:1; 2 Pedro 2:5) Inilarawan ng Diyos ang kaniyang sarili bilang isang lalaking may iisang asawa nang sinasagisagan ang kaniyang kaugnayan sa Israel. (Isaias 54:1, 5) Gayundin naman, ang orihinal na pamantayan ng Diyos hinggil sa monogamya ay muling pinagtibay ni Jesu-Kristo at ikinapit ng sinaunang kongregasyong Kristiyano.—Mateo 19:4-8; 1 Timoteo 3:2, 12.
11. Bakit nagbabayad ng dote noong panahon ng Bibliya, at ito ba ay isang paghamak sa mga babae?
11 Pagbabayad ng dote: Ganito ang sabi ng aklat na Ancient Israel—Its Life and Institutions: “Dahil sa obligasyong ito na pagbabayad ng isang halaga ng salapi, o katumbas nito, sa pamilya ng babae, ang pag-aasawa ng mga Israelita ay maliwanag na lumalabas na isang bilihan. Ngunit ang [dote] ay waring hindi naman talagang kabayaran para sa babae kundi bilang isang katumbas na ibinibigay sa pamilya.” (Amin ang italiko.) Kaya ang pagbabayad ng dote sa pamilya ng babae ay upang tumbasan ang kaniyang mawawalang paglilingkod at para sa pagsisikap at gastos ng kaniyang pamilya sa pag-aalaga sa kaniya. Kung gayon, sa halip na hamakin ang babae, pinatutunayan nito ang kahalagahan niya sa kaniyang pamilya.—Genesis 34:11, 12; Exodo 22:16; tingnan Ang Bantayan, Enero 15, 1989, pahina 21-4.
12. (a) Papaano kung minsan tinutukoy sa Kasulatan ang mga lalaki at babaing may asawa, at paghamak ba sa mga kababaihan ang mga terminong ito? (b) Ano ang kapansin-pansin hinggil sa mga terminong ginamit ni Jehova sa Eden? (Tingnan ang talababa.)
12 Ang mga asawang lalaki bilang “may-ari”: Ipinahihiwatig ng isang pangyayari sa buhay nina Abraham at Sara noong bandang 1918 B.C.E. na noon ay maliwanag na isang kaugalian na malasin ang isang lalaking may asawa bilang ang “may-ari” (Hebreo, baʹʽal) at ang isang babaing may asawa bilang ang ‘isa na pag-aari’ (Hebreo, beʽu·lahʹ). (Genesis 20:3) Mula noon ay ginagamit kung minsan ang pananalitang ito sa Kasulatan, at walang pahiwatig na ang mga ito ay itinuring ng mga kababaihan bago ng panahong Kristiyano bilang paghamak sa kanila.b (Deuteronomio 22:22) Gayunman, ang mga asawang babae ay hindi dapat pakitunguhan na gaya ng mga ari-arian. Ang mga ari-arian o kayamanan ay mabibili, maipagbibili, at minamana pa man din, subalit hindi gayon kung tungkol sa isang asawang babae. “Ang mana buhat sa mga ama ay isang bahay at kayamanan,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya, “ngunit ang isang maingat na asawang babae ay mula kay Jehova.”—Kawikaan 19:14; Deuteronomio 21:14.
Isang Marangal na Papel
13. Kapag tinutularan ng mga lalaking may takot sa Diyos ang halimbawa ni Jehova at sinusunod ang kaniyang Batas, ano ang nagiging resulta sa mga kababaihan?
13 Ano, kung gayon, ang papel ng mga babaing kabilang sa mga lingkod ng Diyos bago ang panahong Kristiyano? Papaano sila minalas at pinakitunguhan? Sa payak na pananalita, kapag tinutularan ng mga lalaking may takot sa Diyos ang sariling halimbawa ni Jehova at sinusunod ang kaniyang Batas, napananatili ng mga kababaihan ang kanilang dignidad at nagtatamasa sila ng maraming karapatan at pribilehiyo.
14, 15. Anong mga pahiwatig mayroon na ang mga kababaihan ay iginagalang sa Israel, at bakit wastong asahan ni Jehova na igagalang sila ng mga kalalakihang sumasamba sa kaniya?
14 Ang mga babae ay nararapat igalang. Iniutos ng Batas ng Diyos sa Israel na igagalang kapuwa ang mga ama at mga ina. (Exodo 20:12; 21:15, 17) “Matatakot ang bawat isa sa inyo sa kaniyang ina at sa kaniyang ama,” sabi ng Levitico 19:3. Nang minsang lumapit si Bath-sheba sa kaniyang anak na si Solomon, “agad tumindig ang hari at sumalubong sa kaniya at yumukod sa kaniya” bilang kapahayagan ng paggalang. (1 Hari 2:19) Ganito ang komento ng Encyclopaedia Judaica: “Ang makahulang paghahambing ng pag-ibig ng Diyos sa Israel at ng pag-ibig ng isang asawang lalaki sa kaniyang asawa ay maaari lamang gawin sa isang lipunan na doo’y iginagalang ang mga kababaihan.”
15 Inaasahan ni Jehova na igagalang ng mga lalaking sumasamba sa kaniya ang mga kababaihan, sapagkat kaniyang iginagalang sila. Ito ay ipinahihiwatig sa mga kasulatan na doo’y ginagamit ni Jehova bilang ilustrasyon ang karanasan ng mga kababaihan at inihahalintulad ang kaniyang damdamin sa damdamin ng mga babae. (Isaias 42:14; 49:15; 66:13) Ito’y tumutulong sa mga mambabasa na maunawaan kung ano ang nadarama ni Jehova. Kapansin-pansin, ang Hebreong salita para sa “awa,” o “habag,” na ikinakapit ni Jehova sa kaniyang sarili, ay may malapit na kaugnayan sa salita para sa “bahay-bata” at mailalarawan bilang “damdamin ng isang ina.”—Exodo 33:19; Isaias 54:7.
16. Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na pinahahalagahan ang payo ng maka-Diyos na mga babae?
16 Pinahahalagahan ang payo ng maka-Diyos na mga babae. Nang ang may-takot sa Diyos na si Abraham ay mag-atubiling dinggin ang payo ng kaniyang maka-Diyos na asawang si Sara sa isang pagkakataon, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Makinig ka sa kaniyang tinig.” (Genesis 21:10-12) Ang mga Hiteong asawa ni Esau “ay pinagmumulan ng kapaitan ng espiritu nina Isaac at Rebeca.” Nang maglaon, ipinahayag ni Rebeca ang kabagabagan na daranasin niya kung ang kanilang anak na si Jacob ay mag-aasawa ng isang Hiteo. Ano ba ang reaksiyon ni Isaac? “Kaya,” sabi ng ulat, “tinawag ni Isaac si Jacob at pinagpala siya at inutusan siya at sinabi sa kaniya: ‘Huwag kang kukuha ng asawa mula sa mga anak na babae ng Canaan.’ ” Oo, kahit hindi tuwirang nagpayo si Rebeca, ang kaniyang asawa ay gumawa ng isang pasiya na nagsaalang-alang sa kaniyang damdamin. (Genesis 26:34, 35; 27:46; 28:1) Nang dakong huli ay naiwasan ni Haring David ang pagkakasala sa dugo dahil nakinig siya sa pakiusap ni Abigail.—1 Samuel 25:32-35.
17. Ano ang nagpapakita na ang mga babae ay may isang antas ng awtoridad sa pamilya?
17 Ang mga kababaihan ay may isang antas ng awtoridad sa pamilya. Pinayuhan ang mga anak: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang batas ng iyong ina.” (Kawikaan 1:8) Ang paglalarawan sa isang “may-kakayahang asawang babae” sa Kawikaan kabanata 31 ay nagsisiwalat na ang isang masipag na babaing may asawa ay hindi lamang nangangasiwa ng isang sambahayan kundi maaari ring mag-asikaso ng mga transaksiyon sa lupa’t bahay, magpundar ng isang mabungang bukirin, magpatakbo ng isang maliit na negosyo, at maging kilalá dahil sa kaniyang magagaling na salita. Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kapuri-puring pagpipitagan at takot ng isang babae kay Jehova. Hindi nga kataka-taka na ang halaga ng gayong asawang babae ay “lalong higit kaysa sa korales”! Ang mahalagang pulang korales ay totoong mamahalin para sa mga alahas at mga palamuti.—Kawikaan 31:10-31.
Mga Kababaihang Tumanggap ng Pantanging Pabor ng Diyos
18. Sa anu-anong paraan pinagkalooban ng pantanging pabor ang ilang kababaihan noong panahon ng Bibliya?
18 Ang pagpapahalaga ni Jehova sa mga kababaihan ay masasalamin sa pantanging pabor na ipinagkaloob niya sa ilan sa kanila noong panahon ng Bibliya. Sina Hagar, Sara, at ang asawa ni Manoa ay dinalaw ng mga anghel na nagpatalastas ng tagubilin ng Diyos sa kanila. (Genesis 16:7-12; 18:9-15; Hukom 13:2-5) May “mga babaing lingkod” sa tabernakulo at mga babaing mang-aawit sa korte ni Solomon.—Exodo 38:8; 1 Samuel 2:22; Eclesiastes 2:8.
19. Kung minsan, gumagamit si Jehova ng mga kababaihan upang kumatawan sa kaniya sa anong paraan?
19 Maraming beses sa kasaysayan ng Israel, gumamit si Jehova ng isang babae upang kumatawan sa kaniya o magsalita para sa kaniya. Hinggil sa propetisang si Debora, mababasa natin: “Ang mga anak ni Israel ay pumaparoon sa kaniya para sa paghatol.” (Hukom 4:5) Pagkatapos ng tagumpay ng Israel laban sa Canaaneong haring si Jabin, nagkaroon ng tunay na natatanging pribilehiyo si Debora. Maliwanag na siya ang maykatha, sa papaano man ng isang bahagi, ng awit ng tagumpay na sa dakong huli ay naging bahagi ng kinasihang ulat ni Jehova.c (Hukom, kabanata 5) Pagkaraan ng mga siglo, upang sumangguni kay Jehova, isinugo ni Haring Josias sa propetisang si Hulda ang isang delegasyon na kinabibilangan ng mataas na saserdote. May awtoridad na tumugon si Hulda: “Ito ang sabi ni Jehova na Diyos ng Israel.” (2 Hari 22:11-15) Sa pagkakataong iyan ay inutusan ng hari ang delegasyon na pumaroon sa isang propetisa, subalit ito’y ginawa upang tumanggap ng tagubilin ni Jehova.—Ihambing ang Malakias 2:7.
20. Anu-anong halimbawa ang nagpapakita ng malasakit ni Jehova sa damdamin at kapakanan ng mga kababaihan?
20 Ang malasakit ni Jehova sa kapakanan ng mga kababaihan ay maliwanag buhat sa mga pangyayari na doo’y kumilos siya alang-alang sa ilan sa mga kababaihang sumasamba sa kaniya. Dalawang ulit na namagitan siya upang mahadlangan ang panghahalay sa magandang asawa ni Abraham na si Sara. (Genesis 12:14-20; 20:1-7) Nagpakita ng pabor ang Diyos sa di-gaanong minamahal na kabiyak ni Jacob, si Lea, sa pamamagitan ng ‘pagbubukas ng kaniyang bahay-bata’ anupat siya’y nagsilang ng anak na lalaki. (Genesis 29:31, 32) Nang isapanganib ng dalawang may-takot sa Diyos na komadronang Israelita ang kanilang buhay upang maingatan ang mga anak na lalaki ng mga Hebreo buhat sa pagpaslang sa mga bata sa Ehipto, may-pagpapahalagang “binigyan sila [ni Jehova] ng mga pamilya.” (Exodo 1:17, 20, 21) Sinagot din niya ang taimtim na panalangin ni Ana. (1 Samuel 1:10, 20) At nang ang balo ng isang propeta ay napaharap sa isang taong nagpautang na handang kunin ang kaniyang mga anak upang mabayaran ang kaniyang pagkakautang, hindi siya pinabayaan ni Jehova. Buong pagmamahal na pinapangyari ng Diyos na paramihin ni propeta Eliseo ang kaniyang suplay ng langis upang mabayaran niya ang pagkakautang. Sa gayon ay naingatan niya ang kaniyang pamilya at ang kaniyang dignidad.—Exodo 22:22, 23; 2 Hari 4:1-7.
21. Anong timbang na paglalarawan sa kalagayan ng mga kababaihan ang inihaharap ng Hebreong Kasulatan?
21 Samakatuwid, sa halip na bigyang-daan ang mapanghamak na pangmalas sa mga kababaihan, naghaharap ang Hebreong Kasulatan ng isang timbang na paglalarawan ng kanilang kalagayan sa gitna ng mga lingkod ng Diyos. Bagaman hindi ipinagsanggalang ni Jehova ang mga babaing sumasamba sa kaniya buhat sa katuparan ng Genesis 3:16, ang mga kababaihan ay pinakitunguhan nang may dignidad at paggalang ng maka-Diyos na mga lalaki na tumulad sa halimbawa ni Jehova at sumunod sa kaniyang Batas.
22. Nang narito na si Jesus sa lupa, papaano nabago ang papel ng mga kababaihan, at anong mga katanungan ang bumabangon?
22 Sa mga sumunod na siglo pagkatapos na makumpleto ang Hebreong Kasulatan, nagbago ang papel ng mga kababaihan sa gitna ng mga Judio. Nang narito na sa lupa si Jesus, ang mga rabinikong tradisyon ay totoong naglagay ng mga limitasyon sa mga babae ukol sa kanilang mga pribilehiyo sa relihiyon at panlipunang pamumuhay. Nakaimpluwensiya ba ang gayong mga tradisyon sa paraan ng pagtrato ni Jesus sa mga babae? Papaano dapat pakitunguhan sa ngayon ang mga babaing Kristiyano? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ayon sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary, ang “poligamya” ay tumutukoy sa isang “pag-aasawa na kung saan kapuwa ang mag-asawa ay maaaring magkaroon ng higit pa sa isang kabiyak nang sabay-sabay.” Ang mas espesipikong termino na “polygyny” ay binigyang-katuturan bilang “ang kalagayan o kaugalian ng pagkakaroon ng higit pa sa isang asawang babae sa isang panahon.”
b Sa buong Hebreong Kasulatan, ang mga lalaki at babaing may asawa ay mas madalas na tukuyin bilang “asawang lalaki” (Hebreo, ʼish) at “asawang babae” (Hebreo ʼish·shahʹ). Halimbawa, sa Eden ang terminong ginamit ni Jehova ay, hindi “may-ari” at ‘isa na pag-aari,’ kundi “asawang lalaki” at “asawang babae.” (Genesis 2:24; 3:16, 17) Inihula ni Oseas na pagkatapos makabalik buhat sa pagkatapon, may-pagsisising tatawag ang Israel kay Jehova bilang “Aking asawang lalaki,” at hindi na “Aking may-ari.” Maaaring ipinahihiwatig nito na ang salitang “asawang lalaki” ay may mas malumanay na kahulugan kaysa sa “may-ari.”—Oseas 2:16.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang “katulong” at “kapupunan” hinggil sa iniatas ng Diyos na papel ng mga kababaihan?
◻ Kapag isinasaalang-alang ang mga kaugalian na kinasasangkutan ng mga kababaihan noong panahon ng Bibliya, ano ang dapat nating tandaan?
◻ Ano ang nagpapakita na ang mga kababaihan ay may marangal na papel sa gitna ng mga lingkod ng Diyos noong unang panahon?
◻ Sa anu-anong paraan nagkaloob ng pantanging pabor si Jehova sa mga kababaihan bago ang panahong Kristiyano?