Natatanaw Na ang Mas Mabuting Panahon
“MERON-WALA-MERON kami ngayon,” sabi ng isang babae.
“Mas grabe ang kalagayan ko,” sagot ng kaniyang kaibigan. “Wala-wala-meron naman ang sa akin.”
Sa ilang lugar sa Kanlurang Aprika, karaniwan na ang gayong klase ng pag-uusap. Sa halip na kumain nang tatlong beses sa isang araw (meron-meron-meron), ang isang taong meron-wala-meron ay nakakakain lamang nang dalawang beses sa isang araw—isa sa umaga at isa sa gabi. Ipinaliwanag ng isang binata ang kaniyang kalagayan na wala-wala-meron: “Isang beses lamang ako kung kumain sa isang araw. Pinupuno ko ng tubig ang aking repridyerator. Kumakain ako ng gari [balinghoy] sa gabi bago matulog. Nakakaraos ako sa ganitong paraan.”
Parami nang paraming tao sa ngayon ang may ganiyang kalagayan. Tumataas ang mga presyo, at ang halaga ng pera ay bumababa.
Inihula ang Kakapusan sa Pagkain
Sa sunud-sunod na mga pangitain na ibinigay kay apostol Juan, inihula ng Diyos ang mahihirap na kalagayan na nakaharap sa marami sa ngayon. Kasali rito ang kakapusan sa pagkain. Inilahad ni Juan: “Nakita ko, at, narito! isang kabayong itim; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang pares ng timbangan sa kaniyang kamay.” (Apocalipsis 6:5) Ang nakatatakot na kabayo at ang sakay nito ay lumalarawan sa taggutom—gayon na lamang ang kakapusan sa pagkain anupat ito’y titimbangin at saka irarasyon.
Pagkatapos ay sinabi ni apostol Juan: “At narinig ko ang isang tinig . . . na nagsabi: ‘Isang quarto ng trigo para sa isang denario, at tatlong quarto ng sebada para sa isang denario’ ” Noong kaarawan ni Juan, isang quarto ng trigo ang pinakarasyon sa isang araw para sa isang sundalo, at ang isang denario ang kita para sa maghapong pagtatrabaho. Kaya naman, ganito ang pagkasalin ni Richard Weymouth sa talatang ito: “Maghapong kita para sa isang tinapay, maghapong kita para sa tatlong tinapay na sebada.”—Apocalipsis 6:6.
Ano ang maghapong kita sa ngayon? Ang report ng State of World Population, 1994 ay nagsabi: “Mga 1.1 bilyon katao, humigit-kumulang 30 porsiyento ng populasyon sa nagpapaunlad na daigdig, ay nagkakasya na lamang sa halos $1 sa isang araw.” Sa gayon, para sa mga dukha sa daigdig, ang isang araw na kita ay literal na nakabibili lamang ng isang tinapay, humigit-kumulang.
Mangyari pa, hindi ito nakapagtataka para sa mga napakadukha. “Tinapay!” naibulalas ng isang lalaki. “Sino pa ba ang nakakakain ng tinapay? Luho na lamang sa ngayon ang kumain ng tinapay!”
Ang nakapagtataka, wala namang kakapusan sa pagkain. Ayon sa ilang pinagmumulan ng impormasyon sa UN, sa nakalipas na sampung taon, ang produksiyon ng pagkain sa daigdig ay tumaas nang 24 na porsiyento, na higit pa sa paglaki ng populasyon ng daigdig. Gayunman, ang kasaganaang ito sa pagkain ay hindi tinatamasa ng lahat. Halimbawa, sa Aprika ang produksiyon ng pagkain ay aktuwal na bumaba nang 5 porsiyento, samantalang ang populasyon ay lumaki nang 34 na porsiyento. Kaya sa kabila ng pangkalahatang kasaganaan sa pagkain sa buong daigdig, patuloy pa rin ang kakapusan sa pagkain sa maraming bansa.
Ang kakapusan sa pagkain ay nangangahulugan ng mas matataas na presyo ng bilihin. Dahil sa kawalan ng trabaho, mababang sahod, at lumulubhang implasyon, nagiging mas mahirap na humanap ng pera upang makabili ng kung ano ang maaaring bilhin. Ganito ang sabi ng Human Development Report 1994: “Nagugutom ang mga tao hindi dahil sa walang mabiling pagkain—kundi dahil sa hindi nila kayang bilhin iyon.”
Lumalaganap ang kawalang-pag-asa, pagkasiphayo, at panlulumo. “Nadarama ng mga tao na masama na ang kalagayan ngayon, ngunit mas magiging malubha ang kinabukasan,” sabi ni Glory, na naninirahan sa Kanlurang Aprika. Ganito pa ang sabi ng isang ginang: “Nadarama ng mga tao na sila’y papalapit na sa isang kapahamakan. Inaakala nila na darating ang araw na mauubusan na ng laman ang pamilihan.”
Pinangalagaan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod Noong Nakaraan
Alam ng mga lingkod ng Diyos na ginagantimpalaan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang mga pangangailangan at pagbibigay sa kanila ng lakas upang mabata ang mahihirap na kalagayan. Ang gayong pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na maglaan ay, sa katunayan, isang mahalagang bahagi ng kanilang pananampalataya. Sumulat si apostol Pablo: “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
Sa tuwina’y pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod. Sa loob ng tatlo-at-kalahating-taóng tagtuyot, naglaan si Jehova ng pagkain para kay propeta Elias. Sa simula, iniutos ng Diyos sa mga uwak na dalhan si Elias ng tinapay at karne. (1 Hari 17:2-6) Nang maglaon, makahimalang pinarami ni Jehova ang suplay ng harina at langis ng isang balo na naglaan ng pagkain kay Elias. (1 Hari 17:8-16) Nang taggutom ding iyon, sa kabila ng matinding pag-uusig sa kanila ng balakyot na si Reyna Jezebel dahil sa relihiyon, tiniyak din ni Jehova na ang kaniyang mga propeta ay may tinapay at tubig.—1 Hari 18:13.
Pagkaraan, nang kubkubin ng hari ng Babilonya ang apostatang Jerusalem, ang mga tao ay kinailangang “kumain ng tinapay ayon sa timbang at nang may pagkabalisa.” (Ezekiel 4:16) Gayon na lamang kalubha ang situwasyon anupat kinain ng ilang kababaihan ang laman ng kanilang sariling mga anak. (Panaghoy 2:20) Gayunpaman, kahit na si propeta Jeremias ay nakabilanggo dahil sa kaniyang pangangaral, tiniyak ni Jehova na “binibigyan [si Jeremias] sa araw-araw ng isang putol ng tinapay mula sa lansangan ng mga panadero, hanggang sa maubos na ang lahat ng tinapay sa lunsod.”—Jeremias 37:21.
Nakalimutan ba ni Jehova si Jeremias nang maubos na ang suplay ng tinapay? Maliwanag na hindi, sapagkat nang masakop ng mga taga-Babilonya ang lunsod, si Jeremias ay binigyan ng ‘sustento ng pagkain at ng isang regalo at saka pinalaya.’—Jeremias 40:5, 6; tingnan din ang Awit 37:25.
Inaalalayan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod sa Ngayon
Kung papaanong inalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa nakaraang mga henerasyon, gayundin ang ginagawa niya ngayon, anupat pinangangalagaan sila kapuwa sa materyal at sa espirituwal na paraan. Halimbawa, isaalang-alang ang karanasan ni Lamitunde, na naninirahan sa Kanlurang Aprika. Ganito ang paglalahad niya: “Dati akong nagmamay-ari ng isang medyo malaking manukan. Isang araw, dumating sa manukan ang armadong mga magnanakaw at kinuha ang karamihan sa mga manok, ang standby generator, at ang aming pera. Di-nagtagal pagkatapos nito, ang iilang manok na natira ay nangamatay sa sakit. Iyan ang nagpabagsak sa aking negosyong manukan. Sa loob ng dalawang taon ay nabigo ako sa paghahanap ng trabaho. Talaga namang mahirap ang mga bagay-bagay, ngunit inalalayan kami ni Jehova.
“Ang nakatulong sa akin na mapagtagumpayan ang mahihirap na panahon ay ang pagkilala na pinapayagan ni Jehova na mangyari ang mga bagay-bagay sa amin upang kami ay dalisayin. Pinanatili naming mag-asawa ang rutina ng pamilya sa pag-aaral ng Bibliya, at talagang nakatulong ito sa amin. Ang panalangin ay isa ring malaking pinagmumulan ng lakas. Kung minsan parang hindi ko magawang manalangin, pero kapag nanalangin na ako, gumagaan ang aking pakiramdam.
“Sa mahirap na panahong iyon, natutuhan ko ang kahalagahan ng pagbubulay-bulay sa Kasulatan. Madalas kong isipin ang Awit 23, na bumabanggit tungkol kay Jehova bilang ating Pastol. Ang isa pang kasulatan na nakapagpatibay-loob sa akin ay ang Filipos 4:6, 7, na bumabanggit sa ‘kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.’ Ang iba pang talata na nakapagpalakas sa akin ay ang 1 Pedro 5:6, 7, na nagsasabi: ‘Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon; habang inihahagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ Ang lahat ng mga talatang ito ay nakatulong sa akin sa mahihirap na panahong iyon. Kapag nagbubulay-bulay ka, nagagawa mong palitan ang mga bagay sa iyong isip na nagiging sanhi ng panlulumo.
“Ngayon ay may trabaho na naman ako, pero sa totoo lamang, hindi pa rin gayong kadali ang mga bagay-bagay. Gaya ng inihula ng Bibliya sa 2 Timoteo 3:1-5, tayo ay nabubuhay sa ‘mga huling araw,’ na nakikilala sa pamamagitan ng ‘mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.’ Hindi natin mababago ang sinasabi ng kasulatan. Kaya hindi ko inaasahang magiging maalwan ang buhay. Gayunman, nadarama ko na ang espiritu ni Jehova ang siyang tumutulong sa akin upang makapagtiis.”
Sa kabila ng mapanganib na panahong kinabubuhayan natin, hindi mabibigo yaong mga nagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Anak na Hari, si Kristo Jesus. (Roma 10:11) Si Jesus mismo ang nagbibigay-katiyakan sa atin: “Dahil dito ay sinasabi ko sa inyo: Tigilan na ninyo ang pagkabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan may kinalaman sa kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit na mahalaga ang kaluluwa kaysa pagkain at ang katawan kaysa pananamit? Masdan ninyo nang mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila? Sino sa inyo sa pagiging balisa ang makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay? Gayundin, may kinalaman sa pananamit, bakit kayo nababalisa?”—Mateo 6:25-28.
Ang mga tanong na ito ay tunay ngang umaarok ng puso sa mapanganib na mga panahong ito. Subalit nagpatuloy si Jesus sa ganitong nakaaaliw na mga salita: “Kumuha kayo ng aral mula sa mga liryo sa parang, kung paano sila tumutubo; hindi sila nagpapagal, ni nag-iikid; ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon man sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito. Ngayon, kung dinaramtan ng Diyos nang gayon ang pananim sa parang, na narito ngayon at bukas ay inihahagis sa pugon, hindi ba mas lalong daramtan niya kayo, kayo na may kakaunting pananampalataya? Kaya huwag kayong mabalisa kailanman at sabihing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng mga ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:28-33.
Natatanaw Na ang Mas Mabuting Panahon
Makikita ang lahat ng palatandaan na sa maraming panig ng daigdig, patuloy na titindi ang lumulubhang kalagayan sa ekonomiya at sa lipunan. Subalit, batid ng bayan ng Diyos na ang mga kalagayang ito ay pansamantala lamang. Ang maluwalhating pamamahala ni Haring Solomon ay lumalarawan sa matuwid na pamamahala sa buong lupa ng isang Hari na mas dakila kaysa kay Solomon. (Mateo 12:42) Ang Haring ito ay si Kristo Jesus, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”—Apocalipsis 19:16.
Ang Awit 72, na may unang katuparan hinggil kay Haring Solomon, ay naglalarawan sa maringal na pamamahala ni Jesu-Kristo. Isaalang-alang ang ilang kamangha-manghang bagay na inihula nito hinggil sa hinaharap ng lupa sa ilalim ni Kristo bilang Hari.
Mapayapang Kalagayan sa Buong Daigdig: “Sa kaniyang mga kaarawan ay mamumukadkad ang isa na matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. At siya’y magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Awit 72:7, 8.
Pagmamalasakit sa Mababa: “Kaniyang ililigtas ang dukha na dumaraing sa paghingi ng tulong, pati ang napipighati at sinuman na walang katulong. Siya’y maaawa sa isa na mababa at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay kaniyang ililigtas. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa buhat sa paniniil at karahasan, at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang mga mata.”—Awit 72:12-14.
Saganang Pagkain: “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 72:16.
Mapupuno ng Kaluwalhatian ni Jehova ang Lupa: “Purihin si Jehovang Diyos, na Diyos ng Israel, na siyang tanging gumagawa ng mga kababalaghang bagay. At purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailanman, at mapuno ang buong lupa ng kaniyang kaluwalhatian.”—Awit 72:18, 19.
Kaya tunay ngang natatanaw na ang mas mabuting panahon.