Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 9/1 p. 3-4
  • Isang Malapad na Daan na May Kaunting Kalayaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Malapad na Daan na May Kaunting Kalayaan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagbagong Paraan ng Pamumuhay
  • Tunay na Isang Malapad na Daan
  • Patungo sa Kapahamakan ang Malapad na Daan
  • Ang Makipot na Daan Patungo sa Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • “Ang Maluwang at Madaling Daan”
    Gumising!—1989
  • Patuloy na ‘Makinig sa Kaniya’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Mabuti ba ang Lahat ng Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 9/1 p. 3-4

Isang Malapad na Daan na May Kaunting Kalayaan

Isang pamilya na binubuo ng tatlo katao​—ama, ina, at munting anak na babae​—​ang nasa tahanan sa Sydney, Australia, nang masunog ang bahay. Sinikap nilang tumalon buhat sa mga bintana, pero may rehas ang mga ito. Dahil sa panseguridad na mga rehas, hindi sila mailigtas ng mga bombero. Nasawi ang ama at ina sa usok at liyab ng apoy. Ang anak na babae naman ay namatay nang dakong huli sa ospital.

KAY lungkot naman ng pagkamatay ng pamilyang ito dahil sa mga kagamitang inaasahang makapagsasanggalang sa kanila! Ipinahihiwatig na sa ating panahon ang pamilyang ito ay hindi nag-iisa sa pagkakaroon ng tahanan na ipinagsasanggalang ng mga rehas at mga kandado. Marami sa mga kapitbahay ang mayroon ding tahanan at ari-arian na nahahawig sa mga kuta. Bakit? Sila’y naghahanap ng katiwasayan at kapayapaan ng isip. Anong laking kasiraan sa isang “malayang” lipunan na nadarama lamang ng mga tao na sila’y ligtas kapag nakakulong na parang mga bilanggo sa kanilang sariling tahanan! Sa maraming pamayanan, hindi na ligtas para sa mga bata na maglaro sa isang kalapit na parke o maglakad patungo sa paaralan nang walang kasamang magulang o ibang adulto. Sa maraming pitak ng buhay, ang kalayaan ay naglalahong parang hamog sa umaga.

Nagbagong Paraan ng Pamumuhay

Ibang-iba ang panahon ng ating mga lolo’t lola. Bilang mga bata, kadalasan ay walang-takot na makapaglalaro sila saanman nila ibigin. Bilang mga adulto, hindi sila palaisip tungkol sa mga kandado o mga rehas. Nakadarama sila ng kalayaan, at sa isang banda sila nga ay malaya. Subalit nakita ng ating mga lolo’t lola ang pagbabago sa kaugalian ng lipunan sa kanilang kapanahunan. Ito’y naging mas malamig, mas mapag-imbot; sa maraming lugar ang pag-ibig sa kapuwa ay napalitan ng pagkatakot sa kapuwa, na naging sanhi ng kalunus-lunos na pangyayaring nabanggit na. Kasabay nitong patuloy na pagkawala ng kalayaan ay ang patuloy na pagguho ng moral. Ang lipunan ay naaakit sa isang “bagong moralidad,” ngunit ang totoo, ang situwasyon ay umabot na sa punto na lubusan nang kinalimutan ang moralidad.

Isang dating guro sa University of Queensland, si Dr. Rupert Goodman, ang sumulat: “Ang mga kabataan ay nahahantad ngayon sa isang naiiba, mapagpalayaw-sa-sariling . . . istilo ng pamumuhay na kung saan ang ‘sarili’ ang pinakasentro: pagpapakalabis-sa-sarili, pag-iisip ukol sa sarili, pagpapalugod-sa-sarili, sariling interes.” Sinabi rin niya: “Ang mga katangian tulad ng pagpipigil-sa-sarili, pagkakait-sa-sarili, pagpapagal, pagtitipid, paggalang sa awtoridad, pag-ibig at paggalang sa magulang . . . ay di-pangkaraniwan para sa marami.”

Tunay na Isang Malapad na Daan

Yaong nakababatid ng hula sa Bibliya ay hindi nagtataka sa malaganap na pagkamakasariling ito, sapagkat nagbabala si Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagapakinig: “Malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:13, 14) Ang unang daan, na may sapat na lugar para sa maraming manlalakbay, ay “malapad” dahil hindi ito natatakdaan sa pamamagitan ng pag-ugit ng mga simulain sa Bibliya sa moralidad at pang-araw-araw na pamumuhay. Ito’y nakaaakit sa mga taong nais mag-isip at mamuhay nang ayon sa ibig nila​—walang mga alituntunin, walang mga pananagutan.

Totoo, marami na pumili sa malapad na daan ay nag-aangkin na nasisiyahan sila sa kanilang kalayaan. Subalit karamihan sa kanila ay pinakikilos ng nangingibabaw na saloobin ng pagkamakasarili. Sinasabi ng Bibliya na sila ay inuugitan ng “espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Ang espiritung ito ang nagpapakilos sa kanila na mamuhay “kasuwato ng . . . laman, na ginagawa ang mga bagay na hinahangad ng laman,” maging iyon man ay imoralidad, pag-aabuso sa droga, o walang-humpay na paghahangad ng kayamanan, katanyagan, o kapangyarihan.​—Efeso 2:2, 3.

Patungo sa Kapahamakan ang Malapad na Daan

Pansinin na yaong mga naglalakbay sa malapad na daan ay itinataboy na gawin “ang mga bagay na hinahangad ng laman.” Ipinakikita nito na sila ay hindi talagang malaya​—sila’y may panginoon. Sila’y mga alipin ng laman. At ang paglilingkod sa panginoong ito ay umaakay sa maraming suliranin​—ang salot ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik, wasak na mga tahanan, napinsalang mga katawan at isip dahil sa pag-aabuso sa droga at alak, ay ilan lamang sa mga ito. Kahit ang mga karahasan, pagnanakaw, at panghahalay ay bunga ng makasariling kaisipan na pinagyaman sa maluwang at malapad na daang ito. At, samantalang patuloy na umiiral ang “daan[g ito] na umaakay patungo sa pagkapuksa,” ang mga bunga nito ay magiging lalo pang nakapipinsala higit kailanman.​—Kawikaan 1:22, 23; Galacia 5:19-21; 6:7.

Tingnan ang dalawang totoong-buhay na halimbawa buhat sa Australia. Si Mary ay napadala sa tukso, anupat naging sugapa sa droga at gumawa ng imoralidad.a Subalit mailap sa kaniya ang kaligayahang hinahangad niya. Kahit pagkatapos magkaanak ng dalawa, waring hungkag pa rin ang kaniyang buhay. Nasagad na siya ang malaman niyang siya’y nahawahan ng AIDS.

Napinsala naman si Tom sa ibang paraan. “Lumaki ako sa isang misyon ng simbahan sa hilagang Queensland,” isinulat niya. “Sa edad na 16, nagsimula ang aking malakas na pag-inom ng alak. Ang aking ama, mga tiyo, at mga kaibigan ay pawang malalakas uminom, kaya waring iyon ang dapat lamang mangyari. Umabot ako sa punto na kahit ano ay iniinom ko, mula sa serbesa hanggang sa methylated na alkohol. Nagsimula rin akong tumaya sa karera ng kabayo, kung minsan ay naipatatalo ang halos lahat ng aking pinaghirapang sahod. Hindi ito isang maliit na halaga, yamang malaki ang ibinabayad sa akin sa pagtatabas ng tubo.

“Pagkatapos ay nag-asawa ako at kami’y nagkaroon ng mga anak. Sa halip na harapin ang aking mga pananagutan, ginawa ko kung ano ang ginagawa ng aking mga kaibigan​—maglasing, magsugal, at makipag-away. Madalas akong mapasok sa kulungan sa aming lugar. Pero maging ito man ay bale-wala sa akin. Ang aking buhay ay patungo sa pagkapariwara. Ito’y magulong-magulo.”

Oo, sa pagpapadaig sa maling mga hangarin, ang pininsala nina Tom at Mary ay hindi lamang ang kanilang buhay kundi gayundin ang sa kani-kanilang pamilya. Nakalulungkot, maraming iba pang kabataan ang naaakit ng liberal at tiwaling espiritu ng kalayaan na iniaalok sa malapad na daan. Kung maaaninag lamang sana ng mga kabataan ang pagpapaimbabaw, ang pagkukunwari. Kung makikita lamang sana nila ang mga tunay na pangyayari sa malapad na daan​—ang mapait na ibinubuwis sa dakong huli ng lahat ng naglalakbay roon. Totoo, ito’y malapad at madaling daanan. Pero ang pagiging malapad nito ang siyang sumpa nito. Ang landas ng karunungan ay ang isapuso ang di-matututulan na katotohanang “siya na naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman.”​—Galacia 6:8.

Gayunman, may mas mainam na pagpipilian. Iyon ay ang makipot na daan. Subalit gaano kahigpit, gaano kasikip at kakipot ang daang ito? At saan ito patungo?

[Talababa]

a Binago ang mga pangalan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share