Ang Makipot na Daan Patungo sa Kalayaan
IILANG matalinong tao ang tututol na ang uniberso ay inuugitan ng batas ng kalikasan. Ang mga batas na ito ang sumusupil sa lahat ng bagay buhat sa pagkaliit-liit na mga atomo hanggang sa dambuhalang mga galaksi na binubuo ng bilyun-bilyong bituin. Kung wala nito, walang pagpaplano at walang unawa; hindi maaaring umiral ang buhay sa ganang sarili. Sa pagkaunawa sa mga batas ng kalikasan at pagsunod sa mga ito, nakagawa ang tao ng kagila-gilalas na mga gawa, tulad ng paglalakad sa buwan at pagpapalabas ng de kolor na mga larawan buhat sa alinmang dako sa lupa o maging buhat sa dako pa roon ng atmospera ng lupa patungo sa mga telebisyon sa ating mga tahanan.
Subalit kumusta naman ang mga batas tungkol sa moral? Kapaki-pakinabang at mabunga rin kaya ang pagsunod sa mga ito? Marami ang waring nag-aakala na walang mga batas tungkol sa moral at sila’y pumipili ng isang mapagparayang pilosopiya o relihiyon na bumabagay sa kanilang sariling mga hangarin.
Subalit may ilan na pumipili ng ibang daan, ang ‘makipot na daan patungo sa buhay’ gaya ng ibinalangkas sa Bibliya. Hindi tayo dapat magtaka na kakaunti lamang ang pumipili nito, sapagkat ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa makipot na daan: “Kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” (Mateo 7:14) Bakit kakaunti lamang?
Sapagkat ang makipot na daan ay hinahanggahan ng mga batas at simulain ng Diyos. Yaon lamang taimtim na nagnanais na iayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Diyos ang siyang maaakit dito. Ibang-iba sa malapad na daan, na waring nagpapahiwatig ng kalayaan subalit ang totoo ay umaalipin, ang makipot na daan, na waring nanunupil, ay nagpapalaya sa isang tao sa bawat mahahalagang paraan. Ang mga hangganan nito ay tinatakdaan ng “sakdal na batas na nauukol sa kalayaan.”—Santiago 1:25.
Kung Papaano Nagpapalaya ang Makipot na Daan
Totoo, hindi laging madali na manatili sa makipot na daan. Bawat taong nabubuhay ay hindi sakdal at may minanang hilig sa paggawa ng masama. Kaya ang isang tao ay maaaring may hilig na lumihis nang kaunti. Gayunpaman, sulit ang mga pakinabang sa pananatili sa ‘masikip na daan’ sa kabila ng anumang kinakailangang pagdidisiplina sa sarili o pagbabago, sapagkat ang Diyos ang ‘nagtuturo sa atin ng ating mapakikinabangan.’—Isaias 48:17; Roma 3:23.
Upang ilarawan: Ang pantas na mga magulang ay maingat na gumuguhit ng isang mistulang ‘masikip na daan’ hinggil sa pagkain ng kanilang mga anak. Kung minsan ito ay nangangahulugan ng pagiging mahigpit kapag panahon ng pagkain. Subalit kapag nagsilaki na ang mga anak, pahahalagahan nila ang maibiging disiplina ng kanilang mga magulang. Bilang mga adulto, taglay na nila ang hilig sa masustansiyang pagkain. At dahil sa malawak na pagkasari-sari ng masustansiyang pagkain kung kaya hindi nila madarama na sila’y hinigpitan.
Sa espirituwal na paraan, gayundin ang ginagawa ng Diyos sa mga nasa makipot na daan patungo sa buhay. Nililinang niya sa mga maaamo ang mabubuting hangarin na umaakay sa kaligayahan at tunay na kalayaan. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng paglalaan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Isa pa, inaanyayahan niya tayong manalangin ukol sa tulong ng kaniyang espiritu, at inuutusan niya tayong makisama sa mga kapuwa Kristiyano, na makapagpapatibay sa atin na manatili sa makipot na daan. (Hebreo 10:24, 25) Oo, ang Diyos ay pag-ibig, at ang nakahihigit na katangiang ito ang siyang nasa likod ng kaniyang mga layunin at ng lahat ng kaniyang pamamaraan.—1 Juan 4:8.
Kapag umiiral ang pag-ibig, kapayapaan, kabutihan, pagpipigil-sa-sarili, at iba pang bunga ng espiritu ng Diyos, waring hindi naman nanunupil ang makipot na daan. Gaya ng sinasabi ng kasulatan, “laban sa gayong mga bagay ay walang batas.” (Galacia 5:22, 23) “Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Kahit na ngayon, natitikman na ng tunay na mga Kristiyano ang kalayaang ito. Sila’y malaya buhat sa maraming pagkatakot na dinaranas ng mga tao sa ngayon, tulad ng pagkatakot sa hinaharap at pagkatakot sa kamatayan na nag-uugat sa mga pamahiin. Nakasasabik ngang isip-isipin ang hinaharap kapag “ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat”! (Isaias 11:9) Kung magkagayon, kahit ang pagkatakot sa krimen ay mawawala na. Di na mangangailangan pa ng mga kandado at mga rehas. Lahat ay makadaramang sila’y malaya at ligtas—araw at gabi, sa loob at labas ng tahanan. Talaga ngang kalayaan iyan!
Tiniyak sa Atin ang Tulong ng Diyos
Totoo, nangangailangan ng pagsisikap ang pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos, subalit “ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat,” kahit na para sa di-sakdal na mga tao. (1 Juan 5:3) Habang nasasanay tayo sa makipot na daan at nadarama ang mga pakinabang ng paglakad doon, tumutubo sa atin ang pagkamuhi sa mga paraan at pag-iisip na taglay niyaong mga nasa malapad na daan. (Awit 97:10) Ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay nakaaakit sa ating budhi. Sa halip na “kirot ng puso” at “lubos na pagkagiba ng espiritu” na nadarama ng marami, ipinangangako ng Diyos: “Narito! Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kondisyon ng puso.” Oo, ang isang pusong sinanay ni Jehova ay may-kagalakan at malaya.—Isaias 65:14.
Si Jesus ay namatay upang gawing posible para sa atin ang tunay na kalayaan. Sinasabi ng Bibliya: “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ngayon, bilang Hari sa makalangit na Kaharian ng Diyos, ibinibigay ni Jesus ang mga pakinabang ng haing iyan. Di-magtatagal, pagkatapos ng “malaking kapighatian,” kapag napalis na ang malapad na daan at yaong mga naroroon, matiyaga niyang aakayin ang masunuring sangkatauhan sa natitirang bahagi ng makipot na daan hanggang sa dulo nito, ang kasakdalan ng tao. (Apocalipsis 7:14-17; Mateo 24:21, 29-31) Sa wakas ay mararanasan natin ang katuparan ng dakilang pangako: “Ang paglalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Ang bigay-Diyos na kalayaang ito ay hindi mahihigitan. Maging ang kamatayan ay wawakasan na.—Roma 8:21; Apocalipsis 21:3, 4.
Sa pagkakita at sa malinaw na pagkaunawa kung saan patungo ang makipot na daan, mas nasasangkapan ang isang tao na piliin ang daang ito at patuloy na lumakad doon. Ang mga kabataan ay lalo nang natutulungan na maging malawak ang pananaw at huwag mainis sa inaakala nilang mga pagbabawal na itinatakda ng mga pamantayan ng Diyos. Natututuhan nilang malasin ang mga ito bilang katunayan ng pag-ibig ng Diyos at bilang kalasag laban sa mga kasamaan ng malapad na daan. (Hebreo 12:5, 6) Mangyari pa, ang isa ay kailangang maging matiisin, anupat isinasaisip na kailangan ng panahon upang paunlarin ang maka-Diyos na mga katangian at mga hangarin, kung papaanong kailangan ng panahon upang mamunga ng mabuting prutas ang isang punungkahoy. Subalit mamumunga ang punungkahoy kung ito ay inaalagaan at dinidiligan.
Kaya pag-aralan ang Salita ng Diyos, makisama sa ibang Kristiyano, at ‘manalangin nang walang-lubay’ ukol sa banal na espiritu. (1 Tesalonica 5:17) Magtiwala sa Diyos na tutulungan kang ‘ituwid ang iyong landas.’ (Kawikaan 3:5, 6) Subalit praktikal ba ang lahat ng ito? Mabisa ba ito? Oo, naging mabisa ito para kina Tom gayundin para kay Mary, na nabanggit sa naunang artikulo.
Huminto Sila ng Paglakad sa Malapad na Daan
Ganito ang isinulat ni Tom: “Noong kalagitnaang bahagi ng mga taon ng 1970, nakausap ko ang mga Saksi ni Jehova nang isa sa kanila ang dumalaw sa aming tahanan. Ang pag-uusap ay humantong sa pag-aaral ng Bibliya. Unti-unti kong inayos ang aking buhay. Nabautismuhan ako noong 1982 at naglilingkod ngayon sa lokal na kongregasyon. Bautisado na rin ngayon ang aming anak na lalaki. Pinasasalamatan ko ang aking asawa sa pagtitiis sa akin sa lahat ng mga taóng iyon bago ko natutuhan ang katotohanan. At higit sa lahat ay pinasasalamatan ko si Jehova at ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, dahil sa lahat ng ipinagkaloob nila sa amin at dahil sa pag-asa na taglay namin ngayon hinggil sa hinaharap.”
At kumusta naman si Mary? Buweno, inakala niyang hindi na siya mapatatawad ng Diyos, ngunit ibig niyang matuto tungkol sa kaniya alang-alang sa kaniyang mga anak. Nang mabalitaan niya na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo ng Bibliya sa kaniyang kapitbahay, nagpatulong din siya. Gayunman, naging mabagal ang pagsulong dahil sa kaniyang masasamang bisyo na mahirap tanggalin. Naging paurong-sulong ang pag-aaral. Subalit, ang kaniyang pitong-taong-gulang na anak na babae ang nagpatibay sa kaniya. “Sige, Inay. Kaya mo ’yan!” ang malimit niyang sabihin. Pagkatapos ay lalo pang magsisikap si Mary.
Nang bumalik sa kanilang tahanan ang lalaking kaniyang kinakasama na sugapa rin sa droga, ito ay sumali rin sa pag-aaral. Nang dakong huli kapuwa nila nadaig ang kanilang masasamang bisyo. Sumunod, pagkatapos na gawing legal ang kanilang pagsasama at magpabautismo, naranasan nila ang malaking kaligayahan at sa kauna-unahang pagkakataon ay nadamang sila’y isang tunay na pamilya. Nakalulungkot, namatay si Mary dahil sa AIDS, ngunit namatay siya na nakatanim sa kaniyang puso ang pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli at buhay sa paraisong lupa, na malinis buhat sa bawat bakas ng kapaha-pahamak na malapad na daan.
Oo, posibleng umalis sa malapad at maluwang na daan na umaakay patungo sa pagkapuksa. Sinabi ni Kristo Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung gayon, bakit hindi magpasiyang lumakad sa makipot na daan patungo sa buhay? Kung isasapuso at ikakapit mo ang iyong natututuhan buhat sa Salita ng Diyos, personal na mararanasan mo ang nakapagpapasiglang pangako sa Bibliya: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.