Ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig—India
INDIA! Ang malawak na subkontinenteng ito ay tahanan ng 1 sa bawat 6 katao sa planetang ito. Lahat-lahat, mahigit na 1,000 wika at dialekto ang ginagamit sa lupaing ito ng pagkasari-sari. Karamihan sa mga tao ay Hindu, 83 porsiyento sa kanila, samantalang 11 porsiyento ay Muslim, at ang natitira ay mga Sikh, Budista, Jainista, at naturingang mga Kristiyano.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng mahalagang tagumpay sa nagdaang mga taon. Sila’y nakasumpong ng tulad-tupang mga tao na handang manindigan sa panig ng Kaharian ni Jehova, sa kabila ng lahat ng uri ng panggigipit at pagsalansang.
Halimbawa, isang batang babae sa isang karaniwang pamilyang Hindu ang nalumpo dahil sa polio sapol ng pagkabata. Ang pagdurusang dinanas niya ang nag-udyok sa kaniya na mag-isip tungkol sa Diyos at sa layunin ng buhay. Sinuri niya ang maraming relihiyon para sa kasagutan ngunit walang nasumpungang kaaliwan. Kaya naman, siya’y nawalan ng pananampalataya sa relihiyon, bagaman hindi sa Diyos.
Nang panahon ding ito ay natagpuan ng dalawang Saksi ang batang ito sa kanilang pagbabahay-bahay. “Ako’y napaluha nang kanilang basahin ang Apocalipsis 21:4,” naalaala pa niya. Tumanggap siya ng maraming publikasyon ng Samahang Watch Tower at pumayag na makipag-aral ng Bibliya sa tahanan sa kabila ng pagtutol ng kaniyang ina. Ang bata ay gumawa ng maraming pagbabago sa kaniyang buhay, may lakas-ng-loob na hinarap ang pagsalansang ng mga kamag-anak, at naging isang bautisadong Saksi. Aniya: “Malayo na ang aking narating, at ito ay naging napakahirap na karanasan. Subalit ang Diyos na Jehova ay laging nakaalalay sa akin at binigyan ako ng malaking kapayapaan at kagalakan.”
Matatag sa Dalisay na Pagsamba sa Paaralan
Isang kabataang sister ang hinilingan ng kaniyang guro na pumunta sa isang simbahang Katoliko kasama ng buong klase. Ang sister ay magalang na tumanggi, anupat nagsabi na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova at hindi sasamba sa kaninuman o anupaman maliban kay Jehova. Sinabi ng guro na kapag ang lahat ng iba pa ay pumunta sa simbahan, siya man ay dapat ding pumunta roon. Subalit ang sister ay naging matatag at sinabing yamang yaong mga pupunta sa simbahan ay hindi kay Jehova mananalangin, hindi niya makita kung bakit pa siya dadalo roon.
Dahilan sa katatagan ng bata, nais ng kaniyang guro na makaalam pa. Kaya nang sumunod na araw ay binigyan siya ng sister ng isang artikulo sa Bantayan tungkol sa pagsamba kay Jehova. Palibhasa’y humanga sa kaniyang nabasa, hindi na isinali ng guro ang sister sa lahat ng relihiyosong gawain sa paaralan. Ang sister ay nakapagpasakamay ng sampung magasin sa kaniya at sa iba pang guro.
Ginantimpalaan ang Pagsunod sa Batas ng Diyos Hinggil sa Dugo
Kamakailan isang lagnat na likha ng virus ang lumaganap na parang salot sa mga ilang bahagi ng estado ng Kerala. Ang sakit na ito ay lubhang pumipinsala sa mga bato at humahantong sa pangangailangan ng dialysis. Ang pagsasalin ng dugo ay karaniwan nang isinasagawa. Sa isang lunsod 14 katao ang naospital dahil sa sakit na ito. Isa sa mga pasyenteng ito ay Saksi, isang matanda sa lokal na kongregasyon. Siya’y sinabihan na ang pagsasalin ng dugo ang tanging magagawang paggamot. Ipinaliwanag ng matanda ang kaniyang maka-Kasulatang mga paniniwala at matatag na tumangging pasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Pagkatapos ng maraming pakikipagkatuwiranan sinabi ng mga doktor na siya’y mamamatay dahil sa pagtanggi niyang pasalin ng dugo.
Yaong iba pang 13 pasyente ay nagpasalin ng dugo. Nakalulungkot naman, lahat sila ay namatay sa loob lamang ng ilang araw. Ang kapatid ang kaisa-isang nakaligtas! Takang-taka ang mga awtoridad sa ospital. Ang mga tauhang medikal ay lubhang humanga sa regular na pagdalaw ng mga miyembro ng kongregasyon. Pagkatapos na siya’y makalabas sa ospital, ang kapatid ay naparoon upang magpasalamat sa mga doktor, ngunit kanilang sinabi: “Bakit mo kami pinasasalamatan? Pasalamatan mo ang iyong Diyos, si Jehova. Siya ang Isa na nagligtas sa iyo. Pakisuyong ipanalangin din kami sa iyong Diyos, si Jehova.”
[Kahon sa pahina 24]
LARAWAN NG BANSA
1994 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 14,271
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 65,266
DUMALO SA MEMORYAL: 38,192
ABERIDS MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 1,780
ABERIDS PAG-AARAL SA BIBLIYA: 12,453
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 1,312
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 410
TANGGAPANG PANSANGAY: LONAVLA
[Larawan sa pahina 25]
Tanggapang Pansangay, Lonavla
[Larawan sa pahina 25]
Pagpapatotoo kaugnay ng “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na kombensiyon noong 1963
[Larawan sa pahina 25]
Pangangaral sa isang tindero sa labas ng Red Fort sa Delhi