Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 1/15 p. 15-20
  • Kailangan ng mga Tupa ni Jehova ang Magiliw na Pangangalaga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kailangan ng mga Tupa ni Jehova ang Magiliw na Pangangalaga
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kusang-Loob na mga Pastol ng Kawan
  • Kapag Ibig Nang Mangaral ng mga Baguhan
  • Pagtugon sa mga Pantanging Pangangailangan
  • Kung Magkasala ang Isang Baguhan
  • Tulungan Silang ‘Sumulong Tungo sa Pagkamaygulang’
  • Pagtulong sa Iba na Sumamba sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • “Pastulan Ninyo ang Kawan ng Diyos na Nasa Inyong Pangangalaga”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
    Gumising!—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 1/15 p. 15-20

Kailangan ng mga Tupa ni Jehova ang Magiliw na Pangangalaga

“Alamin ninyo na si Jehova ay Diyos. . . . Tayo ang kaniyang bayan at ang mga tupa ng kaniyang pastulan.”​—AWIT 100:3.

1. Papaano pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?

SI Jehova ang Dakilang Pastol. Kung tayo ay kaniyang mga lingkod, minamalas niya tayo bilang kaniyang mga tupa at binibigyan tayo ng magiliw na pangangalaga. Inaaliw at pinagiginhawa tayo ng ating makalangit na Ama at inaakay tayo sa “mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan.” (Awit 23:1-4) Gayon na lamang ang pag-ibig sa atin ng ating Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, anupat isinuko niya ang kaniyang kaluluwa para sa atin.​—Juan 10:7-15.

2. Sa anong kalagayan nasusumpungan ng bayan ng Diyos ang kanilang sarili?

2 Yamang tinatanggap natin ang kaniyang magiliw na pangangalaga, ganito ang masasabi natin kasama ng salmista: “Maglingkod kay Jehova nang may pagsasaya. Lumapit sa harap niya nang may kagalakang hiyaw. Alamin ninyo na si Jehova ay Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili. Tayo ay kaniyang bayan at ang mga tupa ng kaniyang pastulan.” (Awit 100:2, 3) Oo, tayo ay may kagalakan at katiwasayan. Para bang tayo’y ligtas mula sa masasamang maninila sa isang kulungan ng tupa na may matitibay na batong pader.​—Bilang 32:16; 1 Samuel 24:3; Zefanias 2:6.

Kusang-Loob na mga Pastol ng Kawan

3. Papaano pinakikitunguhan ng hinirang na Kristiyanong matatanda ang kawan ng Diyos?

3 Hindi nakapagtataka na tayo’y maliligaya bilang mga tupa ng Diyos! Pinangungunahan tayo ng hinirang na matatanda. Hindi sila ‘nag-aastang prinsipe,’ namamanginoon sa atin, o sinisikap man na maging mga panginoon ng ating pananampalataya. (Bilang 16:13; Mateo 20:25-28; 2 Corinto 1:24; Hebreo 13:7) Sa halip, sila ay maibiging mga pastol na nagkakapit ng payo ni Pedro: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-matapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi nagiging mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:2, 3) Ganito naman ang sinabi ni apostol Pablo sa mga kapuwa matatanda: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong mga sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” At ano ngang laking pasasalamat ng mga tupa sapagkat “pinakikitunguhan ang kawan nang magiliw” ng mga lalaking ito na inatasan ng banal na espiritu!​—Gawa 20:28-30.

4. Sa anong uri ng kaugnayan sa tupa kilalang-kilala si Charles T. Russell?

4 Ang kongregasyon ay binigyan ni Jesus ng “mga kaloob na mga tao,” ang ilan bilang “mga pastor,” o mga pastol, na nakikitungo sa kawan ni Jehova sa magiliw na paraan. (Efeso 4:8, 11; King James Version) Isa sa mga lalaking ito ay si Charles T. Russell, ang unang presidente ng Samahang Watch Tower. Siya ay tinawag na Pastor Russell dahil sa kaniyang maibiging mga gawa at pagkamadamayin sa pagpapastol ng kawan sa ilalim ng Punong Pastol, si Jesu-Kristo. Sa ngayon, ang Kristiyanong matatanda ay hinihirang ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, at pinag-iingatan na hindi gumamit ng gayong mga termino gaya ng “pastor,” “matanda,” o “guro” bilang mga titulo. (Mateo 23:8-12) Gayunman, ang matatanda sa ngayon ay gumaganap ng gawaing pagpapastol sa ikabubuti ng mga tupa sa pastulan ni Jehova.

5. Bakit dapat makilala ng mga baguhan ang hinirang na matatanda sa Kristiyanong kongregasyon?

5 Bilang mga pastol, ang matatanda ay gumaganap ng mahalagang bahagi sa espirituwal na pagsulong ng mga baguhan. Kaya naman, ang bagong aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ay nagsasabi sa pahina 168: “Kilalanin ang inatasang matatanda sa kongregasyon. Napakarami nilang karanasan sa pagkakapit ng kaalaman sa Diyos, yamang naabot nila ang mga katangian para sa mga tagapangasiwa na nakasaad sa Bibliya. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Huwag mag-atubiling lumapit sa isa sa kanila kung kailangan mo ng espirituwal na tulong upang mapaglabanan ang gawi o ugaling salungat sa mga kahilingan ng Diyos. Masusumpungan mong sinusunod ng matatanda ang payo ni Pablo: ‘Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang-pagtitiis sa lahat.’​—1 Tesalonica 2:7, 8; 5:14.”

Kapag Ibig Nang Mangaral ng mga Baguhan

6. Anong hakbang ang sinusunod kung ibig ng isang estudyante ng Bibliya na maging mamamahayag ng Kaharian?

6 Pagkatapos na ang estudyante ng Bibliya ay makakuha ng kaalaman at siya’y nakadadalo na sa mga pulong, baka nanaisin niyang maging isang mamamahayag ng Kaharian, isang mángangarál ng mabuting balita. (Marcos 13:10) Kung gayon, ang Saksi na nagdaraos sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya ay dapat na makipag-alam sa punong tagapangasiwa, na magsasaayos na isa sa matatanda sa Congregation Service Committee at isa pang matanda ang makikipag-usap sa estudyante ng Bibliya at sa kaniyang guro. Ang pag-uusap ay ibabatay sa aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 98 at 99. Kapag nakita ng dalawang matandang ito na ang baguhan ay naniniwala sa mga saligang turo ng Bibliya at sumusunod sa mga simulain ng Diyos, ipababatid sa kaniya na siya ay kuwalipikado nang makibahagi sa pangmadlang ministeryo.a Kapag iniulat na niya ang kaniyang ministeryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng field service report, ilalagay iyon sa isang Congregation’s Publisher Record card na may pangalan niya. Maiuulat na ngayon ng baguhan ang kaniyang gawaing pagpapatotoo kasama ng milyun-milyong iba pa na maligayang ‘nagpapahayag ng salita ng Diyos.’ (Gawa 13:5) Ipatatalastas sa kongregasyon na siya ay isa nang di-bautisadong mamamahayag.

7, 8. Sa anu-anong paraan matutulungan sa ministeryo ang di-bautisadong mamamahayag?

7 Kailangan ng di-bautisadong mamamahayag ang tulong ng matatanda at ng iba pang may-gulang na Kristiyano. Halimbawa, ang konduktor sa dinadaluhan niyang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay dapat na interesado sa kaniyang espirituwal na pagsulong. Maaaring ang baguhan ay nahihirapang magsalita nang mabisa sa gawaing pagbabahay-bahay. (Gawa 20:20) Kaya malamang na malugod niyang tatanggapin ang tulong, lalo na buhat sa isa na nagdaraos sa kaniya ng pag-aaral sa aklat na Kaalaman. Angkop ang gayong praktikal na tulong, sapagkat inihanda ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad para sa ministeryo.​—Marcos 6:7-13; Lucas 10:1-22.

8 Upang maging mabisa ang ating ministeryo, mahalaga ang patiunang paghahanda nang mainam. Sa gayon, maaaring mag-ensayo muna ang dalawang mamamahayag ng mga presentasyon na iminungkahi sa buwanang isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Kapag nagsimula na sila sa paglilingkod sa larangan, maaaring ang mas makaranasang mamamahayag ang magsalita sa una at ikalawang pinto. Pagkatapos ng palakaibigang pambungad, ang dalawang mamamahayag ay maaaring makibahagi sa pagpapatotoo. Ang paggawang magkasama sa ministeryo sa loob ng ilang linggo ay maaaring magbunga ng mahuhusay na pagdalaw-muli at maging ng isang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang mas makaranasang mamamahayag ang maaaring mangasiwa muna ng pag-aaral at pagkatapos ay ilipat iyon sa bagong tagapaghayag ng Kaharian. Ano ngang ligaya ng dalawang mamamahayag kung ang estudyante ng Bibliya ay magpapamalas ng pagpapahalaga sa kaalaman ng Diyos!

9. Anong mga kaayusan ang ginagawa kapag ang isang mamamahayag ay nagnanais na magpabautismo?

9 Habang sumusulong sa espirituwal ang di-bautisadong mamamahayag, siya ay maaaring gumawa ng pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at magnais na pabautismo. (Ihambing ang Marcos 1:9-11.) Ang kaniyang pagnanais na pabautismo ay dapat niyang ipaalam sa punong tagapangasiwa ng kongregasyon, na siyang magsasaayos na repasuhin ng matatanda sa mamamahayag ang mga tanong sa pahina 175 hanggang 218 ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo. Ang apat na bahagi na doo’y hinati ang mga tanong ay maaaring saklawin sa tatlong sesyon ng tatlong iba’t ibang matanda kung maaari. Kung sila’y sumang-ayon na ang di-bautisadong mamamahayag ay may sapat na kaunawaan sa mga turo ng Bibliya at siya’y kuwalipikado sa iba pang paraan, sasabihin nila sa kaniya na siya ay maaari nang mabautismuhan. Bunga ng kaniyang pag-aalay at bautismo, siya’y nagiging ‘tinandaan’ ukol sa kaligtasan.​—Ezekiel 9:4-6.

Pagtugon sa mga Pantanging Pangangailangan

10. Pagkatapos makumpleto ang kaniyang pag-aaral sa aklat na Kaalaman at siya ay mabautismuhan, papaano mapalalawak ng isang tao ang kaniyang kaalaman sa Kasulatan?

10 Kapag nakumpleto na ng isa ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya sa aklat na Kaalaman at siya’y nabautismuhan na, maaaring hindi na kailangang magdaos pa sa kaniya ng isang pormal na pag-aaral sa isa pang aklat, tulad ng Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos.b Mangyari pa, ang kababautismo lamang ay maraming matututuhan habang naghahanda siya para sa mga pagpupulong Kristiyano at dumadalo nang regular sa mga ito. Magkakamit din siya ng karagdagang kaalaman habang ang kaniyang pagkauhaw sa katotohanan ay nagpapakilos sa kaniya na sarilinang magbasa at mag-aral ng mga Kristiyanong publikasyon at ipakipag-usap sa mga kapananampalataya ang mga maka-Kasulatang bagay. Subalit ano kung bumangon ang isang pantanging pangangailangan?

11. (a) Papaano natulungan nina Priscila at Aquila si Apolos? (b) Anong tulong ang maibibigay sa isang kababautismo lamang na kabataang nasa edad na nag-iisip na mag-asawa?

11 Maging si Apolos, na “bihasa sa Kasulatan” at nagturo nang may kawastuan tungkol kay Jesus, ay nakinabang nang “isinama siya [ng mga makaranasang Kristiyanong sina Priscila at Aquila] at ipinaliwanag sa kaniya ang daan ng Diyos nang higit na wasto.” (Gawa 18:24-26; ihambing ang Gawa 19:1-7.) Kung gayon, ipagpalagay na ang pagliligawan at pag-aasawa ay pinag-iisipan ng isang kababautismo lamang na kabataang nasa edad. Maaari siyang tulungan ng isang mas makaranasang Kristiyano na humanap ng impormasyon tungkol sa mga paksang ito sa mga publikasyon ng Watch Tower. Halimbawa, makikita ang nakatutulong na mga impormasyon tungkol dito sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Bahagi 7.c Ang materyal na ito ay maaaring talakayin sa baguhan ng mamamahayag na nagdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa kaniya, bagaman hindi na kailangan ang regular na pag-aaral.

12. Anong tulong ang mailalaan sa mga bagong bautisadong mag-asawa na may mga suliranin?

12 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Marahil ang mga bagong bautisadong mag-asawa ay nahihirapang magkapit ng maka-Diyos na mga simulain. Maaaring sumangguni sila sa isang matanda, na makagugugol ng ilang gabi sa pakikipag-usap sa kanila sa Kasulatan at akayin ang kanilang pansin sa impormasyon na masusumpungan sa mga publikasyon ng Watch Tower. Gayunman, ang matanda ay hindi magtatatag-muli ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya sa mag-asawa.

Kung Magkasala ang Isang Baguhan

13. Bakit ang matatanda sa kongregasyon ay nararapat magpakita ng awa sa bagong bautisado na nagkasala ngunit nagsisisi?

13 Tinutularan ng matatanda ang Dakilang Pastol, si Jehova, na nagsasabi: “Pakakanin ko mismo ang aking mga tupa, . . . aking bebendahan ang isa na may balì at aking palalakasin ang isa na may sakit.” (Ezekiel 34:15, 16; Efeso 5:1) Kasuwato ng espiritung iyan, ipinayo ng alagad na si Judas na ipakita ang awa sa mga pinahirang Kristiyano na may mga alinlangan o nahulog sa pagkakasala. (Judas 22, 23) Yamang wasto na higit ang inaasahan natin sa makaranasang mga Kristiyano, tiyak na dapat namang magpakita ng awa sa bagong bautisado​—isang tupa lamang​—na nagkasala ngunit nagsisisi. (Lucas 12:48; 15:1-7) Ang matatanda, na ‘humahatol para kay Jehova,’ kung gayon ay nagbibigay sa gayong mga tupa ng magiliw na pangangalaga at nagtutuwid sa kanila sa espiritu ng kahinahunan.​—2 Cronica 19:6; Gawa 20:28, 29; Galacia 6:1.d

14. Ano ang dapat gawin kapag malubhang nagkasala ang isang kababautismo lamang na mamamahayag, at papaano siya matutulungan?

14 Kung gayon, ipagpalagay na ang isang kababautismo lamang na mamamahayag ay dating malakas uminom ng alak at may isa o dalawang pagkakataon na siya ay nagpakalabis dito. O marahil ay napagtagumpayan niya ang matagal nang bisyo na paninigarilyo ngunit minsan o makalawang nadaig sa tukso na manigarilyo nang sarilinan. Bagaman ang ating bagong kapatid ay nanalangin na sa Diyos ukol sa kapatawaran, dapat siyang humingi ng tulong sa isang matanda upang hindi siya mamihasa sa pagkakasala. (Awit 32:1-5; Santiago 5:14, 15) Kapag binanggit niya sa isa sa matatanda ang kaniyang pagkakasala, nararapat na sikapin ng matandang iyan na ituwid ang baguhan sa isang maawaing paraan. (Awit 130:3) Maaaring sapat na ang maka-Kasulatang payo upang matulungan siya na ituwid ang kaniyang landas pagkatapos noon. (Hebreo 12:12, 13) Ang mga kalagayan ay ipakikipag-usap ng matandang ito sa punong tagapangasiwa ng kongregasyon upang matiyak kung ano pang tulong ang maaaring gawin.

15. Sa ilang kaso, ano ang maaaring kailanganin kapag nagkasala ang isang bagong bautisado?

15 Sa ilang kaso ay baka higit pa ang kailangan. Kung marami ang nakaalam, may panganib sa kawan, o malulubhang suliranin na nasasangkot, ang lupon ng matatanda ay mag-aatas ng dalawang matanda upang siyasatin ang bagay na iyon. Kung matuklasan ng matatandang ito na ang kaso ay malubha anupat kailangan ang isang hudisyal na komite, ito ay ipababatid nila sa lupon ng matatanda. Pagkatapos ay mag-aatas ang lupon ng matatanda ng isang hudisyal na komite upang tulungan ang nagkasala. Ang hudisyal na komite ay nararapat na makitungo sa kaniya sa magiliw na paraan. Dapat nilang sikaping ituwid siya sa pamamagitan ng Kasulatan. Kung siya’y tumugon sa may kabaitang pagsisikap ng hudisyal na komite, saka nila matitiyak kung makabubuti ang hindi pagbibigay sa kaniya ng mga bahagi sa plataporma sa mga pulong sa Kingdom Hall o kung dapat siyang pahintulutang magkomento sa mga pulong.

16. Ano ang magagawa ng matatanda upang matulungan ang nagkasala?

16 Kung ang nagkasala ay tumutugon, maaaring isaayos ng isa o dalawang matanda na kabilang sa hudisyal na komite na dumalaw bilang mga pastol upang patibayin ang kaniyang pananampalataya at palakihin ang kaniyang pagpapahalaga sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Bawat isa sa kanila ay maaaring gumawang kasama niya sa ministeryo sa larangan sa pana-panahon. Maaaring sa ilang pagkakataon ay ipakipag-usap nila sa kaniya ang Kasulatan, na posibleng ginagamit ang mga artikulo sa Bantayan at Gumising! ngunit hindi naman nagtatatag ng regular na pag-aaral sa Bibliya. Sa gayong magiliw na pangangalaga, ang nagkasala ay maaaring mapalakas na paglabanan ang mga kahinaan ng laman sa mga susunod pang panahon.

17. Anong mga hakbang ang kukunin kapag ang bautisadong nagkasala ay di-nagsisisi at hindi tumatalikod sa kaniyang makasalanang landasin?

17 Mangyari pa, hindi dahilan ang pagiging bagong bautisado para sa walang-pagsisising paggawa ng kasalanan. (Hebreo 10:26, 27; Judas 4) Kung ang sinumang bautisadong manggagawa ng kasalanan ay di-nagsisisi at hindi tumatalikod sa kaniyang makasalanang landasin, siya’y ititiwalag sa kongregasyon. (1 Corinto 5:6, 11-13; 2 Tesalonica 2:11, 12; 2 Juan 9-11) Kung ang pagkilos na ito ay waring kailangan, ang lupon ng matatanda ay pipili ng isang hudisyal na komite. Kung maganap ang pagtitiwalag, gagawa ng ganitong maikling patalastas: “Si . . . ay itinitiwalag.”e

Tulungan Silang ‘Sumulong Tungo sa Pagkamaygulang’

18. Bakit tayo makatitiyak na ang mga bagong bautisadong Kristiyano at ang iba pa ay patuloy pang matututo tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban?

18 Ang karamihan sa mga lingkod ng Diyos ay mananatili sa kawan. Nakaliligaya rin naman na ang bawat isa sa atin ay makalalapit pa nang higit sa ating makalangit na Ama dahil patuloy pa tayong matututo tungkol sa kaniya at sa kaniyang kalooban. (Eclesiastes 3:11; Santiago 4:8) Ang libu-libong nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E. ay tiyak na marami pang dapat matutuhan noon. (Gawa 2:5, 37-41; 4:4) Gayundin ang mga Gentil, na walang kaalaman sa Kasulatan. Halimbawa, totoo ito sa mga nabautismuhan pagkatapos ng pahayag ni Pablo sa Areopago ng Atenas. (Gawa 17:33, 34) Ang mga bagong bautisado rin naman sa ngayon ay marami pang dapat matutuhan at nangangailangan ng panahon at tulong upang patibayin ang kanilang pasiyang patuloy na gawin ang tama sa paningin ng Diyos.​—Galacia 6:9; 2 Tesalonica 3:13.

19. Papaano matutulungang ‘sumulong sa pagkamaygulang’ yaong mga nababautismuhan?

19 Bawat taon ay libu-libo ang nababautismuhan at nangangailangan ng tulong upang sila’y ‘sumulong sa pagkamaygulang.’ (Hebreo 6:1-3) Sa pamamagitan ng salita, halimbawa, at praktikal na tulong sa ministeryo, maaari mong matulungan ang ilan na magsuot ng bagong personalidad at ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ (3 Juan 4; Colosas 3:9, 10) Kung ikaw ay isang makaranasang mamamahayag, maaari kang anyayahan ng matatanda na tulungan sa ministeryo sa larangan ang isang baguhang kapananampalataya o ipakipag-usap sa kaniya sa loob ng ilang linggo ang ilang punto sa Kasulatan upang palakasin ang kaniyang pananampalataya sa Diyos, ang kaniyang pagpapahalaga sa mga Kristiyanong pagpupulong, at iba pa. Ang kaugnayan ng mga pastol sa kawan ay tulad niyaong sa isang amang nagpapayo at sa isang magiliw na ina. (1 Tesalonica 2:7, 8, 11) Subalit, hindi maaasikaso ng ilang matatanda at mga ministeryal na lingkod ang lahat ng kailangan ng kongregasyon. Lahat tayo ay tulad ng isang pamilya na ang mga miyembro ay nagtutulungan sa isa’t isa. Bawat isa sa atin ay may magagawa upang tulungan ang ating kapuwa mananamba. Ikaw mismo ay makapagpapatibay-loob, makaaaliw sa nanlulumo, makaaalalay sa mahihina.​—1 Tesalonica 5:14, 15.

20. Ano ang magagawa mo upang palaganapin ang kaalaman ng Diyos at maglaan ng magiliw na pangangalaga sa mga tupa ng pastulan ni Jehova?

20 Kailangan ng sangkatauhan ang kaalaman ng Diyos, at bilang isang Saksi ni Jehova, maaari kang magkaroon ng maligayang bahagi sa pagpapalaganap nito. Kailangan ng mga tupa ni Jehova ang magiliw na pangangalaga, at ikaw ay maaaring gumanap ng maibiging bahagi sa paglalaan nito. Pagpalain nawa ni Jehova ang iyong ministeryo, at gantimpalaan ka sana niya sa iyong taos-pusong pagsisikap na tulungan ang mga tupa ng kaniyang pastulan.

[Mga talababa]

a Sa puntong ito, ang baguhan ay makakukuha na ng kopya ng aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo.

b Inilathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc.

c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

d Ang gayong kaayusan para sa mga di-bautisadong mamamahayag ay binalangkas sa artikulo na “Pagtulong sa Iba na Sumamba sa Diyos,” na lumabas sa Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1988, pahina 15-20.

e Kung ang pasiya ay pagtitiwalag at mayroong apela, ipagpapaliban muna ang patalastas. Tingnan ang pahina 147-8 ng aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo.

Papaano Ninyo Sasagutin?

◻ Papaano pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang mga tupa?

◻ Ano ang ginagawa kapag ibig nang mangaral ng mga baguhan?

◻ Papaano matutulungan ng mga kapananampalataya ang mga baguhan na may pantanging pangangailangan?

◻ Ano ang maibibigay ng matatanda doon sa mga nagkasala ngunit nagsisisi?

◻ Papaano ninyo matutulungan ang isang bagong bautisado na ‘sumulong sa pagkamaygulang’?

[Larawan sa pahina 16]

Kilalang-kilala si Charles T. Russell sa pagiging maibiging pastol ng kawan

[Larawan sa pahina 18]

Ang madamaying mga pastol ay magiliw na nakikitungo sa kawan ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share