Ang Ganap na Katapusan ng Karahasan—Papaano?
UPANG pigilin ang daluyong ng karahasan, maraming lunsod sa Estados Unidos ang nag-eksperimento ng isang bagong idea—salapi o kalakal kapalit ng isinukong mga baril, wala nang tanong-tanong pa. Ang resulta? Halimbawa, sa halagang $341,000, ang lunsod ng St. Louis ay nakakolekta ng 8,500 baril. Isang nakakatulad na programa sa New York City ang nakatipon ng mahigit na isang libong sandata.
Ano ang naging epekto ng lahat ng ito sa krimen? Nakalulungkot, napakaliit lamang. Ang mga pagpatay sa pamamagitan ng baril ay umabot sa pinakamataas na bilang kailanman sa St. Louis nang sumunod na taon. Sa New York City, mayroon pa ring tinatayang dalawang milyong baril sa mga lansangan. Sa Estados Unidos, may humigit-kumulang na 200 milyong baril na nasa mga pribadong kamay, halos isa sa bawat lalaki, babae, at bata. Sa ibang lupain, ang karahasan na ginagamitan ng baril ay lumalago sa isang nakababahalang antas. Sa Britanya “sa pagitan ng 1983 at 1993, naging doble ang bilang ng mga paglabag na iniulat ng pulisya na doo’y sangkot ang mga baril, anupat umabot sa 14,000,” sabi ng The Economist. Bagaman ang bilang ng pamamaslang ay medyo mababa, may mga isang milyong ilegal na armas sa bansang iyan.
Tiyak, anumang pagbabawas sa nakatatakot na bilang na iyon ay isang hakbang pasulong. Gayunman, ang mga pamamaraan gaya ng inilarawan sa pasimula ay talagang hindi lumulutas sa mga sanhi ng karahasan. Ano ang mga sanhing iyon? Maraming salik ang binanggit, ngunit iilan lamang sa mga ito ang pangunahin. Ang kawalang-katatagan ng pamilya at kawalan ng pagtuturo sa kalinisang asal ang nagtaboy sa maraming kabataan na sumali sa mga gang para makadama sila na sila’y kailangan. Ang pang-akit ng malalaking tubò ang gumanyak sa marami na bumaling sa karahasan. Ang kawalang-katarungan naman ang nagtutulak sa iba na lunasan ang mga suliranin sa pamamagitan ng mararahas na paraan. Ang pagmamalaki sa bansa, lahi, o katayuan ng isa sa buhay ang sanhi ng pagwawalang-bahala ng mga tao sa pagdurusa ng iba. Ito ay malalalim ang pagkakaugat na salik na doo’y walang madaling solusyon.
Ano Kaya ang Magagawa?
Mas marami pang pulis, mas mahihigpit na pagkabilanggo, kontrol sa pagbili ng baril, ang parusang kamatayan—ang lahat ng ito ay iminungkahi at sinubukan upang pigilin ang krimen at karahasan. Ang mga ito ay nagbunga ng iba’t ibang antas ng tagumpay, pero ang nakalulungkot na katotohanan ay ang bagay na bahagi pa rin ng ating buhay ang karahasan. Bakit? Dahil sa ang mga hakbang na ito ay gamot lamang sa mga sintomas.
Sa kabilang banda, nadarama ng maraming eksperto na ang susi sa pagsugpo sa karahasan ay ang edukasyon. Bagaman mabuti ang ideang ito, kailangan nating pansinin na ang karahasan ay hindi limitado sa mga bansa na doo’y kakaunti ang pagkakataong makapag-aral. Ang totoo, waring ang pinakamararahas na bansa ay yaon ding may pinakamatataas na pamantayan sa edukasyon. Hindi mahirap maunawaan na ang kailangan ay hindi lamang basta edukasyon kundi ang tamang uri ng edukasyon. Anong uri kaya iyon? Mayroon kayang sinuman na makapagtuturo sa mga tao na maging maibigin sa kapayapaan at maging matuwid na mga indibiduwal?
“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan mo, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos! Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon ng dagat.” (Isaias 48:17, 18) Papaano tinuturuan ni Jehova ang mga tao na maging maibigin sa kapayapaan at matuwid? Pangunahin nang sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya.
Ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos
Ang Bibliya ay tunay na hindi isang koleksiyon lamang ng mga lumang alamat at mga kasabihang wala-na-sa-panahon at walang kabuluhan. Naglalaman ito ng mga simulain at mga idea buhat sa Maylalang ng sangkatauhan, na, buhat sa kaniyang nakahihigit-sa-lahat na punto de vista, ay nakaaalam ng kayarian ng tao kaysa kaninuman. “Kung paanong ang mga langit ay mas mataas sa lupa, gayon ang aking mga daan ay mas matataas kaysa sa inyong mga daan, at ang aking kaisipan kaysa sa inyong kaisipan,” sabi ng Diyos na Jehova.—Isaias 55:9.
Sa dahilang ito kung kaya nagpatotoo si apostol Pablo na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak at tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Oo, ang salita ng Diyos ay may kapangyarihan na abutin at antigin ang puso ng isang tao at baguhin ang kaniyang kaisipan at asal. Hindi ba ito ang kailangan upang baguhin ang mararahas na paraan ng mga tao sa ngayon?
Ang mga Saksi ni Jehova, na ngayo’y umaabot na sa mga limang milyon sa mahigit na 230 lupain, ay mga buháy na patotoo na ang Salita ng Diyos ay talagang may kapangyarihang bumago ng mga buhay tungo sa ikabubuti. Kabilang sa kanila ang mga tao mula sa bawat bansa, wika, at lahi. Sila ay nanggaling din buhat sa lahat ng antas ng pamumuhay at katayuan sa lipunan. Ang ilan sa kanila ay dating may marahas at maligalig na pamumuhay. Ngunit sa halip na hayaang ang gayong mga bagay ay pumukaw ng alitan, pagpapaligsahan, pagtatangi, at pagkakapootan sa gitna nila, natutuhan nilang daigin ang mga hadlang na ito at maging maibigin sa kapayapaan at nagkakaisang bayan sa buong daigdig. Ano ang nagpangyari nito?
Isang Kampanya na Pumapawi ng Karahasan
Nakatalaga ang mga Saksi ni Jehova sa pagtulong sa iba na matamo ang tumpak na kaalaman hinggil sa layunin ng Diyos gaya ng isiniwalat sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa bawat sulok ng lupa, hinahanap nila yaong nagnanais matuto ng mga daan ni Jehova at maging mga naturuan niya. Nagbubunga ang kanilang pagsisikap. Isang kahanga-hangang hula ang natutupad bilang resulta ng kampanyang ito sa edukasyon.
Mga 2,700 taon na ang nakalipas, kinasihan si propeta Isaias na sumulat: “Mangyayari na sa huling bahagi ng mga araw na . . . maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at kaniyang tuturuan tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ ”—Isaias 2:2, 3.
Ang pagiging naturuan ni Jehova at paglakad sa kaniyang mga landas ay makapagdudulot ng kamangha-manghang mga pagbabago sa buhay ng mga tao. Ang isa sa mga pagbabago ay patiunang sinabi sa hula ring iyon: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Maraming tao ang nakabasa na ng kasulatang ito. Sa katunayan, ang tekstong ito ay nakaukit sa isang pader sa United Nations Plaza sa New York City. Iyon ay isang paalaala sa minimithi ng United Nations subalit nabigong maisakatuparan. Ang pag-aalis na ito ng digmaan at karahasan ay hindi magagawa ng anumang gawang-taong pulitikal na organisasyon. Iyon ay isang bagay na ang Diyos na Jehova lamang ang makagagawa. Papaano niya gagawin iyon?
Maliwanag na hindi lahat ay tutugon sa paanyaya na “umahon sa bundok ni Jehova” at ‘maturuan tungkol sa kaniyang mga daan’ at ‘lumakad sa kaniyang mga landas’; ni ang lahat man ay handang ‘pandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit.’ Ano ang gagawin ni Jehova sa gayong mga tao? Hindi sa habang panahon ay iiwan niyang nakabukas ang pinto ng pagkakataon o hihintayin silang magbago. Upang wakasan ang karahasan, wawakasan din ni Jehova yaong nagpupumilit sa kanilang mararahas na daan.
Isang Mahalagang Aral
Ang ginawa ng Diyos noong kaarawan ni Noe ay naglalaan ng babalang aral para sa atin ngayon. Ipinakikita ng ulat sa Bibliya kung anong uri ng sanlibutan ang umiral noon: “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos at ang lupa ay napunô ng karahasan.” Dahil dito, ipinabatid ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay sumapit sa harap ko, sapagkat ang lupa ay napunô ng karahasan bunga ng mga ito; at narito ako na nagdadala sa kanila sa pagkasira kasama ng lupa.”—Genesis 6:11, 13.
Kailangang tandaan natin ang isang mahalagang punto. Nang pasapitin ang Delubyo sa lahing iyon, iniligtas ng Diyos si Noe at ang kaniyang pamilya. Bakit? Sumasagot ang Bibliya: “Si Noe ay isang taong matuwid. Pinatunayan niya ang kaniyang sarili na walang-kapintasan sa kaniyang mga kapanahon. Si Noe ay lumakad kasama ng tunay na Diyos.” (Genesis 6:9; 7:1) Samantalang hindi naman lahat ng nabubuhay noong panahong iyon ay pawang mararahas na tao, tanging si Noe lamang at ang kaniyang pamilya ang “lumakad kasama ng tunay na Diyos.” Dahil doon ay nakaligtas sila nang wakasan ang marahas na sanlibutang iyon.
Habang nakikita nating ang lupa ay muli na namang ‘napupunô ng karahasan,’ makatitiyak tayo na ito ay hindi nakalalampas sa paningin ng Diyos. Gaya ng ginawa niya noong kaarawan ni Noe, di-magtatagal at kikilos din siya at wawakasan ang karahasan—nang lubusan. Subalit maglalaan din siya ng daan patungo sa kaligtasan para sa mga natututo ngayon na ‘lumakad kasama ng tunay na Diyos,’ yaong tumutugon sa kaniyang dakilang programa ng pagtuturo para sa kapayapaan.
Sa pamamagitan ng salmista, ibinibigay ni Jehova ang ganitong katiyakan: “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at tiyak na bibigyang-pansin mo ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo mismo ay magmamay-ari ng lupa, at sila’y tiyak na makasusumpong ng matinding kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na makipag-aral ng Bibliya sa inyo upang kayo ay makasama niyaong mga nagsasabi: “Umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at kaniyang tuturuan tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.” (Isaias 2:3) Sa paggawa nito, makakabilang kayo sa makakakita ng katapusan ng lahat ng kabalakyutan at karahasan. Makasusumpong kayo ng “matinding kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Reuters/Bettmann