Nagkakaisa sa Paglilingkod sa Diyos sa Kaayaaya at Di-kaayaayang Panahon
Ayon sa Pagkalahad Nina Michel at Babette Muller
“MAY masamang balita ako sa inyo,” ang sabi ng doktor. “Kalimutan na ninyo ang tungkol sa inyong buhay-misyonero sa Aprika.” Tumingin siya sa aking asawa, si Babette, saka sinabi niya, “Mayroon kang kanser sa suso.”
Hindi mailarawan ang aming pagkagitla. Maraming bagay ang sumagi sa aming isip. Inakala namin na ang pagdalaw na ito sa doktor ay isa lamang huling pagpapatingin. Nabili na namin ang aming mga tiket pabalik sa Benin, Kanlurang Aprika. Umaasa kaming makababalik doon sa linggong iyon. Sa loob ng 23 taon ng aming pagsasama, dumanas kami ng kaayaaya at di-kaayaayang panahon. Bagaman litó at nangangamba, inihanda namin ang aming sarili sa pakikipagbaka laban sa kanser.
Umpisahan natin sa simula. Si Michel ay isinilang noong Setyembre 1947, si Babette naman ay noong Agosto 1945. Lumaki kami sa Pransiya at nagpakasal noong 1967. Nanirahan kami sa Paris. Isang umaga noong bago kalagitnaan ng 1968, nahulí sa trabaho si Babette. Isang babae ang lumapit sa pinto at nag-alok sa kaniya ng isang brosyur tungkol sa relihiyon; tinanggap niya iyon. Pagkatapos ay sinabi ng babae: “Puwede ba akong bumalik kasama ang aking asawa upang makipag-usap sa iyo at sa iyong asawa?”
Nasa isip ni Babette ang kaniyang trabaho. Nais niyang umalis ang babae, kaya sinabi niya, “O sige, sige.”
Ganito ang salaysay ni Michel: “Wala akong interes sa relihiyon, ngunit naakit ng brosyur ang aking pansin, at binasa ko iyon. Pagkaraan ng ilang araw, ang babae, si Joceline Lemoine, ay nagbalik kasama ang kaniyang asawa, si Claude. Mahusay si Claude sa paggamit ng Bibliya. May sagot siya sa lahat ng aking tanong. Ako’y humanga.
“Taimtim na Katoliko si Babette subalit wala siyang Bibliya, na siya namang pangkaraniwan sa mga Katoliko. Sabik na sabik siyang makita at mabasa ang Salita ng Diyos. Natutuhan namin buhat sa aming pag-aaral na marami sa relihiyosong idea na itinuro sa amin ay huwad. Nagsimula kaming makipag-usap sa aming mga kamag-anak at mga kaibigan tungkol sa mga bagay na aming natututuhan. Kami ay naging bautisadong mga Saksi ni Jehova noong Enero 1969. Siyam sa aming mga kamag-anak at mga kaibigan ang nabautismuhan di-nagtagal pagkatapos noon.”
Paglilingkod Kung Saan Kailangan ang mga Mángangarál
Di-nagluwat pagkaraan ng aming bautismo, naisip namin: ‘Wala kaming anak. Bakit hindi kami pumasok sa pambuong-panahong ministeryo?’ Kaya iniwan namin ang aming trabaho noong 1970, nagpatala kami bilang mga regular pioneer, at lumipat sa maliit na bayan ng Magny-Lormes, malapit sa Nevers, sa gitna ng Pransiya.
Iyon ay isang mahirap na atas. Hindi madaling masumpungan ang mga taong nais mag-aral ng Bibliya. Hindi kami makahanap ng sekular na trabaho, kaya kaunti ang pera namin. Kung minsan ay patatas lamang ang aming pagkain. Sa panahon ng taglamig ay lubhang bumababa ang temperatura tungo sa ibaba ng sero Sentigrado. Tinawag namin ang panahon na aming ginugol doon bilang ang panahon ng pitong payat na baka.—Genesis 41:3.
Subalit inalalayan kami ni Jehova. Isang araw nang halos wala na kaming pagkain, ang kartero ay naghatid ng isang malaking kahon ng keso buhat sa kapatid na babae ni Babette. Sa isa pang araw ay umuwi kami pagkatapos mangaral at nadatnan namin ang ilang kaibigan na nagbiyahe ng 500 kilometro upang makita kami. Palibhasa’y nabalitaan kung gaano kahirap ang mga bagay-bagay, ang dalawang kotse ng mga kapatid na ito ay pinunô ng pagkain para sa amin.
Pagkaraan ng isang taon at kalahati, kami ay hinirang ng Samahan bilang mga special pioneer. Sa sumunod na apat na taon, naglingkod kami sa Nevers, pagkatapos ay sa Troyes, at nang bandang huli ay sa Montigny-lès-Metz. Noong 1976, si Michel ay hinirang upang maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa timog-kanluran ng Pransiya.
Pagkaraan ng dalawang taon, sa panahon ng pag-aaral ng mga tagapangasiwa ng sirkito, nakatanggap kami ng isang liham buhat sa Samahang Watch Tower na nag-aanyaya sa amin na pumunta sa ibang bansa bilang mga misyonero; isinasaad ng sulat na maaari kaming pumili alinman sa Chad at Burkina Faso (noo’y Upper Volta). Pinili namin ang Chad. Di-nagtagal at nakatanggap kami ng isa pang liham, na nag-aatas sa amin na gumawa sa ilalim ng sangay sa Tahiti. Ipinakiusap namin ang Aprika, isang malaking kontinente, subalit nang maglaon ay natagpuan namin ang aming sarili sa isang maliit na isla!
Paglilingkod sa Timog Pasipiko
Ang Tahiti ay isang magandang tropikal na isla sa Timog Pasipiko. Nang dumating kami, mga sandaang kapatid ang naroroon sa paliparan upang sumalubong sa amin. Kami’y malugod na tinanggap at sinabitan ng kuwintas na bulaklak, at bagama’t kami’y pagod pagkatapos ng mahabang paglalakbay buhat sa Pransiya, kami ay maligayang-maligaya.
Apat na buwan matapos kaming dumating sa Tahiti, lumulan kami sa isang maliit na batel na may layag na punô ng kargada ng mga pinatuyong niyog. Pagkaraan ng limang araw ay nakarating kami sa aming bagong atas—ang isla ng Nuku Hiva sa Marquesas Islands. Humigit-kumulang 1,500 katao ang naninirahan sa isla, ngunit walang mga kapatid. Kami lamang.
Ang mga kalagayan ay sinauna noong panahong iyon. Naninirahan kami sa isang maliit na bahay na gawa sa semento at kawayan. Walang elektrisidad. May gripo kami na gumagana kung minsan, subalit ang tubig ay maputik. Kadalasan, ginagamit namin ang tubig-ulan na naiipon sa isang lalagyan. Walang sementadong daan, pawang lupa lamang.
Upang marating ang malalayong bahagi ng isla, kailangang umupa kami ng mga kabayo. Ang mga síya ay gawa sa kahoy—talagang hindi komportable, lalo na para kay Babette, na hindi pa nakasakay ng kabayo. Nagdala kami ng itak na pamputol sa mga kawayan na nakahambalang sa daan. Iyon ay isang malaking pagbabago sa aming buhay sa Pransiya.
Nagdaraos kami ng mga pulong tuwing Linggo, bagaman kaming dalawa lamang ang dumadalo. Sa simula ay hindi namin idinaraos ang ibang pulong yamang dalawa lamang kami. Sa halip ay magkasama naming binabasa ang mga materyal sa pulong.
Pagkaraan ng ilang buwan, ipinasiya namin na hindi mabuting magpatuloy nang gayon. Ganito ang salaysay ni Michel: “Sinabi ko kay Babette, ‘Kailangang magbihis tayo nang maayos. Umupo ka roon, at uupo ako rito. Magsisimula ako sa panalangin, at pagkatapos ay idaraos natin ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at ang Pulong Ukol sa Paglilingkod. Ako ang magtatanong, at ikaw ang sasagot, kahit na ikaw lamang ang tanging ibang tao sa silid.’ Mabuti at ginawa namin ang gayon dahil madaling maging kampante sa espirituwal kapag walang kongregasyon.”
Matagal bago makapagpadalo ng mga tao sa ating mga pulong Kristiyano. Kaming dalawa lamang sa loob ng unang walong buwan. Di-nagtagal, sinamahan kami ng isa, dalawa, o kung minsan ay kasama ng tatlo pa. Isang taon, pinasimulan namin ang taunang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon nang kaming dalawa lamang. Pagkaraan ng sampung minuto, dumating ang ilang tao, kaya huminto ako at sinimulang muli ang pahayag.
Ngayon, may 42 mamamahayag at 3 kongregasyon sa Marquesas Islands. Bagaman ang pinakamalaking bahagi ng gawain ay ginawa ng aming mga kahalili, ang ilang tao na aming nakausap noon ay mga bautisado na ngayon.
Mahalaga ang Ating mga Kapatid
Natuto kami ng pagtitiis sa Nuku Hiva. Kailangan naming hintayin ang lahat liban pa sa pinakapangunahing pangangailangan. Halimbawa, kung gusto mo ng aklat, kailangan mong lumiham para rito, pagkatapos ay maghintay ka ng dalawa o tatlong buwan bago ito dumating.
Isa pang aral na natutuhan namin ay na mahalaga ang ating mga kapatid. Nang dumalaw kami sa Tahiti at dumalo sa isang pulong at narinig ang pag-awit ng mga kapatid, napaluha kami. Totoo marahil na ang ilang kapatid ay mahirap pakitunguhan, subalit kapag ikaw ay nag-iisa, natatanto mo kung gaano kabuti ang makasama ang mga kapatid. Noong 1980 ay ipinasiya ng Samahan na kami’y bumalik sa Tahiti at maglingkod sa gawaing pansirkito. Doon ay talagang napatibay-loob kami sa mainit na pagpapatulóy ng mga kapatid at sa kanilang pag-ibig sa gawaing pangangaral. Gumugol kami ng tatlong taon sa pansirkitong gawain sa Tahiti.
Mula sa Isang Isla Tungo sa Isang Isla
Sumunod ay iniatas kami sa isang bahay-misyonero sa Raïatéa, isa pang isla sa Pasipiko, at nanatili kami roon nang mga dalawang taon. Pagkatapos ng Raïatéa, kami’y naatasan sa gawaing pansirkito sa grupo ng mga isla ng Tuamotu. Dinalaw namin ang 25 sa 80 isla sa pamamagitan ng batel. Ito ay mahirap para kay Babette. Tuwing magbibiyahe siya sakay ng batel, siya ay nagkakasakit.
Sinabi ni Babette: “Talagang terible! Lagi akong nagkakasakit tuwing sumasakay kami ng batel. Kung limang araw kami sa dagat, limang araw din akong maysakit. Walang gamot na umubra sa akin. Gayunman, sa kabila ng aking sakit, nagandahan ako sa karagatan. Ito ay isang kahanga-hangang tanawin. Nakikipaghabulan sa batel ang mga lumbalumba. Ang mga ito ay madalas tumalon paitaas mula sa tubig kung papalakpak ka!”
Pagkatapos ng limang taon sa gawaing pansirkito, kami ay muling inatasan nang dalawang taon sa Tahiti at muli na namang nasiyahan sa gawaing pangangaral. Dumoble ang mamamahayag ng aming kongregasyon mula sa 35 tungo sa 70 sa loob lamang ng isa at kalahating taon. Labindalawa sa mga inaralan namin sa Bibliya ang nabautismuhan bago lamang kami umalis. Ang ilan sa kanila ay matatanda ngayon sa kongregasyon.
Lahat-lahat ay nakagugol kami ng 12 taon sa Timog Pasipiko. Pagkatapos ay nakatanggap kami ng liham buhat sa Samahan na nagsasabing hindi na nila kailangan ang mga misyonero sa mga isla yamang matatag na ngayon ang mga kongregasyon. Humigit-kumulang ay may 450 mamamahayag sa Tahiti nang dumating kami at mahigit sa 1,000 nang kami ay umalis.
Sa Wakas ang Aprika!
Nagbalik kami sa Pransiya, at pagkalipas ng isang buwan at kalahati, ang Samahan ay nagbigay sa amin ng bagong atas—Benin, Kanlurang Aprika. Ninasa na naming tumungo sa Aprika noon pa mang nakalipas na 13 taon, kaya maligayang-maligaya kami.
Dumating kami sa Benin noong Nobyembre 3, 1990, at nakabilang sa mga unang misyonero na dumating pagkatapos na alisin ang 14 na taóng pagbabawal sa pangangaral ng Kaharian. Iyon ay talagang kapana-panabik. Hindi kami nagkasuliranin sa pamamalagi roon dahil ang pamumuhay ay kahawig niyaong sa mga isla sa Pasipiko. Totoong palakaibigan at mapagpatuloy ang mga tao roon. Maaari kang huminto at makipag-usap sa kaninuman sa lansangan.
Ilang linggo lamang ang nakalipas pagdating namin sa Benin, napansin ni Babette ang isang bukol sa kaniyang suso. Kaya naparoon kami sa isang maliit na klinika malapit sa katatatag lamang na tanggapang pansangay. Sinuri siya ng doktor at sinabi na kailangan siyang operahan kaagad. Kinabukasan ay naparoon kami sa isa pang klinika kung saan nakilala namin ang isang Europeong doktor, isang gynecologist buhat sa Pransiya. Sinabi rin niya na kailangang umuwi kami kaagad sa Pransiya upang maoperahan si Babette. Pagkalipas ng dalawang araw ay nasa eroplano na kami patungong Pransiya.
Malungkot para sa amin na umalis sa Benin. Dahil sa pinag-ibayong kalayaan sa relihiyon sa bansa, ang mga kapatid ay sabik na magkaroon ng bagong mga misyonero, at kami’y nalulugod na mamamalagi roon. Kaya nalungkot kami na kinailangan naming umalis pagkatapos na kami’y mamalagi sa bansa nang ilang linggo lamang.
Nang dumating kami sa Pransiya, sinuri ng siruhano si Babette at tiniyak na kailangan siyang operahan. Kumilos agad ang mga doktor, isinagawa ang maliit na operasyon, at pinalabas si Babette buhat sa ospital nang sumunod na araw. Akala namin ay tapos na ang lahat.
Pagkaraan ng walong araw, nakipagkita kami sa siruhano. Noon niya sinabi na si Babette ay may kanser sa suso.
Sa paggunita sa kaniyang nadama noong panahong iyon, sinabi ni Babette: “Sa simula, mas panatag ako kaysa kay Michel. Subalit kinabukasan pagkatapos ng masamang balitang iyon, parang manhid na ako. Hindi ako makaiyak. Hindi ako makangiti. Akala ko’y mamamatay na ako. Para sa akin, ang kanser ay katumbas na ng kamatayan. Ang saloobin ko ay, Kailangang gawin namin ang dapat naming gawin.”
Ang Pakikipaglaban sa Kanser
Nalaman namin ang masamang balita noong Biyernes, at nakaiskedyul si Babette para operahan sa ikalawang pagkakataon sa Martes. Nakikipanuluyan kami sa kapatid na babae ni Babette, subalit maysakit din siya, kaya hindi kami maaaring patuloy na makipanuluyan sa kaniyang maliit na apartment.
Nag-isip kami kung saan kami pupunta. Pagkatapos ay naalaala namin si Yves at si Brigitte Merda, isang mag-asawa na tinuluyan namin noon. Ang mag-asawang ito ay totoong naging mapagpatuloy sa amin. Kaya tinawagan namin si Yves sa telepono at sinabi sa kaniya na kailangang maoperahan si Babette at na hindi namin alam kung saan titira. Sinabi rin namin na nangangailangan si Michel ng trabaho.
Binigyan ni Yves ng trabaho si Michel sa kaniyang bahay. Inalalayan at pinatibay-loob kami ng mga kapatid taglay ang maraming gawang kabaitan. Tinulungan din nila kami sa pananalapi. Ang Samahan ang nagbayad sa gastos ni Babette sa pagpapagamot.
Ang operasyon ay maselan. Kailangang alisin ng mga doktor ang mga lymph node at ang suso. Sinimulan nila kaagad ang chemotherapy. Pagkalipas ng isang linggo, maaari nang lumabas ng ospital si Babette, subalit kailangang bumalik siya tuwing ikatlong linggo para sa patuloy na therapy.
Sa panahong nagpapagamot si Babette, ang mga kapatid sa kongregasyon ay napakamatulungin. Isang malaking pampatibay-loob ang isang kapatid na babae na nagkaroon na ng kanser sa suso. Sinabi niya kay Babette kung ano ang mangyayari at dinulutan siya ng malaking kaaliwan.
Gayunpaman, nababahala kami sa aming kinabukasan. Palibhasa’y napansin ito, isinama kami sa labas nina Michel at Jeanette Cellerier upang kumain sa restawran.
Sinabi namin sa kanila na kailangan naming huminto sa paglilingkod bilang misyonero at na hindi na kami makababalik sa Aprika. Gayunpaman, sinabi ni Brother Cellerier: “Ano? Sino ang nagsasabi na kailangang huminto kayo? Ang Lupong Tagapamahala ba? Ang mga kapatid ba sa Pransiya? Sinong nagsabi niyan?”
“Walang nagsabi nito,” ang sagot ko, “nasasabi ko lang.”
“Hindi, hindi!” ang sabi ni Brother Cellerier. “Babalik kayo!”
Ang chemotherapy ay sinundan ng radiation, na nagwakas noong katapusan ng Agosto 1991. Sinabi ng mga doktor na wala silang nakikitang suliranin sa aming pagbabalik sa Aprika, basta uuwi lamang sa Pransiya si Babette para sa regular na pagpapasuri.
Ang Pagbabalik sa Benin
Kaya sumulat kami sa punong-tanggapan sa Brooklyn, anupat humingi ng pahintulot na makabalik sa paglilingkod bilang misyonero. Sabik na kaming malaman ang kanilang sagot. Waring mabagal ang paglipas ng araw. Sa wakas, hindi na nakatiis si Michel, kaya tumelepono siya sa Brooklyn at nagtanong kung natanggap nila ang aming liham. Sinabi nila na naisaalang-alang na nila ito—makababalik na kami sa Benin! Kay laking pasalamat namin kay Jehova!
Nagsaayos ng malaking salu-salo ang pamilyang Merda upang ipagdiwang ang balita. Noong Nobyembre 1991, nagbalik kami sa Benin, at sinalubong kami ng mga kapatid na nagsaayos ng isang bangkete!
Magaling-galing na si Babette ngayon. Sa pana-panahon ay bumabalik kami sa Pransiya para sa kumpletong pagsusuring medikal, at ang mga doktor ay walang masumpungang palatandaan ng kanser. Kami’y natutuwa na makabalik sa pinag-atasan sa amin bilang misyonero. Nadarama naming kailangan kami sa Benin, at pinagpala ni Jehova ang aming gawain. Sapol nang magbalik kami ay 14 katao na ang natulungan naming magpabautismo. Lima sa kanila ay mga regular pioneer ngayon, at ang isa ay nahirang bilang ministeryal na lingkod. Nasaksihan din naming lumago ang aming maliit na kongregasyon at pagkatapos ay nahati tungo sa dalawang kongregasyon.
Sa nagdaang mga taon, pinaglingkuran naming mag-asawa si Jehova at tinamasa ang maraming pagpapala at nakilala ang maraming kamangha-manghang mga tao. Subalit sinanay din kami at pinalakas ni Jehova upang matagumpay na mabatá ang mga kahirapan. Gaya ni Job, hindi namin laging naiintindihan kung bakit nangyayari ang gayong mga bagay, subalit alam namin na laging naroon si Jehova upang tulungan kami. Ito ay gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Narito! Ang kamay ni Jehova ay hindi naging maiksi anupat hindi makapagligtas, ni ang kaniya mang tainga ay naging totoong mabigat anupat hindi makarinig.”—Isaias 59:1.
[Larawan sa pahina 23]
Sina Michel at Babette Muller na nakasuot ng tradisyunal na damit sa Benin
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang gawaing misyonero kasama ng mga taga-Polynesia sa tropikal na Tahiti